Huling Paalam ni Lolo
Ang sakit pala kapag nawalan, sana may genie na sasagot sa mga hiling ko.
Naglalakad ako sa kawalan—dito sa dagat at piniling mag-isa, nagbabakasakali na sana ay mangyari ang simpleng daing ko.
Sa aking paglalakad, bigla akong nakaramdam ng kakaiba.
“A-aray!“ Pagtingin ko sa ibaba ay may bote akong natapakan. Napangiti ako bigla may kakaibang imahinasyon akong naisip. Madali kong kinuha iyon at binuksan.
Walang lumabas na genie, kundi isang papel lang na blangko.
Bumagsak ang mundo ko, nanlumo at niyakap ang sarili.
“Lolo, miss na kita! Miss ka na namin. Bakit mo kami iniwan!”
“Bakit?!“ Sigaw ko pa.
Para akong baliw na sumisigaw at ang tanging hampas ng malaking alon ang tumutugon sa’ kin.
Ilang segundo ang nagdaan, huminga ako nang malalim at bumalik na lang sa tent namin. Bakasyon namin ngayon ng pamilya’t kamag-anak dito sa Laguna.
Pinili ko na lang humiga at pumikit, bumulong at sinabing “Kung makikita kita ulit, lolo susulitin ko na.”
Humikbi na ako at niyakap ang malambot na unan.
“Gising na Angela, aalis tayo. Pupunta tayo sa park.”
“Mamaya na po, nagbabasa pa po ako ng libro eh.”
“Sige na bibilhan kita ng ice cream.”
Binitawan ko ang hawak kong libro at sinarado iyon, isang pamilyar na linya ang narinig ko. Tiningnan ko kung sino ito, napatayo at pinaunlakan nang mahigpit na yakap.
“Lolo Brandoooooo!”
“Alam ko talaga kiliti ng apo ko, tara na apo. Samahan mo si lolo mamasyal tayo.”
“Syempre naman po, tara na po, lo!” Simpleng bestida lang ang sinuot ko at puting sandals.
Ngumiti naman si lolo at hinawakan ang kamay ko, binuksan niya ang pintuan. Bumungad sa amin ang mga magagandang bulaklak.
“L-lo, nasaan po tayo?”takang tanong ko.
“Ngumiti lang ito at naglakad kami nang sabay. Wala akong ibang narinig kundi ang mga ingay ng mga ibon, sayawan ng mga iba’t ibang bulaklak dahil sa marahan na pagdaan ng hangin.
“Lo, saan ka po ba nanggaling? Totoo po ba ang lahat ng ’to?” habang naglalakad kami hindi ko maiwasan ang magtanong sa kanya nang magtanong.
“Samahan mo lang si lolo, pero pagdating ko sa dulo na ’yon, yung may rosas kailangan bumitiw ka na.”
Naguluhan ako sa mga sinabi niya, bumilis din ang tibok ng puso ko.
Habang patuloy kami sa paglalakad, isa lang ang napansin ko paganda ito nang paganda pero wala akong makitang ibang tao.
“Lo? Nasaan po sila?”
“Makikita mo rin sila bukas.”
Sa pagkakataong ito, hindi ko na alam ang totoong nangyayari. Sa paghakbang namin, may surbetes sa kaliwang bahagi at pinagbilhan niya ako ng chocolate flavor ice cream.
“Kainin muna, malapit na tayo. Ingat ka apo palagi, sabihan mo sila na okay lang ako at hindi ako nawawala o mawawala sa kanila.”
Sa pagdila ko ng ice cream, nahulog ito.
“Angela, gising na! Gising!”
Hingal na hingal akong napabangon, biglang natapon sa harapan ko ang chocolate ice cream na kinakain ng pamangkin ko.
“Sa wakas nagising ka rin, buong araw kang tulog,” wika ni Mommy.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro