Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Mahal Kita, Kahit Na. . .


Araw ng mga puso nang tayo'y magkakilala.

Sa isang kainan, inagawan mo 'ko sa pila.

Muntik na kitang talakan, kahit makita pa ang aking ngala-ngala,

Kaya lang napansin ko, cute ka pala.


Akala ko talaga likas kang antipatiko.

Pero nagbago ang lahat nang bayaran mo ang bill ko.

Lalo na nang sinabi mong, "Sorry nagmamadali kasi ako,

Tatlumpong minuto nalang matatapos na ang break ko."


Naintindihan ko naman, 'di na 'ko nag-inarte pa.

Syempre libre na ang lunch tapos cute ka pa.

Kaya nang ayain mo akong samahan ka sa mesa,

Agad akong um-oo, 'di na ko nagpatumpik-tumpik pa.


Mula noon tuwing tanghalian, nagkikita na tayo.

Doon ko nalaman na sa iisang building lang tayo nagtatrabaho.

Ilang araw pa, pati sa uwian sabay na rin tayo.

Kahit pa, sa bus pauwi, isang oras kang nakatayo.


Kaya naman hindi na ako nagtaka,

Matapos ang ilang linggo, sinabi mong manliligaw ka.

'Di naman kita masisi, talagang maganda ako at 'di 'yan haka-haka,

Kaya um-oo na ako agad at sinabi ring ang aking puso'y mahal ka.


Masaya naman tayo sa relasyon natin.

Relationship goals anang mga maiinggitin.

Kaso lang sa iyo ako'y may napapansin,

Bakit kapag pogi ang ating nakakasalubong, nililingon mo rin?


'Di nagtagal, tumindi ang aking hinala.

Lalo pa nang may nag-text at ang tawag sa iyo'y 'Mama'.

Natawag ko na ang Diyos pati na lahat ng mga santo't santa,

Lalo nang iyong aminin na ang type mo talaga noo'y mga Fafa.


Nasaktan ako sa naging pag-amin mo.

Binalak ko na nga ring magmukmok sa ilalim ng aming lababo.

Ang kaso sinuyo mo ako, kasabay ng iyong pangako,

"Mahal kita. At para patunayan sa iyo, ako'y pakasalan mo."


Araw din ng mga puso nang tayo'y ikasal.

At tatlong taon mo nang pinatutunayang ako lang ang iyong mahal.

Sa katunayan, kahit pa para kang nasasakal,

'Di mo na nililingon ang mga pogi tuwing tayo'y namamasyal.


Tanggap kita kahit ano pa ang sabihin nila.

Asahan mong 'di ako magbabago aking sinta.

At kahit na matanda na tayo't maging hukluban na,

Araw-araw ko pa ring sasambitin ang 'Mahal Kita'.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro