Huling Sayaw
Naglakad kami nang magkahawak-kamay. Hindi mahigpit. Hindi rin naman maluwag.
"Tara, sayaw tayo." Tumigil kami sa gitna ng daan kung saan tahimik, walang tao at sa ilalim ng makulimlim na kalangitan.
"Naalala mo pa no'ng una tayong nagsayaw?" tanong niya.
"Oo naman, hinding-hindi ko makakalimutan 'yon. 'Yon din yung araw na naging tayo." Nakangiti kong sagot. Tumango naman siya.
Humarap kami sa isa't isa. Pinatong niya ang mga kamay ko sa balikat niya. Habang siya naman ay humawak sa bewang ko.
Forward step, nakatingin siya sa kawalan.
Hindi mapakali. Hanggang sa unti-unti siyang yumuko.
Backward step, sinubukan kong habulin ang mga tingin niya, pero desidido talaga siya na iwasan.
To left, mayamaya ay nakita kong dumadaloy ang luha sa pisngi niya.
Then right. Sumunod lang ako sa mga galaw niya.
Ilang beses umulit ang steps hanggang sa dumating ang pang-huli.
Inikot niya ako. Humiwalay.
Sa huli, ay ikukulong niya ako sa mga bisig niya.
Pero hindi iyon nangyari dahil tumigil kami.
Hinawakan niya ang mga kamay ko at dahan-dahang binitiwan. "Hanggang dito na lang tayo. Paalam." Tumalikod siya at walang pagdadalawang isip na naglakad palayo.
Habang nakatingin sa likod niya ay nagsalita ako. "Hindi mo man lang ako hinayaang magsalita. Hindi ko rin alam, pero tama ka. Siguro nga, hanggang dito na lang tayo. Bibitiw na rin ako. Paalam, mahal ko." Kahit masakit ay ngumiti pa rin ako.
Kumulog nang malakas at sinabayan ng pagkidlat. Pero hindi umulan.
Hinayaan kong bumagsak ang mga luha ko.
Naghintay pa rin at umasa na babalik siya.
Pero hindi kailanman nangyari.
Ilang taon na rin pala ang lumipas pero sariwa pa rin ang lahat.
Sa ganoong paraan man natapos ang limang taong relasyon namin, ay alam kong pareho kaming naging mas masaya kasama ang taong minamahal namin.
-
The End.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro