Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

30

"Wow! Attorney!" namamanghang saad ko habang pinapanood si Ate na bumababa sa hagdanan. Ang ganda at ang sexy niya! Parang hindi siya nanganak.

Nakasuot siya ng all white blazer at trousers saka puting stilettos, at kinulot niya ang dulo ng hanggang dibdib niyang buhok na brown. Katamtaman lang din ang make-up niya, sakto lang para ma-highlight ang features niya, lalo na ang kan'yang cheeckbone, matangos niyang ilong, at ang mapula niyang labi.

"Wow! Modern Cinderella!" banat pabalik sa 'kin ni Ate.

Bahagya akong natawa at muling napatingin sa salamin na nasa harapan ko. Dito na ako tumambay dahil hindi ako mapakali at gusto kong pakatitigan ang sarili ko sa salamin.

Ang maikli at bagsak kong buhok ay pantay na nahahati sa dalawa. Sinunod ko ang utos kanina ni Ate, sinuot ko nga ang pearl headband niya, para hindi raw boring tignan ang buhok ko.

Kaya modern Cinderella dahil suot ko ngayon ang binili ni Lola na sky blue satin midi dress.  Itim na cocktail dress sana ang suot ko ngayon, kaso ay naihabol kaninang madaling araw ni Lola Pearly ang regalo niyang dress para sa 'kin. Bilang pagpapakita ng pasasalamat at pagmamahal kay Lola, ang regalo niya ang sinuot ko, at hindi ako nagsisising iyon ang sinuot ko dahil mas bagay nga iyon sa akin.

May kasama ring sky blue na high heels ang bigay ni Lola, at 'yon din ang suot ko ngayon. Hindi matanggal ang ngiti sa labi ko dahil alam kong mamahalin ang mga 'yon at mukhang pinag-ipunan talaga iyon ni Lola para sa 'kin.

Pagkakita ko nga kanina sa regalo niya ay hindi na ako maawat sa pagngiti at pagyakap kay Lola. Tuwang-tuwa naman si Lola sa naging reaksyon ko. Ngayon ay nasa kuwarto ko siya at abala sa pagbibihis. Dito na rin kasi niya naisipang maghanda para sa moving up ko mamaya.

Gaya ni Ate, katamtaman lang din ang makeup ko. Tama lang para mas madepina ang hugis puso kong labi at ang matangos kong ilong. Dahil umigsi ang buhok ko mas kapansin-pansin ngayon ang leeg ko, maging ang collarbone ko, at ang panga ko. Nagmumukha tuloy akong sopistikada.

Syempre si Ate ang nag-ayos sa 'kin, sa buhok ko at sa mukha, maging ang mga accessories na gamit ko. Ang pearl necklace at pearl earrings niya.

"Hindi pa ba tapos ang ating fairy god grandma?" tanong ni Ate nang makalapit sa akin.

Natawa ako. Feel na feel talaga niyang ako raw si Cinderella at si Lola ang fairy godmother na naging grandma.

Sasagot na sana ako nang eksatong lumabas si Lola mula sa kuwarto ko. Agad akong napangiti. "Ang ganda naman ng Lola namin!" malambing kong komento.

Nakasuot si Lola ng beige na semi-formal dress kaya mas naipakita ang porcelana niyang balat. Payat at medyo matangkad si Lola kaya mas nagmukha siyang bata sa suot. Sixty-seven na yata si Lola ngayong taon pero mukha lang siyang sixty years old. Naka-pixie cut at kinulayan ng itim ang buhok niya kaya mas nagmukha siyang donya. Napangiti ako. Talagang naghanda nga siya para sa moving up ko.

"Wow naman ang fairy god grandma namin, lumalaban!" Pumapalakpak na ani Ate.

Humalakhak si Lola at agad na hinampas sa braso si Ate. "Ikaw talagang bata ka! Ang dami mong nalalaman!"

"Kaya nga po ako DL sa school, Lola!" pamimilosopo ni Ate.

Napailing na lang ako sa kalokohan niya.

"Halika na, Lola, at aayusan na kita," pag-aaya ni Ate kay Lola at pinaupo niya ito sa monobloc chair sa harapan ng salamin.

Habang hinihintay sila ay naupo na muna ako sa sofa. Alas-siete na ng umaga at mamayang alas-otso na ang simula ng program. Matagal pa naman, at si Lola na lang ang aayusan kaya kampante akong hindi kami mahuhuli.

Nang buksan ko ang cellphone ko ay agad na bumungad sa notifications ang mga chat ni Eul.

Eulcrist:

Good morning, Shi!

Kain ka na~

What time ang alis niyo?

Eulcrist:

Sunduin na pala namin kayo, sabi ni Tatay.

By 7:15 siguro and'yan na kami, see you!:)

Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na napalingon kila Ate. "'La, susunduin daw pala tayo nila Eul, mamayang 7:15."

"Gano'n ba? Sige, sige! Dalian mo, apo." Pagtapik ni Lola sa balakang ni Ate Tali habang abala ito sa paglalagay ng eye shadow sa tulukap ng mata ni Lola.

"Chill . . .  Maaga pa naman, extend lang tayo ng five minutes 'ka mo," kalmadong saad ni Ate.

Umayos ako ng upo at nagtipa na ng reply kay Eul.

Me:

Good morning.

Sige. Wait lang, ha. Inaayusan pa kasi ni Ate si Lola, eh.

Eulcrist:

Sure, no prob.

Tapos ka na?

Pasilay naman ako👉🏻👈🏻

Napahagikhik ako habang kagat ang pang-ibabang labi nang mabasa ang panghuling chat ng lalaki.

Pasimple pa akong lumingon at sinigurado munang hindi nakatingin sa 'kin si Ate bago ko pinindot ang camera at mabilis na nag-selfie. Ang mabilis ay inabot ng halos dalawang minuto kakaayos ko ng angulo ko sa camera. Nagdadalawang isip pa ako kung iyong labas ba ang ngipin ko habang nakangiti o 'yung hindi. Nang hindi ako makapagdesisyon ay sinend ko na lang lahat iyon kay Eul. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang twenty-five lahat ang picture na na-send. Akala ko sampu lang!

Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi ko nang mag-seen si Eul at mabilis niya itong ni-reactan ng heart.

Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko. Gago, nakakahiya pala!

Eulcrist:

Hindi ka naman letters pero bakit may nababasa ako sa mukha mo?

Me:

????

Eulcrist:

(Ganda, ganda, ganda, ganda, ganda)²

Humalakhak ako sa banat niya at agad na napatakip sa bibig nang mapansin kong tumingin sa 'kin si Ate. Mabilis akong nagtipa ng reply.

Me:

Alam ko breakfast mo.

Mais HAHAHAHAHAHAHA.

"Asus! May kinikilig, Lola, oh!" tukso ni Ate.

Hindi ko siya hinarap at tumawa na lang.

"Hayaan mo na. Mabuti nga at gumagalaw na ang ship ko," ani Lola. Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na napalingon.

"Lola!" gulat kong saad sa humahagikhik kong Lola.

Humalakhak si Ate. "Alam mo na pala ang ship, Lola, ha?"

"Oo, naman 'no!" hirit ni Lola.

Natawa na lang ako at walang masabi.

"Pero, Shi, pag-aaral pa rin dapat ang unahin, ha? Okay lang may gan'yan. Normal 'yan pero 'wag mo sanang kalimutan ang prioridad mo," habilin ni Lola habang nilalagyan siya ng blush on ni Ate, na tumatango-tango.

"Opo, 'La," malambing kong tugon.

Eksato ngang 7:15 ay pumarada na ang itim na van nina Eul sa tapat ng bahay. Humirit pa kami ng five minutes kay Eul na naghihintay sa pintuan dahil katatapos lang ni Ate na ayusan si Lola. Nagmamadali akong tinulungan ni Ate na isuot ang puting toga ko, hinawakan ko lang naman ang cap ko dahil mamaya ko na lang iyon susuotin, habang si Lola naman ay abalang sinusuot ang kan'yang beige na doll shoes.

Nang matapos kami ay nagmadali kaming lumabas ng bahay. Sinara ko lang naman ang pinto dahil nandoon pa naman ang mga kapatid ko at si Tate, na natutulog. Ang sabi naman ni Kuya kay Lola kanina ay susunod sila. Sabagay ma-bo-boring lang ang mga bata sa program, mabuti nang dumating sila doon na patapos na para hindi sila magwala, mahirap na.

"Guwapo mo naman," nakangiting komento ko kay Eul nang sabay kaming naglakad papunta sa van nila. Ang bagong gupit niyang buhok ay malinis na naka-brush up kaya mas umaliwalas ang mukha niya. Sa loob ng toga niya ay nakasuot siya ng itim na polo at slacks. Ewan ko pero para sa 'kin ay mas guwapo at misteryoso siyang tingnan tuwing itim ang suot niya. Mas napapatagal ang titig ko sa kan'ya.

Nag-init agad ang pisngi ko nang akbayan ako nito at mabilis na yumuko paharap sa akin habang nakangiti. "Talaga ba?" malambing niyang tanong. Natatawa akong tumango habang nakatingin sa matangos niyang ilong papunta sa malalim niyang dimple sa kaliwang pisngi. Mabilis ko iyong pinindot.

"Huwag mo nang ipaulit baka bawiin ko lang." Pagtulak ko bahagya sa noo niya.

Tumatawa siyang umayos ng tayo pero nanatili ang braso niya sa kaliwang balikat ko. Nakagat ko ang ilalim ng pisngi ko para pigilan ang pagngiti. Hinayaan ko siya dahil wala namang nakatingin sa amin. Dahil abala silang lahat sa pag-alalay kay Lola na makasakay sa van. Kayang-kaya naman ni Lola, malakas pa naman siya.

Ngunit nang biglang lumingon sa amin si Ate ay mabilis kong tinanggal ang braso ni Eul sa balikat ko. Agad na natawa si Ate sa reaksiyon ko. Napatingin ako kay Eul at namumula na ang magkabilang tainga nito.

Nasa harap sila Tito Dion, dahil siya ang driver, at si Tita Wendy na panay ang pagkomento sa 'kin na maganda ako simula no'ng makasakay kami sa loob ng van. Nahihiya lang naman akong ngumingiti at nagpapasalamat sa kan'ya. Nahihiya man ako pero ramdam ko ang pagtaas ng confidence ko.

Nasa second seat naman sina Ate at Lola, at sa third seat kami nakaupo ni Eul. Wala si Kuya Jarrel dahil may aasikasuhin pa raw itong papel niya, graduating na rin kasi siya. Sayang, kung tinuloy din siguro ni Kuya Nehem ay graduating na rin sana siya ngayong taon.

Napatigil ako sa pagmumuni-muni nang biglang may mainit na palad ang sumakop sa malamig kong kanang kamay. Nag-angat ako ng tingin kay Eul at napangiti nang mahuling nakatingin din siya sa akin habang may naglalarong ngiti sa mapula niyang labi.

"Ano'ng iniisip mo?" pabulong niyang saad kahit naman na maingay ang mga kasama namin dahil abalang nagkukuwentuhan sina Ate, Lola, at Tita Wendy tungkol sa palengke at sa pagmahal ng mga bilihin.

Napailing ako bago tumingin sa mga kamay namin at pinagsiklop ang mga daliri namin. Bahagyang hinigpitan ni Eul ang pagkakahawak sa kamay ko kaya pinisil ko ito pabalik bago nag-angat ng tingin sa kan'ya.

Nagtaas siya ng kilay bilang pagtatanong.

"May candy ka?"

Natatawang tumango si Eul, sabay dukot sa bulsa ng slacks niya at nilagay sa isa ko pang palad ang tatlong X.O.

"Hindi ka kumain 'no?"

Umiling ako. "Nagkape lang ako."

Tumango ito. "Gusto mo ng tinapay? Meron sa bag ni Nanay."

"Hindi na. Okay na 'to." Pagtaas ko bahagya sa palad kong may candy.

Nakangiting tumango si Eul hindi pa rin niya inaalis ang pagtitig niya sa mukha ko.

Kumunot ang noo ko sa pagtataka. "Bakit?"

Mas ngumiti pa siya pati ang mga mata niya. "Bagay sa 'yo 'yang buhok mo. Gumanda ka lalo," kalmadong aniya na parang normal lang na sabihin niya iyon.

Napaiwas ako ng tingin habang nag-iinit ang pisngi ko at todo pigil ako sa pagngiti. Napansin pala niya. Yumuko naman siya para salubungin ang mukha ko. Natatawa ko iyong tinulak papalayo.

"Libre ang kiligin sa 'kin, Ciela," pabulong na tukso niya.

Nangingiti ko siyang sinamaan ng tingin at sabay na lang kami natawa habang nakatitig sa mata ng isa't isa.

Nanatili kaming magkahawak kamay ni Eul hanggang sa makarating kami sa school. Kaya noong bumitaw na ako at para pumila para sa parade, pakiramdam ko tuloy ay parang may naiwan ako.

Si Ate ang kasama ko sa pag-martsa. Mas okay na 'to kaysa sa wala gaya no'ng grade six. Buti na nga lang at meron noon si Tita Wendy kaya siya ang kasama ko sa parade at si Tito Dion naman kay Eul.

Mas magaan ang loob ko ngayon kaysa noon, pero hindi pa rin talaga mawawala ang bigat sa dibdib dahil wala na naman ang taong gusto kong maging saksi sa araw na ito, ang taong gusto kong makasama dahil lahat ng pagsisikap at paghihirap kong ito ay para sa kan'ya. Para kay Mama.

Kakambal na siguro ng lungkot ang tampo. Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng pagtatampo kay Mama dahil alam ko namang hindi siya makakapunta pero kahit man lang sana pag-chat o tawag sa 'kin ay ginawa niya pero wala. Alam naman niya na ngayon ang moving up ko, kahit man lang sana isang congrats o kumusta, wala.

"Ciela!"

Nagising ako sa realidad nang tumili ang mga  pamilyar na boses mula sa likuran. Agad akong napalingon doon at nakita ang dalawa kong kaibigan.

"Punta ka muna do'n," utos ni Ate sabay bitaw sa hawak niyang braso ko.

Napatingin ako kay Ate, nakangiti lang siyang tumango at bahagya akong tinulak para pumunta na sa mga kaibigan. Tipid akong ngumiti bago muling hinarap sina Venna at Kendra at patakbo nang lumapit sa kanila.

"Gago? Nagpagupit ka?!" bulaslas ni Venna habang nakatingin sa 'kin.

"Obvious ba?" pamimilosopo ko sabay kumpas sa maikli kong buhok.

"OMG! Bagay sa 'yo!" komento ni Kendra.

"Thank you! Ang gaganda niyo!" namamanghang saad ko.

Nakasuot ng navy blue cocktail dress si Kendra sa loob ng toga niya, bumagay iyon sa morenang kutis niya, at naka-high ponytail ang mahaba niyang buhok saka kinulot ang dulo nito. Ang ganda niya!

Si Venna naman ay nakasuot ng cream na bodycon na below the knee pero may kaunting slit sa kaliwang banda ng skirt. Naka-bun ang buhok niya at nag-iwan lang siya ng ilang hibla ng buhok niya sa magkabilang gilid ng mukha niya. Ang ganda talaga ng natural na pagka-curl ng buhok niya. Ang ganda niya!

"Picture tayo dali!" pag-aaya ni Kendra sabay taas sa cellphone niya. Lumapit ako sa kanila at ngumiti kami sa camera ng phone.

"Sali kami! Ang dadaya niyo!"

Nagulat ako nang marinig ang sigaw ni John at tumatakbo na sila ni Eul papalapit sa amin.

"Dalian niyo!" sigaw ni Venna.

Nagkatinginan naman kami ni Kendra at parehong may nakakalokong ngisi sa labi bago muling tumingin kay Venna na ngayon ay masama na ang tingin sa amin.

"Gago," aniya pero halatang nagpipigil ng ngiti sa labi.

"Pakyu!" tumatawang mura ni Kendra. Natawa na rin ako at tumigil lang nang makalapit na ang dalawang lalaki.

Naka-ilang take kami at nagtawag pa talaga si John ng mag-p-picture sa 'min. May picture din kaming tatlong babae lang at silang dalawang lalaki lang.

"Ang landi!" sigaw ni Kendra nang magpabuhat pa si John kay Eul nang pa-bridal style.

Sumasakit na ang tiyan ko sa kakatawa sa kanila. Hindi pa nagsisimula ang program pero pawisan na sila.

"Venna, gawin niyo raw 'to ni John!" tukso ni Eul nang makababa si John.

Agad naman siyang pinakyuhan ni Venna. Muli akong natawa ngunit agad na napatigil nang makitang nagsisimula na ang parade. Nagtakbuhan kami pabalik sa linya namin.

"Ang ingay niyo," ani Ate nang makabalik ako. Tinawanan ko lang siya sabay suot sa cap ko na agad namang inayos ni Ate bago ako humawak sa braso niya at naglakad na kami paabante.

Kakaiba sa pakiramdam, magaan sa puso habang naglalakad kami kasabay nang pagtugtog ng graduation song. Hindi mawala ang ngiti sa mga mata ko dahil sa wakas! Natapos ko na ang isa sa mga biyaheng hindi biro ang daan. Mahirap man pero proud akong nalampasan ko ang mga lubak-lubak na daanan. Alam ko, marami pa 'kong pagdadaanan pero sana, at sa tulong ng Diyos, malalampasan ko rin iyon kagaya ngayon.

Ngumiti kami ni Ate sa camera nang makapasok kami sa entrance ng theater bago kami naglakad ulit papasok. Iniwan ko na si Ate sa upuang para sa kan'ya at naglakad pa ako papunta sa gitna sa bandang likuran at doon naupo. Hindi ko katabi ang mga kaibigan ko dahil na-assign ang upuan namin by voice para sa graduation song namin. Para hindi rin magulo ang pila kapag naglakad na kami papunta sa stage mamaya. Sa alto ako, at sa soprano sina Kendra at Venna. Bass si Eul at tenor naman si John.

Maraming tao sa loob ng theater. Ang stage ay talagang inayos ng mga grade 12 students. Ang malaking screen kung saan kami nanonood ng sine noong elementary ay natatakpan ng navy blue na kurtina. Wala na rin naman kasing nag-si-sine ngayon dito, at ginagamit na lang 'tong theater tuwing may program gaya ngayong moving up.

May itinayong mini-fountain sa gitna ng stage at napupuno ito ng mga halaman. Nakadikit naman sa navy blue na kurtina ang letterings ng pangalan ng paaralan namin, ang theme ngayong moving up namin at ang school year, pati na rin ang pangalan ng guest speaker namin. Para mabigyan ng buhay ay pa-curve nilang inilagay sa magkabilang gilid ng stage ang white at gold na mahabang kurtina. Nasa gilid naman ang projector kung saan naka-flash ang picture naming mga grade 10.

Totoo nga talagang bumibilis ang oras kapag masaya ka. Tapos na kami sa pagkuha ng diploma at awarding na ngayon. Nasa kaliwang tabi ko si Lola at magkahawak kamay kami habang hinihintay namin sa gilid ng stage na matapos sabitan ng medalya ang kaklase kong nasa gitna ng stage kasama ang ama niya.

Napatingin ako kay Lola nang pisilin niya ang hawak niyang kamay ko. Nakangiting nag-angat ng tingin sa 'kin si Lola.

"Proud na proud ako sa 'yo, Ciela."

Agad akong napaiwas ng tingin kay Lola at napatingala nang mabilis na nag-init ang sulok ng mga mata ko. Mabilis akong lumunok para pigilan ang sarili sa pag-iyak.

"With honors, Ciela Serene M. Yang."

Hindi na ako nakapagpasalamat kay Lola dahil tinawag na ako. Pinilit kong huwag maiyak habang naglalakad kami ni Lola papunta sa gitna ng stage kung saan naghihintay ang principal ng school, adviser ko, at ang guest speaker. Nakipag-shake hands kami ni Lola sa tatlong malalaking tao, bago ako sinabitan ng medalya ni Lola. Natatawa pa akong yumuko para lang maabot ni Lola. Humarap kami sa camera man at ngumiti sa camera. Nang makababa kami ni Lola sa stage ay muli kaming ngumiti sa camera ng cellphone ni Ate.

Nag-thumbs up si Ate nang matapos ang ilang click sa cellphone niya.

Pumagilid kami dahil may iba pang bumababa galing sa stage. Maglalakad na sana si Lola pabalik sa upuan niya nang bigla akong humarap sa kan'ya at mahigpit siyang niyakap.

"Maraming salamat, Lola . . ." buong puso kong sambit at idinaan na lang sa pagtawa ang pag-iyak ko sana.

Niyakap ako pabalik ni Lola, bago niya marahang tinapik ang likod ko. "Wala iyon, apo."

Maluha-luha akong bumalik sa upuan ko pero nakalma ko na ang sarili. Muli akong tumayo nang awarding muli para sa special awards. Best in Arts ako. Dumiretso ako sa puwesto ni Ate at siya ang hinila ko papunta sa pila. Tuwang-tuwa naman si Ate na sumabay sa akin sa paglalakad.

"Sa wakas makakarampa na rin," natutuwang saad ni Ate. Natawa lang ako.

Matapos ang awarding ay nagsalita na ang guest speaker, bago ang valedictorian ng batch namin. Pagkatapos naman ng pledge of loyalty na pinangunahan ni Eul ay tumayo na kami at tahimik na naglakad papunta sa stage para sa aming graduation song.

Natapos ang dalawang kanta namin na may ngiti ako sa labi, pero itong pangatlo ang pinakaayaw ko sa lahat. Ang awit para sa mga magulang. Hindi sa wala akong utang na loob sa kanila, pero kasi . . . Basta.

Nang matapos ang chorus at sa humming part na. Isa-isang bumaba sa stage ang mga kapwa ko estudyante at kumuha na ng tig-iisang rose sa basket na nasa gilid. Naglakad na sila papunta sa upuan ng mga magulang nila at malambing nila iyong ibinigay. Ang iba ay nagyayakapan pa at nag-iiyakan. Nag-iwas ako ng tingin dahil naiinggit ako.

Hindi na rin ako maka-hum dahil mabigat ang dibdib ko sa napapanood. Tahimik akong napapahiling ako na sana . . . sana nandito si Mama. Kasi parang walang silbi ang pag-awit nito kung wala rin naman siya.

Nang ako na ang susunod na bababa ay napabuntong-hininga ako. Nakayuko akong bumaba at kumuha ng isang rose sa basket. Naglakad ako paakyat, papunta sa upuan ni Ate pero nanlaki ang mga mata ko nang bakante ito. Agad kong ginala ang paningin at hinanap si Ate.

Napakagat ako sa labi nang hindi ko siya mahanap. Mas lalong nanikip ang dibdib ko at namuo ang luha sa mata ko. Hindi dahil sa tuwa kun'di dahil sa pangungulila. Parang ako lang ang nakatayo at walang mapuntahang pamilya sa mga oras na 'to. Lahat ng nasa paligid ko ay nagyayakapan habang ako ay parang nawawala.

Gusto ko na lang magtago sa kahihiyan. Ramdam kong napapatingin ang ibang mga kaklase ko kaya mas lalo akong pinanghinaan ng loob.

"Shi!"

"Ciela!"

"Ate Shi!"

Nag-angat ako ng tingin at tila biglang lumiwanag ang paligid. Nabuhayan ako ng loob at mabilis na tinakbo ang distansya namin ng mga kapatid ko.

"Akala ko iniwan niyo na ako!" parang bata kong sambit at tuluyan na akong napaiyak sa balikat ni Ate habang yakap-yakap siya.

Tumatawang tinatapik ni Ate ang likuran ko. "Tange! Kanina ka pa namin tinatawag."

Natawa ako habang umiiyak. Humiwalay na ako sa kan'ya at ibinigay sa kan'ya ang rose.

"Ate Shi!" bati ni Julian at maghigpit akong niyakap. Sumunod si Tate sa kabila, at si Ariella sa kabilang gilid ko. Natatawa kong pinunasan ang luha sa pisngi ko. At niyakap ang tatlong bata pabalik.

Napatingin ako sa harap ko at nakita sina Lola, Kuya Nehem, at Ate na nanonood sa amin habang nakangiti. Dumating sila!

Napangiti na rin ako at nagpapasalamat sa Diyos dahil kahit na wala si Mama . . . nandito naman sila para sa 'kin ngayong araw na 'to.

May silbi pa rin pala ang pag-awit ko ng sa pangatlong kanta dahil nandito sila, na handa akong samahan ngayon, at para sa kanila ang kantang iyon.

Para sa kanila na pamilya ko.

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro