Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

• HB •

LAZARO

PAG-ALIS mo ay saka ko lang naramdaman ang sakit.

Hindi ko inakala na magiging mitsa na pala ito ng aking buhay.

Ginusto kitang makita . . . makasama kahit sa huling pagkakataon.

Pero tila malabo na iyon.

Nakaalis ka na . . .

Kayo . . .

Malayong-malayo ka na mula sa akin.

Hindi na ako umasang mababalikan mo pa ako kung saan mo ako huling nakita.

Kung saan mo ako iniwan . . .

At kung maisipan mo man, inisip ko na baka huli na bago ka makabalik.

Pero bumalik ka.

Isang tawag mo lang sa akin, mabilis akong lumapit sa iyo. Para sa iyo, ginising mo lang ako mula sa pagtulog, mula sa isang masamang panaginip. Ngunit para sa akin, tumigil na ang paghinga ko at nagpatuloy lang ito nang balikan mo ako. Para sa akin, isa akong patay na napuno lamang ng buhay nang marinig ang boses mo. 

Walang pagdadalawang-isip na yumakap ako sa iyo.

•••

“MAY mahalagang trabaho akong pupuntahan,” paalam mo sa akin, isang gabi habang nasa kalagitnaan tayo ng isang salo-salo.

Nakaupo tayo sa hapag kasama ang ating mga kaibigan na abala sa kani-kanilang pinagkukuwentuhan habang kumakain.

“Gusto kong sumama sa ’yo,” sabi ko.

Gumuhit ang payapang ngiti sa iyong mga labi. “Hindi na kailangan.”

“Paano'ng hindi? Akala ko ba--”

“Mas mabuti nang maiwan ka rito.”

“Bakit? Gusto kong sumama kung saan ka pupunta.”

Ngumiti ka lang na para bang wala akong dapat ipag-alala. “Maniwala ka sa akin. Mas mabuti pa na huwag ka nang magdididikit pa sa akin magmula ngayon.”

“Pero para saan ba ang pagbalik mo sa akin kung aalis ka lang din naman pala uli? Kung iiwanan mo rin pala ako?”

Dahil sa naghalo-halong ingay at musika, walang nakapansin sa aking paghihinanakit. Ikaw lamang.

“Ginawa mo ba iyon para ibida sa lahat na ikaw lang ang may kayang pumukaw sa natutulog kong diwa? Na ikaw lang ang makapagbibigay-buhay sa akin? O para lang patunayan ang sarili mo? Para ba ito ipagmayabang sa lahat na ikaw ang higit na pinagpala sa lahat?”

Nanatiling mapang-unawa ang iyong mga mata. “Hindi sila natutuwa sa pagbalik ko sa ’yo. Kaya hindi lang ako, kundi pati ikaw ay gusto nilang patayin.”

Noong araw na nasaksihan ko ang pag-alis mo ay halos matabunan na ako ng mga tao.

Tinanaw kita mula sa malayo.

Pinanood ko ang pagpalibot sa iyo ng mga taong halos halikan na ang mga paa mo.

Sa paglayo mo habang nakalulan sa iyong sasakyan, pakiramdam ko ay binigyan mo ako ng huling sulyap bago tinahak ang iyong landas nang walang-lingon.

Napagtanto ko na . . . kailangan mo nga talagang lumayo upang iligtas ako.

***

Ngunit hindi mo pa rin nasasagot ang tanong ko.

Para saan?

Para saan na binuhay mo pa ako uli?

Para lang ba masaksihan ang kalunos-lunos mong kapalaran?

Para lang ba pakinggan ang walang-humpay mong pag-iyak?

Para lang panoorin kang unti-unting mamatay sa harapan ko?

Binuhay mo ba ako uli para lang mamatay . . . nang paulit-ulit sa araw-araw?

“Hesus, ano ba itong ginawa mo?” pahid ko sa mga luha ko habang nakakubli sa kumpol ng mga tao.

Sa araw na ito ay muli kong nasaksihan ko ang pag-alis Mo.

Katulad noong huli ay halos matabunan na ako ng mga tao sa sobrang dami namin dito.

Katulad noong huli, tinanaw Kita mula sa malayo.

Katulad din noong huli ay pinalibutan ka ng mga taong halos halikan na ang mga paa Mo. Ang ipinagkaiba lang ay humalo sa kanila ang mga taong tumutuligsa sa Iyo.

Ang ipinagkaiba lang ay binabagsakan ng mabigat na anino ng krus kung saan Ka ipinako ang kinatatayuan ko. Ikaw ang may pasan, isang krus, imbes na ikaw ang pasan ng asno. Walang nagwawasiwas na mga dahon para sa Iyo, mga pagwasiwas lamang ng latigo.

Sobrang bigat ng aking dibdib, ngunit sinikap kong tumingala uli para masilayan ang mukha Mo sa huling pagkakataon.

At nang ideklarang tuluyan Ka nang nawala sa amin, binabaan ko ang pagkakatakip ng tela sa aking ulo para maaninuhan ang aking mukha at hindi ako makilala ninuman.

Palihim akong pumuslit mula sa mga tao rito at sa isip ko’y idineklara ko na rin ang aking sarili na patay na sa bayang ito.

Lumulan ako sa isang bangka.

Kung lumayo Ka para iligtas ako, lumayo naman ako upang pangalagaan ang huling buhay na Iyong ibinigay sa akin.

THE END

DISCLAIMER 2

Although this work is originally written by the author, the names of people, places, and events references what is written in the Bible.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro