Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/15/ Remembrance

CHAPTER FIFTEEN:
Remembrance

ART

Natapos kami sa paglalaro at nanalo ako sa unang laban, kitang kita ko sa mga kilos niya na hindi niya ginustong matalo at parang nagsisising kinalaban pa ako. Tumayo siya at akmang maglalakad papalayo. Pinigilan ko siya at siya ngayon ay nakatitig sa akin na tila ba nadismaya.

"Oo na, anong ipapagawa mo sa akin?" nasa mababang tono niyang sinabi.

"Irereserba ko nalang yung ipapagawa ko sayo mamaya." tugon ko dahil ayokong dito naming gawin ang ipapagawa ko sa kaniya.

"Ano ba kasi iyon?" tanong niyang muli.

"Akin nalang muna 'yon, mamaya mo nalang malalaman." paliwanag ko at inabot muli ang kaniyang kamay. "Tara naman dun sa basketball." anyaya ko.

Parang mabigat ang loob ni Ash kaya naman gumawa ako ng paraan para mawala iyon.

"Ganito Ash, kapag natalo mo ako sa game na ito, gagawin ko naman ang gusto mong ipagawa sa akin." sinabi ko at ako ay ngumiti.

"Seryoso 'yan ha.."
"Oo naman, wala ka bang tiwala sa akin?"
"Malapit na akong mawalan ng tiwala sayo." naiinis niyang sinabi.
"Maniwala? Hinayaan mo nga kong matulog sa tabi mo tapos mawawalan kapa ng tiwala sa akin?" panunukso ko.

"Sayo kasing kama 'yon, baka kasi may masabi ka pa kapag hindi kita pinahiga doon." naiirita niyang sinabi.

"Sus, ewan ko sayo..." Kumuha ako ng isang bola at ibinigay ito sa kaniya. "Mauna kana sa pagtira, pagbibigyan kita."

Kinuha niya ang bola at nagsimula nang magshoot ng mga ito. Talagang pursigido siya sa paglalaro at ngayon ay nakikita kong nakaka pitong score na siya. Napagdesisyunan kong maglaro na din pero babagalan ko lang para maging mas mataas padin ang score niya sa akin.

"Ang bulok mo namang magpasok!" pabiro niyang sinabi sa akin kahit siya ay pinagpapawisan na.

"Makikita mo nalang kapag naipasok ko itong bola ko." pabiro ko din sinabi habang parehas kaming nalundag upang maishoot ang mga bola.

Ilang sandali pa ay tumigil na ang oras na nakalaan para sa aming paglalaro at nakita kong lamang siya sa akin ng apat na scores.

"Pano ba 'yan, nanalo ako!" pagmamayabang niyang sinabi. "Mukhang kailangan mong sundin ang sasabihin ko ah."

"Sige na, ano iyon?" tanong ko habang pinupunasan ko ang aking pawis.

"Para quits na tayo, huwag mo nalang gagawin yung ipapagawa mo dapat sakin mamaya." sinabi niya at napangiti nalang ako. Sayang, hindi ko magagawa sa kaniya yung gusto kong ipagawa ko kay Ash.

"Ang duga mo naman eh, hindi ko tuloy maipapagawa yung gusto kong ipagawa sayo." paliwanag ko.

"Anong maduga? Basta patas lang..." saad niya. "... May isa pa tayong kailangang puntahan." sinabi niya at itinuro niya ang mga kwarto na para sa mga videoke.

"Ako pa talaga yung hinamon mo sa kantahan? Eh hindi nga ako magaling doon."
"Alam kong magaling ka Art kaya hinahamon kita..." saad niya.
"Anong gagawin naman natin sa loob?" tanong ko.

"Ganito, pipili ako ng tatlong kanta na kakantahin ko tapos..." panimula niyang ipinaliwanag. "Yung scores na makikita ko sa screen pagkatapos nung tugtog ay kukunin ko, then ipagpa-plus ko lahat iyon. Kapag natotal na lahat, ayun yung score ko." paliwanag niya. "Malinaw ba?"

"Sige, tapos kung sino yung manalo, may ipapagawa na talaga sa matatalo?"
"Oo... ano game ka?"
"Sige, sabi mo iyan ha, susunod dapat sa usapan."

Sabay na kaming pumasok sa loob ng isang maliit na kwarto ng videoke at nagpaassist sa lalaking nakabantay dito.

-----

"Ang duga mo talaga Art! Bakit puro 99 yung nakuha mo tapos ako nasa 95 lang!?" dismayado niyang sinabi habang kinocompute sa isip niya ang score ko at score niya.

"Hindi naman ako nandaya ah." tugon ko. "Tsaka nagustuhan siguro nung mic yung boses ko kaya naman mas matataas ang score ko kaysa sayo."

"Wala na, talo na naman ako." sinabi niya at ako naman ay nakasandal ng malaya sa upuan naming dalawa. "Ipagawa mo na yung gusto mong ipagawa sa akin." nag-astang bata siya at nakasimangot.

"Hindi ko nga muna sasabihin sayo..." sagot ko. "Sa bahay nalang natin gawin." Hindi ko muna agad sasabihin kay Ash yung ipapagawa kl sa kaniya dahil baka tumanggi siya kapag sinabi ko iyon, tsaka, mas gusto kong sa bahay dahil mas marami kaming oras para gawin iyon.

"Bakit ba kasi hindi pa ngayon?" naiirita niyang itinanong. "Baka mamaya bigla nalang ako makabalik sa amin, bahala ka."

"Hindi mo kasi maeenjoy dito Ash." paliwanag ko.

Dinampot ko ang songbook na nakapatong sa lamesa at naghanap ng pwede naming kantahin. Kinuha ko ang isang maliit na remote at inilagay ang numero ng kanta dito. "...Sabay nalang tayong kumanta para hindi masayang ang oras natin..."

"APO Hiking Society?" Tanong niya at tumango nalang ako.
"Alam mo yung kantang iyan?"
"Panalangin? Parang natatandaan ko nga..."

Inunahan ko sa pagkuha ng mic si Ash at ngayon ay nagsisimula nang tumugtog ang kanta.

"Panalangin ko sa habang buhay, makapiling ka, makasama ka, 'yan ang panalangin ko..." Nasa tono kong kinanta at agad namang hinablot ni Ash ang mikropono.

"At hindi papayag ang pusong ito, mawala ka sa 'king piling..." Pinapanood ko siyang kumanta nang bigla siyang tumingin nang diretso sa akin. "mahal ko iyong dinggin..."

Natigil siya sa kaniyang pagkanta ng bigla kong maramdaman na nagiinit ang aking mukha, ilang pulgada lang ang layo ng aming mga mukha sa isa't isa kaya naman nakakatuksong ilapit pa lalo ang aking mukha sa kaniya. Naramdaman ko din ang bilis ng takbo ng puso ko dahil siguro na din sa kaba na baka hindi niya magustuhan ang ninanais kong gawin.

Nakaharap siya sa akin ngayon at unti unting ibinaba ang mikroponong nakaharang sa kaniyang bibig. Hindi siya gumagalaw at nakatingin lamang sa aking mga mata. Unti unti kong inilalapit ang aking mukha upang abutin ang kaniyang mga labi.

"Wala nang iba pang mas mahalaga, Sa tamis na dulot ng pag-ibig natin dal'wa..." Bigla siyang kumanta at naudlot ang aking paghalik.

Napangisi na lamang ako dahil na rin sa bigla akong natauhan sa ninanais kong gawin. Sayang.

"Sabay tayo sa part na iyan." pakisuyo niya at lumapit siya sa akin upang maabot ko ang mic.

"At sana nama'y makikinig ka,
Kapag aking sasabihing minamahal kita..." Sabay naming kinanta at masasabi kong maganda naman ang kinalabasan ng blending namin.

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko pero sayang lang din talaga yung pagkakataong magawa ko na iyon. Hayaan ko nalang muna si Ash na kahit papaano ay makapagisip kung ano talaga yung nararamdaman niya sa akin.

Sa totoo nga lang, nararamdaman ko na ding may gusto siya sa akin ngunit hindi lang niya pinapahalata. Baka siguro kailangan pa niya ng oras para ipaalam sakin ang lahat.

Nang matapos ang kanta ay bumungad sa aming dalawa ang nakalagay sa screen na 'Congratulations! You are a great singer!' at ang aming score na isang daan.

"Seryoso!? One Hundred pa yun sa lagay nating dalawa?" Natatawa niyang sinabi habang ibinabalik ang mic sa lalagyanan.

"Posible naman ah, ang galing nga nating dalawa eh..." saad ko kahit medyo nahihiya ako. Bigla siyang napalingon sa akin at para bang may tinitignan sa aking mukha.

"Bakit namumula yung ilong at pisngi mo, may lagnat ka ba?" Hindi ko alam ang sinasabi niya ngunit pakiramdam ko nga ay nagiinit ang aking mukha.

"Hindi ko alam." tipid kong sinabi.
"Weh, maniwala?" tanong niya at siya ay lumapit sa akin upang hawakan ang aking noo at leeg.

"Kailangan ba talagang gawin 'yan Ash? Gusto mo lang yata akong hawakan eh." pabiro kong sinabi at agaran naman niyang tinanggal ang kaniyang kamay.

Bigla namang pumasok ang lalaking nagassist sa amin kanina upang makapasok kami dito at ngayon ay ubos na ang aming oras. Sabay naman kaming lumabas ni Ash.

Nakita kong itinataas ni Ash ang kaniyang polo at tila ba hindi mapakali.

"Huy, anong ginagawa mo?"

"Tinatanggal ko lang sa pagkaka-tucked in yung damit ko, hindi na kasi ako komportable." saad niya. Nakalaylay na ngayon ang kaniyang polo at mas lalong magmukhang naging payat si Ash. Hindi ko alam kung bakit gustong gusto kong pisilin ang braso niya, mabuti pa siya at maputi hindi tulad ko na sakto lang yung kulay ng balat.

Ginaya ko lang din ang ginawa niya at tinanggal ko din sa pagkakatucked in ang aking damit.

"Bakit mo naman tinanggal?" natatawa niyang tinanong.

"Para parehas na din tayo, tsaka sabi mo nga diba, mas komportable." saad ko at hinawakan ang kaniyang kamay. Sabay kaming naglakad palabas ng palaruan at binaybay ang daanan.

Halos pinagtitinginan at nilalayuan kami ng mga tao dahil sa nakikita nilang magkahawak kamay kami ni Ash. Mas inayos ko ang paghawak sa kamay niya dahil ramdam kong nakikita din niya ang mga reaksyon ng mga taong nakakasalubong namin.

"Gusto mong pumunta sa sinehan?" tanong ko sa kaniya.

"Huwag na Ash, baka kasi gabihin pa tayo, tsaka may aayusin pa tayo para sa contest."

"Gusto mo nang umuwi?" tanong ko habang binabagalan ko ang lakad naming dalawa.

"Gusto ko na din sana kaso, ikaw ba gusto mo na din bang umuwi?" tugon niya at nagtanong siyang muli. Kung ako ang tatanungin, hindi ko pa gustong umuwi dahil gusto ko pang sulitin yung oras na nandito kami sa mall.

"Alam ko na..." sinabay ko siya sa paglalakad at naglakad papalapit sa isang tindahan na photobooth.

"Saan tayo pupunta?" tanong niya.

"Basta, pangremembrance natin." tugon ko at tinanong ko ang ale na nasa counter kung magkano ang pagpapapicture. Sabay kaming pumasok sa loob at hinaiwi ang kurtinang makasabit. "Tumingin ka lang sa bilog na 'yon tapos hintayin mong mawala yung ilaw."

"Ngingiti ba ako?" tanong niya.

"Oo... First picture nating magkasama 'to 'no..." saad ko at biglang nagflash ang camerang nakalagay sa aming tapat. "Isa pa, wacky naman tayo." utos ko.

Naramdaman ko ang braso niya sa aking balikat at siya ay nakangiti, siya ngayon ay nakadila at nagduduling-dulingan habang hinihintay na magflash ang camera.

Sa huling pagkakataon na magpicture kami ay nagpalit kami ng pwesto, pinaharap ko siya sa akin at kunwari ay pinipisil ko ang kaniyang pisngi habang siya naman ay hawak ko sa kaniyang buhok na tila ba nagaaway-bata.

Ibinigay sa amin ng babae ang aming mga litrato at lumabas na kami sa booth.

"Patingin nga, baka ang pangit ko diyan." ani ni Ash at ibinigay ko ang isang maliit na litrato.

"Hindi ah, ang gwapo mo nga diyan..." mahina kong sinabi ngunit napalingon siya sa akin.

"May sinabi ka Art?" tanong niya.
"Wala, ang sabi ko, ang pangit ko sa picture." alibi ko.

"Ako pa talaga ang lolokohin mo ha! Narinig ko yung sinabi mo, magsisinungaling ka pa." natatawa niyang sinabi at ako naman ay napangiti na lamang.

"Ay siya, tara na... Baka gabihin tayo." Sinabi ko at kinuha muli ang kaniyang kamay.

END OF CHAPTER FIFTEEN


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro