The Story
"Ikakasakal na kami sa susunod na buwan, Vein."
Agad akong nag-angat ng tingin at naghihintay ng mga katagang, "Naniwala ka naman?" Pero wala. Nanatiling tahimik si Tim at mukhang naghihintay na i-congratulate ko siya sa nalalapit niyang kasal. Hindi ko magawa. May nakabaon yata sa lalamunan ko at hindi ako makapagsalita.
"May sasabihin pala ako," pagpatuloy niya nang hindi ako kumibo. "Alam din ito ni Vanessa kaya huwag kang mag-alala."
Naging istatuwa lamang ako sa kinatatayuan ko at naghihintay kung kailan magigising sa masamang panaginip na ito.
"May ideya ka ba kung sino ang una kong minahal bago si Vanessa?" tanong niya at bahagyang ngumiti. "Ikaw. Ikaw ang naging laman ng puso't isipan ko simula ika-pitong baitang hanggang sa makapagtapos tayo ng ikalabindalawang baitang, Vien."
"Tim. . ."
"Hindi ako nag-confess noon kasi natakot ako," pagputol niya sa sasabihin ko. "Naalala mo ba noong nasa ikalabing-isang baitang tayo? Naging kaibigan natin si Vanessa, nakatanggap ako ng liham galing sa kanya, at nagpasya akong kay Vanessa ko na lang ituon ang pagmamahal ko sa halip na masira ang pagkakaibigan nating dalawa."
"Iyong liham," halos pabulong kong saad habang pinipigilan ang nagbabadya kong mga luha.
"Oo, iyong liham na palihim niyang inilagay sa locker ko." Saad niya at mukhang nagbabalik tanaw sa nakaraan. "Alam mo bang nagawa kong kalimutan ang naramdaman ko para sa 'yo noong kolehiyo? Noong hindi mo tinupad ang pangako natin sa isa't isa na sabay tayong mag-aaral sa Kolehiyo de San Jose na hanggang ngayon ay wala pa rin akong ideya kung bakit, Vien. May nagawa ba ako sa 'yo?"
Lumunok ako ng laway at tumingala sa makulimlim na kalangitan. Kasabay ng pagpatak ng ulan ay siyang pagdaloy ng luha sa mukha ko. Buwesit na ulan at sumabay pa talaga sa nararamdaman ko ngayon.
Nagpakawala ng isang malakas na buntong hininga si Tim bago nagtanong, "Naging halata ba ako sa naramdaman ko para sa 'yo?"
"Wala akong ideya," saad ko habang umiiling.
"Nagalit ka bang naging kami ni Vanessa?"
"Hindi ako nagalit, Tim."
"Kung hindi ka galit—bakit? Bakit ka umiwas sa loob ng limang taon?"
Paano ko ba sasabihin ang katotohanan na hindi makakasira ng relasyon?
Paano ko ba aaminin kung wala naman akong ebidensya na sa akin nga nanggaling iyon?
Ang gulo.
"Iyong liham," saad ko sa mahinang boses bago pumikit. "Sa akin iyon, Tim."
Kung may lakas ng loob sana akong sabihin ang katotohanan, edi ako sana 'yong maglalakad patungong altar. Ako sana 'yong hihintayin ni Tim kasama ang kanyang best man. Kami sana ang ikakasal sa susunod na buwan at ako sana ang babaeng makakasama niya hanggang sa pagtanda.
Pero kanina pa umalis si Tim sa harap ko, kaya hindi niya narinig ang pag-amin ko.
Tweet your thoughts and use #IWYALetter on Instagram, Facebook, or X.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro