Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 3

Mabilis na bumaba sa motor si Cheska nang makarating sila sa bahay niya. Hindi na nga niya nilingon si Hunter para magpasalamat dito. Bakit pa siya mag-aatubiling magpasalamat? Sasakay naman siya ulit dito.

Sasakay siya sa motor. Sa motor siya sasakay.

Dali-dali siyang nagpunta sa pintuan para buksan iyon nang lumabas sa kabilang bahay ang Mama ni Hunter na may bitbit pang walis at dustpan na nagtatakang tiningnan siya at ang anak nito. Hilaw siyang napangiti sa ginang.

"Oh, ba't umuwi kayo?" nagtatakang tanong nito sa kaniya. "May naiwan ka, hija?"

"Opo, naiwan ko sa loob ang susi ng classroom ko," aniya nang makuha na sa bag ang susi ng bahay niya.

Mabuti na lang talaga dahil dala niya ang susi ng bahay. Dahil kapag hindi, hindi niya na alam kung paano niya papasukin ang sariling bahay.

"Bakit pa kasi sa lahat ng puwedeng maiwan, susi pa talaga ng classroom," wala sa sariling reklamo niya nang makapasok siya sa loob ng bahay. Hindi na niya nilingon si Hunter, alam naman siguro nito kung paano pumasok, eh.

"Okay lang 'yan, nandito naman ako palagi para ihatid ka, eh. Ayaw mo no'n? May instant date tayo—"

Hindi nito natapos ang sasabihin nang bigla niya itong lingunin. Instant date?

"Ano kamo?"

"Wala," bawi naman nito at nagkibit-balikat. "Ang sabi ko, baka naman kasi kung ano-ano ang iniisip mo? O baka ako ang iniisip mo kaya ka nagkakaganiyan?"

Mas lalong nagsalubong ang mga kilay niya nang marinig ang sinabi nito. Tutol nga siya sa sinabi nitong may instant date sila, mas lalong tutol siya na ito ang iniisip niya.

Kahit na totoo naman.

Matagal na niyang gusto si Hunter. Sino ba naman kasing hindi magkakagusto dito? Mabait at napakabait talaga nito.

Mahina siyang natawa sa naisip.

"Natawa ka, so totoo nga na ako ang iniisip mo?" hirit na naman nito kaya binato niya ito ng nilukot na papel na nasa mesa niya.

"Sira!"

Pumasok na siya sa kaniyang kuwarto para kunin na ang susi at makabalik na sila sa eskwelahan, baka kung ano pa ang masabi niya kay Hunter at maamin ang matagal na niyang tinatago.

Hindi naman kasi maikakailang gwapo ang binata. Para itong isda na preskong-presko. Iyon bang isda na alam mong pagkakaguluhan talaga sa merkado. Gano'n si Hunter. Kung siguro marami lang chicks dito sa lugar nila, matagal nang pinagkakaguluhan ang kaibigan niya.

Laking pasasalamat na lang niya dahil puro busy ang mga tao sa lugar nila at hindi nito nakikita ang kagwapohang taglay ni Hunter.

Tandang-tanda pa nga niya na natulala siya nang makita ito sa faculty room no'ng una niyang tapak sa La Union National High School, ang eskwelahan na tinuturuan niya ngayon. Sa dinami-daming teachers na nando'n sa faculty room ay si Hunter talaga ang una niyang napansin. Para bang sa lahat ng teachers na nando'n, si Hunter lang ang fresh.

Muli na naman siyang natawa at napailing.

"Ano ba 'yan, kung ano-ano na naman kasi ang naiisip ko. Baka tama nga si Hunter, kaya ko nakakalimutan ang mga importanting bagay." Humarap siya sa salamin para i-check kung fresh pa ba siya, nakakahiya naman sa kasama niya. "Cheska, calm down. 'Wag kang pa-stress at baka tuluyang hindi ka na mapansin ng crush mo."

Inayos niya ang kaniyang buhok at nagpulbo para kahit papa'no ay magmukha naman siyang tao. Pulbo at liptint lang ang katapat niya at magkakaroon na siya ng alindog. Yes, gano'n siya kaganda. O baka tamang sabihin na gano'n niya buhatin ang sariling bangko.

"Ang ganda-ganda mo talaga, Cheska." Tudo ngiti siya sa harap ng salamin bago lumabas ng kwarto.

Nang makuha na niya ang susi ay lumabas na siya ng kwarto at nakita niya si Hunter na nasa mesa na kinakain na ang natira niyang hotdog kanina. Ganiyan si Hunter, ng hu-hunt talaga ng pagkain. Literal talaga itong Hunter. At pati nga siya ay na-hunt na nito.

Ang puso niya.

Wala sa sariling napahawak siya sa dibdib para damhin kung tumitibok pa ba iyon.

Heart, check!

Mabuti naman, aniya sa sarili at nilapitan ang lalaking palaging umuubos ng hotdog niya.

"Iba ka talaga, Sir. Kung hindi itlog ang inuubos mo, hotdog naman." Pumalakpak pa siya.

"Ikaw nga chocolate, eh. Wala pa 'to sa kalahati ng mga binili kong chocolate sa'yo, ah."

Ganiyan si Hunter. Baka nga ito siguro ang dahilan kung bakit hindi niya masabi-sabi dito na gusto niya ito. Baka mas lalo itong humangin kapag sinabi niyang may gusto siya dito.

Kahit na mahangin naman talaga ito. Pero mas okay na rin si Hunter compare sa nakasama nila no'ng Friday.

Kasi si Hunter, gwapo, singit ng utak niya.

Well, totoo naman.

"Ang sarap ng hotdog, may cheese." Hinarap siya nito at umaksyon na susubuan siya. "Gusto mo?"

"Hiyang-hiya naman ako sa'yo, pagkain ko 'yan eh. Ako pa talaga tinatanong mo." Kinuha na niya ang bag at naunang lumabas ng bahay pero hindi pa rin sumusunod sa kaniya ang mokong kaya pumasok ulit siya at kinurot ang tainga nito. "Kailangan na nating bumalik sa school, Mr. Montero! May klase pa po tayo."

"Wait lang, malapit na 'ko matapos eh," anito at muli na namang sumubo ng hotdog. "Umupo ka muna."

Nasapo niya ang sariling noo.

Ewan ba niya kung bakit siya nagpasalamat noon na naging kapitbahay niya ito. Tuwang-tuwa pa siya dati nang malaman niyang ito ang kapitbahay niya. Bahay ito ng kapatid niya na lumipat na ng Canada kaya naiwan ito sa kaniya na laking pasasalamat pa niya dahil kapitbahay niya ang isang Hunter Montero.

Dati hindi naman sumusulong si Hunter para makikain. Pinupuntahan siya nito sa bahay dati para dalhan ng pagkain. Pero ngayon ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Ito na ang kumakain sa mga natitira niya. At sa bawat araw na ginagawa ng Dios, wala na talagang natitirang pagkain sa mesa niya.

Tinitigan na lang niya ito habang ngumunguya.

Shemay, bakit ang gwapo pa rin niya? Tanong niya sa sarili.

"Halatang sarap na sarap ka, 'no?"

"Oum," mabilis nitong sagot at inilapit pa sa kaniya ang hotdog. "Take a bite."

Umiling siya. Nakakahiya naman sa lalaking 'to. Malapit na nga nitong maubos ang pagkain niya, naisipan pa siya nitong ayaing kumain.

"May nakita pala akong notebook kanina diyan sa sofa mo," anito habang ngumunguya. "Nagsusulat ka pala?"

"Natural."

"I mean, nagsusulat ka pala ng story?"

Natigil siya sa pagpapantasya dahil sa sinabi nito. Paano nito nalamang nagsusulat siya ng story?

"Pa'no mo nalaman?"

"May nakita nga kasi akong notebook," pag-ulit nito sa sinabi na parang sinasabi na rin nito na hindi siya nakikinig.

Umalis ito sa kinauupuan at may kinuha sa sofa. Notebook iyon, notebook na ginamit niya kagabi. Doon niya sinulat ang mga ideas niya para sa pinaplano niyang isulat. Idea pa naman iyon, hindi pa talaga totally plot ng kwento niya. Mabilis niya itong naagaw kay Hunter nang maalalang ang physical feature pa naman ni Hunter ang inilagay niya doon bilang bida ng kwento.

"Ang damot naman nito. Ngayon mo pa talaga kukunin, nabasa ko na nga lahat eh."

Tinitigan niya ito nang masama at inilagay sa bag ang notebook.

"Kahit na! Alam mo namang notebook ko 'to, hindi mo dapat pinakikialaman."

"Pero, nagsusulat ka nga?"

Halos isang taon na rin siyang nagsusulat ng story. Hubby lang niya ito noon na naging way na rin para kumita siya ng pera. Mula nang madiskubre niya na pwede niya pala iyong pagkakitaan. Doon na niya sineryoso ang pagsusulat. In fact, mas malaki pa nga ang kinikita niya compare sa pagtuturo. Hindi niya lang maiwan ang pagiging teacher niya dahil mahal din naman niya ang pagtuturo.

Tumango siya bilang sagot kay Hunter. "Oo, pero wala ni isang nakakaalam na nagsusulat ako."

"Bakit wala?" Muli na naman itong umupo at kumuha na naman ng isang hotdog.

Really? Hindi pa ito tapos kumain?

"Hindi ko pinagsasabi. Mas okay na rin sa 'kin na walang nakakaalam. Alam mo 'yon? No pressure. No judgement."

Ito naman ang napakunot ng noo. "Anong no judgement?"

Mahina siyang tumawa at kumuha na rin ng hotdog. "No judgement. Alam mo kasi sa industry namin, marami sa'min ang naju-judge dahil sa mga pinagsusulat namin. Kami minsan ang nasisisi kung bakit ganito na ang takbo ng mundo. Na para bang kasalanan talaga namin. Alam mo 'yon? Gets mo ba?"

"Ano ba kasing pinagsusulat mo? Parang romance lang naman 'yong nabasa ko do'n sa notes mo eh."

Romance. Lihim siyang napangiti. Romance naman talaga.

"Bilisan mo ng kumain diyan, late na tayo. Baka naghihintay na ang mga estudyante ko do'n."

Nang matapos na siyang kainin ang isang hotdog ay uminom na siya ng tubig at binigyan niya rin ng tubig ang mabait niyang kapitbahay.

"So, kung writer ka. Diba kadalasan sa mga writer ay mataas ang standards pagdating sa love?"

"Hindi naman. Grabe naman 'yong mataas ang standards." Tumatawa niyang sagot kay Hunter. Pero sabagay, mataas naman talaga ang standards niya kaya nga siguro hindi niya nagugustuhan ang mga bina-blind date sa kaniya ni Cecil.

Gusto lang naman niya ng sweet na relationship. Pero mukhang mahirap na makahanap ng gano'n. Mga stories nga niya ay binibigyan pa niya ng mga problema bago magkaroon ng happy ending.

"Weh? Kaya ka nga siguro single pa ngayon eh."

"Hiyang-hiya naman ako sa'yo? Single ka rin naman ah."

"Kasi hinihintay kita."

Natigil siya sa pagtawa nang sabihin iyon ni Hunter. Hinihintay siya nito? Anong ibig nitong sabihin?

"Hinihintay mo 'ko?"

"Hinihintay kong sabihin mo ang standards mo sa lalaki. Ang tagal mo kasing sumagot eh."

Hilaw siyang ngumiti at binatukan ang binata.

"Standards ko?" tanong niya sa sarili at humawak pa siya sa nguso niya at kunwari nag-iisip. "Simple lang naman, Sir. Dapat marunong din siyang magsulat ng story, kagaya ko. Gwapo, mabango, matangkad, mabait, mapagmahal, mayaman, matalino, masipag, at magaling sa lahat ng bagay. Gano'n lang, gano'n ka simple."

Ito naman ang tumawa. "Simple? Simple pa talaga 'yan para sa'yo? Hindi halatang mataas ang standards mo, 'no? Para kasing santo na ang gusto mong maging boyfriend eh." Humagalpak pa ito ng tawa. "Pero, writer pala, ah? Kaya ko rin namang magsulat. Madali lang naman 'yan."

Pinipigilan niya ang sariling matawa. Madali daw? Eh kung madali bakit hirap na hirap siyang tapusin ang mga ongoing niya? At kung totoong madali, bakit hindi niya kayang sundin ang outline niya? Parang may sariling utak ang mga characters niya.

"Madali daw."

"Oo, madali lang niyan. Isusulat ko lang naman kasi ay A, B, C, at D. Oh, diba? Madali lang." Sinamahan pa nito ng tawa na para bang nakatatawa talaga ang sinabi nito. "Anyway, ano pala ang genre na sinusulat mo? Romance or fantasy? Ako kasi mahilig ako sa suspense, thriller, at mystery."

Tinitigan niya si Hunter. Mula sa buhok nito, kilay, mata, ilong, papuntang lips nito.

"Erotic romance. Para SPG," aniya at kinindatan si Hunter.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro