I KISSED A GIRL 9
Inihatid ako ni Lothur sa school kinahapunan kaya kahit ayaw kong pumasok ay wala akong nagawa. Hindi na rin ako nakipagtalo sa kaniya dahil paniguradong hindi na naman 'yun magpapatalo.
"Kilala mo si Kuya Lothur?"
Nagulat ako nang may kumausap bigla sa akin habang vacant time namin. Napatingin ako sa kaniya na may halong pagtataka. Sino ba siya?
"Larisa Mae nga pala! Ewan ko kung bakit hindi mo pa rin ako kilala eh halos ilang buwan na tayong magkaklase," natatawa niyang sabi.
Hindi ako umimik at nanatili na lang na tulala.
"So kilala mo nga si Kuya Lothur? Crush mo siya, 'no?"
"Hindi 'no!" agad kong tanggi.
"Anong hindi eh kanina mo pa sinusulat yung pangalan niya riyan sa papel mo!" Tumawa nang napakalakas ang kaharap ko.
Napatingin naman ako sa kamay kong parang may sariling buhay at kusang nagsusulat. Ano bang nangyayari sa akin?
"Huwag kang mag-alala sa'tin sa'tin lang 'to. Hindi ko ikakalat, pramis." Itinaas niya ang kanang kamay na parang nangangako.
"Hindi ko nga siya crush, ano bang sinasabi mo diyan?" Pasimple kong itinago ang papel sa bag ko. Kahit ako ay hindi alam kung bakit panay ang sulat ng kamay ko ng pangalan ni Lothur. Ganun na ba ang epekto sa akin ng kumag na 'yun? Hindi na maganda 'to.
"Oo nga pala, si Jane nga pala ang crush mo. Kumusta naman?"
Ang daldal naman ng isang 'to.
"Kumusta ang relationship ninyong dalawa? Bali-balita kayang nag-confess ka sa kaniya tapos na-friendzone ka."
Hindi ako nakaimik nang marinig iyon. Hindi ko akalain na pati ang ganoong bagay na napaka-pribado ay malalaman pa ng buong school.
"Kung di mo nga pala natatanong, pinsan ko nga pala si Kuya Lothur!" Proud na proud itong ngumiti sa akin matapos halos isigaw iyon.
Nagkaroon ng malaking question mark sa ulo ko. Pinsan? Bakit hindi ko siya kilala kung pinsan niya si Lothur?
"Alam ko na iyang nasa isip mo. Kilala naman namin ang isa't isa, 'yun nga lang hindi kami gaanong close."
Hindi na lang ako umimik dahil nakita kong pumasok na ang next subject teacher namin. Pero imbes na makinig ay aktibong naglayag kung saan-saan ang utak ko. Napailing na lamang ako para ituon ang atensyon sa taong nasa unahan.
"What do you think Miss Saavedra?" Nagulat ako nang magtanong ang teacher namin.
"Opo, payag po siya." Si Larisa na ang sumagot para sa akin.
Wala naman akong nagawa kundi tumango na lamang kahit hindi ko alam kung anong pinag-uusapan. Nakatingin silang lahat sa akin kaya medyo nakakahiya.
"Then it's settled, you will represent this section for Campus Crush."
Kumurap pa ako ng dalawang beses bago tuluyang matanggap ng utak ko ang sinabi ni Ma'am Lazaro.
Campus Crush?
A-anong Campus Crush?!
"Ma'am, t-teka! Ayoko! Hindi ako sasali diyan," pagrereklamo ko.
"I thought gusto mo? Pumirma ka na nga sa waiver, eh."
Gulat akong napatingin sa papel na hawak ko. Hindi ko akalain na ito ang waiver na tinutukoy ni Ma'am. Akala ko ay kung ano lang 'tong inabot sa akin ni Larisa kanina!
"B-but--" Hindi na ako nakapag-reklamo dahil mabilis na nawala sa classroom si Ma'am Lazaro.
Tiningnan ko ng masama si Larisa nang makita siyang prenteng-prente ang pagkakaupo na para bang walang kasalanan sa akin.
"Oh bakit ganiyan ka makatingin? Sinabi ko bang pirmahan mo 'yung waiver? Kusa mong ginawa 'yun girl!" natatawang sabi nito habang nakataas pa ang dalawang kamay, animo'y sumusuko sa kapulisan.
"Campus Crush iyon, Larisa. Mukha bang may nagkaka-crush sa'kin, ha?!" inis kong tanong.
"Aba, malay mo naman kung nahihiya lang magsabi 'yung mga nagkakagusto sa iyo."
Hindi na lang ako umimik at dali-daling lumabas ng classroom namin. Hahabulin ko pa sana si Ma'am Lazaro para sabihing hindi ako interesado sa pagsali pero hindi ko na siya nahanap pa. Bukas na nga lang ako magrereklamo sa kaniya. Bakit ba kasi lutang na lutang ako kanina? Minsan pahamak din 'tong sarili ko eh.
Nang magsawa kakamaktol sa hangin ay wala na akong nagawa kundi umuwi na lamang. Nakasakay na ako sa motor ko nang maisipan kong puntahan si Jane sa kanila. Gusto ko siyang kamustahin.
"Tao po!" sigaw ko sa gate nila.
Agad namang lumabas ng bahay nila si Tita Florence. "Pasok ka, Miko. Ano't naparito ka?"
"Itatanong ko lang po sana si Jane. Nandiyan po ba siya?" Nagbabakasakali akong lumingon sa loob ng mansion nila.
"Kagabi pa siya hindi umuuwi, eh. Nag-aalala na ako sa anak ko. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sumasagot sa mga texts at tawag ko." Nang tingnan ko ang mukha ni Tita ay bakas doon ang pag-aalala at lungkot. May mga itim rin siya sa ilalim ng nga mata na marahil ay dala ng puyat paghihintay kay Jane.
"Huwag po kayo mag-alala Tita, hahanapin ko si Jane. Ite-text ko na lang po kayo pag nakita ko na siya." Nagpaalam ako kay Tita Florence saka ko mabilisang pinaandar ang motor ko. Dumaan muna ako sa bahay namin para magpaalam kay Mama. Para hindi na rin siya mag-alala kung sakaling matagalan ako paghahanap kay Jane.
"Nasaan na ba 'yun?" medyo inis ko nang bulong sa sarili habang nagmo-motor pa rin.
Pinuntahan ko na lahat ng posibleng lugar na pwedeng puntahan ni Jane.
Hindi ko pa rin siya makita. Hanggang sa naisipan kong puntahan siya sa tree-house na paborito naming tambayan.
Ito na lang ang pag-asa ko. Kapag wala pa rin siya dito ay hindi ko na alam kung saan ko pa siya hahanapin pa. Ipinarada ko ang motor ko at saka bumaba.
Pinagmasdan ko muna ang park kung nasaan ang tree-house na hilig naming puntahan ni Jane lalo at may projects kami. Dito namin iyon ginagawa. Wala pa ring pinagbago ang lugar, maginhawa pa rin.
Huminga ako ng malalim bago nagpatuloy sa paglalakad. Nagulat ako nang biglang may malaglag na sanga ng kahoy sa mismong harapan ko; buti na lamang at nakailag ako.
Bigla akong kinabahan sa 'di ko malamang dahilan. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad pero mas naging alerto na ako. Baka may malaglag na namang kung ano tapos di ko mailagan.
Nang makalapit ako sa tree-house ay nagtaka ako nang may marinig na mga tawanan. Hinawakan ko ang door knob ng tree-house saka dahan-dahan iyong binuksan.
Matapos kong gawin iyon ay biglang naglaho ang matutunog na mga halakhak.
Natigilan naman ako nang mapagmasdan ang loob ng tree-house. Magkaharapang nakaupo roon ang dalawang taong pamilyar na pamilyar sa akin.
Oo, pamilyar at kilala ko silang dalawa; si Lothur at saka si Jane na pareho nang gulat na nakaharap sa akin.
~
FOLLOW
VOTE
COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro