Chapter 12 - The Preparation
Dumaan pa ang mga araw at nagsimula na ang Asian leg tour ng Westlife. Nakapag-concert na sila sa Taiwan, Thailand, China, Malaysia, Indonesia, Singapore, Hongkong, at Vietnam. Isang linggo na lang ang hihintayin ay sa Pilipinas naman sila magko-concert nang sunod-sunod na tatlong araw.
“Ate, okay na po ba ’yung pina-print namin?” tanong ni Kathryn sa kinontrata nila sa printing shop. Nasa Divisoria sila ngayon upang kuhanin ’yung ipinagawa nilang t-shirt na isusuot nila sa concert.
“Gawa na ito kagabi pa,” sagot ng tindera. “Tingnan ninyo.”
“Ang guwapo talaga ng bebe ko!” kinikilig na sabi ni Mae habang nakatingin sa t-shirt na may nakaimprentang picture ni Shane.
“Walang sinabi ang araw sa sobrang hot ng Nicky ko!” Halos malukot naman ang t-shirt na hawak ni Analisa dahil sa kayayakap nito.
“Bakla, ba’t naman nakadila si Nicky sa pina-print mo? Parang nangangakit e,” natatawang saad ni Jem.
“Eh, keshe ene keshe eh,” pabebeng sagot ni Analisa habang inilalagay ang buhok sa gilid ng tainga.
“Ramdam ka namin, bakla. Alam mo namang basta pagdating kay Nicky e nalalaglag agad ’yung pa—”
Hindi naituloy ni Kathryn ang sasabihin dahil sumabad na si Jem. “...nga. Panga, ’di ba?” Pinangmulagatan niya ang kaibigan. Sinenyasan niya si Kathryn na huwag nang ituloy kung anuman ang naiisip dahil maraming tao sa paligid nila.
“Ay oo. Panga pala. Akala ko panty— ayy!” Natutop ni Kathryn ang sariling bibig dahil sa nasabi.
Naitakip nina Analisa, Jem, Mae ang palad sa kanilang mukha sa hiya para sa kaibigan. May mangilan-ngilang tao kasi ang napalingon kay Kathryn dahil sa sinabi niya.
Inakbayan ni Jem sina Analisa at Mae. “Hindi po namin kasama ’yan.”
Naghagikhikan silang tatlo at nagsimula na silang lumakad palabas ng printing shop.
“Oyy. Intayin ninyo ’ko!” hiyaw ni Kathryn sa mga kaibigan.
***
Nagtingin-tingin pa sila ng mga paninda sa Divisoria nang nakasalubong nila si Carlos.
“Mga ate!”
Nagliwanag ang mukha ng magkakaibigan nang batiin sila ng binatilyo.
“Ikaw pala ’yan, Carlos! Kumusta?” tanong ni Jem.
“Okay naman po, mga ate. Heto, excited na kasi malapit na po ang concert.”
“Oo nga. Ilang araw na lang ang iintayin natin, eh,” saad ni Mae. "Oh, basta ’yung sinabi namin sa ’yo ha? Sa harap ng Araneta tayo magkita-kita.”
Sumingit si Analisa. “Doon na rin namin ibibigay ’yung ticket mo kaya agahan mo ha?” Kung matatandaan ay pinangakuan ng dalaga ng concert ticket ang binatilyo. Binayaran na niya ’yun kay Jem kasabay ng ticket na pansarili.
Tumango si Carlos. “Maalala ko nga po pala, may mag-aabang po ba sa airport?”
Nagkatinginan ang mga dalaga. “Yun ang ’di pa namin alam,” sagot ni Kathryn. “Pero nakikipag-coordinate na raw sa management ng Westlife si Ms. Chinkee. Sumama ka kung sakali mang mayroon.”
Napangiti si Carlos sa sinabi ng ate-atehan. Napatingin siya sa hawak nitong nakarolyo.
“Ate, parang anlaki niyan. Ako na po ang magdadala.”
Napatingin naman si Analisa. “Ano ba ’yan, bakla?”
Iniangat ni Kathryn ang hawak. “Ah ito?” Iniabot niya kay Carlos ang hawak. Pagbuklat nito ay isa pala itong tarpaulin na may nakasulat na
'Welcome to the Philippines, Westlife! We love you!'.
Napangiwi si Analisa. “Grabe naman, bakla. Para kang mangangandidato niyan sa laki, eh. Ganyan pala kalaki ang ipinagawa mo.”
“Siyempre, ako pa ba?” Inirolyong muli ni Kathryn ang tarpaulin na ipinagawa sabay abot kay Carlos. “Ewan na lang kung 'di pa tayo mapansin niyan, ha?”
Natatawang-naiiling na lang si Analisa.
Pagkatapos ay naglakad-lakad pa sila nang kaunti at umuwi na rin nang maggabi na.
Dublin, Ireland
Mula nang tanggihan ni Jodi ang marriage proposal ni Kian ay hindi pa muling nagkikita ang dalawa. Hinihintay lang ni Jodi ang hudyat. Na sa oras na i-text siya ng nobyo ay agad-agad siyang makikipagkita.
Ngunit dumaan ang ilang araw at linggo ay hindi pa rin talaga siya tine-text ni Kian. Maging nang pumunta na ang nobyo at ang mga kabanda niya sa iba't ibang bansa sa Asya ay hindi siya nakatanggap ng anumang mensahe. Nakararamdam na nga siya ng tampo ngunit naisip din niya na hindi naman niya masisisi si Kian dahil masakit naman talaga ang ma-reject. Hindi biro ang hinugot na lakas ng loob ng nobyo para lang magawa iyon ngunit sa isang iglap lang ay nasira dahil sa pagtanggi niya.
Hindi rin naman niya masisisi ang sarili dahil ayaw niya talagang pumasok sa isang bagay na hindi pa siya handa. Gusto niya e marunong na siya sa lahat tulad ng pagluluto, paglalaba, at paggawa ng gawaing-bahay. Ayaw niya kasing kumuha ng katulong kung mag-aasawa na siya. Gusto niyang pagsilbihan si Kian. Mahal na mahal niya ang nobyo kaya gusto niyang maging perfect bride-to-be bago suungin ang buhay may-asawa.
Gagawin ko ang lahat para maging karapat-dapat na maybahay ni Kian. Malay ba natin? Na baka paggising ko isang araw ay handa na pala ako? Eh, ’di sasagutin ko na siya ng isang napakatamis na 'Oo.'
Nami-miss na niya si Kian kaya nagdesisyon siyang sadyain na ito sa bahay. Hindi na niya hihintayin pa ang i-text siya ng nobyo. Siya na ang mag-i-initiate ng pag-uusap. Baka kasi nangangailangan lang ng lambing si Kian.
Pagkarating niya sa bahay ng nobyo ay naabutan niya si Patricia, ang nanay ng binata na nagsasampay ng mga damit.
“Hello po, tita. Magandang umaga po!”
Napatigil sa ginagawa si Patricia. Nilapitan niya ang bagong dating para bigyan ng beso. “Oh, hija. Napadalaw ka?”
“Pupuntahan ko po sana si Kian. Nandiyan po ba siya?”
Kumunot ang noo ni Patricia sa sinabi ni Jodi.
“Eh, kaaalis lang nila papuntang airport. Ngayon ang flight nila papuntang Pilipinas. May tatlong araw na concert daw sila at ang sabi pa ay baka abutin daw sila ng dalawang linggo roon dahil sa sunod-sunod na commitments. Hindi ba niya nasabi sa ’yo?”
Medyo lumiit ang ngiti ni Jodi sa sinabi ng mommy ni Kian. “Ah oo nga po pala. Bakit medyo makakalimutin na ako ngayon?”
Nagdahilan na lang siya na nakalimutan niya ngunit ang totoo ay ngayon lang din niya nalaman ang tungkol doon. Medyo kumirot ang puso niya sa tampo sa nobyo.
Kian, kailan bang humantong sa ganito ng lahat dahil sa pagtanggi ko?
Hindi rin naman siya nagtagal sa Egan’s Mansion. Pagkatapos ng kaunting pag-uusap ay umalis na siya.
***
Sa paglalakad niya ay may nakabunggo siyang isang tao. Medyo malakas ang impact kaya napadaing siya.
“Sorry, Miss—” Naudlot ang sasabihin ng lalaki nang tingnan nito ang mukha ng nabangga. "J-Jodi?"
Pumutla ang mukha ni Jodi nang mapatanto kung sino ang nasa harap niya. Nang medyo mahimasmasan ay nagsimula na siyang maglakad palayo.
Ang taong nabangga niya ay si Ben Adams, ang ex niya.
“Jodi.” Hinabol ni Ben ang dalaga. Nang maabutan niya si Jodi ay hinawakan niya ito sa braso.
Napabuntong-hininga si Jodi. Dire-diretso pa rin ang tingin niya sa nilalakaran.
Wala na siyang pagtingin kay Ben. Umiiwas lang talaga siya dahil mainit ang mata ng mga paparazzi sa kanila lalo pa at mag-ex sila. Hindi ito ang tamang panahon na makipag-usap kahit casual lang sa ex niya lalo pa at not in good terms sila ni Kian ngayon.
Binilisan pa ni Jodi ang paglalakad hanggang sa mawalan siya ng balanse sa pagmamadali. She has sprained her ankle and what made it worst is she is wearing a pair of stiletto.
“Ouch!” Napahiyaw si Jodi sa sakit.
Walang ibang tao sa paligid kundi si Ben lang. Nasalo siya nito bago pa siya mapahiga sa kalsada.
Tumingin muna si Jodi sa paligid. Nang maramdaman niyang wala namang paparazzi ay hindi na niya tinanggihan ang tulong ni Ben.
Binuhat siya ng binata hanggang sa sasakyan nito. Doon na rin siya binigyan ni Ben ng first aid.
“Okay ka na ba?” tanong ni Ben habang nakatingin sa paa ni Jodi na binalutan niya ng elastic bandage.
Tumango si Jodi. “Salamat.”
Umayos ng upo si Ben. Taglay niya ang lungkot sa mukha. “I’m sorry. Siguro kung ’di kita kinulit e hindi mangyayari ’yan sa iyo.”
Wala namang isinagot si Jodi. Hinilot-hilot lang niya ang paligid ng paa niyang may benda.
“Gusto lang sana kitang pormal na imbitahan sa wedding ko,” sabi ni Ben. “I’m engaged.”
Napatigil sa ginagawa si Jodi. Bahagyang napaawang ang bibig niya.
“Woah, this is big news! Congrats!”
“Salamat,” nahihiyang tugon ni Ben. “Isama mo na rin si Kian para makainom ko rin siya kahit konti.”
Tumango si Jodi. “Susubukan ko. Medyo puno rin kasi ang schedule ko sa mga susunod na buwan. Pero kung hindi man ako makakapunta, magpapadala na lang ako ng gift.”
Tumingin si Jodi sa relong-pambisig. “By the way, can you look for a cab for me? Ayoko sanang magpahatid hanggang bahay kasi alam mo na.”
Naunawaan naman agad ni Ben ang ibig pakahulugan ni Jodi. He is currently engaged with his girlfriend at in a relationship naman si Jodi kay Kian. Isang malaking gulo ’pag nakita silang magkasama.
Pinaandar na niya ang sasakyan at idiniretso ito sa Hilltop kung saan naroon ang paradahan ng taxi.
Samantala, sa 'di kalayuan ay maririnig ang sunod-sunod na pag-click ng camera.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro