Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

"Sige na kasi, Cheska, last na 'to." Lumapit na naman si Cecil sa mesa ni Cheska at nag-beautiful eyes pa.

Muli siyang bumuntonghininga at tinitigan ang kasamahan niyang guro na kanina pa siya pinipilit na sumama sa coffee shop nito. Hindi niya tuloy matapos-tapos ang lesson plan niya at pag-check sa mga test paper ng mga estudyante niya dahil sa pangungulit nito.

"Ma'am Cecil, alam mo namang ang dami ko pang gagawin—"

"Kailan ba natapos 'yang mga gagawin mo, aber?" Pagputol nito sa litanya niya. Inisa-isa nitong kinuha ang mga test paper na nagkalat sa mesa niya na iniwan lang ng mga bata kanina. "Ito?" tanong nito sabay pakita nito sa kaniya sa test paper. "Katatapos lang ng exams ng mga bata, hindi ba dapat mag-break man lang tayo kahit kunti? 'Di ka ba napapagod?"

"It's our call—"

"It's our calling, it's our passion." Ito na ang tumapos sa sasabihin niya. Halatang memoryado na talaga ng kaibigan niya ang lahat ng isasagot niya. "Duh? The hell with calling and passion. Deserve rin natin ng pahinga, no? We're not a robot. Period."

Natawa na lamang siya at tumayo. Kinuha niya kay Cecil ang mga test paper at inayos iyon.

"Ano na? May pogi pa naman sana akong ipapakilala sa'yo tapos 'di ka sasama." Umikot ito sa mesa niya at walang sabi-sabing pinatay ang laptop niya. "Sasama ka sa'min mamaya, sa ayaw at sa gusto mo. Sasama ang pinsan ng boyfriend ko at sabi niya mabait daw 'yon at may sinasabi sa buhay. Aba, malapit na ang birthday mo pero wala ka pa ring boyfriend. Gumalaw-galaw ka naman, naiiwanan ka na ng panahon, eh."

At bigla na lang siyang iniwan ng mabait niyang kaibigan.

Matagal na niyang katrabaho si Cecil. Ito ang naging una niyang kasundo sa school na pinapasukan niya. Katulad niya itong TLE teacher kaya ito ang palagi niyang kasama. Sa loob ng dalawang taon na pagtatrabaho niya bilang guro ay ito ang naging kasama niya sa hirap at ginhawa. Dinaig pa nila ang mag-jowa.

Sa loob ng dalawang taon na 'yon, wala siyang napakilalang boyfriend kay Cecil kaya siguro atat na atat na ang kaibigan niya. Pero hindi nito alam na hindi lang dalawang taon siyang walang nobyo kun'di halos limang taon na rin mula nang iwanan siya ng boyfriend niya no'ng college.

Mabilis niyang naitirik ang mga mata. Ayaw na niyang maalala ang mga pangyayaring iyon.

"Sasama ka ba o hindi?"

Tumingin siya sa pinto nang marinig na naman ang boses ni Cecil. Halatang hindi talaga siya nito titigilan hangga't hindi siya magsasabing sasama siya sa sa coffee shop nito.

"Sasama sina May Rose at Hazzel," dagdag pa nito. "Kapag hindi ka sasama, magtatampo na talaga ako sa'yo."

"Oo na, sasama na 'ko."

Iyon na yata ang hindi tamang sagot na naibigay niya sa buong buhay niya.

******

Hindi na kaya ni Cheska ang naririnig niya. Kung pwede lang na magtakip siya ng tainga, ginawa na niya. Wala pa ngang isang oras na nasa coffee shop sila ni Cecil pero kating-kati na ang paa niya na umuwi.

Impyerno yata na makatabi ang tinutukoy ni Cecil na pinsan ng boyfriend nito. Halos lahat na lang ng topic ay ito ang nagbibigay at boses na lang nito ang naririnig niya. Napahawak siya sa kaniyang sintido nang wala sa oras at pasimpleng tumingin sa kaibigan niya.

Ngayon lang yata sumakit ang ulo niya habang umiinom siya ng kape. Pati kasi kape ay parang nawalan yata ng lasa.

"Well, gano'n siguro talaga kapag matalino. Hindi na need kumuha ng review center para sure na maipasa ang board exam. Board exam lang 'yan, para lang 'yang entrance exam sa college." Nakita pa niyang nagkibit-balikat ang pinsan ng boyfriend ni Cecil na nakalimutan pa niya ang pangalan.

Hindi talaga halatang binabagyo ito. Hindi talaga halata.

Muli na naman siyang tumingin kay Cecil. Gusto niya ulit tanungin kung anong pangalan ng lalaking 'to. Baka kasi kapangalan nito ang bagyong papalapit sa Philippine Area of Responsibility.

"Talaga ba? Sana all, matalino," hilaw na sagot naman ni May Rose. Sa kanilang lahat, si May Rose lang ang nagtatiyagang sagutin ang lalaking 'to.

"Bakit? No'ng nag-take ka ba ng board exam mo, nag-review center ka?" hirit na naman ng lalaki na parang hindi talaga nakararamdam na ayaw nila itong kausap.

Wala siyang ibang nagawa kun'di ang higupin na lang ang kape niya. Gustong-gusto na niyang ubusin ang kape niya at umalis sa coffee shop ni Cecil. Bakit ba kasi napunta siya sa ganitong sitwasyon? Pero agad siyang natigilan sa paghigop nang dumapo ang kamay nito sa hita niya at tiningnan siya.

"I'm sure, si Cheska hindi 'to kumuha ng review center. Matalino 'to, right?"

Lord, hindi ko na kaya, bulong niya sa sarili. Baka kapag nagtagal siya rito ay maibuhos niya sa pagmumukha ng lalaking 'to ang mainit niyang kape.

"Excuse me," aniya at inilayo ang kamay nito sa hita niya. "Hindi ako matalino gaya mo. Graduate lang ako na Cum Laude lang ang nakuha. Ikaw ba?" sagot niya habang pilit na hindi pinapakita ang pagkairita.

Ngumiti ito.

Nakuha pa talaga nitong ngumiti. Mas lalo tuloy kumulo ang dugo niya at tiningnan na lang si Hazzel at May Rose na nasa harapan niya. Sana naramdaman ng dalawang 'to na ayaw na niya rito. Mas gugustuhin pa niyang kausapin ang laptop at printer niya kaysa sa mayabang na lalaking 'to.

"Sorry to hear that, Cum Laude ka lang pala."

Tila ba nabingi siya sa sinabi nito at mabilis niyang hinawakan ang tasa niya pero mabilis namang naagaw ni Cecil ang tasa at ito na mismo ang humigop sa kape niya.

"Babe, kape 'yan ni Cheska," bulong ng boyfriend ng kaibigan niya na hindi na niya pinansin.

Anong ibig sabihin nito? Naaawa ba ito sa kaniya dahil Cum Laude lang siya? Talaga ba? Sino ba ito para magsabi ng gano'n sa kaniya? Ang kapal naman ng mukha nito.

"Bakit? Ano bang Latin honor mo no'ng college?" gulat na tanong ni Hazzel.

Mabilis niyang kinuha ang bag niya at nilabas ang wallet niya. Kumuha siya ng five hundred at binigay kay Cecil. Magbabayad na siya sa kape niya, hindi na talaga niya kaya ang naririnig niyang kahambugan ng lalaking 'to. Makapagsalita ito akala mo kung sino.

Hindi na niya hinintay ang sagot nito sa tanong ni Hazzel. Wala na siyang balak pang marinig ang kahambugan nito. Baka kung ano pang masabi niya, siya pa ang magmukhang masama.

"Mauna na 'ko sa inyo. Tumatawag na ang kasama ko sa bahay, hindi kasi ako nakapagpaalam." Ngumiti siya kina May Rose at Hazzel para ipaalam sa dalawa kung ano talaga ang rason kung bakit siya mauunang umuwi. Alam naman niyang ramdam na ng dalawa na ayaw na niyang mag-stay.

"Ingat ka. Ako rin mamaya, uuwi na," sabi naman ni Hazzel na halatang hindi na rin nagugustuhan ang pinagsasabi ng lalaking katabi niya.

Ang laki-laki naman sana ng coffee shop ni Cecil pero parang biglang lumiit at hindi yata sila naabot ng sariwang hangin.

Hindi na siya nagpaalam sa "ka-blind date" niya. Para kasing hindi nito deserve marinig ang paalam niya. Pagkatapos niyang maisuot ang bag niya ay nagmamadali siyang lumabas ng coffee shop.

"Nainsulto ba 'yon nang sabihin kong Cum Laude lang siya?" Narinig pa niya talaga ang huling hirit ng binatang masarap hagisan ng mainit na tasa.

****

Mas lalong uminit ang dugo ni Cheska nang marinig ang tawa ni Hunter. Hindi niya rin alam kung bakit sa lahat ng pwedeng tawagan ay itong lalaki pa ang natawagan niya. Bigla na lang gumalaw ang daliri niya at tinawagan ang numero ng binata.

"Ano kamo? May ka-blind date kang hambog?" muli na naman nitong tanong at tumawa nang malakas.

"Sige, ilakas mo pa," mariin niyang sabi at lumingon-lingon sa loob ng mall. Sa lakas ng pagkasabi nito ay alam niyang narinig na siya ng mga customer na malapit sa kinatatayuan niya. "Ilakas mo pa, parang hindi pa narinig ng lahat, eh."

"So, totoo nga? Na may naka-date kang hambog?" Muli na naman itong tumawa.

"Happy 'yan?" Irita niyang tanong at kumuha ng isang box ng chocolate at inilagay sa cart. "Bayaran mo lahat ng ilalagay ko sa cart ha? Parang tuwang-tuwa ka sa nangyari sa 'kin, eh."

Muli na naman itong tumawa at hinarap siya. Busy siya kakukuha ng mga chocolate, kung maaari lang ay kukunin niya lahat ng pwede niyang madampot at si Hunter ang pababayarin niya.

"Sino ba kasing nagdala no'ng lalaking 'yon?" Seryoso nitong tanong at hinayaan lang siyang ilagay ang mga hawak niyang box.

"Eh 'di 'yong magaling mong co-teacher na si Cecil." Dumampot na naman siya ng box at nilagay sa cart. Siya pa ang nagtulak sa cart para makuha niya ang favorite niyang chocolate.

"Si Cecil na naman. 'Yan talagang kaibigan mo, kung kani-kanino ka pinakikilala." Napa-tsk pa ito at binabalik na ang mga chocolate na nilagay niya kanina. "Hindi kaya ma-diabetes ka na nito? Sobrang dami naman nito, Cheska. Mauubos mo ba 'to?"

"Why not?" Taas kilay niyang tanong sa kaibigan niya.

Matagal na niyang kaibigan 'tong si Hunter. Hindi niya lang basta kaibigan, kapitbahay pa niya. Kaya sa bawat araw na ginawa ng Dios, palagi niya itong nakikita. Nagsasawa na nga siya, eh.

"Bakit kaya hindi mo itanong kay Cecil, 'no?" Muli na naman siyang nagdampot at ibinigay kay Hunter pero ibinalik lang ng binata ang mga chocolates na parang nagsasabi ng tama na.

"Bakit ba kasi niya ginagawa 'yon? Alangan namang hindi mo alam?"

"Gusto na niya 'kong magka-boyfriend," diretso niyang sagot at tumingin dito. "Nagsasawa na siguro sa 'kin 'yon."

"Boyfriend lang naman pala, bakit hindi na lang ako?" inosente nitong tanong sa kaniya na para bang nanghihingi lang ito ng chocolate sa kaniya. Wala sa sariling binigay niya dito ang chocolate at iniwan si Hunter sa mall.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro