2 of 5
━━━━━━━━━━━━━━━━━
sinadya mo ba?
sasadyain ba ng isang kagaya mo?
hindi ako naniniwala:
alam kong isa lamang itong kweto.
isa akong manunulat,
hindi mo ako mapapaikot.
— kaya ko ring manlinlang
━━━━━━━━━━━━━━━━━
"Blue, alam mo naman 'yung ghosting diba?" Sa kalagitnaan ng nakakalulang kalangitan at sa komportableng katahimikan, binasag ito ng isang walang kwentang tanong ni Gab.
Hindi ko siya nilingon pero kita ko—kagaya ko ay nakapako rin ang mata niya sa mga ulap. Nalulunod, nagpapalunod. Parang ako, hindi lang sa kaniya kundi pati na rin sa paraisong kinalalagyan namin. "Bakit? Gagawin mo 'yun sa akin?"
"Oo." Walang bahid ng pag-aalinlangan. Parang saulado.
Tumango ako, hindi man lang kumukurap. "Okay." Ang ganda talaga ng kalangitan. Lalo na ngayon, kasama ko siya. Kakaiba talaga kapag kasama mo ang taong mahalaga sa'yo at parehas kayong nagpapaagos sa oras.
"Joke lang." Mabilis ulit ang sagot niya, parang planado.
Tumango lang ulit ako. Inayos ng kaunti ang pagkakahiga sa mga damo. Pumikit ako.
Naramdaman ko ang pagbaling niya sa akin. "Blue, joke lang. . ." Napangiti ako.
"Alam ko." Ipinatong ko ang braso ko sa aking nakapikit na mata. Wala na akong makita. Panatag naman ako dahil alam kong nasa tabi ko siya. Nasa tabi ko lang siya palagi. Nararamdaman ko siya, mararamdaman ko siya. Kahit nakapikit, kahit iniwan na pala ako.
━━━━━━━━━━━━━━━━━
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro