Ang Repleksyon ni Elena
Disclaimer: May sensitibong mga salita at tema. Basahin nang may pag-iingat.
Malalim na ang gabi ngunit madilim pa rin ang kanyang silid. Kanina nang lamunin ng dilim ang araw, pinasya niyang 'wag buksan ang ilaw. Ngunit gamit ang tanglaw ng buwan mula sa bintana, pilit na inaninag ni Elena ang repleksyon niya sa kanyang lumang salamin. Ngunit imbes na ang mukhang niyang puno ng kolorete ang kanyang makita, ang mukha ng isang inosenteng dalaga na may maningning na mga mata ang nakatitig sa kanya.
"Sino ka?" anang repleksyon sa salamin.
"A-ako si Elena," pabulong niyang tugon.
Ngumiti ang repleksyon. "Parehas tayo ng pangalan. Ang sabi ng nanay, puno raw ng ningning ang aking mga mata kaya pinangalanan nila akong Elena pero. . .bakit ikaw, hindi?"
Pilit na nilunok ni Elena ang bikig sa kanyang lalamunan. Kailan nga ba nawala ang ningning sa kanyang mga mata? Noon bang maulila siya sa edad na disi-siete? O noong iniwan siya ni Mario habang nagdadalang-tao siya?
"Ewan ko, hindi ko na maalala," naguguluhang sagot niya.
Ngumiti ang repleksyon. "Hindi ka ba nagdarasal? Ang sabi ni Nanay kapag may nakakalimutan tayo at hindi alam, dapat itinatanong daw natin sa Diyos."
Napailing siya. "Bingi ang Diyos sa mga dasal ko dahil masama akong tao."
Kunot-noong napasinghap ang repleksyon. "M-masama kang taon? B-bakit anong ginawa mo?"
"Binibenta ko ang katawan ko gabi-gabi," diretsong sagot niya.
Bumakas ang gulat sa mga mata ng repleksyon. Tila nahindik sa pag-amin niya.
"Hindi lang 'yan," patuloy niya.
'A-ano pa?"
"I-ipinamigay ko ang anak ko kanina," aniya sa malungkot na tinig habang pinipigil ang pagluha.
"Si Ella?" malungkot na tanong ng repleksyon.
Oo nga pala, mula pa noong bata siya, ginusto na niyang pangalanan ang magiging anak niyang babae na Ella. Pumikit siya at inalala ang kanyang tatlong-taong gulang na anak. Ang kanyang maganda at mabait na si Ella na ang tanging kasalanan ay ang maging anak ng kagaya niyang puta.
"B-bakit anong nangyari?" tanong ulit ng repleksyon.
Mapait siyang ngumiti. "Kinalimutan ako ng Diyos."
Umiling ang repleksyon. "Hindi nakalilimot ang Diyos. At lalong walang kasalanang hindi kayang patawarin ng awa niya."
Pagak siyang tumawa. "Nasasabi mo lang 'yan dahil masaya ka pa. Nasasabi mo lang 'yan dahil hindi pa ako ikaw!" singhal niya.
Natigilan ang repleksyon. Dumaan sa mga mata nito ang napakaraming tanong. Mga tanong na resulta ng kanyang mga pagkakamali at marahil habang buhay na siyang uusigin. At unti-unti, naglaho ang ningning sa mga mata ng repleksyon hanggang sa muli niyang makita ang repleksyon niyang puno ng kolorete ang mukha at suot ang pulang bestida.
"Ako si Elena. Isa akong puta at HIV positive," pagpapakilala niya sa kanyang sariling repleksyon.
Lumuha ang repleksyon pero hindi si Elena.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro