I KISSED A GIRL 15
"Doc, kumusta po ang nanay ko?"
"Wala ka bang ibang kamag-anak na pwedeng kausapin? Sensitibo ang mga sasabihin ko kaya't kailangan ay sila ang makausap ko."
Naalala ko naman bigla si Papa. Hindi na siya kabilang sa pamilyang ito kaya bakit kailangan ko pa siyang banggitin dito?
"Kami na lang pong dalawa ang magkasama."
Napabuntong hininga ang doktor bago tumingin sa akin. "Your Mom has cancer."
Iyon pa lang ang sinasabi ng doktor ay parang gumuho na ang mundo ko. Bakit? Bakit kay Mama pa nangyari ito? Masiyado na yatang nasisiyahan ang kamalasan sa pagtambay sa buhay ko.
"D-doc... Malala na po ba? Ano pong p-pwede nating gawin para maligtas si Mama?" Napaupo ako at napatakip sa mukha ko out of frustration.
"Operation should be done immediately. Baka kumalat pa ang cancer cells which is very menacing for her."
Nanlumo ako nang marinig iyon.
"W-wala po akong pera Doc."
Para bang lahat ng problema sa daigdig ay pasan-pasan ko. Iniwan ako ng doktor doon habang patuloy pa rin akong umiiyak. Iniisip ko pa lang ang mga gagastusin ni Mama pagpapagamot ay sumasakit na ang ulo ko. Saan ako kukuha ng pera? Paniguradong malaki ang gagastusin dito.
Napahilot ako sa sintido ko.
Wala namang dinaramdam si Mama ah. Wala siyang nababanggit sa akin na sakit o ano. Hindi ko naisip na may dinaramdam siya. O baka sarili ko lang ang pinagtutuunan ko ng pansin?
Mas napaluha ako nang maisip na baka nga tama ako. Baka sarili ko lang talaga ang iniintindi ko kaya hindi ko na namalayang may sakit na si Mama.
Pumasok ako sa kwarto kung nasaan siya nakahiga. Naaawa ako sa kaniya dahil sa kung anu-anong nakakabit sa kaniyang katawan.
Binantayan ko siya hanggang sa magka-malay siya.
"M-ma..." Agad kong pagtawag sa kaniya.
Pilit ko mang pigilin ang luha ko ay hindi ko pa rin iyon nagawa.
"A-anak," mahina at mabagal na imik ni Mama.
Nanginginig kong hinawakan ang kanang kamay niya na may swero pa. Hinahalikan ko ito habang humahagulgol akong nakatingin sa kaniya. "Gagaling ka 'ma. P-pangako, makakalabas ka rin dito."
Pagkatapos noon ay nakatulog na si Mama. Ipinagpatuloy ko na lang ang pag-iyak habang binabantayan siya.
Dumaan ang mga araw na nakatuon lang ang atensyon ko kay Mama. May mga pagkakataong sinusubuan ko siya ng pagkain. Iniintindi ko siya. Ayaw kong dumating ang araw na magsisisi na lamang ako dahil hindi ko sa kaniya naiparamdam ang kalinga ko.
"B-bakit di ka na pumapasok Mikay? Huwag mong sirain ang kinabukasan mo. Hayaan mo na ako dito, may mga nurse namang nagbabantay sa'kin."
Umiling ako. "Ayoko 'ma. Kahit ito lang, kahit ito lang ipaubaya mo na sa'kin."
"Anak, makinig ka. H-hindi na rin ako magtatagal."
Umiling ako pilit na pinipigilan ang mga luha kong nagpapaunahan sa pagdaloy sa pisngi ko. "Huwag mong sabihin iyan 'ma. Gagaling ka okay? G-gagaling ka."
Lumabas ako ng kwartong iyon saka umiyak. Ayokong makita ako ni Mama nang gan'to. Ako na lang ang pinagkukunan niya ng lakas ng loob ngayon. Kailangan kong maging matatag para sa aming dalawa.
Sumandal ako sa pinto saka inilabas ang cellphone ko.
"Hello Shaira?" Pinilit kong maging tuwid ang pananalita ko.
"Pasensya ka na Mikay, gipit din kami ngayon eh," sagot ni Shaira sa kabilang linya.
Tumango na lamang ako kahit alam kong hindi naman niya makikita. "S-salamat. Okay lang."
Kasunod kong tinawagan si Binca. May naibigay naman ito na siyang ipinagpasalamat ko nang matindi. "Salamat talaga Bianca, malaki ang maitutulong nito. Babawi ako sa'yo huwag kang mag-alala."
"Naku, kahit huwag na."
"S-salamat talaga."
Binilang ko sa utak ko lahat ng mga nautang kong pera pero halos hindi pa ito mangalahati sa aktwal na kakailanganin operasyon pa lamang.
Paano pa kaya yung ibang bayarin dito?
Napabuntong hininga ako saka lumabas nang ospital. Dumiretso ako sa karinderya kung saan ako pansamantalang nagtatrabaho.
"Hoy tomboy! Ano naman ba 'tong pagsusukli mo bakit kulang?" bulyaw sa akin ng customer.
"P-pasensya na po kayo. Dadagdagan ko po iyan kahit magkano basta huwag niyo lang po akong isumbong sa boss ko parang awa niyo na po!" Wala na akong pakialam kahit lumuhod pa ako sa harapan niya. Kailangang kailangan ko ng trabaho ngayon. Pandagdag din 'to sa mga gastusin namin ni Mama.
"Hindi! Ang mga kagaya mong tatanga-tanga sa trabaho kailangang turuan ng leksyon!"
Hindi na ako nagtaka nang ipatawag ako ng may-ari ng karinderya.
"H-hindi ko na po uulitin. Huwag niyo po akong tanggalin sa trabaho ko. Kailangang kailangan ko po talaga 'to!" lumuluha kong pagmamakaawa.
Galit man ang hitsura ay bakas pa rin dito ang pagkaawa sa akin.
"Palalampasin ko 'to dahil unang beses pa lang naman 'tong nangyayari. Pero parang awa mo na, ayokong malugi sa negosyo ko dahil lamang sa mga pagkakamali mo. Mamaya mawalan tayo ng kostumer."
Agad akong tumango. "P-pagbubutihin ko po. Makakaasa po kayong hindi ko na uulitin."
Laking pasasalamat ko na lang dahil hindi ako nito tinanggal. Kinahapunan ay mabilisan ko nang nilampaso ang sahig. Kailangan ko nang magmadali dahil aasikasuhin ko pa si Mama.
Pagkatapos kong mag-mop ay mga lamesa naman ang inasikaso ko.
"M-mikay?" Nagulat ako nang may marinig na tumawag sa akin.
Gulat akong napalingon.
"A-anong ginagawa mo? Bakit ka nagtatrabaho dito?" tanong ni Lothur.
Hindi ko siya pinansin. Nagmamadali kong tinapos ang ginagawa ko saka ako nagpaalam sa boss ko. Bilis-bilis akong lumabas doon pero laking gulat ko nang may humablot sa braso ko.
"Bitawan mo 'ko," malamig kong sabi.
Hindi ito nagpatinag, mahigpit pa rin ang kapit sa akin. Malakas kong hinila pabalik ang braso ko.
"Ang laki nang binagsak ng katawan mo. Kumakain ka pa ba?"
"Wala kang pakialam," mariin kong sabi saka siya tinalikuran.
Pumunta muna ako ng bahay saka kinita si Manong Berto na siyang bibili ng motor ko. Kahit matagal na at napamahal na sa akin ang motor ko ay kailangan kong mag-sakripisyo.
"Salamat Manong Berto! Alagaan niyo iyan ah. Mahal na mahal ko iyang Mio na iyan!" mangiyak-ngiyak kong sabi saka marahang pinunasan ito.
Tuluyan na ngang nagsipagbagsakan ang mga luha ko matapos itong sakyan ni Manong Berto. Pinaandar niya ito hanggang sa hindi ko na ito matanaw.
Pinunasan ko ang mga luha ko saka sumakay nang traysikel papuntang ospital. Bumili pa ako ng mga prutas para kay Mama.
"Ma! Tingnan mo oh, dami kong pasalubong sa inyo." Ipinakita ko ang mga pinamili ko habang nagpipilit ngumiti.
Ewan ko ba pero parang pahina na nang pahina si Mama habang dumadaan ang mga araw. Kailangan ko na nga talagang makakuha ng pera para sa operasyon.
"Anak, gusto mo ba talagang gumaling na ako?" dahan-dahang tanong ni Mama.
Mabilis akong tumango. "Siyempre naman po! Kaya nga ginagawa ko ang lahat eh para gumaling kayo." Hinawakan ko ang kamay niyang namumutla na.
"Lumapit ka sa tatay mo. Matutulungan niya tayo."
Dahan-dahan ko ring binitawan ang kamay ni Mama nang marinig iyon. Hindi ko man sabihin sa kaniya ay alam kong alam niya na hinding hindi ako lalapit sa animal na iyon kahit anong mangyari.
"M-ma. Huwag naman ganiyan. Gagawin ko naman ang lahat huwag lang humingi ng tulong sa kaniya." Tumutulo na ang luha ko. Nalilito na sa mga dapat kong gawin.
Nang makatulog si Mama ay lumabas na ako at pinabantayan muna siya pansamantala sa nurse.
"Balot! Balot kayo diyan!" sigaw ko sa daan habang hawak ang sukbit na styrofoam.
Matumal ngayong gabi pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Hindi ako pwedeng sumuko lalo pa ngayon at kailangang kailangan ko ng pera.
"Balot! Bal--" Napaubo ako dahil sa mga usok ng sasakyan.
Uminom ako sa mineral at saka umupo muna sa bench para magpahinga muna saglit.
Napatingin ako sa karatula sa harap ng isang night club.
'Wanted: Dancer
Req: 18 yrs old and above
Single
Contact: 099937*****'
Uminom ulit ako sa mineral bottled water saka nag-isip ng mabuti. Kailangan ko ng pera at ang paggaling lang ni Mama ang prayoridad ko ngayon. Inilabas ko ang cellphone ko saka dahan dahang lumapit sa pinto ng club para pumasok doon.
Nagulat naman ako nang may humila sa braso ko palayo sa lugar na iyon.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" Nagulat ako nang makita si Lothur.
Hindi ako sumagot sa tanong niya at nagpumilit na lang sa pagpasok sa club na iyon.
"Akala mo ba hindi ko alam ang binabalak mo? Ano? Balak mo nang ibenta ang katawan at ang kaluluwa mo?"
Hindi ko siya pinansin at idinial na lamang ang numero sa karatula. Nagulat ako nang biglang agawin sa akin ni Lothur ang cellphone ko.
"Ano bang problema mo?" agad kong sigaw at mabilis na inagaw ang cellphone ko.
"Ikaw! Ikaw ang problema ko!"
Ngumisi ako. "Lothur, huwag ka na makialam! Huwag niyo na akong pakialaman! Lahat na lang kayo nangingialam sa mga desisyon ko!"
Nagulat ako nang yakapin ako ni Lothur. "Gusto mo ba ng pera? Pera ba ang kailangan mo? Ibibigay ko sa'yo."
Kumawala ako sa yakap ni Lothur at agad siyang sinampal. Agad siyang napahawak sa pisngi niya at gulat na lumingon sa akin.
"Hindi ko kailangan ng tulong mo," mariin kong imik.
Nagulat na lang ako nang bumunot sa bulsa niya si Lothur ng ilang libo. Halos ipagduldulan niya ito sa mukha ko tanggapin ko lamang.
"Ilang beses ko bang sasabihing hindi ko kailangan ng tulong mo?! Hindi ko kailangan ng pera mo at ng kahit na ano mula sa'yo! Tumigil ka na, Lothur. Pakiusap!"
"Please..." Nagulat ako nang umiyak si Lothur sa harap ko. "Just accept this."
"Tumayo ka diyan! Lumayas ka sa harap ko dahil ayaw kitang makita! Tutal ikinakahiya mo naman ako, hindi ba?"
Bakas sa mukha ni Lothur ang pagkagulat nang marinig iyon.
"M-mikay! Please." Patalikod niya akong niyakap pero malakas kong kinalas ang mga braso niya sa'kin.
"Pakiusap Lothur, huwag ka nang magpapakita sa'kin." Napilitan akong sabihin iyon para tumigil na siya.
"I-iyon ba ang gusto mong mangyari?"
Pinunasan ko ang mga luha kong tumulo saka tumango. Napakasikip sa dibdib. Hindi ko akalain na aabot kami sa ganito.
"Natatandaan mo 'yung d-deal natin? May h-huli akong utos sa'yo... bilang m-master mo." Naririnig ko ang pagiyak niya habang tinatapos ang pangungusap na ito.
Hindi ako umimik. Sasakyan ko na lamang ang gusto niya tutal huling pagkikita na naman namin ito.
Humikbi pa siya bago ituloy ang sinasabi. Kahit ako ay hindi na mapigil ang pagluha. "H-huwag mo akong kakalimutan kahit kailan, iyan ang utos ng m-master mo."
Hindi ako umimik at tinalikuran na lamang siya. Inihakbang ko ang mga paa ko paalis doon kahit pa parang napakabigat ng mga iyon. Panay lamang ang tulo ng mga luha ko.
Susundin ko, Lothur. Hindi dahil sa deal natin kundi dahil iyon ang sinasabi ng puso ko. Hindi ka kayang kalimutan nito... Kahit kailan.
~
FOLLOW
VOTE
COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro