Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Huling Hapunan


Masayang kumuha ng kutsara si Lucille at tinikman ang niluluto niyang kalderetang baka. Bahagya pa siyang natigilan at nilasahan nang maigi ang sarsa ng espesyal niyang putahe ngayong araw. Nang maunot ang linamnam ng ulam sa kanyang bibig, muli siyang napangiti bago pinatay ang kalan. 

Handa na ang paboritong ulam ng kanyang asawang si Manuel. 

Mabilis niyang kinalas ang suot niyang apron at naghugas ng kamay. Malapit nang mag-alas siete ng gabi. Sigurado, ilang minuto na lang darating na ang asawa niyang si Manuel mula sa biyahe. 

Jeepney driver si Manuel habang siya naman ay nagta-trabaho sa bangko bilang teller.  Noong una, tutol ang mga magulang niya sa pakikipagrelasyon kay Manuel. Hindi kasi nakatapos ng pag-aaral si Manuel at hindi raw ito bagay sa gaya niyang edukada.  Ngunti dahil sa likas itong mabait, nakuha rin ni Manuel ang loob ng mga magulang niya. Kaya naman ngayon, magdadalawang taon na silang kasal at nagpaplano nang bumukod ng tirahan. 

Agad na naputol ang daloy ng isipan niya nang marinig niya ang pamilyar na tunog ng makina sa kanilang garahe. Nakauwi na ang asawa niya. Nariyan na si Manuel. 

Mabilis niyang tinuyo ang kanyang mga kamay at hinanda ang hapag. 

"Nay, Tay, kain na po, tayo," aya pa niya sa mga magulang niya na noon ay nanonood ng TV sa sala. Magkasabay lang siyang nilingon ng mga ito at hindi sumagot. "Halina po kayo nang sabay-sabay tayo nila Manuel," nakangiting pag-uulit niya sa pag-anyaya sa mga magulang.

 Nakita pa niya ang alanganing pagtayo ng nanay niya at ang magaang paghila nito sa braso ng tatay niya bago siya muling bumalik sa kusina upang kunin ang niluto niyang ulam. 

Pagbalik niya sa komedor, nakaupo na sa hapag si Manuel, nakangiti at magaan ang mga matang nakatitig sa kanya.  Ang tatay naman niya, paupo pa lang sa kabiseraa ng hapag, katabi nito ang nanay niya. 

Napangiti na rin siya. Masyado siyang masaya dahil magkakasama ulit silang maghahapunan na pamilya. 

Mabilis siyang umupo sa tabi ni Manuel. "Kumusta ang biyahe, mahal? Hindi ka ba napagod?" tanong niya sa asawa habang nilalagyan niya ng kanin ang plato nito.  Sunod siyang sumandok ng kalderetang baka at inilagay din iyon sa plato ng kabiyak. 

Hindi sumagot si Manuel. Tumitig lang sa kanya, nakangiti pa rin subalit malungkot ang mga mata. 

"B-bakit, mahal? Napagod ka ba sa biyahe? Gusto mo subuan kita?" alok niya. Nang hindi sumagot si Manuel, pinakialaman na niya ang plato nito. Subalit hindi pa man niya napupuno ng kanin ang kustara, malakas na pinukpok ng tatay niya ang mesa na labis niyang ikinabigla. Kasunod niyon ang paghagulgol ng nanay niya. 

Naguguluhan siyang bumaling sa kanyang mga magulang. 

Ang tatay niya ang nagsalita, nangingilid na rin ang luha. "Tama na, Lucille. Nakikiusap ako, tigilan mo na ang kahibangan mo, anak. Kalimutan mo na si Manuel. Tatlong buwan na siyang patay, anak. Palayain mo na siya at ang kanyang mga alaala."

Kusang bumigat ang kanyang dibdib sa sinabi ng tatay niya.Nilunod siya ng mga masasakit na alaalang pilit niyang ibinabaon sa limot nitong nakalipas na tatlong buwan.

Maya-maya pa, dahan-dahan niyang nilingon si Manuel sa kanyang tabi, subalit wala na ang bulto nito na kanina lang ay nakangiti sa kanya. 

"Manuel..." wala sa sarili niyang bulong nang maalala ang huling hapunan na pinagsaluhan nilang mag-asawa. ###




Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro