I KISSED A GIRL 27
Twelve years ago... (HIS POV)
"Bakit kailangan ko pang pumunta roon?"
"Dahil mahalaga ang araw na iyon para kay Jane, kaarawan niya iyon. Alam mong gustong gusto ka niyang makita. Pagbigyan mo na," pakikiusap sa akin ng aking ina.
Maraming beses ko nang nakita si Jane. Tuwing may okasyon sa bahay ay hindi siya nawawala. Hindi ko man siya pinapansin ay palagi pa ring mataas ang enerhiya niya para kausapin ako.
Nahihiya naman akong sungitan at pagsalitaan siya ng masama. Mukha naman siyang mabait. Mukha siyang anghel.
Ayaw ko man ay pumunta pa rin ako sa kaarawan ni Jane. Labindalawang taon na ako noon at nalaman kong ganun rin ang edad niya.
Bago pa ako pumunta sa mismong venue ng kaarawan ni Jane ay dumaan muna ako sa bahay ng babaeng gusto ko. Oo, aaminin kong napakabata ko pa para sa mga ganitong bagay pero hindi ko naman hawak ang aking nararamdaman. Kusa ko itong naramdaman at wala akong reklamo doon.
"'Tol! Bihis na bihis, ah! Saan ang gala?" agad sa aking tanong ni Mikay.
Gusto ko siya noon pa, matagal na. Pero kaibigan lang ang turing niya sa 'kin. Malungkot man sa panig ko ay pinipili ko pa ring maging masaya. Nakikita at nakakasama ko naman siya araw-araw at kailan ko man gustuhin.
Nginitian ko siya bago sagutin ang tanong niya. "May pupuntahan lang akong birthday party. Sasama ka?"
"Wow! Sinong may birthday?"
"S-si Jane," nahihiya kong sabi. Baka kasi kung anong isipin ni Mikay sa amin.
"Sama ako!!!" agad na sabi ni Mikay. Kumikinang pa ang kaniyang mga mata sa tuwa. Pero hindi rin iyon nagtagal dahil sumimangot din siya agad.
"Oh bakit?" natatawa kong tanong.
"Hindi pala ako invited. Huwag na lang. Sige, alis ka na maglalaro na lang ako ng teks ko," nakangusong sabi ni Mikay.
Ngumiti naman ako sa kaniya saka ginulo ko ang buhok niya. Tuluyan na akong lumabas sa bahay nila matapos iyon.
---
"Hindi pwedeng bumagsak ang kompanyang pinaghirapan ng pamilya ko! Hindi pwedeng masayang ang pinaghirapan ng mga ninuno ko para sa El Cajon! Hindi pwedeng mangyari 'yun!" Napakalakas ng pagsigaw na iyon ng Papa. Dumadagundong ang boses niya sa buong salas.
"Gagawa tayo ng paraan. Makakahanap tayo ng solusyon," ion na lang ang isinagot ni Mama saka itinuon ang paningin sa akin.
Kadarating ko lang mula sa school at heto ang nadatnan ko. Bago pa ako umakyat ng hagdan ay nakita ko nang lumapit sa akin si Mama. Nakailang haplos siya sa braso ko saka malambing na tumingin sa akin.
"Lothur, may itatanong si Mama sa'yo."
Ngumiti ako dito bago nagsalita. "Ano po yun?"
"Ano nang balita sa inyo ni Jane? Nililigawan mo na ba siya? Kayo na ba?"
Nagtaka ako sa biglaan niyang pagtatanong ng ganun. "'M-ma, bata pa po ako."
"Ano ka ba naman, baka maunahan ka sa batang iyon. Kumilos ka na hangga't nasasayo pa ang atensyon niya."
Gulat akong napatingin kay Mama matapos niya iyong sabihin. Hindi ko inaasahan iyon. Nakakapagtakang hindi siya katulad ng ibang magulang na pinagbabawalan ang kanilang mga anak na makipagrelasyon. Sa tingin ko ay ibang kaso naman siguro sa'kin dahil lalaki ako. Iyon na lang inisip ko.
Ilang segundo pa bago ako tumango. Susundin ko na lang ang mga sinasabi ng mga magulang ko sa akin. Kung ito ang magpapasaya sa kanila, gagawin ko. Hindi kasi ako magaling sa kahit na ano. Laging masama ang loob nila sa akin dahil sa mababa kong grado. Hindi ako naging mabuting anak sa paningin nila. Wala akong ibang hangad kundi ang magbago ang tingin nila sa'kin.
Hindi nga ako nagkamali dahil sobrang tuwang tuwa sila nang malamang naging kami na ni Jane. Alam kong maling makipag-relasyon ako kay Jane nang wala akong nararamdaman sa kaniya pero ito ang sa tingin ko ang nararapat kong gawin. Nakakasawang ituring na masamang anak. At least ngayon may dahilan na sila para matuwa sa'kin.
"Kayo na ni Jane?" tanong ni Mikay sa akin.
Tumango ako kahit pakiramdam ko ay labag sa kalooban ko iyon.
Kitang kita ko sa mga mata ni Mikay na nasaktan siya. Hindi ko alam kung dapat ko ba iyong ikatuwa dahil nakikita kong may pag-asa ako sa kaniya kahit kaunti. Hindi ko naisip na baka si Jane pala ang gusto niya kaya siya nasasaktan.
---
"Bagsak ka ngayong school year?" tanong ni Papa sa 'kin.
"Opo s-sorry Pap--" Bago ko pa maituloy ang linyang iyon ay may kamao nang sumalubong sa mukha ko.
Hindi na ako nagulat doon. Matagal na niya akong sinasaktan kaya't hindi na kataka-takang gawin niya 'yun sa'kin ngayon. "Naiimpluwensiyahan ka na nga nung tomboy mong kaibigan. Simula ngayon lumayo ka na sa kaniya! Ang mas mabuti pa magtransfer ka na lang ng ibang school. Dun ka na sa Lola mo sa Quezon! Baka doon ay mas magtino ka pa!"
Nag-init ang ulo ko dahil doon. Hindi pwedeng madamay si Mikay dito. Sa akin lang dapat siya magalit dahil ako ang may kagagawan kung bakit ako bumagsak. Walang kinalaman si Mikay dito. "Makikipaghiwalay ako kay Jane kapag pinalipat mo 'ko ng school!"
"Aba't--" Susuntukin na sana ako ni Papa pero inilagan ko iyon.
"Akala niyo ba hindi ko alam ang dahilan kung bakit pilit niyo akong inilalapit kay Jane? Dahil puro kompanya ang nasa isip niyo! Yung lolo ni Jane ang isa sa mga may pinakamalaking share sa kompanya diba? Diba?! At kapag nakipaghiwalay ako kay Jane posibleng maapektuhan ang samahan niyo dun sa lolo niya. Tama ba?!"
Hindi ako sinagot ni Papa bagkus ay
sinuntok na lamang ulit ako. Pinahid ko pa ang dugong tumulo mula sa gilid ng labi ko. Hindi ko na maramdaman ang sakit para bang pakiramdam ko ay namanhid na ako ng mga oras na iyon.
"Dario! Lothur! Anong nangyayari dito?" Nagulat ako nang biglang dumating si Mama para pigilan kaming dalawa.
Aakyat na sana ako ng hagdan ngunit natigilan din agad nang makarinig ng pagpalahaw. Napatingin ako kay Mama na kandong na si Papa. Gulat akong napatingin kay Papa nang mapagtantong inaatake na naman ito ng sakit sa puso.
Kaagad siyang isinugod sa ospital. Na-confine siya roon kaya't kinailangan kong pumunta roon nang madalas.
"Sundin mo na lang ang papa mo, anak. Para rin 'to sa kinabukasan mo. Para ito sa kinabukasan ng El Cajon."
Nagsalubong ang kilay ko matapos marinig iyon. Nagagalit ako dahil para bang robot na lang ako na walang sariling desisyon.
Bilang respeto kay Papa ay sinunod ko siya. Nag-transfer ako ng ibang school. Lumipat ako ng Quezon. Hindi na ako nakapagpaalam sa mga kakilala ko dahil biglaan ang nangyari. Hindi man lang ako nakapagpaalam sa babaeng minamahal ko, hindi ako nakapag-paalam kay Mikay.
Nakipaghiwalay na rin ako kay Jane matapos iyon. Wala na akong pake kung magalit sa akin sila Mama o kahit sino man. Hindi pa ba sapat ang malayo ako kay Mikay?
Gayunpaman ay sumunod pa rin sa'kin si Jane. Nagmamakaawa siyang makipag-balikan ako sa kaniya. Ilang beses niya akong tinakot na kakausapin niya ang lolo niya para hugotin ang napakalaki nitong share sa kompanya. Pero hindi niya ito itinutuloy.
Hanggang sa dumating ang araw na kailangan kong bisitahin si Papa sa ospital. Mahina na siya at talaga namang napakapayat na sa matagal na panahong pagkakaratay doon.
Aaminin kong may galit pa rin ako sa kaniya pero nangingibabaw na ang awa sa akin. Hindi ko siya magawang tingnan nang ganun katagal dahil baka hindi ko mapigil ang pagbagsak ng mga luha ko.
Ngunit hindi ko rin iyon napigil lalo pa nang makita kong maghingalo si Papa sa kinahihigaan niya. Gayunpaman ay pinili niyang ako ang kausapin sa huling pagkakataon.
"A-anak. Patawarin mo si P-papa."
Hirap na hirap siyang sabihin iyon. Gustuhin ko man siyang pigilang magsalita ay parang hindi ko kaya. Gusto kong marinig ang boses niya sa huling pagkakataon. Nais kong tumatak ito sa isipan ko bago pa siya mawala sa mundo.
"Alagaan m-mo ang El Cajon. G-gawin mo ang lahat p-para hindi ito bumagsak. M-mahal na mahal kit--" Hindi na niya natapos pa ang linyang iyon dahil batid kong nalagutan na siya ng hininga.
Kulang pa ang salitang paghihinagpis para mailarawan ang nararamdaman ng pamilya namin noon.
"Opo Papa... g-gagawin ko ang lahat para sa kompanya. Hindi ko ito hahayaang bumagsak. Magiging proud ka sa 'kin," sinabi ko ito habang ang mga luha ay patuloy ang pag-agos sa pisngi.
Matapos ang araw na iyon ay itinalaga ko na ang buhay ko sa kompanya. Nangako ako kay Papa na gagawin ko ang lahat para sa El Cajon. Nakipagbalikan ako kay Jane. Oo, gago talaga ang ginawa ko. Ginamit ko si Jane. Pero wala na akong maisip na paraan para bumangon pa ang kompanya ng pamilya namin. Batid ko namang alam ni Jane na ang El Cajon lang ang dahilan kung bakit ako nakipagbalikan sa kaniya.
Maraming koneksyon ang lolo ni Jane na siyang naging dahilan upang marami ang mag-invest sa kompanya namin. Hindi rin nagtagal ay nagtagumpay ang El Cajon. Tuwang tuwa ang Mama ko dahil doon. Masasabi ko nang sa wakas ay naging proud na siya sa'kin. Ganun din siguro si Papa sa langit.
---
"Kilala mo si Mikay diba?" Nagulat ako nang tanungin iyon ni Jane sa akin isang araw.
Tumango ako. "Bakit, Mahal? Anong kailangan mo sa kaniya?"
"Nakakatawa lang kasi siya. Umamin ba naman sa 'kin na gusto niya ako."
Natawa na lang din ako. Alam ko naman noon pa na may gusto si Mikay dito kay Jane pero binalewala ko lamang iyon.
"Can you do me a favor?" maya-maya ay sabi ni Jane habang ang mga kamay ay panay ang haplos sa aking braso.
"What is it?"
"Nabo-bored kasi ako. I want to play a game."
"What exactly do you want to do?"
"Play with her?"
"What do you mean?"
"Oh come on, Lothur. Masaya 'to. Just play with her heart, simple as that."
"Are you serious?" natatawa kong tanong. "Hindi na tayo bata, Jane. Pwede bang iba na lang laro ang ipagawa mo sa 'kin. Kahit anong laro basta huwag lang 'yun."
Napalunok ako ng ilang beses. Naiisip ko pa lang na masasaktan ko si Mikay ay parang pinipiga at dinudurog na ang puso ko.
"Why so KJ ba? You don't want me to call my Lolo, right?" Nagulat ako nang ilabas ni Jane ang cellphone niya.
Ito lagi ang ginagawa niya kapag may gusto siyang ipagawa sa'kin. Bina-blackmail niya ako gamit ang kompanya na napaka-importante sa buhay ko. Napapikit na lang ako, para bang sa paraang iyon ay makakapag-isip ako ng matino.
"O-okay, I'll do it," napipilitan kong sagot.
Tuwang tuwa naman si Jane at itinago na ang cellphone niya. Niyakap pa niya ako. Hindi ko alam ang binabalak ni Jane pero gagawin ko ang lahat para hindi matuloy ang kagustuhan niyang masaktan si Mikay.
---
"Gan'to gawin mo. Tawagan mo si Mikay tapos ipaparinig natin sa kaniya yung usapan natin. Kunwari hindi natin alam na nakikinig pala siya." Tuwang tuwa si Jane sa suhestiyon niya.
"What? Nahihibang ka na ba?" tanong ko sa kaniya.
Inilabas naman ni Jane ang cellphone niya matapos kong magreklamo. "Hello, Lolo. This is Jane. You know El Cajon, right? I have a favor for you, can you please pull out--"
"O-okay, I'll d-do it," hirap na hirap kong pag-sang ayon. Ilang beses kong minura ang sarili sa isip ko. Kinuha ni Jane ang cellphone ko at akmang idadial na ang numero ni Mikay.
Hawak pa ni Jane ang cellphone niya, nakahanda nang tawagan ang lolo niya anumang oras.
"Layuan mo si Mikay. Nagseselos ako sa kaniya," nakangising sabi ni Jane. Sinisimulan na niya ang pag-arte dahil mabilis din namang sinagot ni Mikay ang tawag.
"Pati ba naman sa tomboy, Mahal, magseselos ka?" Maski tutol ako dito ay kailangan ko itong gawin. Wala akong magawa dahil na kay Jane ang alas. Naiipit ako sa sitwasyong ito. Nangako ako kay Papa na gagawin ko ang lahat para sa kompanya. Iyon ang huling habilin niya sa akin kaya't hangga't maaari ay susundin ko iyon.
"Eh sa nagseselos ako, eh. Layuan mo siya kung hindi--"
"Mahal naman, tomboy 'yun eh, hindi naman ako magugustuhan n'on. Huwag ka na magselos, okay?"
"Eh paano kung ikaw ang magkagusto sa kaniya?"
"Tss. Naririnig mo ba ang sinasabi mo?" Humalakhak ako para maging kumbinsido. "Doon? Magkakagusto ako? Sa tomboy na 'yun, eh ang pangit pangit n'on, eh!"
Sa isip ko ay napapamura na ako. Iniisip ko pa lang ang mararamdaman ni Mikay ay parang gumuguho na ang mundo ko. Naguguluhan ako sa dapat kong unahin. Hindi na ako makapag-isip ng matino. "Tingnan mo nga ang hitsura n'on, sa tingin mo ba iyon ang mga tipo ko? Eh halos ikahiya ko nga yun pag kasama ko, eh."
"Bukod sa tomboy na pangit pa!" sabi pa na Jane. Sinenyasan niya akong ulitin iyon na siya namang ginawa ko.
Nang patayin niya ang tawag ay hindi ko maiwasang pangiliran ng luha. Hindi ko alam kung alin ang uunahin ko. Lubos akong naguguluhan.
"You're a good actor naman pala, eh. Hayaan mo, hindi ko na tatawagan si Lolo!" Hinalikan ako ni Jane sa pisngi na siyang inilagan ko.
Nang makalabas si Jane doon ay agad akong napasuntok sa pader. Balak ko pa sanang makipagkita kay Mikay pero hindi ko alam kung paano ko siyang haharapin. Pakiramdam ko ay napakatanga ko dahil pumapayag ako sa ganitong set-up.
---
"Lothur, b-buntis ako," nakatungong sabi ni Jane.
Salubong ang kilay ko siyang tiningnan.
"Huwag kang mag-alala, hindi sa'yo ang bata." Nasa baba pa rin ang paningin niya.
Tinalikuran ko na lamang siya akmang aalis na doon. Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko ay nakayakap na sa'kin si Jane.
"Hindi ka ba magagalit? Sigawan mo ko! Sabihin mo kung gaano kita pinagmukhang tanga! Niloko kita! I cheated! Wala ka man lang bang sasabihin sa 'kin?"
Napangisi ako. "Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Jane?"
Kitang kita ko ang pag-iwas ng paningin niya nang salubingin ko ito.
Walang kasinlamig ang naging pagtingin ko sa kaniya. "Huwag kang tanga dahil hindi kita mahal. Huwag kang umasang ganiyan ang magiging reaksiyon ko dahil una sa lahat alam mong ginamit lang kita para sa kompanya."
Nagsipagtuluan ang luha niya. Hindi marahil niya inaasahan ang naging sagot ko. "Tatawagan ko si Lolo!"
"Don't use that shit against me again, gawin mo na ang gusto mong gawin. Wala akong pakialam."
Nilayasan ko siya doon kahit mukha na siyang tanga sa paglulupasay doon at pag-iyak habang tinatawag ang pangalan ko.
Ginawa nga ni Jane ang sinabi niya dahil makalipas ang ilang araw ay p-in-ull out na ng Lolo niya ang lahat ng share nito sa kompanya. Maski ang ilang connections ng Lolo niya ay kinausap nito para tanggalin ang investments nila sa 'min.
Napakahirap ibangon ng kompanya matapos iyon kaya wala akong nagawa kundi magdesisyong ibenta na lamang ito. Hindi naman masasayang ang pinaghirapan ng pamilya namin dahil itutuloy pa rin ng buyer ang nasimulan ng El Cajon.
Huli man nang mapagtanto ko ay mas maigi na rin iyon kesa magtiis ako kasama si Jane. Ayoko nang makipag-gaguhan sa kaniya.
Ilang beses akong nilapitan ni Jane. Ilang beses siyang nakiusap at nagmakaawa. Ilang beses din niyang ipinangako sa akin na makakabangong muli ang kompanya kapag nakipagbalikan ako sa kaniya.
Hindi ko siya pinakinggan.
Nang manganak siya ay naroon ako sa ospital. Ako ang nagmistulang ama ng bata. May natitira pa naman akong bait at malasakit kay Jane para gawin iyon. Pero una pa lang ay nilinaw ko na sa kaniyang para sa bata kaya ako pumunta doon.
Hindi deserve ng bata ang ganoong sitwasyon na wala siyang ama. Wala siyang kamuwang-muwang kaya hindi dapat siya maapektuhan ng mga naging desisyon ni Jane.
Naging sakitin si Jane matapos ang panganganak niya. Napasama sa kaniya ang anesthesia na ginamit para sa cesarian niyang panganganak. Ilang buwan siyang parang wala sa sarili at mistulang baliw. Nasobrahan daw sa anesthesia sabi ng mga doktor.
Nagsipagsulputan din ang iba't ibang sakit sa kaniya kahit na gumaling na siya sa unang sakit. Maski mga doktor ay hindi ito inaasahan at huli na nang ma-detect. Naroong may sakit pala siya sa atay dahil sa madalas na pag-inom niya ng alak noon. Hindi rin malusog ang bata dahil umiinom pa rin pala si Jane kahit buntis ito.
Sa awa ko sa bata ay kinupkop ko ito at itinuring na akin. Hindi man maayos ang relasyon namin ni Jane sa isa't isa ay hindi naman tamang idamay ko ang bata.
Ilang taon 'kong iginapang ang pagbangon sa kompanya at pagpapalaki sa anak ni Jane na pinangalanan kong Grayson Jace; Grayson Jace Meneses.
Lumaki naman itong malusog. Ilang taon ding na-extend ang pagbili sa kompanya dahil sa ilang sirkumstansiya. Gayunpaman ay hindi pa rin ako tumigil para ibangon ito. Pero nang mapagtanto kong wala na itong pag-asa sa mga kamay ko ay sumuko na ako.
Ilang taon ko ring hinanap si Mikay. Ayaw na niya akong makita matapos ang nangyari noon kaya't nirespeto ko 'yun. Pero hindi ko pa rin talaga maiwasang pagmasdan siya mula sa malayo.
Nakikita kong nag-o-audition siya pag-a-artista kaya't ginamit ko ang koneksyon ko para i-refer siya sa mga managers and producers. Masuwerte namang may nagkainteres sa pagkuha sa kaniya.
Nandoon ako sa lahat ng mga okasyon sa buhay niya. Stalker man kung iisipin pero wala na akong maisip na paraan para maibsan ang paghahangad kong makita siya.
Kaya laking gulat ko na lang isang araw na ang tadhana na ang gumawa ng paraan para magkalapit kami.
---
"Are you okay, Miss?" Hindi ko malaman kung paanong salita ang sasabihin matapos siyang makita sa harap ng coffee shop. Nagkunwari na lamang ako na hindi siya kilala. Hindi ko din naman alam kung paanong ihaharap ang sarili ko sa kaniya bilang ang Lothur na nanakit sa kaniya noon.
Sa isip ko ay natutuwa ako dahil kitang kita sa mga mata niya at sa kilos niyang nakikilala niya ako.
"I'm asking you, do you want me to repeat my question... again?" muli kong tanong matapos niyang hindi sagutin ang nauna kong katanungan.
Nagsalubong ang mga kilay niya na siyang nagpaalala sa akin sa kasungitan niya sa akin noon.
"Do I look okay?" masungit niyang pagkakatanong.
Napatango na lang ako habang ang ngisi ay hindi na maitago pa. "Excuse me."
"What?!" irita niyang sigaw sa akin.
"You're blocking my way."
Tumabi naman siya matapos kong sabihin iyon. Tinalikuran ko na siya para maglakad papasok ng coffee shop. Ngunit ilang hakbang pa lamang ay napatigil na ako.
"W-wait!" sigaw niya. "You're the CEO of El Cajon right?"
Dahan dahan akong humarap sa kaniya. "Ako nga, and you are?" dahan dahan kong pagsagot.
Gulat siyang tumingin sa akin na para bang hindi makapaniwala sa tanong ko. "H-hindi mo ako kilala?" bakas sa boses niya ang matinding pagkagulat.
"That's why I'm asking."
"Sikat ako, bakit di mo ko kilala? Wala ba kayong TV sa inyo?"
Kilalang kilala kita, Mikay, or should I say Kehla? Tss.
"I have no time for that. Please excuse me, my time is precious and you don't wanna waste it," pagsusungit ko rin sa kaniya. Sinadya ko iyon.
"I'm Kehla. And you're here for me!" sigaw niya ulit dahilan para mapangisi ako.
Yes, I'm here for you and this time I won't hurt you again. I won't make the same mistake... I promise you, my love.
~
FOLLOW
VOTE
COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro