I Have Something To Say
"I... I..."
Nakatungo. Nahihiya. Hinding-hindi masabi sa kanya nang harapan ang lahat ng napagpraktisan kong sabihin sa pader ng kwarto ko. Bakit ba ang hirap hirap sabihin sa kanya nitong nararamdaman ko?
"May sasabihin ka ba, Jasmine?" tanong niya.
Napatingin ako sa kanya. Halatang naiinis na sya kasi kanina pa kami nakatayo dito sa ilalim ng puno ng aguho pero wala pa ring matinong salitang lumalabas sa bibig ko. Bakit ba kasi pagdating sa kanya, natatameme ako? Samantalang since pre-school, magkaklase na kami. Magkapitbahay pa. Palagi pa nga kaming sabay pumasok sa school, e.
Naging date ko pa siya noon sa prom. Pero bakit gano'n? Hindi ko masabi-sabi sa kanya. Samantalang lahat naman ng bagay napag-uusapan na namin do'n sa bubungan ng bahay namin. Bakit gano'n?
"Hoy, ano na?" untag niya. "May sasabihin ka ba? Malapit nang mag-start yung next class ko, e."
Oo meron, gusto kong isagot. Makinig kang mabuti kasi ngayon ko lang sasabihin 'to.
Huminga ako nang malalim.
"Toby..."
Tumingin siyang muli sa akin. Naghintay. "O?"
"I... I..."
Nasa dulo na ng dila ko ang kanina ko pa gustong sabihin pero ayaw lumabas ng bibig ko. Baka mahirap sabihin sa English?
Tagalog kaya?
"M-Ma..."
Itinaas niya ang hintuturo nang may biglang tumawag sa kanya. Pinatigil ako sa pagsasalita. "Wait lang, ha."
Lumayo siya nang bahagya para sagutin ang tawag.
"Hello? Ha? Nandyan na 'yong prof? Oo... pupunta na 'ko... sige... thanks." Tumingin siya sa 'kin. Lumapit. He looked a little relieved, and somehow, apologetic.
"Jasmine..."
I shook my head and smiled.
"S-Sige... pumasok ka na."
"Mamaya na lang, ha," sabi nya saka sya tuluyang umalis. "Sa taas."
Napabuntong-hininga ako. Nasabi ko na 'to sa kanya noon, e. Kaso hindi ko alam kung narinig nya o naintindihan dahil lasing sya noon. Pagkatapos ng inuman na 'yon, walang nagbago sa pagitan naming dalawa. Kaya alam kong kailangan kong sabihin ulit.
Mamayang gabi, sasabihin ko na sa kanya. Mag-iipon muna ako ng lakas ng loob. Sabi nya, sa taas. So ibig sabihin, magkikita uli kami sa bubungan mamaya.
Ilang beses na kaming napagalitan ng mga magulang namin dahil akyat kami nang akyat doon kahit bawal, pero hindi kami nakikinig. Sa amin kasi ang lugar na 'yon. Sa aming dalawa lang.
--
Pagkatapos kong kumain ng hapunan, agad akong pumunta sa bubungan. Maraming bituin sa langit. Bilog na bilog din ang buwan. Masarap ang simoy ng hangin. Katamtaman lamang ang lamig.
Perfect night.
Tinext ko sya para sabihing nandoon na ako.
Wala pang limang minuto ay rinig ko na ang pagdating niya. Ngumiti siya sa akin nang makita ako. Ilang beses na rin siyang muntikang malaglag dahil sa siwang na nakapagitan sa bubungan ng mga bahay namin. Mabuti na lang at hindi sya natutuluyan.
Nakangiti syang umupo sa tabi ko. Naramdaman ko agad ang init ng braso nya nang dumikit iyon sa braso ko. It's a familiar warmth, one I am used to feeling since we were kids.
"May sasabihin ka, di ba?" tanong niya. "Game na."
I felt my heartbeat double. Alam kong kanina pa nya hinihintay ang sasabihin ko. Ilang ulit na akong nag-practice ng sasabihin ko para masabi ko na sa kanya sa wakas. Wala nang lugar ang takot at kaba.
Mas mabuti nang sabihin ko sa kanya ngayon kesa naman patagalin ko pa. Baka habang lalong tumatagal, mas lalo akong matakot.
"Toby..."
"Ano?"
Huminga ako nang malalim. Ilang buwan ko na rin 'tong pinagpraktisan. Sana hindi ako magkamali ng sasabihin.
One.
Two.
Three.
"I... I..."
Kaya ko 'to!
Bumaling ako sa kanya. Tiningnan siya nang mataman. We've been friends since I was born. He knows me more than anyone else in the world. He deserves my honesty.
"I'm breaking up with you."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro