Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Apat Na Uri Ng Kamatayan

Disclaimer: May sensitibong tema. Basahin ng may pag-iingat.

Balot ng poot ang buong katawan ni Estella habang pinagmamasdan ang asawa niyang si Daniel. Nakahandusay ito sa kama at naliligo sa sarili nitong dugo. Malamig pa rin sa kanyang kamay ang baril na ginamit niya sa pagpaslang sa kanyang kabiyak. Ngunit ni butil ng pagsisisi, wala siyang makapa sa kanyang dibdib.

'Wala kang kasalanan. Nararapat sa kanya ang ganyang kamatayan,' anang isang bahagi ng isip niya.

Tama, wala siyang kasalanan.

"Mahal kita, Estella. Sumama ka sa akin at mabubuhay ka nang masagana at mapayapa sa piling ko," ani Daniel noong magnobyo pa lamang sila. Ngunit...

"Sinungaling! Sinungaling! Sinungaling!" histerikal niyang sigaw bago binitawan ang hawak niyang baril. Naguguluhang isinubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang mga palad at doon siya umiyak na puno ng hinagpis.

At parang eksena sa pelikula, mabilis na dumaan sa isip niya ang kalupitan ni Daniel sa kanya sa nagdaang sampung taon. Ang kabilaan nitong pagtataksil, ang pagtrato nito sa kanya na parang isang alipin, at ang pananakit nito sa kanya tuwing nasa ilalim ito ng impluwensya ng ipinagbabawal na gamot.

Tama, hindi niya kailangang magsisisi. Nararapat lamang ang ginawa niya kay Daniel.

Ilang sandali pa, umingay sa pandinig niya ang tunog ng sirena sa labas ng kanilang bahay. Luhaan siyang bumaling sa bintana.

"Nariyan na sila," usal niya, na ang tinutukoy ay ang mga uusig sa kasalanang kanyang ginawa.

Nilingon niya si Mia, ang kanyang anak, na gulat pa ring nakatunghay sa kanya mula sa pinto ng kwarto nito kung saan sila naroroon. Nilapitan niya ito at marahang niyakap.

"Wala na siya. Hindi ka na niya masasaktan pa. Hindi ka na niya kayang babuyin pa, anak," aniya sa garalgal na tinig.

Humagulgol si Mia. Ngunit, hindi tiyak ni Estella kung para saan ang mga luhang iyon ng anak niya. Masyadong maraming namatay ng gabing iyon. Ang kamusmusan ng anak niya na inagaw mismo ni Daniel; ang kanyang kunsensya nang barilin niya si Daniel bilang parusa sa ginawa nito sa anak niya; at si Daniel mismo, ang demonyong nagpahirap sa kanilang mag-ina nang halos isang dekada.

Gayunpaman, wala na siyang pakialam. Ang mahalaga, tapos na. Tapos na ang pasakit nilang mag-ina.

Nang makapasok ang mga pulis sa kanilang tahanan, kusa siyang sumama sa mga ito. Subalit, nang sapilitan nilang ilayo sa kanya ang anak niyang nangangailangan pa ng kanyang yakap at pagkalinga, noon lamang nakita ni Estella... ang piping kamatayan ng kalayaan niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro