I KISSED A GIRL 12
Dumiretso kami sa bahay matapos ang birthday surprise nila sa 'kin. Sa bahay na lamang daw namin ituloy ang pagdiriwang tutal ay gustong malaman ni Larisa kung saan ako nakatira.
Abot-tainga talaga ang ngiti ko dahil hindi ko inaasahan ang pa-surpresa nila para sa akin. Nabura lahat ng lungkot at sama ng loob ko.
"Truth or dare tayo, dali!" pagyaya sa amin ni Larisa.
Halos lahat sila ay sumang-ayon bukod sa akin. Hindi ako nagsalita.
"Sali ka na!" Hinila ako ni Larisa. Natatawa naman akong nagpahila at umupo na. Pabilog ang pagkakaupo namin.
Bale lima kaming naka-bilog sa sahig; si Lothur, Larisa, Shaira, Bianca at ako. Kaniya-kaniya silang hagikhikan nang sumama ako. Nakaharap ako kay Lothur kaya kitang-kita ko siya sa pwesto ko.
"Wait, spin the bottle pala. Sinong may bote diyan?" pagtatanong ni Larisa. Ang ingay pala nito lalo kapag nakainom. Natawa na lamang ako at napailing sa sariling naisip.
"Bote lang pala eh, ayan oh ang daming empe light diyan!" Itinuro ni Bianca ang mga boteng wala nang laman sa tabi namin. Ang dami nilang naubos na alak base sa bilang ng mga iyon. Ako lang ata dito ang hindi umiinom, ah. Mukhang sanay na sanay silang makipag-inuman.
"Tanga, baka mabasag! Huwag iyan, 'yung plastik lang," sabi ni Larisa na nai-stress na paghahanap ng bote.
Agad naman akong tumayo at pumunta sa kusina para kumuha ng bote. Bote ng mountain dew ang nakita ko kaya iyon na lang ang aking kinuha.
"Oh, the best talaga ang ating birthday celebrant!" Medyo hindi na tuwid ang pananalita ni Larisa. Namumula na rin ang pisngi niya.
Buti na lang hindi ako uminom ng alak tulad nila. Kung nakisali siguro ako sa kanila kanina pihadong mas malala pa ako kay Larisa. Sa palagay ko pa naman ay mababa ang tolerance ko sa alcohol.
"Okay, let's spin this bottle."
Kaniya-kaniyang sigawan ang mga kumag. Ako naman ay natatawa na lang sa kanila. Iba pala malasing ang mga 'to. Pasalamat sila at hindi ko trip kumuha ng mga litrato kung hindi ay pagsisisihan nilang uminom sila rito sa amin.
Nang huminto ang pag-ikot ng bote ay tumapat ito kay Larisa at Lothur. Tig-kabilang dulo ng bote ang nakatapat sa kanila.
"Oh, sige, truth or dare?" tanong agad ni Larisa.
"Truth," seryosong sabi ni Lothur. Hindi ko alam kung ako lang ang nakakapansin pero kanina pa siya nakatingin sa pwesto ko. Maski noong sumagot siya sa tanong ni Larisa ay nasa akin pa rin ang paningin niya.
Napalunok ako. Bakit ba ganiyan siya makatingin? Simula nang sabihin niya 'yung utos niya sa akin bilang alipin niya ay bigla na siyang naging ganiyan. Hindi ko nga alam kung seryoso siya doon eh. Mukhang pinagtitripan niya lang ako dahil tawa siya nang tawa kanina matapos niya iyong sabihin.
"May pinagsisihan ka ba sa biglaang pagyaman ng pamilya ninyo?"
Ang seryoso naman ng tanong ni Larisa.
"What do you mean?"
"Huwag mo 'kong ini-English diyan porke mayaman ka na!" Di na talaga tuwid ang pananalita ni Larisa na siyang ikinatawa namin nila Shaira at Bianca.
"So ano? Sasagutin mo ba o hindi?" pagtatanong ni Shaira na mukhang inip na at gusto nang paikutin ang bote.
"Pinagsisisihan ko?"
Para bang napakahirap ng tanong na iyon na kailangan pa niyang ulitin sa sarili niya.
"Bilis na, Lothur! Papaikutin ko na 'tong bote!" medyo inis nang sabi ni Shaira habang hawak ang bote ng Mountain Dew.
"Pinagsisihan kong umalis ako." Napaiwas ako ng tingin nang magtama ang paningin naming dalawa ni Lothur. Bakit pakiramdam ko ay konektado sa akin ang sagot niyang iyon?
Napalunok na lamang ako nang hindi alisin ni Lothur ang paningin sa akin. "P-punta muna akong CR," pagpapaalam ko.
"Bilisan mo, ah!"
Lakad-takbo ang ginawa ko paalis doon. Napahawak ako sa dibdib ko nang makarating sa loob ng CR. Pinakiramdaman ko ang tibok ng puso ko. Napakabilis noon na para bang isang kilometro ang tinakbo ko.
Napagod ka lang sa lakad-takbong pagpunta mo rito sa CR kaya ganiyan ang tibok ng puso mo.
Iyon na lamang ang inisip ko at saka naghilamos ng mukha. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Sinampal ko pa ng mahina ang pisngi ko para kunwari ay matauhan ako. Ano bang nangyayari sa akin?
Bakit ganito ang epekto sa akin ni Lothur? At bakit ganoon na lang ang titig niya sa akin kanina. Ayaw ko mang mag-assume pero...
Napatingin ako sa sariling mukha sa salamin. May mga butil pa ng tubig na dumadaloy sa noo ko papuntang pisngi.
"Imposible, imposible ang iniisip mo Mikay--este Miko."
Muli ay naguluhan ako sa sarili. Bakit ba lagi na akong nagkakamali sa pangalan ko? Miko ang pangalan mo self, okay? Tomboy ka at gusto mo si Jane, maliwanag?
Muli ay sinuri ko ang mukha ko sa salamin. Ang pangit ko talaga. Hindi naman sa ibinababa ko ang sarili ko, sadyang tinatanggap ko lang ang katotohanan. Kaya nga nagtataka ako kung bakit nakuha ko pang sumali sa Campus Crush eh.
Bawat bahagi ng mukha ko ay sinuri ko. Matapos iyon ay nakabuo ng konklusyon ang utak ko. "Imposibleng... magustuhan ka ni Lothur," mabagal kong imik.
Matapos iyon ay lumabas na ako. Natigilan naman ako at muntik pang mapatalon nang makita si Lothur sa labas ng CR. Anong ginagawa niya rito? Napakalapit pa niya sa CR kaya umusbong ang kaba ang sa akin.
"K-kanina ka pa diyan?" nauutal kong tanong. Hindi kaya narinig ni Lothur ang mga pinagsasabi ko sa CR? Sa isip ko ay ilang beses ko nang minura ang sarili ko.
Nagulat ako nang marahang maglakad si Lothur palapit sa akin. Awtomatikong napaatras ang mga paa ko. Panay ang panginginig ng mga tuhod ko na para bang anumang oras ay matutumba ako.
Nangungusap ang mga mata ni Lothur pero hindi ko mabasa kung ano ang gusto nitong sabihin.
"A-anong ginagawa mo?" Hindi pa rin mawala ang pagkautal ko. Ilang beses na lamang akong napalunok nang lumapat sa likod ko ang malamig na pader.
"Imposible? Tss." Ngumisi si Lothur at saka ipinatong ang pareho niyang palad sa tig-kabilang gilid ko dahilan para makulong ako. Wala akong magawa kundi umiwas ng tingin dahil sa sobrang lapit ng mga mukha namin.
"L-lothur." Sinubukan kong kumawala pero wala akong panama sa mga braso niya sa gilid.
"Jane! Pasok ka dali!" Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang sigaw na iyon mula sa salas. Sa gulat ko pa nga ay naitulak ko pa si Lothur.
Medyo inayos ko ang buhok ko habang si Lothur naman ay pumasok nang CR. Napakapit muli ako sa puso kong parang gusto nang tumalon sa kinalalagyan nito.
Napailing ulit ako saka bumuntong hininga at bumalik na sa salas. "Jane!" nakangiti kong pagbati.
"Happy birthday!" May iniabot ito sa akin na regalo.
Nahihiya ko namang tinanggap iyon. "Nag-abala ka pa. Salamat dito, ah."
"Wala iyon, you're welcome. Si Lothur nga pala?"
Sakto sa tanong na iyon ang pagdating ni Lothur. Agad na humalik si Jane dito. Kusa akong napalayo nang mapagtantong nasa isa't isa na lamang ang atensyon nila.
Bumuntong-hininga ako. Hindi ko maiwasang tingnan silang dalawang nagtatawanan. Bagay na bagay talaga sila. Sino nga ba naman ako para umapela sa relasyon nila?
"Magpapahangin lang muna ako sa labas." Hindi ko na hinintay pa ang pagsasalita ng kahit sino sa kanila.
Kahit gabi na at madilim ay wala akong takot na pumuntang garden. Umupo ako sa hammock at nagsindi ng sigarilyo. Kaagad ko itong hinithit.
"Nagyo-yosi ka pala?" Nagulat ako nang marinig si Larisa. Sinundan pala niya ako rito. Nalimutan kong parang buntot ko nga pala 'tong babaeng 'to.
Hindi ako umimik. Ayaw ko naman siyang barahin. Nakikita naman niya siguro ang ginagawa ko kaya bakit niya pa kailangang itanong iyon? Tipid na tango na lang ang ibinigay ko sa kaniya.
"Ako rin eh, minsan. Lalo na pag tensiyonado ako; pampakalma lang." Kumuha siya sa hawak kong kaha at nagsindi rin ng kaniya.
"Bakit umalis ka roon?" tanong ko.
"Ikaw, bakit ka umalis?" pagbabalik niya sa akin ng tanong.
Hindi ko sinagot ang tanong niyang iyon at humithit na lamang ulit ng sigarilyo.
"Umalis ako roon kasi nakita ko si Jane at Lothur, naghahalikan. Kadiri." Tumawa pa si Larisa matapos iyon sabihin.
Biro man o hindi ang sinabi niya ay hindi pa rin ako natawa. Pinanatili ko lang na seryoso ang hitsura ko. Nilibang ko na lamang ang sarili sa pagyo-yosi.
"Tapatin mo nga 'ko," panimula niya. "Nagseselos ka ba?"
Ibinuga ko muna ang usok ng sigarilyo saka siya hinarap. "Kanino naman ako magseselos?" nakangisi kong sagot, medyo irita sa tanong niya.
"Kanino ba dapat?" Makahulugan ang naging dating sa akin ng tanong niyang iyon. Pakiramdam ko ay may gusto siyang tumbuking punto.
Sinundan ko na lamang siya ng tingin nang iwan niya akong mag-isa sa duyan. Humithit ako ng huling beses saka pumasok sa bahay.
Pagkapasok na pagkapasok ko ng bahay namin ay sumalubong agad sa akin si Lothur at Jane na para bang hindi na kaya pang paghiwalayin. Sobrang lapit nila sa isa't isa na tipong itulak lamang ang ulo ni Jane nang kaunti ay maghahalikan na sila.
Napaiwas ako ng tingin nang ma-imagine iyon. Naninikip ang dibdib ko na hindi ko maintindihan.
"Kanino ba dapat?"
Pumasok sa isip ko ang tanong na iyon ni Larisa kanina. Kanino nga ba dapat ako magselos?
"Okay lang ba sa boyfriend mo na ganiyan kang uuwi, Shaira? Ikaw ba, Bianca? Ay putek wala ka nga palang boyfriend," pang-aasar ni Larisa.
Medyo hindi naging awkward ang atmosphere dahil na rin sa kaingayan ni Larisa.
Agad na binato ni Bianca si Larisa ng bote ng Mountain Dew bilang ganti. Todo-ilag naman si Larisa habang tawa nang tawa. Maski si Shaira ay tumataginting na rin ang halakhak. Ako at saka 'yung dalawang lampungan nang lampungan lamang ang hindi mga tumatawa.
Napatingin ako sa wall clock. Curfew na ngayon nila Shaira at Bianca. "Ihahatid ko na kayo," yaya ko sa kanila.
"Dito ka na lang, ako na ang maghahatid sa kanila." Nagulat ako nang bigla iyong sabihin ni Lothur.
Napatango na lamang ako.
Agad na tumayo si Lothur at sumunod naman sa kaniya ang dalawa kong kaibigan palabas. Narinig na lang namin ang tunog ng kotse ni Lothur, indikasyon na umalis na ito.
Kaagad kong niligpit ang mga kalat namin. Ang mga plato at baso ay sunod-sunod kong inilagay sa kusina para mahugasan na.
Nagulat na lang ako nang marinig kong nagtatalo si Larisa at Jane sa salas. Natigilan ako nang marinig ang pangalan ko. Hindi na muna ako dumiretso at nakinig na lang muna sa kanila.
"Manhid ka ba o tanga o ano?" iritang tanong ni Larisa.
"Anong sinasabi mo?" tanong din naman ni Jane habang nasa hawak na cellphone ang paningin.
"Alam mong may gusto sa'yo si Mikay tapos makikipagganiyanan ka sa boyfriend mo habang kaharap siya! May utak ka pa ba?"
"Eh ano bang pakialam mo?" iritang tanong ni Jane.
Natigil lang sila sa pagtatalo nang makitang dumating ako. "Nag-aaway ba kayo?"
Umiling sila pareho.
"Hindi, ah! Friends nga kami nito ni Jane, bakit naman kami mag-aaway?" Inakbayan pa ni Larisa si Jane saka pinisil ang pisngi. Sa tingin ko nga ay napalakas ang pagkakapisil ni Larisa dahil napangiwi si Jane at namula ang pisngi.
Napailing na lang ako saka ipinagpatuloy ang ginagawa.
Maya-maya ay dumating na si Lothur. Hindi na ako nagtaka roon dahil narito si Jane at siguradong ihahatid niya. Bakit ba iniwanan pa niya at di na isinabay sa paghahatid kanila Bianca at Shaira? Edi sana ay hindi na nag-away yung dalawa rito ni Larisa.
Narinig ko ang ringtone ng cellphone ko. Agad ko namang tiningnan iyon.
From: Lothur Kumag
Hintayin mo 'ko mamaya, usap tayo.
Napabuntonghininga ako.
"Ihatid na kita?" tanong ko kay Larisa nang makita itong mag-isa sa salas. Tumulong na rin siya paglilinis kaya maayos na ang salas nang datnan ko.
"Huwag na, susunduin daw ako ni Daddy."
Hindi na ako nagreklamo pa. Dumating na rin kasi ang Daddy niya. Bago umalis ay ipinakilala niya ako rito.
"Happy Birthday ulit!" Humalik siya sa pisngi ko na kunwari ko pang pinunasan. Maarte naman siyang napahawak sa dibdib niya na animo'y nasaktan. Parehas kaming natawa dahil doon.
"Pag-isipan mo iyong tanong ko," pahabol ni Larisa bago sumakay sa dalang sasakyan ng Daddy niya.
Napatango na lamang ako saka tipid na ngumiti. Pag-iisipan ko talaga dahil maski ako sa sarili ko ay nalilito na rin sa nararamdaman.
Bumalik ako sa hammock ng garden para magmuni-muni. Hinintay ko na rin si Lothur dahil sabi niya ay mag-uusap daw kami. Hindi ba pwedeng ipagpabukas ang sasabihin niya?
Isang oras na akong naghihintay pero wala pa ding Lothur na dumadating. Dumaan ang isa pang oras at maski anino niya ay wala pa rin.
"Isang oras na lang, isang oras na lang ako maghihintay at matutulog na ako," bulong ko sa sarili.
Nagulat ako nang biglang umulan ng malakas maya-maya. Dali-dali akong tumakbo papasok ng bahay. Ila-lock ko na sana ang pinto nang may marinig akong tumatawag.
Nagulat ako nang makita ang basang-basa na si Lothur. Ano bang ginagawa niya at nagpapaulan siya?
Agad kong kinuha ang payong at pumunta sa kaniya sa labas ng gate.
"Tanga ka ba? Bakit ka nagpapaulan? Baka magkasakit ka niyan!" bulyaw ko sa kaniya.
Agad ko siyang nilapitan para pasukubin sa payong ko pero bigla naman siyang natumba sa akin. Agad ko siyang inalalayan kahit napakabigat niya.
"Ang init mo!" agad kong sabi nang maglapat ang balat niya sa akin.
Nilalagnat yata ang kumag. Agad ko naman siyang dinala sa loob ng bahay at inihiga sa kwarto ko. Kukuha na sana ako ng mga kakailanganin niya pero nagulat ako nang bigla niya akong yakapin.
"Lothur! Bitawan mo ako, ano ba?" pagsaway ko dito habang nagkukumawala.
"H-huwag mo 'kong iwan. Dito ka lang." Narinig ko pa ang paghikbi niya na siyang ikinagulat ko.
~
FOLLOW
VOTE
COMMENT
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro