31
"Ayieee!"
Halos malagot na ang mga ugat sa leeg ng tatlo nang iniabot sa 'kin ni Eul ang crochet rose bouquet na may iba't ibang shade ng blue. Napangiti ako sa pinili niyang kulay. Alam na alam na talaga niya ang mga gusto ko.
"Thank you!" malambing kong sabi habang naka-angat ang tingin sa kan'ya.
"Ginawa niya 'yan, Shi!" singit ni John.
Nanlaki ang mga mata ko. "Totoo?" pagkukumpirma ko kay Eul.
Napahawak ang lalaki sa kan'yang batok habang namumula ang magkabilang tainga at napakagat sa pang-ibabang labi niya bago siya marahang tumango.
Mas lalong lumawak ang ngiti ko hanggang sa tuluyan na akong natawa sa sobrang pagkaaliw sa kan'ya. Ang cute niya! Naputol ang pagtawa ko nang mabilis niya akong niyakap at nagtago sa pagitan ng leeg at balikat ko. Tila nabingi ako at ang tanging naririnig ko lang ngayon ay ang malakas na pagkabog ng dibdib ko at ramdam ko rin ang sa kan'ya.
"Tangina, moving up ba 'to o kasal?" ani Venna, at doon lang ako natauhan. Humagalpak naman sa pagtawa sina Kendra at John.
Napahiwalay sa 'kin si Eul at sabay kaming napaharap sa mga kaibigan. Nanlaki ang mga mata ko nang nakatutok na sa amin ang camera ni Kendra at mukhang kanina pa kaming vini-video-han.
Hindi ko alam kung nasaan ang mga pamilya namin. Maraming tao ang nagpapa-picture kaya marihap silang hanapin. Habang hinihintay sila ay nag-picture muna kami sa stage. Solo shots at groupie. Naki-picture din kami sa mga naging adviser at subject teachers namin. Maging sa ibang mga kaklase namin. Mayroon ding kaming dalawa lang ni Eul. Kung malakas na ang tili nila sa amin mas malakas ang tili ko nang sina Venna at John ang nagpa-picture.
Tumangkad si John kaya hanggang leeg niya na ngayon si Venna. Pareho silang nakangiti sa camera ni Kendra.
"Sus! Kunwari pa sila! Closer naman diyan!" tukso ko dahil pareho lang silang nakatayo sa magkabilang gilid.
"John, 'yung prinactice natin! Make your papa proud!" pang-aasar naman ni Eul.
"Gago!" tumatawang ani John pero napatili ako nang muntik nang akbayan ni John si Venna pero mas pinili nitong ipatong na lang ang kamay sa tuktok ng ulo ni Venna.
"Perfect!" kinikilig na tili ni Kendra habang sunod-sunod ang pag-click sa camera ng phone niya.
"Mukha ulit kayong tocino!" tumatawang saad ko dahil pareho nang namumula ang mukha nila.
Dumating na rin sila Ate kaya nagpa-picture na kami kay Eul, bago namin siya sinama at si John ang nag-picture sa amin. Sumunod ay sina Tito Dion at Tita Wendy, kaming tatlo lang kaya mukha tuloy na parang ako ang anak nila, bago namin isinama si Eul. At syempre may picture din silang tatlo, mukhang hindi na nakasunod pa si Kuya Jarrel.
Humiwalay muna ako sa mga kaibigan ko para magpa-picture ako kay Lola at sa mga bulilit.
"Sali ka, Kuya!" pag-aaya ko kay Kuya Nehem dahil si Ate naman ang may hawak sa camera. Ngayon ko lang napansin na nag-ahit pala ng bigote si Kuya kaya pala umakma ang hitsura niya sa edad niya. Nakatali rin ang may kahabaang buhok niya kaya malinis siyang tingnan ngayon. Nakasuot siya ng puting polo shirt at maong na pantalon, saka puting rubber shoes.
Umiling si Kuya. "Kayo na lang."
Marahan siyang tinulak ni Ate na nasa tabi niya lang. "Punta ka na, Kuya!"
Napalunok si Kuya. Mukhang nagdadalawang-isip pa.
"Nehemiah," pagtawag ni Lola kaya agad na naglakad papalapit sa amin si Kuya at nagpa-picture.
"Gutom na ako, Lola!" pagrereklamo na ni Ariella. Tumango naman si Julian, maging si Tate na karga na ngayon ni Kuya.
Natawa ako. "Umuwi na tayo at kumain."
"Uuwi?!" pagtutol agad ni Ate.
Nagtaas ako ng kilay. "Bakit? Magpapakain ka ba?"
"Si Lola!" Pagturo ni Ate kay Lola na nanahimik sa tabi ko.
Napatingin ako kay Lola. Tumatawang umiling si Lola sa 'min. "Pasensya na, mga apo. Wala akong dala ngayon."
Nalaglag ang balikat ni Ate. Si Ate lang naman ang may gusto na kumain kami sa labas. Eh, pare-pareho namang wala kaming pera. No choice, uuwi talaga kami.
"Saan mo ba gusto, Shi?" tanong bigla ni Kuya.
Gulat akong napatingin sa kan'ya. Seryoso naman itong nakatingin sa 'kin.
"Libre mo, Kuya?!" tuwang-tuwang pagsingit ni Ate.
Tumango si Kuya at tipid na ngumiti.
"Yehey!" sabay na sabi nina Ate at Ariella. Yumuko pa si Ate para makipag-high five kila Julian at Ariella. Pare-pareho silang tatlo na abot langit ang ngiti.
Napangiti ako. "Kahit saan, Kuya," nahihiyang sagot ko.
Ngayon lang ako tinanong ni Kuya ng ganito kaya hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Nakakabigla naman kasi.
"Ang hina mo, Shi!" angal ni Ate.
Napakamot ako sa ulo ko at bumaling sa kanila. "Sa'n n'yo ba gusto?"
Napaisip na rin si Ate.
"Kahit saan din," sagot ni Lola.
"Chicken!" biglang sigaw ni Tate kaya bahagyang natawa si Kuya.
"Inasal!" sabay naman na sabi nila Julian at Ella.
Nagpaalam muna ako sa mga kaibigan ko pati kay Eul at sa mga magulang niya bago kami umalis.
Dahil manok at inasal ang gusto ng mga bata, sa Mang Inasal na kami pumunta. Hindi nga nagbibiro si Kuya nang sinabi niyang sagot niya ang pagkain namin.
"Nagbebenta ka pa rin ng mga paintings mo, Kuya?" namamanghang tanong ko nang magbayad siya sa cashier, nasulyapan ko rin ang makapal niyang wallet. Sinamahan ko kasi siyang mag-order habang sila Ate ay nauna nang maghanap ng bakanteng lamesa sa second floor.
Tumango si Kuya nang makuha niya ang number namin.
"Woah! Magkano ang isang painting, Kuya?" tanong ko nang maglakad na kami papunta sa second floor.
Napangisi si Kuya habang diretso pa rin ang tingin sa daan. "Secret. Mag-aral ka na lang."
"Curious lang naman!" angal ko.
Matunog na napangiti si Kuya. "Five digits," kalmadong sagot niya bago binilisan ang paglalakad at nauna na sa 'kin.
Nalaglag ang panga ko at hindi ko namalayang napatigil na pala ako sa paglalakad habang namamanghang nakatingin kay Kuya.
Kaya naman pala halos hindi na siya lumabas ng kuwarto niya! Five digits?! Sa isang painting?! Baka may six o seven pa pero hindi na binanggit ni Kuya?
Namamangha pa rin ako nang sumunod na ako sa kan'ya. Na-curious tuloy ako bigla kung ano'ng klaseng painting ang ginagawa niya. Hindi ko naman kasi pinapakialaman ang kuwarto niya kaya hindi ko alam. Hindi ko rin naman siya nakikita kapag binababa niya ang mga obra niya sa bahay.
Pero napakunot ang noo ko nang may matanto.
Kaya ba siya tumigil sa pag-aaral kasi naisip niyang hindi pala niya gustong maging doctor? Kaya ba mas pinili niyang gumawa at magbenta ng paintings niya kasi doon siya masaya? Kung tama man ang hinala ko, masaya ako para sa kan'ya dahil pinili niya ang bagay na gusto niya talaga. Pero hindi ako nagsisising inaway ko siya noon dahil sa bisyo niya. Mali 'yon, at tama lang na nagalit ako sa kan'ya.
"Lola, uuwi ba si Mama?" umaasang tanong ni Ariella habang kumakain kami.
Pasimple kong tiningnan si Lola sa tabi ko. "Hindi ko alam, apo. Walang sinasabi ang mama niyo sa akin." Nagpatuloy si Lola sa pag-kain.
Napatango na lang si Ariella at pinagpatuloy na ang pag-kain.
"Ano'ng oras ang recognition niyo bukas, Ella?" tanong ni Ate sa katabi.
"8:00 A.M., Ate," matamlay ang boses niyang sagot.
Napainom ako ng coke at nanatili na lang tahimik. Wala naman akong sasabihin dahil hindi ko rin alam kung uuwi ba si Mama. Hanggang ngayon kasi ay wala siyang chat sa akin.
"Tawagan natin si Mama, Ate Shi," biglang sabi ni Julian sa kanang tabi ko.
"Baka busy 'yon," palusot ko.
Ayokong tawagan si Mama. Nagtatampo pa rin ako dahil wala siyang paramdam sa akin.
"Sige na, Ate, please!" pamimilit ni Julian.
Napatingin ako kay Ariella, nakatingin na rin siya sa 'kin at bakas sa mata niyang umaasang pumayag ako. Tumingin ako kay Ate pero abala na ito sa pagsubo ng kanin kay Tate. Habang si Kuya naman ay parang walang naririnig dahil tahimik lang siyang kumakain. Si Lola naman ay nagpaalam na pupunta muna sa rest room.
"Please, Ate Shi!" pamimilit ng dalawang bulilit.
Napabuntong-hininga ako at nilabas na ang cellphone mula sa bulsa ng dress ko. Bahagya pa akong nadismaya nang makitang wala talagang chat o tawag si Mama nang buksan ko ito. Binuksan ko ang messenger saka ang convo namin ni Mama at pinindot ang video call button sa gilid ng pangalan niya. Sabik namang inabangan ng dalawa ang pagsagot ni Mama sa tawag, pero nalaglag ang balikat nila nang makalipas ang ilang ring hanggang sa matapos ito ay walang sumagot mula sa kabilang linya.
"Isa pa, Ate," ani Julian at siya na ang pumindot sa call.
"Mamaya na lang ulit, baka busy siya," pang-aalo ko sa kanila nang hindi talaga sinagot ni Mama ang tawag.
Pati tuloy ako ay nawala na ang tampo at napalitan ng pag-aalala para kay Mama dahil ngayon lang niya hindi sinagot ang tawag ko. Noon naman ay mag-cha-chat agad siya kung busy siya o 'di kaya ay tatawag agad siya pabalik kapag hindi niya nasagot ang tawag namin.
Kakaiba man ang nararamdaman ko ngayon, pero pinilit ko na lang isipin na baka sobrang busy lang siya ngayon at tatawag din siya mamaya.
Nang matapos kaming kumain ay nauna na kaming umuwi nila Lola, naiwan naman sina Kuya at Ariella dahil babalik pa sila sa school nila Ariella para kunin ang program paper nila para sa recognition nila bukas.
Pagkarating namin sa bahay ay agad akong naligo dahil ang init at ang lagkit na ng buong katawan ko. Nang matapos ako ay pumalit naman agad sa 'kin si Ate sa banyo. Nadaanan ko pa sina Lola, Julian, at Tate na nanonood ng cartoons sa tv habang papunta ako sa kuwarto namin para magbihis.
Kumukuha na ako ng pambahay kong damit mula sa kabinet nang biglang mag-ring ang cellphone ko na nasa study table. Inabot ko iyon at agad na sinagot ang tawag mula kay Kendra.
"Miss mo na 'ko agad?" pagbibiro kong bungad.
"Oo, 'teh! Kaya pumunta ka na rito sa bahay dahil ikaw na lang ang kulang sa 'ting lima!"
Nanlaki ang mga mata ko. "Kanina pa kayo diyan?" gulat kong tanong at naririnig ko na ang ingay nila sa kabilang linya lalo na ang sigawan nina Venna at John. Napailing na lang ako habang ngumingiting mag-isa.
"Hindi naman, kararating lang ni Eulcrist. Halika na!"
Mabilis akong tumango kahit na hindi naman niya ako kita. "Sige! Magbibihis lang ako!"
"Sunduin ka na raw pala ni Eul!"
"Huwag na!" mabilis kong sagot. Kararating niya lang, eh. Baka pagod pa 'yon tapos maglalakad na naman siya papunta rito. Medyo malayo pa naman ang bahay nila Kendra sa 'min. Kaya ko naman, eh. Baka nga mag-tricycle na lang ako.
"Too late. Nakasakay na sa tricycle ang ebeb mo," bakas ang kilig sa tono ng boses ni Kendra.
Napairap na lang ako habang kagat ang pang-ibabang labi. "Sige. Hintayin ko na lang siya rito."
"Okay, bye! Ingat kayo!" aniya bago ibinaba ang tawag.
Naghanap ako ng disenteng damit at napagpasyahang isuot ang puting oversized t-shirt ko saka ko ito ini-tuck-in sa itim na maong shorts ko. Mabilis kong sinuklay ang maikli kong buhok bago sinuot sa kanang palapulsuhan ang puting scrunchie ko. Naglagay lang ako ng baby powder sa mukha at leeg bago lumabas ng kuwarto dala ang cellphone at wallet ko.
"'La, punta lang po ako kila Kendra," pagpapaalam ko kay Lola na nanonood na ng drama sa tv dahil nakatulog na ang dalawang bata sa tabi niya.
Tumingin sa 'kin si Lola nang maupo ako sa kabilang sofa. "Huwag masyadong magpagabi," aniya bago binalik ang tingin sa tv.
"Opo."
Humarap na rin ako sa tv at nakinood muna ng drama habang hinihintay si Eul.
"Akala ko ba ay aalis ka?" tanong maya-maya ni Lola.
"Hinihintay ko po si Eul," sagot ko bago lingunin si Lola at bahagya akong nagulat nang makitang nakangiti itong nakatingin sa 'kin.
"Susunduin ka niya?" tanong ni Lola.
Tumango ako bago kumunot ang noo ko. "Bakit po?" takang tanong ko nang mas lalong ngumiti si Lola, tila may naaalala siya.
Napapailing na nakangiti si Lola. "Wala. Naalala ko lang noon, gan'yang-gan'yan din ang Lolo mo sa Lola Shion mo. Sobrang tamis nila kung magmahalan."
Napangiti ako at tuluyan nang humarap kay Lola. "Talaga po?" sabik kong tanong dahil hindi ko naman sila naabutan na buhay.
Nakangiting tumango si Lola. "Nakikita kong mabuting bata si Eulcrist. May tiwala ako do'n sa batang iyon. Kaya ko rin siya hinayaang ligawan ka. Pero, Ciela, ang bilin ko sa 'yo, ha?"
Nangingiti akong tumango kay Lola. "Opo, Lola. Pag-aaral po muna namin ang uunahin."
"Very good."
Ilang minuto pa ang lumipas nang may bumusina sa labas ng bahay. Nagpaalam ulit ako kay Lola at nagmamadaling sinuot ang tsinelas ko na nasa pintuan bago tuluyang lumabas ng bahay.
Agad kong nakita ang nakahintong tricycle sa labas ng gate at sa loob no'n ay si Eulcrist. Kumaway sa 'kin ang lalaki habang nakangiti, ngumiti ako pabalik at lakad takbong pumunta sa kan'ya.
"Hi!" pagbati ko nang makasakay ako sa tricycle at naupo sa tabi niya.
"Nagpaalam ka ba?" tanong niya kasabay nang pag-abante muli ng tricycle papunta na kila Kendra.
Tumango ako habang tinatali ang nagliliparan kong basang buhok dahil sa malakas na pagsalubong ng hangin sa amin.
"Maraming tao doon?" tanong ko.
"Kanina pero kakaunti na lang siguro mamaya dahil hapon na."
"Ikaw? Kailan ang blow out?" tanong ko nang humarap ako sa kan'ya.
"Pagkatapos daw ng graduation ni Kuya para isahan na," sagot niya habang abala ang kaliwang kamay niya sa paglalagay ng ilang hibla ng buhok ko sa likod ng tainga ko dahil hindi ito nakasama kanina nang itali ko ang buhok ko. Masyado kasi itong maiksi.
Nakagat ko ang ilalim ng pisngi ko nang muling bumilis ang pagkabog ng puso ko. Napangisi si Eul kaya napaiwas ako ng tingin ngunit napatigil ang paningin ko sa maliit na salamin na nakadikit sa harapan namin. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung gaano kapula ang mukha ko!
Agad akong napatakip ng mukha gamit ang dalawang palad ko sa sobrang kahihiyan. Ang lakas ng loob kong tawagin si Venna na tocino tuwing kinikilig siya, mas malala pa pala ako!
"Bakit?" tanong ni Eul.
Umiling ako. "Wala!"
"Shi," kalmadong pagtawag niya sa 'kin at pinipilit na tanggalin ko ang kamay ko sa mukha. Pero umiwas ako at hindi nagpatalo sa kan'ya.
"Stop! Ang pula ko!" nahihiyang saad ko nang kilitiin niya ako sa kili-kili para matanggal ang kamay ko sa mukha.
Kung puwede lang tumalon papalabas ay ginawa ko na, maiwasan lang ang humahalakhak na Eulcrist sa tabi ko. Tuwang-tuwa pa talaga ang lalaking 'to!
"Ayos lang 'yan, Shi," aniya at tinapik-tapik pa ang balikat ko. Iniwas ko ang balikat ko pero dahil kaunti lang ang espasyo ay hindi rin ako nakaiwas sa kan'ya.
Mas lalo pa siyang humalakhak. Nag-angat ako ng tingin sa kan'ya. "Saya ka?" panunuya ko.
Tumango pa talaga siya habang tumatawa. Naghahanda na ako para sikuhin siya sa sikmura nang bigla siyang yumuko para ipahinga ang ulo sa likuran ko. Natigilan tuloy ako.
"'Wag ka nang magalit. Gaya mo, kinikilig din ako," halos bulong niyang saad malapit sa tainga ko. Maingay ang makina ng tricycle pero malinaw na narinig ko ang mga salitang binitawan niya.
Tuluyan ko na siyang nasiko sa sikmura. Agad siyang dumaing at napaayos ng upo.
"Corny mo talaga!" banat ko pero abot langit naman ang ngiti sa labi.
Nang makarating kami kila Kendra ay naabutan namin silang naglalaro ng uno sa salas nila.
"Kain muna kayo!" saad ni Kendra bago siya tumayo bitbit ang cards niya at iginiya kami papasok sa kusina nila. Naabutan namin doon ang nanay niya kaya agad kaming nagmano ni Eul sa ginang.
"Huwag kayong mahihiya! Kumain lang kayo hangga't kaya niyo. Feel at home, mga anak," ani Tita Gigi, nanay ni Kendra, nang iniabot niya sa amin ang dalawang paper plates. Nagpasalamat kami sa kan'ya ni Eulcrist bago kami kumuha ng gusto naming kainin sa mga iba't ibang handa na naka-display sa lamesa. Napansin ko rin na bumalik na pala si Kendra sa sala.
Kumuha ako ng carbonara, shanghai, at cake, habang si Eul naman ay baked Mac, cake, shanghai, at dynamite. Nang makakuha kami ng soft drinks ay bumalik na kami sa sala. Iniwan namin si Tita Gigi sa kusina na abala sa pag-asikaso sa bagong dating na bisita nila na mukhang kumare niya.
"Si John madaya! Inupuan 'yung card!" sigaw ko habang puno ng carbonara ang bibig nang mahuli kong inupuan ni John ang isang card niya. Guilty namang tumawa si John.
"Ibalik mo 'yan!" banta ni Kendra at pinanlakihan niya ng mata ang lalaki. Masama rin ang tingin ni Venna kay John. Habang si Eul naman ay halos hindi na makakain sa kakatawa sa tatlo.
Natawa ako dahil parang buhay ang nakataya sa paraan ng paglalaro nila. Napakaseryoso nila pero nagdadayaan naman, para silang mga bata.
Natatawang inilabas muli ni John ang card at binalik sa iba pa niyang hawak na cards. Aapat na lang ang natitira kay Venna, anim kay Kendra, at sampu kay John.
Natapos na kaming kumain ni Eul at nailagay na namin sa basurahan ang pinagkainan naming paper plate pero hindi pa rin sila tapos sa paglalaro.
"John, ano na? Uno pa ba 'to o John? Halos na sa 'yo na lahat ng cards, eh?" pang-aasar ni Venna nang magkasunod silang naglapag ni Kendra ng plus 4 na card. Nagtawanan kami habang si John ay mukhang problemado na sa laro.
"Ayoko na!" singhal ni John sabay lapag ng mga cards niya sa glass table bago niya dinampot ang remote at ini-on na ang tv na karaoke pala ngayon.
"Kumanta na lang tayo! Pataasan ng score!"
"Sige!" pagsang-ayon ni Venna at kinuha ang songbook sa ilalim ng lamesa.
Naghanap kami ng sari-sarili naming kanta at si John ang taga-lagay ng number sa tv. Siya rin ang mauunang kakanta.
"Touch by touch . . . You're my all time lover . . ." pagkanta ni John habang gumigiling sila ni Eulcrist sa harapan. Halos mawalan na kami ng hininga nila Venna sa kakatawa maging ang ilang bisita ay pinapanood na rin ang dalawa na nasa harap ng tv at parang concert nila ito.
"Skin to skin . . . Come under my cover . . ."
Naghiyawan pa ang mga matatandang umiinom sa labas ng bahay kaya mas ginanahan pa ang dalawa sa paggiling.
"Ayoko na! Ang sakit na ng tiyan ko!" ani Kendra sa pagitan ng mga halakhak niya.
Napatingin naman ako kay Tita Gigi na nasa tabi na pala namin at kinukuhanan ng video ang dalawa.
"Daig pa ng mga 'to ang lasing!" aniya habang tumatawa.
78 ang score ni John pero 100 na siya amin dahil napatawa niya kami ng lubos.
Nangangawit na ang panga ko sa kakatawa nang matapos siya at si Eulcrist naman na ang sumunod.
Natahimik kaming lahat nang magsimulang umawit si Eulcrist gamit ang malamig niyang boses. Maging Sino Ka Man ni Rey Valera ang napili nitong kantahin. Nakatayo pa rin siya at nakaharap sa tv habang si John naman ay halos mahiga na sa sahig at hinihingal.
"Wag kang mag-isip nang ano pa man. . . Mga paliwanag mo'y di na kailangan. . . At kahit ano pa ang iyong nakaraan. . ."
"Ang sarap pakinggan ang boses ng batang ito," komento ni Tita Gigi. Napatango naman ako bilang pagsang-ayon.
"Mamahalin kita . . ." Nagtilian ang dalawang babae sa tabi ko nang biglang humarap sa amin si Eulcrist at deritso lang na nakatingin sa akin. ". . . maging sino ka man!" pagbirit niya sabay kindat sa akin.
Napahalakhak ako habang pinaghahampas na ako nina Kendra at Venna sa likuran sa sobrang kilig nila.
"Ay sus! May nanalo na!" kinikilig din na saad ni Tita Gigi.
"Sino'ng tocino sa 'tin ngayon!" pang-aasar na ni John at patagilid na nakaharap sa amin habang nakahiga pa rin sa sahig.
Napatakip na lang ako sa mukha sa kahihiyan habang tumatawa pa rin. Bwesit ka, Eulcrist!
"Mahal kita, pagkat mahal kita. . ."
Nagulat ako nang may nagtanggal sa kamay ko na tumatakip sa mukha ko. Sinamaan ko ng tingin si Eulcrist pero ngumisi lang ito sa akin.
"Iniisip nila ay hindi mahalaga . . ." pag-awit niya habang nakangisi at marahang pinisil ang pisngi ko. Nagtilian at naglundagan sa sofa ang mga katabi ko. Napakagat ako sa pang-ibabang labi habang nakangiti.
"Ano ba?!" natatawa kong suway sa lalaki.
Nangingiti itong napailing. "Mahal kita maging . . . sino ka man!" muling birit niya.
"John!" pagtawag ni Eul nang tumugtog ang ad lib.
Humagalpak ako sa pagtawa nang muling gumiling si Eul with facial expression na kamukha no'ng yellow na larva, at gumiling pa papaikot at nakisama pang muli si John.
Kakabagin na talaga ako sa dalawang ito!
Sa huli ay hinayaan na lang namin na silang dalawa ang kumanta para mas masaya at nanood lang kami. Pero syempre hindi pumayag si John pinakanta niya pa rin kami. Wala nang giling-giling at tamang kanta lang.
"Gagi, grade 11 na tayo next school year!" bakas ang excitement at kaba sa boses ni Kendra.
Nang magsawa kami sa karaoke ay kumain muli kami dahil nakakapagod at nakakagutom din pala ang ginawa namin.
"True! May strand na ba kayong kukunin?" tanong ni Venna bago sumubo ng graham.
Umiling ako. "Wala pa sa 'kin. Kayo?"
"Kung saan si Venna, doon ako." Nakangising saad ni John at nagtaas baba pa ng kilay sa babae.
"Yie!" pang-aasar namin sa namumula nang si Venna.
"Umayos ka nga!" pagtataray ni Venna sabay sipa sa katabi na halos mawalan na ng hininga sa pagtawa.
"Sus! Kunwari ka pa, sis! Alam naman namin na pumapalakpak 'yang tainga mo sa tuwa!" pang-aasar ni Kendra.
"Ano ba sa 'yo, Venna?" tanong ko nang tumigil na kami sa pagtawa.
"ABM siguro hindi pa ako sure," sagot niya.
"Same kami, hindi rin ako sure," pag-singit ni John at agad na nakatanggap ng pagbatok kay Venna.
"Ikaw, pre, ano sa 'yo?" tanong ni John kay Eul para iwala ang tinatawanan namin.
"HUMSS," sagot ni Eul bago uminom ng coke.
"Uy, same!" ani Kendra.
"Ano'ng kukunin mo sa college, Kends?" tanong ko.
"Poging archi!"
Napailing na lang ako habang tumatawa.
"Joke lang, sinigang. Educ siguro." Tumatawang aniya.
"Wow, teacher!" tukso ni John.
"Wow, tambay!" tukso pabalik ni Kendra.
"No!" pag-kontra ni John.
"Oh, akala ko ba susunod ka sa yapak nitong si Venna. Maging tambay ang gusto niyan!" tumatawang saad ni Kendra.
"Lawyer kasi!" bawi ni Venna.
"Lawyer kami!" panggagaya naman ni John sa maarteng boses ni Venna. Kaya muli siya nitong binatukan.
Tahimik akong natawa habang pinapanood sila. Napatingin ako kay Eul at nagulat nang mahuli ang mga mata niyang nakatitig sa akin habang nakangiti.
"Susunod ka rin ba sa 'kin?" tukso niya.
Umiling ako at bahagyang ngumiti. "Susunod ako sa pangarap ko talaga."
Nakangiting tumango si Eul. "Very good."
Sobrang bilis ng oras. Alas-siete na agad ng gabi nang matapos kaming kumain. Ayaw pa man naming umuwi pero gabi na. Magkikita-kita pa rin naman kami ulit.
Pagkatapos naming tulungan si Kendra sa paglilipit ng mga pinagkainan namin at paglilinis sa sala at kusina ay nagpaalam at nagpasalamat kami kay Tita Gigi bago kami tuluyang umuwi.
"Mag-iingat kayo!" ani Kendra nang maihatid niya kaming apat sa labas ng gate nila.
"Thank you, Kends! Sa uulitin!" malambing kong sabi. Nagpasalamat din ang tatlo kay Kendra.
"Umuwi, ha! Huwag nang pumunta pa kung saan-saan!" Parang nanay na bilin niya sa amin.
"Opo!" tumatawang tugon namin.
"Bye na, Eul at Shi! Ihahatid ko na 'to," pagpapaalam ni John habang nakapatong ang kamay sa tuktok ng ulo ni Venna. Nakangisi lang naman si Venna na nakatingin sa akin kaya mas lalo akong napangiti.
"Sa bahay nila John, ha!" ani Kendra.
Tumango at sumaludo naman sa kan'ya si John.
"Bye! Ingat kayo!" nakangiting paalam ko.
"Kayo rin!" Pagkaway ni Venna sa amin.
"Bye, mga pre." Nakipag-fist bump pa si Eul sa tatlo bago bumalik sa tabi ko.
Kumaway muli si Eulcrist sa kanila bago kami tuluyang naghiwa-hiwalay ng daan pauwi sa kan'ya-kan'ya naming bahay.
"Uuwi na ba tayo?" tanong ni Eul sa 'kin habang naglalakad kami sa maliwanag na kalsada, salamat sa mga lamp post na gumagana ngayong gabi.
Tumango ako. "Inaantok na ako, eh."
Mahina siyang tumawa. "Napagod ang bebe na 'yan?" pang-b-baby talk niya.
"'To naman parang sira," natatawang saad ko at mas binilisan pang maglakad pero agad niya rin akong nahahabol dahil mas mahaba ang biyas niya kesa sa 'kin.
"Wait mo 'ko, Shi!" aniya sabay akbay sa akin para magsabay kami sa paglalakad. Bahagyang binagalan ko na rin at sumabay sa kan'ya.
Madilim na pero may mga tao pa rin sa labas ng bahay nila. Sabagay, maaga pa naman. Tumingala ako at bahagyang napangiti nang makita ang bilyon na mga talang nagkikislapan sa madilim na kalangitan.
"Tuloy ka sa pag-psy-psychology, Eul?" tanong ko nang ibinalik ko ang tingin sa daan.
"Yes."
Nag-angat ako ng tingin sa kan'ya at agad naman niya iyong sinalubong. Mas bumagal tuloy kami sa paglalakad. "Ayaw mong mag-pastor?"
Napangiti siya at umiling. "Pero kung iyon talaga ang calling ko, then yes. Bakit? Gusto mong mag-pastor?" tanong niya pabalik sa akin.
Napailing din ako. "Mahirap na commitment 'yan. Pero oo rin kung iyon talaga ang para sa 'kin."
"Hmmm. May naisip ka na bang gusto mong course?"
Napailing muli ako. "Wala pa, eh. 'Di bale may two years pa naman tayo. Malalaman ko rin siguro kung ano'ng gusto ko."
"Sabagay. Hoping na maka-decide ka na before college."
"True!" saad ko bago mahinang tumawa.
Sa pag-uusap namin sa mga plano namin sa buhay ay hindi ko namalayang nakarating na pala kami sa gate ng bahay.
"Pasok ka muna," pag-aaya ko kay Eul.
Umiling ito sabay gulo sa buhok ko. "Hindi na, baka hinahanap na ako sa 'min."
Napatango ako. "Sige. Salamat sa paghatid."
"Wala 'yon. Pasok ka na." Pagturo niya sa gate ng bahay.
Umiling ako. "Mamaya na. Pagkaalis mo."
Tumango siya at kumaway na sa 'kin bago naglakad nang pabaliktad. Nakaharap pa rin siya sa akin at kumakaway habang papalayo siya nang papalayo.
Natawa ako. "Humarap ka sa dinaraanan mo, baka madapa ka!"
Tumango ito at sinunod ako pero muling lumingon at nakangiting kumaway. Para siyang bata. Nangingiti na rin akong kumaway pabalik.
"Ingat ka!"
Nang makalayo na siya ay tahimik akong pumasok sa gate at naglakad bakuran namin. Papalapit na ako sa pintuan nang mapakunot ang noo ko sa naririnig kong pamilyar na boses na nagsasalita mula sa salas. Nakabukas ang bintana doon kaya malinaw ko itong naririnig.
Huminto ako sa tapat ng bintana at mas pinakinggan pa ang nag-uusap.
"Last week pa, Tita."
Nanlaki ang mga mata ko nang makumpirma kung kaninong boses iyon.
Kay Mama!
Umuwi si Mama!
Napangiti ako sa labis na pagkatuwa pero mukhang seryoso ang usapan nila ni Lola Pearly kaya hindi ko magawang pumasok sa loob ng bahay. Mukhang wala rin ang mga kapatid ko at sila lang ang nandoon.
"Ano? Last week ka pa pala umuwi?" gulat na saad ni Lola. "Bakit hindi ka nagsabi?"
Napakunot ang noo ko at mas nilapit pa ang tainga sa bintana.
Ano'ng ginawa ni Mama sa mga nakaraang araw? At bakit ngayon lang siya?
"May inasikaso lang ako, Tita."
Napasinghap si Lola. "Huwag mong sabihing . . ." gulat na saad ni Lola na hindi na niya natapos pa ang sasabihin.
Mas lalong kumunot ang noo ko. Ano iyon? Ano ang inasikaso ni Mama para maging gano'n ang reaksiyon ni Lola?
"May magagawa pa ba ako, Tita? Gustong-gusto niya na talaga, eh . . ." bakas ang kalungkutan sa boses ni Mama.
Ano ang gusto nino? Litong-lito na ako habang nakikinig sa kanila.
"Paano ang mga anak niyo?"
Nalaglag ang panga ko. Si Papa ba? At ano ang gusto niya kay Mama?
"Nagkasundo kaming magbibigay siya ng sapat na pera para sa mga anak niya buwan-buwan, dahil reponsibilidad pa rin naman niya 'yon."
"Paano 'yan? E 'di magkikita rin sila ng mga anak mo buwan-buwan?"
"Hindi. Gagawa siya ng bank account at ibibigay ko sa inyo ang ATM card. Isa pa sa mga pinagkasunduan namin ay hindi-hindi siya magpapakita sa mga anak ko lalo na kina Ella at Julian."
Nakakunot pa rin ang noo ko pero parang alam ko na kung ano ang gusto ni Papa. May hinala na ako pero hindi ko pa kayang tanggapin. Ramdam ko ang pagbigat ng dibdib ko habang nakikinig kila Mama.
"Hindi ba parang unfair naman sa mga bata? Karapatan din naman nilang makilala ang ama nila, lalo na si Julian."
"Mas mabuti nang isipin nilang patay na ang ama nila, kaysa malaman pa nilang buhay nga ito pero may ibang pamilya naman," pinal na saad ni Mama at alam ko nang wala nang makapagpapabago pa sa isip niya tungkol dito.
"Pero ayos ka lang ba?" puno ng pag-aalala ang boses ni Lola.
Rinig ko ang pagsinghot ni Mama. "Magiging maayos pa ba ako, Tita? Ni-minsan hindi ko naisip na pipirma kami ni Quintin sa gano'ng klaseng papel . . ."
Napatakip ako sa bibig ko nang makumpirmang tama nga ang hinala ko. Bumilis ang paghinga ko nang mas sumikip pa ang dibdib ko habang pinipigilan ko ang sariling huwag maiyak.
"E 'di tuloy nga ang kasal nila?"
Nanlaki ang mga mata ko sa pagkagulat. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa narinig at napako ako sa kinatatayuan ko.
"Sa Sabado na . . ." basag ang boses na sagot ni Mama.
Ayaw ko man pero sunod-sunod nang nagpatakan ang mabibigat kong luha habang sapo ko ang bibig ko para hindi ako makagawa ng ingay.
Alam ko namang matagal nang wala sila Mama at Papa, pero masakit pa rin pala na malamang legal na wala na talaga sila ngayon. Wala na ring pag-asa pang mabubuo muli kami dahil mas ginusto na ni Papa na manatili doon sa kabit niya na ngayon ay magiging legal na asawa niya na.
Napatiimbagang ako at mas lumaki ang galit kay Papa. Hindi ko na talaga siya kilala. Ibang-iba siya sa nakilala kong papa ko noon.
"Kung last week ka pa umuwi. Bakit hindi ka man lang pumunta sa moving up ni Shi? Alam mo bang awang-awa na ako sa batang iyon? Hindi man niya sabihin pero alam kong umaasa siyang darating ka."
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatayo roon na biglang naging ako na ang usapan nila sa loob. Napatigil ako sa pag-iyak nang maunawaan ang tanong ni Lola kay Mama.
Matagal bago nakasagot si Mama.
"Ayoko lang pumunta, Tita."
Para akong sinaksak nang ilang beses. Ramdam na ramdam ko ang pagkapino ng durog kong puso. Parang pinutol ang tanging taling kinakapitan ko at tuluyan na akong nahulog sa pinakamalalim at malamig na dagat.
Napahakbang ako papaatras hanggang sa tumakbo na ako papalayo sa mga taong mas minahal ko pa kaysa sa sarili ko. Sa mga taong pinilit kong pasayahin sa abot ng makakaya ko kahit na ako mismo ay ubos na ubos na.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro