I KISSED A GIRL 2
Maraming pagbabago ang naganap matapos kong umamin kay Jane. Hindi ko masabi kung saang aspeto pero nararamdaman kong napakalaki ng pinagbago ng samahan namin.
"Jane!" pagtawag ko mula sa hallway.
"Oh?"
"Uuwi ka na? Tara! Sabay ka sa 'kin, dala ko yung motor," pagbabakasakali ko.
"H-hindi na. Susunduin ako ng mga pinsan ko, parating na yung mga 'yun." Nagmamadaling tumakbo si Jane papunta sa gate.
Wala sa sarili akong sumunod papunta roon. Bahagya akong nagulat nang makakita ng kotse sa labas ng school. Lumabas dito ang isang halos kaedaran lang namin ni Jane kung titingnan. Mukhang mayaman ito, halata sa mga nagkikinangang alahas at mga burluloy sa katawan.
Nakipag-beso si Jane dito bago makipag-usap. Kitang-kita ko ang panghuhusga sa mga mata nito nang dumako ang paningin sa kinatatayuan ko. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa saka umirap.
"Jane, do you know her? Kaibigan mo ba siya? I mean look at her, sigurado namang hindi ka connected with that weird girl."
Nagulat ako matapos marinig ang mga salitang iyon. Gustong-gusto ko nang umalis sa kinatatayuan ko pero naiintriga ako sa magiging sagot ni Jane sa tanong na iyon.
Tumingin sa akin si Jane. Nagkatitigan kami. "N-no. Siyempre I don't know her. She's just a random schoolmate."
"Buti naman kung ganoon. I bet hindi mo kakayaning makasama ang ganiyang klase ng babae-oops babae nga ba iyan?"
Pinangiliran ako ng luha matapos marinig ang mga salitang iyon. Sobrang sikip sa dibdib ng mga sinabi niya. Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi saka tumungo. Ewan ko ba sa sarili ko at nagawa ko pa ring tumayo doon na parang hindi naapektuhan sa mga narinig.
Umalis ang kotse lulan si Jane at ang pinsan niya. Maski wala na sila ay hindi pa rin ako umaalis sa kinatatayuan ko. Masiyadong okupado ang utak ko para magawang kumilos man lang.
Maya-maya ay tumunog ang bell at nagsipaglabasan ang mga estudyante.
Itinanggi ako ni Jane, ikinakahiya niya ako.
Napakabigat sa dibdib na tipong napakahirap sa akin ang huminga. Hindi maiwasang magsipagtuluan ng mga luha ko. Napakainit ng mga iyon.
Nabunggo ako ng ilang estudyante. Hindi ko na lang ito pinansin dahil kasalanan ko rin naman at nakaharang ako sa daan palabas ng paaralan.
"Tabi nga, tomboy! Paharang-harang sa daan!"
Napatingin ako sa sumigaw na iyon. Isa ito sa mga nambubully sa akin, si Damulag. Sa dami ng iniisip ko ay hindi ko na namalayang kinaladkad niya na pala ako papunta sa likod ng school.
"Alam mo, tomboy, wala kang pag-asa kay Jane! Bukod sa tomboy ka eh napakapangit mo pa! Lagi mo na lang sinisira ang araw ko! Hindi lang kita matiyempuhan dahil lagi mong kasama si Jane my loves pero ngayon humanda ka sa ganti ko." Dinuraan niya ako sa mukha dahilan para mapapikit ako. Napakalagkit ng laway niya. Kadiri.
Pinilit kong kumawala sa mga braso niya pero sadyang mahina ako kumpara sa Damulag na ito. Akmang susuntukin na niya ako kaya't ipinikit ko ang aking mga mata para salubungin ito. Pero laking gulat ko nang hindi makaramdam ng kahit ano makalipas ng ilang segundo.
"Anong karapatan mong manakit ng babae?"
Napatingin ako sa nagtanong na iyon. Isa itong lalaki na kung titingnan ay mukhang kaedad ko. Hawak nito ang kamao ni Damulag na tatama na sana sa mukha ko.
Hindi sumagot si Damulag sa tanong ng lalaki. Nagulat ako nang bigla-bigla ay suntukin nito si Damulag. Sa lakas ng suntok na iyon ay natumba si Damulag nang walang kahirap-hirap.
Napatungo na lamang ako habang ang luha ay hindi mapigilan sa pagtulo. Pinigilan ko ito dahil nakakahiya sa lalaking kaharap ko.
Inayos ng lalaki ang kaniyang buhok bago bumaling sa akin. Pinagpagan niya rin ang sarili niya. Bahagya naman akong natigilan nang may iabot siyang panyo sa akin. Tiningnan ko iyon mula sa kamay niya tsaka naman ako tumingin sa mukha niya.
"Tatanggapin mo ba o ako na mismo ang magpupunas sa'yo?"
Napapahiya kong inabot ang panyo saka pinunas sa aking mukha. Inayos ko rin ang buhok kong napakagulo na at halos matanggal na sa pagkaka-pusod. Napatingin din ako sa braso kong namumula dahil sa mahigpit na pagkakahawak doon ni Damulag kanina lamang.
Napansin kong titig na titig ang lalaki sa akin kaya ko siya binalingan at tinaasan ng kilay.
"Mikay?" tanong niya.
Agad akong napatingin sa kaniya.
"Si Mikay nga!"
Naguguluhan akong tumingin sa kaniya. Anong nangyayari sa isang 'to? At paano niya nalaman ang pangalan ko?
"Ako 'to si Lothur!" tuwang tuwa niyang sabi.
Marahan kong pinagmasdan ang mukha niya. May pagkakahawig nga siya kay Lothur pero bakit parang nag-iba masiyado ang kaniyang hitsura mula nang huli ko siyang makita?
"Kung ikaw nga si Lothur, patunayan mo. Sabihin mo ang ultimate password." Ipinagkrus ko ang aking mga braso saka siya pinagtaasan ng kilay.
"Sobrang gwapo ni Mikay, mas gwapo pa siya kesa kay Lothur."
Gulat ko siyang tiningnan. "P-paano mo nalaman iyon? Kami lang ni Lothur nakakaalam niyon!"
Natatawa akong tiningnan ng lalaki. "Simple lang ang sagot sa tanong mo. Kaya ko alam ang password dahil ako si Lothur."
Inakbayan niya ako pero agad kong tinanggal ang braso niya sa aking balikat.
"Hindi ganiyan katangkad si Lothur. Hindi din siya ganiyan kaputi."
Muling natawa ang kausap ko. "Sa tingin ko dumaan ako sa tinatawag nilang puberty. Ikaw ba, hindi mo napagdaanan 'yun?"
Tumakbo ako paalis ng lugar na iyon. Ewan ko ba. Naniniwala akong siya si Lothur pero hindi pa ako handang patawarin siya. Masama pa rin ang loob ko sa kaniya dahil sa pag-alis niya nang walang paalam.
"Mikay! Teka, sandali lang!"
Naabutan ako sa pagtakbo ng kumag kaya wala akong nagawa kundi tumigil. Nakatalikod ako sa kaniya habang siya ay hingal na hingal.
"N-niligtas kita kanina, ah. Wala man lang bang salamat diyan?" hinihingal nitong tanong. Maski ako ay mabilis rin ang paghinga dahil sa pagod.
"Salamat. Okay ka na?"
"Damang dama ko yung sincerity, ah," puno ng sarkasmong sabi nito.
Napabuntong hininga ako saka dahan-dahan na hinarap ang lalaking napakakulit. "Salamat."
Sinigurado kong sinsero ako sa pasasalamat kong iyon. Pero ang mokong ay tinawanan lang ako.
Nagsalubong ang mga kilay ko. Hindi pa rin nagbabago ang isang 'to, nakakaasar pa rin!
Sinimulan ko nang maglakad ulit. Sunod naman nang sunod ang kumag. "Huwag mo nga akong sundan."
"Saan ka ba pupunta? Uuwi ka na?"
"Ano pa nga ba?" masungit kong tanong.
"Gusto mo ihatid na kita?"
"Hindi na kailangan," mabilis kong sagot.
Nagulat naman ako nang bigla ay hilahin niya ang kamay ko. Dahil doon ay napaharap ako sa kaniya at kitang kita ko na sa malapitan ang mukha niya.
Ngumisi siya habang ang mga mukha namin ay napakalapit sa isa't isa. Sa gulat ko ay naitulak ko siya. Narinig ko ang mahinang pagtawa nito pero hindi ko na iyon pinansin. Ang concern ko ngayon ay ang malakas pagtibok ng puso ko. Bakit ganito kalakas ito? Pagod lang ako, tama pagod lang ako dahil tumakbo ako kanina.
Sa dami ng iniisip ko ay hindi ko na namalayang nakasakay na ako sa kotse niya.
"Ganda ng kotse ko 'no?"
Napairap ako. Sino bang nagtatanong? Pero aaminin kong totoo ang sinasabi niya. Paano ba siya nagkaroon nito? Sa pagkakaalam ko ay napakamahal ng pagbili nito.
"Pumatok ang produkto ng kompanya naming El Cajon kaya heto nakakaluwag-luwag sa buhay. Sa katunayan nga ay--"
"Diretsuhin mo na nga ako. Ano bang kailangan mo sa 'kin?"
Nagulat si Lothur sa biglaan kong pagputol sa pagsasalita niya. "Ito naman oh, parang wala kaming pinagsamahan."
"Ano nga?"
"Nagmamadali ka ba?"
"Oo at kapag hindi mo pa sinabi kung anong kailangan mo sa'kin--"
"Ano?"
"Sabihin mo na kasi!" inis kong sigaw.
"Huwag mo nga akong sigawan, ikaw na nga 'tong niligtas ko kanina, eh," nakanguso nitong sabi. Kung may kawali lang rito hindi ako magdadalawang isip na isabit 'yun sa nguso niyang napakahaba.
"Oo nga't niligtas mo ako pero kahit naman wala ka kayang kaya ko naman 'yung Damulag na 'yun!"
"Patawa ka eh 'no? Babae ka pa rin naman kahit papano kaya kailangan mo pa ring protektahan."
Matapos iyong sabihin ni Lothur ay ngumisi siya at saka tumingin sa 'kin. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla akong nailang nang sabihin niya iyon. Hindi ko rin malaman ang dahilan kung bakit di mawala ang ngiti sa labi ko matapos niya iyong sabihin.
~
Naku! Akala ko ba lesbian ang ating bida? Mukhang naiiba ang ihip ng hangin HAHAHAHAHA.
FOLLOW
VOTE
COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro