Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

34

"Mula ngayon lagi mo nang lilinisin ang kuwarto mo, Kuya, ha?"

Pabaling-baling si Nehemiah sa kan'yang higaan habang paulit-ulit na naglalaro sa kan'yang isipan ang huling sinabi ng kapatid bago siya tuluyang pumanhik sa kan'yang malinis na ngayong silid. 

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay kakaiba ang nararamdaman niya ngayon magmula noong nakaharap niya ang kapatid. May kakaiba sa ngiti nito, masyadong masaya para sa isang taong buong araw lang na nagmukmok sa kan'yang silid noong isang araw.

Napaupo ang binata sa kan'yang malambot na kama at napailing nang may naisip.

Hindi kaya ay may mas malalim pang ibig sabihin ang sinabi ng kapatid nito?

Mabilis siyang tumayo at binuksan ang ilaw bago ito nagmadaling nagtungo sa kan'yang study table. Malinis na ito, wala na ang mga tambak na papel, nasa kahon na ang mga gamot, at nailagay na rin sa isang lagayan ang mga paint brush nito. Maging ang mga libro nito ay maayos na nakasalansan sa isang tabi.

Ngunit napakunot ang noo nito nang mapansing nawawala ang kan'yang mahalagang itim na notebook. Hindi puwedeng mawala iyon. Mabilis nitong binuksan ang drawer ng lamesa at nakahinga nang maluwag nang makitang naroon iyon doon.

Kinuha niya ito at binuklat. Sinusuri kung may nawawala bang pahina. Habang lumilipat ang bawat pahina ay napakunot muli ang noo ng binata nang maaalalang huli niya itong nakita sa ilalim ng kan'yang unan.

Napuno ng pagtataka ang isip nito. Bakit ito napunta ngayon sa drawer? Posible kayang nabasa ng kapatid nito ang mga nakasulat sa notebook? Kaya ba ito ngumiti sa binata dahil sa awa? Pero kakaiba ang pagngiti nito.

Napabalik si Nehemiah sa kasalukuyan nang marinig niya mula sa ibaba ang pagkabasag ng babasaging bagay.

"Ciela?" pagtawag nito sa kapatid ngunit walang sumagot kaya napilitan siyang lumabas ng kuwarto.

"Ciela? Ano'ng nabasag diyan?" tanong nito at mas nilakasan pa ang boses para marinig siya ng kapatid habang pababa siya sa hagdanan.

Agad itong nagtungo sa kusina at mabilis na napabalik sa salas nang wala roon ang kapatid na babae.

"Ciela?" malakas na pagtawag nito sa kapatid ngunit wala pa ring sumasagot. Bumilis ang pagtibok ng puso nito sa hindi maipaliwanag na kabang nararamdaman.

Naglakad ito papalapit sa pintuan ng kuwarto ng kapatid at tatlong beses itong kumatok doon.

"Shi? Ayos ka lang ba? Ano ang nabasag diyan?" nag-aalala na nitong tanong.

Naghintay siya ng limang segundo pero walang sumagot sa loob. Muli siyang kumatok at sinubukang buksan ang pinto ngunit naka-lock ito.

"Ciela!" nag-aalala at kinakabahan na niyang pagtawag sa kapatid habang pilit na binubuksan ang doorknob kasabay nang pagsipa niya sa pinto.

Ngayon ay naiintindihan na niya kung ano ang nais ipahiwatig ng kapatid niya sa huling sinabi nito kanina.

Nais ng kapatid nito na maging maayos at gumaling na si Nehemiah sa lahat ng mga pinagdaraanan niyang mag-isa.

"Ciela, buksan mo 'tong pinto!" pagmamakaawa ng binata sa kapatid. Nanginginig na ang kamao nito sa pagkatok ng pinto ngunit ni-isang salita ay wala itong narinig sa loob.

Alam na rin ng binata kung bakit gano'n na lamang kasaya ang pagngiti ng kapatid nito sa kan'ya. Kaya pala kakaiba. Namamaalam na pala ito.

Nanahimik saglit si Nehemiah at dinikit ang tainga sa pinto para pakinggan kung ano man ang nangyayari sa loob. Nanlaki ang mga mata nito at tila binuhusan ito ng malamig na tubig nang marinig sa loob ang tila paghahabol ng kapatid sa paghinga. Malalim at malakas ang tunog sa bawat paghugot ng hininga nito.

Bumilis ang paghinga ni Nehemiah sa pinaghalong kaba at taranta sa kung ano man ang nangyayari sa kan'yang kapatid sa loob ng kuwarto nito.

Mabilis siyang tumakbo patungo sa drawer ng kabinet malapit sa kusina nila at nanginginig ang isang kamay na hinahanap ang susi sa kuwarto ni Ciela. Habang ang isa naman ay kasalukuyang pinipindot ang numero ng pinakamalapit na ospital.

Nang mapindot nito ang call button ay agad nitong itinapat ang cellphone sa kan'yang tainga at nakahinga ito nang maluwag nang mahanap niya sa wakas ang susi. Halos hindi niya na naramdamang inapakan niya ang sahig sa pagkaripas niya sa pagtakbo pabalik sa pinto ng kuwarto ng kapatid. Agad niyang pinasok ang susi sa doorknob bago ito inikot at tuluyan nang bumukas ang pinto ng madilim na kuwarto at amoy alak.

Mabilis nitong binuksan ang ilaw at mas tumindi pa ang pagbilis ng pagtibok ng puso nito sa matinding pagkagulat at kaba nang bumungad ang halos wala nang buhay nitong kapatid na nakahiga sa kama. Maputla na ito at halos kulay asul na ang labi.

"Hello po? Naririnig niyo po ba ako?"

Natauhan si Nehemiah nang marinig ang boses sa kabilang linya. Mabilis itong napalunok at pilit na pinapatatag ang sarili habang nakatitig pa rin sa hindi na humihingang kapatid.

"Gregorio street ng Grandville. Two-storey na puting bahay at may red na gate, number 207.   15 year old girl. Unconscious. Possible cause . . ." napalunok si Nehemiah habang nakatitig sa sahig sa tabi lang ng kama ng kan'yang kapatid. Naroon ang basag na bote ng alak at ang wala nang laman na bote ng sleeping pills. ". . . overdosing and liquor intake."

Tuluyan nang nabitawan ni Nehemiah ang cellphone kaya bumagsak ito sa sahig. Nanghihina ang mga tuhod nitong nilapitan ang kapatid.

"Shi." Tinapik-tapik nito ang balikat ng kapatid.

"Ciela!" Pilit niyang paggising sa kapatid ngunit nanatili itong nakapikit at walang malay.

Nilapat niya ang dalawang daliri sa malamig na leeg ng kapatid nang wala siyang maramdamang pulso sa palapulsuhan nito

Mabilis ang paghinga niya at tahimik na ipinagdarasal sa Diyos na sana buhay pa ang kan'yang kapatid.

Mas diniinan pa niya ang pagkakalapat ng daliri sa leeg nito at tuluyan nang nanlabo ang mga mata ng binata nang wala talaga siyang maramdamang pulso ng kapatid.

"Ciela? Ciela! Hindi puwede! Gumising ka na, please! Hindi magandang biro ito!" tuluyan nang napasigaw ang binata sa labis na takot, pangamba, at kalungkutan habang nakatitig sa walang buhay niyang kapatid.

Mula sa labas ng kanilang bahay ay bumulabog sa mga kapitbahay ang malakas na sirena ng ambulansya. Nagmamadaling lumabas mula sa ambulansya ang dalawang nurse at ang dalawa naman ay binababa ang stretcher.

Agad na binuksan ni Nehemiah ang pinto ng bahay nila nang makitang dumating na ang tulong. Tinuro nito ang kuwarto ni Ciela at pumasok doon ang mga nurse. Hindi na nakasunod pa si Nehemiah sa kuwarto ng kapatid dahil mas lalo siyang panghihinaan ng loob. Nanatili siya sa gilid ng pintuan ng bahay nila habang tahimik na nagdarasal sa Panginoon na sana ay maligtas ang kan'yang kapatid. Na sana ay mali lang siya sa pag-aakalang patay na ito. Na sana ay may pulso pa ito.

Sa loob naman ng kuwarto ay abala ang isang babaeng nurse sa pag-CPR kay Ciela. Habang ang isa naman ay nilagay sa plastic ang walang lamang bote ng sleeping pills.

Inabot ng halos limang minuto ang pag-c-CPR kay Ciela nang tuluyan itong napamulat at humugot nang malalim na hininga kasabay nang pagtibok muli ng kan'yang puso.

Mabilis ngunit maingat siyang inihiga ng mga nurse sa stretcher at ipinasok sa loob ng ambulansya. Nakaupo naman sa gilid si Nehemiah at patuloy pa rin sa pagdarasal sa isip nito habang papunta sila sa ospital.

Nakabantay naman ang mga nurse kay Ciela dahil kritikal pa rin ang lagay nito. Mabagal na ang pagpintig ng puso nito at nahihirapan na rin ito sa paghinga kaya may nakakabit na oxygen sa ilong nito. Nagmulat man ang mga mata nito kanina, agad din naman itong nawalan ng malay.

Masyado itong maraming nainom na gamot at alak. Sa mga oras na ito milagro na lang talaga ang bubuhay sa kan'ya.

Pagkarating sa ospital ay agad itong dinala sa emergency room. Naiwan naman si Nehemiah sa labas. Hindi na ito mapakali sa pag-aalala sa kapatid kaya pabalik-balik ito sa paglalakad. Hindi na nito alam kung ano ba ang dapat gawin. Gulong-gulo na ang binata sa mga nangyayari at ang tanging nais lang niya ngayon ay mabuhay ang kapatid niya.

Sa loob naman ng emergency room ay katatapos lang i-pump mula sa tiyan ni Ciela ang lahat ng mga nainom niyang gamot at alak. Ngunit agad na nagmadali sa pagkilos ang mga doktor at nurses nang tumunog ang holter monitor na nakadikit sa dibdib ni Ciela.

Mabilis na sinaksak ng isang nurse ang defibrillator sa gilid ng kama ng pasyente.

"120 joules," pag-utos ng doctor sa nurse nang kinuha nito ang defibrillator paddle at nilagyan ito ng electrode gel. Wala nang suot pang-itaas si Ciela nang idinikit ng doktor ang defibrillator paddle sa dibdib nito, sa kanang banda sa itaas at sa kaliwang banda sa baba lang ng puso nito. Napaangat ang katawan nito dahil sa kuryente at pabagsak na bumalik sa kama, ngunit hindi pa rin bumabalik sa normal ang pulso nito.

"200," pag-utos muli ng doktor at inulit ang ginawa kanina. Gaya rin kanina ay wala pa ring pagbabago sa pulso ni Ciela.

"360." Ito na ang pinakamataas na joules at kung hindi pa babalik sa normal ang pulso ni Ciela ay posibleng mamatay na ito. Idinikit muli ng doctor ang defibrillator paddle sa dibdib nito at nang umangat ang katawan ni Ciela at pabagsak na bumalik sa kama ay kasabay no'n ang pagbalik sa normal na pagtibok ng puso niya.

Dahil nahihirapan pa rin ito sa paghinga ay ini-intubate nila ito. Ilang pagsusuri pa ang ginawa ng doktor bago nila inilagay si Ciela sa ICU dahil in a coma ito at ibig sabihin ay kritikal pa rin ang kalagayan nito.

Napatigil si Nehemiah sa pabalik-balik na paglalakad sa labas ng emergency room nang lumapit sa kan'ya ang doktor na gumamot kay Ciela.

"Kumusta po ang kapatid ko, Doc?" puno ng pag-aalalang tanong ng binata.

Walang emosyong tumitig sa kan'ya ang dalagang doctor. "She's in a coma now. Nasa ICU siya dahil kritikal pa rin ang lagay ng kapatid mo."

Napatango si Nehemiah. "Pero . . . Magigising siya, 'di ba, Doc?" umaasang tanong nito.

"I don't want to give you false hope . . . Because in your sister's case, there's only one percent that she'll make it."

Napabuntong-hininga si Nehemiah at tumango sa doktor bago siya nito iniwan. Tuluyan nang napaupo sa monobloc chair na nasa gilid ang binata at napayuko. Hinilot nito ang sintido habang tahimik na nagpapasalamat sa Diyos dahil may pag-asa pang mabuhay ang kapatid, at muli nitong hiniling sa Panginoon na buhayin Niya ito dahil hindi pa panahon ni Ciela para mamaalam sa mundong ito.

Marami pa siyang gustong sabihin sa kapatid at hindi niya kakayanin kung mawawala ito na hindi pa sila tuluyang nagkakaayos. Marami pa siyang pagkukulang sa kapatid na dapat niyang punan. Mga kasalanang nagawa niya rito na dapat niyang hingian ng tawad.
Kaya dapat lang na magising si Ciela, iyan ang nasa isip ni Nehemiah.

Walang dala ang binata nang pumunta sila rito sa ospital kaya naglakad siya pauwi para kumuha ng perang pambayad sa ospital at mga pamalit na damit ni Ciela.

Habang naglalakad pauwi ay kinakabahan ito at gulong-gulo ang kan'yang isipan sa kung paano niya ibabalita sa ina at mga kapatid ang nangyari kay Ciela.

Hindi pa rin kasi siya makapaniwala na nakaya iyong gawin ng kapatid niya. Si Ciela pa talaga na akala niya ay matatag at matapang sa lahat ng hamon ng buhay. Ang hindi niya alam ay may hangganan din pala iyon at mas malala pa pala ang paraan ng pagsuko nito.

"Eulcrist?" tanong ni Nehemiah nang maabutan ang binatang manliligaw at matalik na kaibigan ng kapatid. Mukhang kanina pa ito nakatayo sa labas ng gate ng bahay nila at hinihintay na may umuwing tao.

"Kuya, ano'ng nangyari? Sino ang dinala ng ambulansya sa ospital kanina? Nasaan si Ciela? Bakit hindi ko siya ma-contact?" sunod-sunod na tanong ng binata kay Nehemiah. Bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala.

Tumagal ang titig ni Nehemiah rito bago niya ito sinenyasan na sumunod sa loob ng bahay nila. Nang makapasok sila sa loob ay agad na sumalubong sa kanila ang tuta ni Ciela. Parehong magulo ang isip ng dalawang binata kaya walang pumansin sa tuta hanggang sa muli na lang itong nahiga sa basahan at bumalik sa pagtulog.

Napakunot ang noo ni Eulcrist nang kumuha ng walis tambo at dustpan si Nehemiah bago pumasok sa kuwarto ni Ciela. Sumunod naman ito sa lalaki at nagulat nang bumungad sa kan'ya ang magulong kuwarto ng dalaga. Napatingin siya sa sahig at napakunot ang noo nang makita ang basag na bote ng alak na ngayon ay dinadakot na ni Nehemiah ang mga bubog.

"Ano'ng nangyari?" bulaslas nitong tanong kay Nehemiah. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay wala itong nakuhang sagot mula sa binata.

"S-Si Ciela ba ang may gawa niyan?" nag-aalinlangang tanong ni Eulcrist bago pa man lumabas ng kuwarto si Nehemiah para itapon ang bugbog sa basurahan sa kusina. Tumango ito bago umalis. Hinintay naman ni Eulcrist na makabalik ang lalaki.

"Bakit?" muling tanong niya nang makabalik ito. Pinanood niya bawat galaw nito nang wala ulit siyang nakuhang sagot mula sa binata.

Dinampot ni Nehemiah ang cellphone na nasa sahig at saka ito ibinulsa. Nagtungo siya sa kabinet nila Ciela. Binuksan niya ito at pumili sa mga damit ng kapatid na maaari nitong isuot sa ospital. Nilapag niya sa kama ang mga napili at naghanap pa ng iba. Hindi niya alam kung gaano ito katagal sa ospital, mas mabuti nang marami para hindi maubusan ng damit ang kapatid.

"Kuya Nehem, sagutin mo naman ako, oh," pagmamakaawa ng binata na nasa likuran niya.

Napabuntong-hininga siya at humarap sa manliligaw ng kapatid. "Nasa ospital ngayon si Ciela," panimula niya ngunit agad na naagaw ang atensyon niya nang makita ang mahabang itim na tela na nakasabit sa likod ng pinto. Naglakad siya papalapit doon at bahagyang sinara ang pinto para makita niya kung ano ang nakasabit doon. Napaawang ang labi niya nang bumungad sa kanila ang nakasabit na itim na bestida. May price tag pa ito kaya sigurado siyang bago nga ito.

Nanghina ang mga tuhod ni Nehemiah at tuluyan nang napaupo sa kama habang nakatitig pa rin sa bestidang itim. Dahan-dahan siyang napailing at hindi makapaniwalang nakatingin doon. Nanubig ang mga mata niya.

"T-Talagang plinano niya . . ." hindi makapaniwalang bulaslas niya.

"Ang alin?!" desperado nang tanong ni Eulcrist kay Nehemiah.

Gustong-gusto niya nang malaman ang lahat. Kanina pa siya kinakabahan at nag-aalala para sa babaeng minamahal. Naglakad siya papunta sa harapan ni Nehemiah.

"Kuya, please. Sagutin mo ako!"

Malungkot na tumingin si Nehemiah kay Eulcrist.

"Nasa ICU si Ciela ngayon. In a coma. Hindi rin sigurado kung mabubuhay pa ba siya."

Tila binuhusan ng napakalamig na tubig si Eulcrist. Nanlaki ang mga mata niya at nalaglag ang panga niya sa nalaman. Paulit-ulit siyang umiling at hindi makapaniwala sa nalaman.

"I-Imposible . . . Kasama ko lang siya no'ng hapon. P-Paano?" halos hindi na niya magawang makapagsalita ng tuwid sa sobrang pagkagulat.

Hindi pa rin maproseso ng utak niya na nasa ICU si Ciela at na-coma, at ang mas malala pa ay hindi sigurado kung mabubuhay pa ba siya.

Ang bilis. Sobrang bilis ng mga pangyayari na parang hindi na siya makasabay.

Napalunok si Nehemiah bago bumuntong-hininga at nilabas na ang cellphone mula sa bulsa niya at pinindot ang numero ng kan'yang ina para matawagan ito. Kung sasagutin niya ang tanong ni Eulcrist mas mabuti nang isahan na lang. Ayaw niyang paulit-ulit na bigkasin ang ginawa ni Ciela dahil hindi niya ito tanggap at napakahirap tanggapin.

"Oh, Nehem. Napatawag ka?" bungad ng kan'yang ina mula sa kabilang linya.

Napapikit ito sa matinding kabang nararamdaman habang malamig na pinagpapawisan ang kan'yang mga kamay.

"Ma . . ." panimula niya at muling napabuntong-hininga.

"Ayos ka lang ba? Nasaan ka ngayon?"

Napalunok ito at mahigpit na napakapit sa hawak niyang cellphone na nasa tapat ng tainga niya. Nasa harap lang naman niya si Eulcrist na tumahimik na at mukhang naghihintay sa mga sasabihin ni Nehemiah sa ina.

"Ma . . . Si Ciela," panimula nito.

"Bakit? Ano'ng nangyari kay Ciela, Nehem?" bakas na ang pag-aalala sa boses ng kaniyang ina.

Bumuntong-hininga muli siya at mas lalo pang napapikit. "Si Ciela po . . . nasa ICU ngayon—"

"Ano?! Ano'ng nasa ICU si Ciela?! P-Paano?! Hindi magandang biro iyan, Nehemiah!" taranta at galit na sigaw ni Eleanor mula sa kabilang linya.

"Seryoso po ako, Ma. Nasa ICU si Shi. In a coma—"

"Paano?!" pamumutol nitong muli kay Nehemiah.

Napamulat si Nehemiah at deritsong tumingin kay Eulcrist na nakatingin na rin sa kan'ya. "She attempted suicide . . . nag-overdose siya, Mama."

Nakabibinging katahimikan ang sumalubong kay Nehemiah. Sa kabilang linya at kay Eulcrist.

Tuluyan nang bumigay ang mga tuhod ni Eulcrist at pabagsak siyang napaupo sa sahig. Sunod-sunod na nagpatakan ang mga luha niya habang paulit-ulit na napailing.

Hindi man naka-loud speaker ang tawag ay rinig na rinig ni Eulcrist ang malakas na pag-iyak ni Eleanor mula sa kabilang linya.

Ang gabing iyon ay punong-puno ng pagsisisi at kalungkutan. Maraming sana ang mga nabubuo sa isipan nila at walang katiyakan kung ang sana ba ng bawat isa ay magagawa pa nila o huli na.

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro