Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/20/ G-Spot

CHAPTER TWENTY:
G-Spot

ART

Natapos na ang kalahati ng araw at ngayon naman ay naghihintay nalang kami para sa awasan, sa sobrang bilis ng oras, hindi ko namalayang maghahapon na pala at kakailanganin na naming tapusin ang huling klase namin para sa araw na ito. Nakikita kong inaantok na rin si Ash at hindi na makapagfocus sa sinasabi ng aming teacher.

"Art, ilang oras nalang bago mag-awasan?" sinabi niya nang mahina habang kinakalikot ang bag na ipinahiram ko sa kaniya.

"Kaunting minuto nalang, hintayin nalang natin." bulong ko at nakita kong inilalagay na niya nang maayos ang mga gamit na nasa lamesa namin.

Mayamaya pa ay tumapat na sa alas kwatro ang malaking orasan sa aming classroom at ngayon ay namaalam na ang teacher na nagtuturo kanina. Bigla namang tumayo ang class president namin at may sinabi.

"Huwag niyong kakalimutan na wala tayong pasok ulit bukas, gagamitin yung room and building natin for seminars and conference." saad niya at sabay naman kaming nagkatinginan ni Ash.

"Wala na naman kayong pasok?" tanong ni Ash habang isinasabit ang bag sa kaniyang kaliwang balikat.

"Narinig mo naman siguro ano?" pabiro at papilosopo kong tugon sa kaniya. Napagdesisyunan naming lumabas na sa classroom dahil magsisimula nang maglinis ang mga nakatalaga ngayong araw.

Nang makababa na kami ng building ay bigla akong kinulbit ni Ash at mahigpit na humawak sa aking braso. Hindi naman niya kadalasang ginagawa iyon ngunit nakakapanibago lang. Napapansin ko ding may tinitignan siya sa kaniyang likuran at tila ba nangangamba.

"May problema ba? Bakit parang natatakot ka."

"May mga lalaki kasing kanina pang sunod nang sunod sa ating dalawa, hindi ko alam kung tayo ba yung sinusundan nila o ibang tao..." mahina niyang sinabi at agad naman akong napalingon sa aking likuran, mayroon ngang mga lalaking nakauniporme din ang nakasunod sa aming dalawa.

"Hayaan mo nalang muna sila Ash, dumaan muna tayo sa palengke para mailigaw natin sila at matakasan, sigurado na akong hindi na nila tayo masusundan." seryoso kong sinabi at lumabas na kami sa school.

Dali dali kaming naglakad ni Ash upang kahit papaano ay mawala kami sa paningin ng mga sumusunod sa aming dalawa. Pinagpapawisan na kaming dalawa dahil sa mas lalong bumibilis ang paglalakad namin. Nang makaliko kami ay nakita kong hindi na nakasunod sa amin ang mga lalaki.

"Wala na sila, nakalayo layo na yung mga lalaki." hinahapo kong sinabi at dahan dahan na kaming naglakad papunta na rin sa palengke, naisipan ko kasing daanan yung paborito kong tindahan doon.

"Art, hindi pa ba tayo uuwi? Hindi na sila nakasunod sa atin." saad niya ngunit hinawakan ko ang kaniyang kamay.

"Samahan mo muna ako sa palengke, may ipapakita lang ako sayo, sigurado akong magugustuhan mo dun." ngumiti ako at naglakad na kami.

Ramdam kong nagiisip si Ash kung bakit ko nga ba siya dadalhin sa palengke, alam ko namang magugustuhan niya yung ipapakita at ibibigay ko sa kaniya ngayong araw.

Habang naglalakad kami ay nararamdaman namin ang napakalamig na hangin ng hapon at ang kulay kahel na paligid. Tumatama ito sa aming balat at talagang bumabagay sa kulay ni Ash ang sinag ng araw. Kahit katamtaman lang ang kaniyang tangkad ay lutang naman ang kagwapuhan ng kaniyang mukha. samahan pa ng mapupungay na mga mata at napakakinis na mukha.

Ilang sandali pa ay nasa tapat na kami ng palengke at bumungad sa aming dalawa ang napakaraming tao at mga namimili, minabuti na naming pumasok sa loob at puntahan ang sinasabi kong lugar na paborito ko.

"G-Spot?" Tanong ni Ash habang ako naman ay natatawa. "Punyeta anong meron dito?"

"Hindi iyan yung nasa isip mo Ash, tara pasok na tayo." anyaya ko at hinawakang muli ang kaniyang kamay. Nang makuha ko ito ay inihinto niya ang aking pagpasok at nakatitig parin sa pangalan na nakalagay sa taas ng pintong may salamin. Naapangiti naman ako dahil hindi parin siya makapaniwala sa lugar na ito.

"Seryoso ka? Anong meron diyan sa loob?" Nagtataka niyang itinanong at ako naman ay natatawa sa reaksyon niya. "Bakit ka natawa? Hindi talaga ako papasok diyan."

"Tara na, magugustuhan mo yung nasa loob ng tindahan na iyan, pangako."

"Hindi, ikaw nalang ang pumasok diyan, nakakahiya kaya!" naiirita niyang sinabi.

"Isa pang magreklamo ka, hahalikan kita tignan mo." pabiro kong sinabi at natahimik na lamang siya.

"Basta ayok---"

Naputol ang kaniyang sasabihin nang tinakpan ko ito gamit ang kaniyang bibig. Hinawakan kong muli ang kaniyang kamay at pinilit siyang pumasok sa loob kasama ako. Nang buksan ko ang pinto ay nakita kong nakakunot at nakataas ang isang kilay ni Ash.

"Welcome to G-Spot, ano pong hanap niyo mga sir?" tanong ng lalaking matanda na nakasalamin. Napalingon siya sa akin at tinatandaan ang aking itsura. "Teka lang, Arthur?" Tanong niya at ngumiti ako sa kaniya.

Nakilala niya ako dahil kay Tatay, dito kasi ako dinadala ni Tatay sa tuwing mapapadaan kami sa palengke at laging kakwentuhan si Mang Jun. Magkaibigan daw kasi si Mang Jun at si Tatay dati nung college pa kaya ngayon ay natandaan niya ako.

Bigla ko namang nasulyapan si Ash na tila ba nagtataka padin sa nangyayari, nakatingala siya at pinagmamasdan ang paligid.

"Uhmmm, Mang Jun, meron po ba kayo ditong strings ng gitara at capo? Balak ko na po sanang ayusin yung gitara ni Tatay eh." saad ko at napatingin sa akin si Ash. Sumangayon si Mang Jun at itinuro sa amin ang lugar kung nasaan ang mga hinahanap ko.

"Art, bakit hindi mo sinabing puro gitara itong nandito sa loob?"

"Edi hindi na surprise? Ayaw ayaw ka pang pumasok dito pero ngayon halos yakapin mo na yung mga gitarang nakikita mo." pabiro kong sinabi habang tinitignan niya lahat ng mga gitarang nasa loob at pati na rin ang pangdekorasyon sa mga ito.

"Malay ko ba, Tsaka G-Spot kaya yung nakalagay sa labas, malay ko bang Guitar Spot pala ibig-sabihin no'n..." saad niya at napapatawa nalang ako.

"Ibig sabihin lang no'n, madumi yung iniisip mo." biro ko at sinimulan na niyang tignan ang mga nakalagay sa mga shelf. "Ikaw na yung mamili ng pangdesign at strings ng gitara. Tapos ibigay mo kay Mang Jun." utos ko at tumango na lamang siya.

Pinapanood ko lang siya sa pamimili at pinagmamasdan ko kung paano gumalaw ang napakalambot niyang buhok sa tuwing lilingon at gagalaw siya.

"Art, sigurado ka? Papalitan natin yung strings ng gitara mo?" tanong niya at lumingon ako sa kaniya.

"Oo, pumili ka na lang diyan, lahat ng strings papalitan natin..." tugon ko at naghintay sa kaniya ng ilang minuto.

Pinagmamasdan ko din ang mga songhits na nakalagay sa isang lamesa at ang mga tapes na kanilang binebenta, naalala ko tuloy yung panahong nandito pa sina Nanay at Tatay, mahilig din kasi sila sa mga kanta kaya naman ngayon ay naiwan lahat sa akin ang mga naiwan nilang tugtugin sa bahay.

Ilang sandali pa ay nakita kong may hawak hawak na si Ash na mga plastic na may laman na strings pati na rin ang dalawang kulay pulang letra na parang isang sticker.

Inilagay niya sa counter lahat ng iyon at nakita ko ang pulang nasa plastic na may nakalagay na letter 'A', dalawa ito.

"Art, ito na... May pera ka pa ba?" tanong niya.

"Oo naman." sagot ko at nagbayad na kay Mang Jun. Inilagay niya sa plastic lahat ng binili namin at kami ay lumabas na. Ilang sandali pa ay nakita naming nagdidilim na ang paligid kaya naman agaran kaming lumabas ng palengke.

"Akala ko talaga kung ano na yung G-Spot na tindahan na iyon eh, malay ko bang puro gitara ang nasa loob noon." paliwanag niya at ako naman ay biglang napatawa. Naglalakad nalang kami pauwi ng bahay dahil kukulangin na kami sa pamasahe.

"Ayan kasi, kung anu-ano ang tumatakbong kababalaghan sa isip." pabiro kong sinabi at inihampas sa akin ang plastic na hawak niya.

"Siya nga pala, pag-uwi natin simulan na natin yung landscape ha, sasauluhin ko na rin yung tula na ginawa natin." saad niya at sinang-ayunan ko naman ang kaniyang sinabi.

Unti unti naming nararamdaman ang lamig ng hangin sa labas at unti unti naming nakikita ang madilim na kalangitan, hawak ko ang kamay ni Ash habang naglalakad.

Kami lang ang naglalakad sa kalye papunta sa subdivision at nagsisimula nang magbukas ang mga ilaw sa poste.

"Art, sa tingin mo... kailan ako makakabalik sa amin?" tanong ni Ash habang naglalakad kami ng sabay.

"Hindi ko alam, pero siguro, kapag ayos na ang lahat, saka ka niya ibabalik sa inyo..." tugon ko. "Baka kailangan mo pa daw akong sagutin bago ka makabalik." mahina kong sinabi.

"Anong sinabi mo? Kapag sinagot na kita?" tanong niya sa akin. "No comment nalang muna ako diyan." saad niya at sabay kaming napangisi.

"Patingin nga nung relo mo." utos ko at agad naman niyang iniabot. "Ang ganda parin..." saad ko. "Pati nung may suot." mahina kong muling sinabi. Kinurot ako ni Ash sa aking tagiliran at ako naman ay napaiwas dahil sa ginawa niya.

Ilang sandali pa ay napahinto si Ash sa paglalakad at ako naman ay biglang nagtaka, napatingin ako sa kaniya at nakita ko ang takot ang pag-aalala niya dahil sa kaniyang nakita.

"Art, nandiyan ulit sila..." mahina niyang sinabi.

Bigla akong napatingin sa aming dinadaanan at sa harapan at nakita ko ang tatlong lalaking papunta sa aming direksyon. Napahinto kaming parehas ni Ash dahil hindi sila tumitigil sa pagsalubong sa amin. Unti unti kong ipinuwesto sa aking likuran si Ash at ibinigay sa kaniya ang aking bag. Umaatras na kami ngayon hanggang sa makalayo kami ng ilang metro mula sa kanila.

Hawak ako ni Ash sa aking braso ng mahigpit at ramdam kong natatakot at kinakabahan rin siya. Hindi ko din alam kung anong balak gawin sa amin ng mga lalaking nakauniporme din kaya naman binabantayan ko kung anong gagawin nila sa amin.

"Ash, diyan ka lang sa likod ko, huwag kang aalis diyan." mahina kong saad at nakita kong seryoso ang mukha niya.

Ilang sandali pa ay may ilang dumadaan na sasakyan ngunit hindi nila kami napapansin, patuloy padin sa paglalakad ng diretso ang mga lalaking iyon.

"Mukhang mamahalin ang relo niyong dalawa ah, parang bagay sa akin." sinabi ng lalaking nasa gitna at ako naman ay napahawak sa aking relo at sa kamay ni Ash.

"Hindi tayo magkakagulo kung ibibigay mo nang maayos sa amin ang relo niyong dalawa." saad pa ng isa niyang kasama. Kinakabahan at pinagpapawisan na ako. Sana hindi nila kami saktan, lalo na si Ash.

Ilang sandali pa nang makaatras kami ay pinipigilan ako ni Ash na umatras nang umatras. Nang lumingon ako sa likod ay nakita kong hawak hawak ng isa pang lalaki ang kamay ni Ash at ngayon ay nagpupumiglas siya. Bumagsak lahat sa lupa ang gamit naming dalawa pati na rin ang bitbit niya.

"BITAWAN MO YUNG KASAMA KO." Malakas kong sinabi habang binabantayan ang susunod na galaw nila. Nakikita kong inilalayo ni Ash ang kamay niya kung nasaan ang relo at pilit na kumakawala sa lalaki.

END OF CHAPTER TWENTY

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro