Bangungot
Disclaimer: May sensitibong tema. Basahin ng may pag-iingat.
"Wala pang hapunan, Katrina?" inis na tanong ng Mama niya. Pasado alas-sais na ng gabi ngunit kagigising lang nito. Panggabi kasi ang shift nito sa pinapasukan nitong burger chain malapit sa ospital, kaya araw nito ang gabi. "Tulog ka kasi ng tulog," patuloy pa nito.
"Sorry po. Napuyat lang po-"
"Hay naku, kaka-Facebook mo 'yan!" putol nito sa kanya. Maya-maya pa, may pumaradang traysikel sa tapat ng bahay. "And'yan na ang Tito Romeo mo, bilisan mo na 'yang niluluto mo," utos nito sa kanya. Agad naman siyang tumalima.
"Hello, mahal," narinig nyang bati ng Mama niya kay Romeo, ang traysikel driver at bagong kinakasama ng kanyang ina. Nalingunan pa niya ang pagyakap at paghalik ng lalaki sa Mama niya.
"Anong ulam, Katrina?" tanong ni Romeo sa kanya nang lapitan siya nito sa kusina.
"A-Adobo po," alanganing sagot niya bago nagkunwaring hinahalo ang niluluto niya.
"Si Zander?" Ang tinutukoy nito ay ang anak nitong security guard sa ospital.
"N-nasa kwarto niya po, tulog pa," sagot niya.
Tumango-tango ang amain. "Gisingin mo na, may duty 'yon mamaya," anito bago tuluyang bumalik sa sala.
Isang taon na mula nang lumipat silang mag-ina sa poder ni Romeo. Namulatan na niyang ang Mama niya ang solong nagtataguyod sa kanya. Kaya nang ma-lay-off ito sa dati nitong pinagtatrabahuang pabrika, pumayag ang Mama niya na pumisan muna sila sa boyfriend nitong si Romeo. At dahil nahinto siya sa pag-aaral, siya ang nakatoka sa mga gawaing bahay. Kahit pa kasi gusto na niya sanang magtrabaho upang makatulong din kahit papano, disi-siete lang siya at hindi pa tapos ng senior high school.
Sa katunayan, marami siyang pangarap. Gusto niyang magtapos ng pag-aaral, makapagtrabaho at--
Ang biglang pagbaliktad ng sikmura niya ang nagpatigil sa daloy ng isip niya. Mabilis niyang tinungo ang lababo at doon nagduduwal. Ilang araw na niyang nararamdaman 'yon pati na ang madalas niyang pagkahilo at palagiang pagka-antok.
Hindi siya mangmang, alam niya kung ano ang nangyayari sa kanya. Mariin niyang tinutop ng kanyang bibig gamit ang kanyang kamay at itinusan ang sarili na pigilan ang paghikbi dahil gustuhin man niyang umiyak, hindi maari. Bawal.
Mabilis siyang nagmumog at binalikan ang niluluto niya. Kailangan niyang kumilos nang normal. At walang maaring makaalam sa sikreto niya. Maya-maya pa, kaswal silang naghapunan na parang isang tunay na masayang pamilya.
____________________
Alas dose ng gabi nang muling dumalaw ang bangungot na ilang buwan na ring bumibisita kay Katrina. Mariin siyang pumikit at kinumbinsi ang sarili na maya-maya lang, matatapos din ang paghihirap niya. Kagat-kagat ang kanyang pang-ibabang labi, hinayaan niyang tumulo ang kanyang luha. Gusto man niyang sumigaw, humingi ng saklolo o manlaban, ang patalim na nakapatong sa kanyang dibdib ang pumipigil sa kanya.
Tunay nga, matapos ang ilang sandali, umalis na ang bangungot na nakadagan sa kanya. Nang imulat niya ang kanyang mata, ang nagbibihis na bulto ng demonyong si Romeo ang kanyang nakita.
"Narinig kitang dumuduwal kanina. Baka buntis ka na," anito habang isinusuot ang t-shirt nito. Hindi siya umimik bagkus ay binalot niya ng kumot ang hubad niyang katawan. "Patanggal mo 'yan kung ayaw mong patayin kita at ang Mama mo," banta nito bago tuluyang lumabas sa kwarto niya.
Nang tuluyan siyang mag-isa, maingat niyang isinubsob ang kanyang mukha sa unan. At gaya ng napakaraming gabing nagdaan, doon tahimik na nagsumbong ang kanyang mga hikbi at luha.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro