Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Hindi Sayang


"Nag-graduate pa ng college 'di rin naman magta-trabaho!"

"Kaya nga, 'di man lang mahiya sa mga nagpa-aral sa kanya. Aba eh, ang taas ng pangarap niyan dati, ah. Sa bahay lang pala ang bagsak!"

"Hayaan niyo siya. Kapag nag-aral na mga anak niyan, ewan ko na lang kung kaninong santo 'yan mangungutang."

Kagat-kagat ni Janna ang pang-ibabang labi habang binabagtas ang daan pauwi. Ayaw niyang sumagot o lingunin man lang ang mga kapit-bahay niyang maaga ang news gathering and information dissemination sa harapan ng tindahan ni Aling Pacing. Bumili lang siya saglit ng pandesal sa bakery para sa almusal nilang mag-anak, pero siya na pala ang inaalmusal ng mga kapit-bahay niyang chismosa. Patuloy lang siyang lumakad at nagkunwaring 'di sila naririnig.

Kunsabagay, dapat sanay na siya. Limang taon na rin mula nang mangupahan sila ng asawa niyang si Manuel sa lugar na 'yon. Mas gusto kasi ni Manuel na nakabukod sila sa mga magulang nito habang lumalaki ang mga anak nila.

Pitong taon na silang kasal ni Manuel at mula nang ipagbuntis niya ang panganay nilang si Arjay, pumirmi na lang siya sa bahay. Ibinuhos niyang lahat ng kanyang dedikasyon at oras sa pangangalaga sa tatlong anak niya at sa asawa niya. At para sa kanya, walang katumbas na kayamanan ang makitang lumalaking malusog at masaya ang mga anak niya. Ngunit, sa paningin ng mapanghusgang mundo, hindi nga naman iyon katanggap-tanggap para sa tulad niyang graduate ng kursong Computer Science. Tama rin ang sinabi ng mga tao na noon, matayog ang pangarap niya-makapagtrabaho sa isang sikat na kumpanya; makapagsuot ng magagarang damit at sapatos; malibot ang mundo; at mabili ang lahat ng gusto niya.

Ngunit. . .

"Mama, aakyat na po ako," untag sa kanya ng panganay niyang si Arjay na siyang nagpabalik sa isip niya sa kasalukuyan. Naroon sila sa malawak na hall ng university kung saan ginaganap ang college graduation ng panganay niya.

"Ramirez, Arjay M. Bachelor of Science in Civil Engineering. Cum Laude."

Nakabibinging palakpakan ang sumunod. Pinigilan niya ang maluha habang pinapanood ang anak niyang sinasabitan ng medalya. Parang kailan lang noong pinapaghele niya ito, sinasamahan sa paglalaro, inaalagaan tuwing may sakit, tunuturuan ng mga bagay na 'di nito alam, at pinakikinggan ang bawat pangarap nito.

Bumaling si Manuel sa kanya at hinawakan ang kamay niya. "Mahal, may engineer na tayo," maluha-luhang pahayag nito. Tumango lang siya at pasimpleng pinunasan ang mga luha niya.

"Ma, Pa!" maya-maya pa ay tawag sa kanila ni Arjay. Nagniningning ang mga mata ng binata niya sa tuwa habang nanlalabo naman ang mga mata dahil sa luha, luha ng kaligayahan para sa natupad na pangarap ng anak niya.

Mahigpit siyang niyakap ni Arjay nang tuluyan na itong makalapit sa kanya. Matapos niyon ay mabilis nitong isinabit sa kanya ang medalyang katatanggap pa lamang nito na labis niyang ipinagtaka.

"Para po sa mga sakripisyo ninyo na 'di nakita ng iba, Mama," anang anak niya. Bumaling siya kay Manuel na solong nagtrabaho para mairaos ang lahat ng pangangailangan nila. Ngumiti ito at inudyokan siyang tanggapin ang medalya.

Niyakap niya si Arjay at tuluyang napaluha.

Noon, malimit niyang marinig sa iba na sayang siya dahil hindi niya nagamit ang napag-aralan niya. Ngunit ngayon, patunay ang medalyang nakasabit sa kanya, walang nasayang sa lahat ng mga isinakripisyo niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro