Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Hinanakit Ng Isang Anak


Galit ako kay Mama. Galit ako sa kanya kasi mapilit siyang tao. Noong bata pa 'ko, imbes na hinahayaan niya akong makipaglaro ng patintero sa mga kaibigan ko, pinagbabawalan niya ako. At sa tuwing nasa bahay ako, pinipilit niya akong magpraktis ng ballet. 

Alam ko, palagi kong sinasabi na gusto kong maging ballerina pero nakakabagot mag-praktis. Mas gusto kong maglaro. Kaso, hindi ko 'yon magawa dahil mapilit nga si Mama. Palibhasa, nag-iisang anak lang ako at maagang binawian ng buhay si Papa, kaya sa akin nakabuhos ang lahat ng atensyon niya. At sa araw-araw na ginawa ng Diyos, tuwing natatapos ang klase ko sa school, halos dalawang oras akong nasa dance studio sa bahay na ipinasadya niya para akin. Kung hindi naman, idinidiretso niya ako sa ballet studio malapit sa eskwela. At tuwing magrereklamo ako, isa lang ang sinasabi niya, "Ang pagpapraktis dapat araw-araw. Hindi 'yong gusto mo ngayon, bukas hindi na. Lahat ng magagaling na ballerina, hanggang ngayon napa-praktis pa rin. Pangarap mo 'to 'di ba? Pwes, matuto ka muna ng disiplina."

Galit ako kay Mama dahil isinasali niya ako sa training ng isang ballet dance company tuwing summer vacation.Kaya lagi tuloy kapos ang oras ko sa pakikipaglaro. At dahil subsob kami sa pag-eensayo tuwing Summer, malimit akong magreklamo. Pero kahit gano'n, hindi siya umiimik sa mga reklamo ko. Pakiramdam ko tuloy, hindi siya nakikinig.

Galit ako kay Mama kasi sinali niya ako sa isang dance contest noong huling taon ko sa Senior High. Ayoko sana, kaso nga, wala akong panama sa pamimilit niya.

"Kaya mo 'yan. Sigurado ako, ikaw ang mananalo," sabi niya sa akin bago ang competition.

At dahil naroon na rin lang ako, pumayag na lang din ako nang matapos na pamimilit niya. At tunay nga, nanalo ako sa contest at nagkaroon ako ng scholarship mula sa isang sikat na ballet school sa Paris.

Galit ako kay Mama dahil hindi niya ako pinigilan nang sabihin ko sa kanya na kukunin ko na ang scholarship sa ballet school sa Paris. Siya pa nga ang nag-empake ng mga gamit ko. Para bang gustong-gusto niya talaga na umalis ako.

Galit ako kay Mama dahil minsanan lang siya kung tumawag sa akin sa Paris. Iyon ang unang pagkakataon na nagkalayo kami, pero bakit gano'n? Parang hindi niya ako nami-miss. At tuwing tatawag siya, nagbibilin lang siya. Ingatan ko raw ang sarili ko at pagbutihin ko ang pag-aaral. Dahil ang mga oportunidad at pagkakataon ay parang ang tubig na umaagos sa ilog. Kapag dumaan na sa mga kamay mo,  hindi mo na maaring mahawakan pa ang kaparehong tubig sa ikalawang pagkakataon. Lumipas ang halos tatlong taon na ganoon lang kami ni Mama.

Galit ako kay Mama dahil hindi siya um-attend ng graduation at debut performance ko bilang prima bellerina. Hindi raw naaprubahan ang loan niya sa bangko kaya hindi siya nakabili ng ticket. Sinabihan ko namam siya na mag-ipon pero hindi niya ginawa. Maging kahapon, pagdating ko sa NAIA, hindi rin niya ako sinundo. Noong isang buwan ko pa sinabi sa kanya ang schedule ng uwi ko, pero wala pa rin. Hindi niya ako sinalubong sa airport. Talaga sigurong hindi lang ako mahal ni Mama tulad ng inaakala ko.

Kahapon 'yon, pero ngayon...

"Nariyan na ang pari, Melissa," sabi ni Tita Meldy, ang tiyahin ko at kaisa-isang kapatid ni Mama.

Tango lang ang isinagot ko bago ako lumabas ng aking kwarto. Mabibigat ang aking hakbang patungo sa aming sala na sa  pagkakataong iyon ay pinaliligiran ng maraming ilaw at sa gitna niyon, naroon... ang mga labi ni Mama.

Habang nagmimisa ang pari para sa huling gabi ng burol ni Mama, hindi ko mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha at patuloy na magalit sa kanya.

Galit ako kay Mama dahil hindi niya sinabi na ang lahat ng mga ginawa niya- ang lahat ng pamimilit, ang noo'y akala kong sadya niyang pagtataboy sa akin at pagtitiis na h'wag akong bisitahin sa ibang bansa- ay para rin pala sa akin, para sa pangarap ko na gusto kong abutin.

Galit ako kay Mama dahil hindi niya sinabi sa akin ang totoong kalagayan niya tuwing tumatawag siya sa akin. Sa mga panahong pinupuno niya ako ng mga bilin at pangaral sa ibang bansa, ginugupo na pala ang katawan niya ng kanser. Sabi ni Tita Meldy, binalak daw talaga ni Mama na ilihim sa akin ang kalagayan niya dahil ayaw daw niyang ang sakit niya ang pumigil sa pag-abot ko sa pangarap ko. Pangarap ko na ngayon, naiintindihan ko na, unti-unti niyang binuo para sa akin.

Kaya ngayon, habang patuloy ako sa pagluha, galit pa rin ako kay Mama. Galit ako sa kanya dahil madaya siya. Hindi man lang niya hinintay na mapasalamatan ko siya sa lahat-lahat ng mga isinakripisyo niya para sa akin. Hindi man lang siya nagsabi noong huling pag-uusap namin na nahihirapan na siya sa sakit niya at kailangan na niya 'ko na anak niya. Hindi man lang ako nakapagpaalam kay Mama. At ngayon, kahit na anong hiling ko, wala na akong pagkakataon pa. Wala na akong pagkakataon na sabihin sa kanya ang, " Ma, mahal na mahal kita."

###

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro