Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Hapunan


V-vanessa?" gulat na sambit ni Raquel, ang aking madrasta. Alanganin niyang ipinagpatuloy ang paghakbang pababa sa hagdan bago niya ako nilapitan at niyakap. Gaya nang una naming pagkikita sampung taon na ang nakararaan, hindi ko maramdaman ang sinseridad sa yakap niya. Mapakla. Walang lasa.

"Ako nga po, Tita. Sorry po ngayon lang ako dumating," umpisa ko habang ibinababa ko sa mesa ang bag ko. "Mahirap po kasing kumuha ng bakasyon sa culinary school lalo pa at graduating na ako. Kaya kahit na anong pilit ko, hindi ko na po naabutan ang-"

Marahan niyang pinisil ang kamay ko. "Ayos lang, Vanessa. Wala kang dapat ipag-alala," sabi ni Raquel na masuyo pang hinaplos ang aking pisngi na para bang ako ang pinakapaborito niyang tao sa mundo, kahit na alam ko naman na talagang hindi.

Kung natatandaan ko, kontra siya sa pagpapadala sa akin ni Papa sa Paris para kumuha ng Culinary Arts dalawang taon na ang nakararaan. Kunsabagay, lahat naman ng gawin ko, may kaakibat iyon na kontrang opinyon mula kay Raquel. At kahit na malimit, gusto kong ipagtanggol ang aking sarili, hindi ko ginagawa dahil ayokong magkaroon sila ng problema ni Papa. Mahal ni Papa ang aking madrasta.

Isang pilit na ngiti ang isinagot ko kay Raquel bago ko tahimik na inilibot ang aking tingin sa kabuoan ng bahay na kinalakhan ko. Agad kong napansin ang mga nawawalang painitings na nakasabit sa dingding. Isa iyon sa mga pinakatangi-tanging koleksiyon ni Papa bilang isang art curator at collector. Kung saan napunta, marahil kasama rin ng mga mamahaling vases at antique furnitures na hindi ko na makita sa sala.

Ilang sandali pa, tinawag ni Raquel si Nay Belen, ang matagal na naming cook sa bahay.

"Belen, dumating na si Vanessa, magluto ka ng hapunan-"

"H'wag na po," putol ko sa sana'y sasabihin niya. "May mga dala po akong pagkain. Nagluto po muna ako sa tinuluyan ko, bago ako bumiyahe pauwi."

"Talaga!" Namilog ang mga mata ni Raquel, para bang tunay na isang magandang balita ang aking hatid. Maya-maya pa, isa-isang ipinasok ng driver naming si Mg Pilo ang mga niluto kong pagkain.

Sumakto naman iyon sa pagdating ni Walter, ang anak sa pagkadalaga ni Raquel at tatlong taon lang ang tanda sa akin. Sa bahay na rin ito tumira mula nang ikasal sina Raquel at Papa.

Excited na ibinalita ni Raquel kay Walter na isa na akong chef ngayon at dala ko ang mga specialty ko. Hindi ko na itinama ang sinabi ni Raquel. Noon pa man, magaling na talaga siyang mag-imbento ng mga kwento. Isa lang sa mahabang listahan ng mga 'di ko gusto sa kanya.

Nang maihain ang mga dala kong pagkain, kaswal kaming nagkwentuhan habang nakaharap sa hapag. Maganang kumain ang mag-ina sa mga putaheng dala ko. Habang ako, nagkasya sa champagne na pinabuksan ko.

"Masarap po ba ang luto ko?" tanong ko sa kanila.

"Masarap, hija!" sagot ni Raquel.

"Dapat magtayo ka na ng restaurant, Vanessa," dugtong pa ni Walter bago muling sumubo.

Hindi ako sumagot bagkus ay naghintay ako. Hinintay ko ang halos sabay nilang pag-ubo at pag-abot sa baso ng tubig sa kanilang harapan. Hinintay kong kapwa sila pangapusan ng hininga na sinundan nang tuluyang pagbula ng kanilang bibig. Ilang sandali pa, dilat ang mga mata nilang bumulagta sa sahig.

"H'wag niyo silang tutulungan!" saway ko sa mga kasama namin sa bahay na binalak lapitan ang mag-ina. 

Niyakap ni Mg Pilo ang asawa niyang si Nay Belen na hindi mapigilan ang mapahagulgol sa ginawa ko. Silang dalawa ang nagsilbing mga mata ko dito sa Pilipinas habang wala ako. At kahit na anong pagtutol nila, bago ako umuwi, ipinaalam ko sa kanila ang mga plano ko.

Inubos ko ang champagne sa hawak kong baso bago ko sinulyapan ang larawan ni Papa sa estante. Ang biktima ng mag-inang labis na kinamumuhian ko.

"Tapos na, Papa. Wala na ang mga pumatay sa 'yo."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro