Invisible Ako
Tahimik lang kitang pinagmamasdan habang nagpapakalunod ka sa alak. Gusto man kitang kutusan o hampasin sa braso, nagpigil ako.
Eh kasi, moment mo 'to. Moment mong mag-emo.
Kaya kung gusto mong magwala, 'di kita pipigilan. Kung gusto mong guluhin itong set-up na ginawa ko para sa sana ay surprise engagement party ninyo ni Michelle, hindi rin ako magrereklamo. Kung gusto mong murahin ang mundo o kaya bugbogin si Kupido dahil sa ginawa niya sa 'yo, hindi ako aalis, makikinig lang ako.
Makikinig ako at mananatili sa tabi mo dahil hanggang gan'on lang talaga ako sa buhay mo. Ang kaibigan mong maaasahan sa lahat ng kailangan mo. Ang kaibigan mong hindi humihindi sa kahit na anong favors mo. Ang kaibigan na handa kang ipaglaban kahit sinukuan ka na ng mundo. At ang kaibigan na akala mo, kaibigan lang ang tingin sa 'yo.
"Ang tanga ko," sabi mo bago ka ulit tumungga sa bote ng alak na kanina ka pa gigil na gigil na ubusin. "Akala ko siya na. 'Yon pala habang binubuo ko ang pangarap namin, ibang lalaki na pala ang pinapangarap niya! 'Langya talaga!" naghihinanakit na sabi mo, bago ka sumubsob sa mesa na katabi nang sana'y engagement cake ninyo.
Kung nagmumura ka o bumibigkas ng sumpa, hindi ko na sigurado. 'Di ko na rin kasi maintindihan ang mga sinasabi mo. Parang ang puso ko, hindi ko maintindihan kung bakit at paanong nagkasya sa 'sapat na'. Sapat na sa pagkukunwaring gusto ko na ganito lang tayo, matalik na magkaibigan. Kahit pa ang gusto ko, mahalin mo rin ako gaya ng pagmamahal mo sa mga naging girlfriends mo.
Nang sa wakas tumahimik ka, nilapitan kita. Gusto sana kitang yakapin pero nagpigil ako. Gaya rin ng maraming pagkakataong sinubukan kong pigilan ang tunay kong nararamdam para sa 'yo.
"Ken, tayo na lang kasi. Tayo na lang," naiiyak na bulong ko. Nagbabakasali ako na sumagot ka nang matino.
Natigilan ako nang unti-unti kang mag-angat ng tingin sa akin. Kuwinikwestyon ako ng mga namumungay mong mga mata. Gusto kong magsalita, bawiin ang sinabi ko kani-kanina lang, o 'di kaya, mag-imbento ng kasinungalingan, pero hindi ko nagawa. Dahil sigurado ako, narinig mo ang sinabi ko.
"Charriepot," nakangiting tawag mo sa akin sa palayaw ko. "'P-please, hatid mo na 'ko. Tamado na 'ko kung anu-ano na naririnig ko."
Pinilit kong umirap kahit nasasaktan na 'ko. Bakit ba kasi napaka-manhid mo? Gusto ko tuloy isipin na deserve na deserve mo 'tong nangyayari sa 'yo. Para matauhan ka. Para makita mo 'ko, na nandito lang ako sa harap mo, ang bestfriend mo na handa kang piliin nang paulit-ulit at mamahalin ka kahit ilang beses ka pang ayawan ng mundo. Alam ko, tunog tanga, pero wala akong magawa, kasi mahal kita. Mahal na mahal kita kahit hindi mo 'ko makita.
Pero sige, ako na lang uli ang mag-aadjust. Tuturuan ko na lang ang puso ko na makuntento sa kung anong meron tayo. Dahil kahit na anong gawin ko, pagdating sa puso mo, baka nga, invisible ako.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro