Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kaya Ka Umalis


Naalala kita ngayon.

Sa mga ganitong pagkakataon, gusto kong magpigil, kaso makulit ang mga alaala mo. Mga alaala na akala ko limot ko na, ngunit tuwing dinadalaw ako, napagtatanto ko na hindi pa pala at siguro, 'di ko na malilimutan pa.

Naalala ko no'ng binigyan mo 'ko ng malaking teddy bear. Sabi mo yakapin ko tuwing nami-miss kita. Ilang beses ko rin kaya 'yong ginawa, ang yakapin ang teddy bear kapag naaalala kita. Minsan pa nga kapag malungkot na malungkot ako, kinakausap ko rin 'yong teddy bear at nagsusumbong ako sa kanya na parang ikaw ang kausap ko. Sa ngayon, tuwing dumadaan ang mga eksenang 'yon sa isip ko, natatawa ako. Dahil tama nga ang sabi ng mga ka-dorm mate ko noon, para akong tanga.

Ang hirap kasi ng sitwasyon natin noon. Magkalayo na nga tayo, pakiramdam pa natin hadlang sa atin ang buong mundo. Pa'no naman kasi mayaman ka, habang ako, ulila na nga at wala pang maipagmalaking yaman sa bulsa.

Oo nga pala, 'yong Parker Ballpen na regalo mo no'ng graduation ko, nasa box pa rin. Naghinayang akong gamitin. Pilot lang kasi sana, ayos na sa akin. Pero naintidihan kita. Iba ang mundo mo sa mundo ko. Iba ang pangarap mo sa mga pangarap ko. Ang meron lang tayo, pagmamahal sa isa't-isa na hindi natin maihayag sa mundo.

Noon nga palang na-late ako sa fountain side ng university kung saan tayo magkikita, nalaglag ko 'yong wallet ko no'n sa jeep. Kaya naglakad ako para lang makita kita. Ilang kilometro rin 'yon. Namaltos nga ang mga paa ko, eh. Pero tiniis ko, kasi gustong-gusto kitang makita.

Labinlimang-minuto, ganyan lang tayo katagal na nagkausap. Pagkatapos no'n niyakap mo 'ko nang sobrang higpit bago ka umalis. At ni hindi sumagi sa isip ko, na hindi lang pala wallet ang mawawala sa akin no'ng araw na 'yon, pati rin pala ikaw.

Dahil mula noon, lahat ng texts at tawag ko sa 'yo, wala nang sagot. At kahit na gusto ko nang magtampo at magalit sa 'yo nang halos dalawang linggo na akong walang balita sa 'yo, hindi ko magawa, kasi mahal kita at kaparte ng pagmamahal ang pag-unawa at pagtitiwala. Hanggang samakarating sa akin ang balita. Pinakalasan mo na pala siya, ang babaeng gusto ng mga magulang mo para sa 'yo. Sa totoo lang, hindi lang puso ko ang nadurog no'n, kundi ang buo kong pagkatao. Alam ko naman kasi na ang estado ko sa buhay ang ayaw ng mga magulang mo.

Iniyakan kita. Ilang buwan din 'yon. Napakaraming mga araw kong kwinestyon kung bakit ka umalis at kung bakit pinagtagpo pa tayo ng tadhana kung hindi rin naman pala tayo ang para sa isa't-isa.

Akala ko nga hindi na huhupa ang sakit, kaso. . . dumating siya.

Siya na hindi ko inakalang darating pa. Siya na dumating noong mga panahong sobra pa akong nasasaktan dahil sa 'yo. At hindi siya umalis kahit sinabi 'kong ayoko munang magmahal. Bagkus, naghintay siya. Hinintay niya akong maging handa para sa pagmamahal niya.

Hindi tulad mo, hindi niya nagawang ipangako sa akin ang mundo. Bagkus, ako ang itinuring niyang mundo. Minahal niya ako ng buong-buo, higit pa sa inaasahan ko. At ngayon nga, masaya na 'ko.

Ngayon alam ko na kung bakit ka umalis sa buhay ko. Hindi para saktan lang o linlangin ako. At gusto kitang pasalamatan dahil umalis ka.

Ikaw ang nag-iisang muntikan ko, na lagi kong maalala at maiisip. Dahil nang umalis ka, dumating siya, ang magandang katapusan at pag-ibig na sadyang nakatadhana para sa akin.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro