29
"Ate . . . Shi?" gulat at nagtatakang pagtawag sa 'kin ni Julian habang nakatitig siya sa buhok kong hanggang sa itaas na lamang ng balikat ko ngayon.
Natawa ako sa reaksyon ng kapatid ko. "Oh, bakit parang nakakita ka ng multo?" naaaliw kong tanong dahil hanggang ngayon ay nakaawang pa rin ang mga labi niya habang nakatingala at titig na titig sa 'kin, sa buhok ko.
Alas-siyete na ng gabi. Ngayon lang ako lumabas sa kuwarto dahil matapos kong gupitan ang buhok ko ay nagpasya akong itulog na lamang ang bigat na nararamdaman. Kaya ngayon, medyo maayos na ang pakiramdam ko at nakakatawa nang muli.
Inaaya kasi ako ni Julian na kumain, kaya paglabas ko ay siya agad ang bumungad sa akin. Mukhang nasa kusina na ang iba pa naming mga kapatid at si Tate.
Umiling si Julian habang nakatingin sa akin bago sumilay ang matamis niyang ngiti sa labi. "Bagay sa 'yo, Ate. Lalo kang gumanda."
"T-Talaga?" hindi makapaniwalang sambit ko kahit na alam ko naman na hindi marunong magsinungaling ang kapatid ko. Lalong-lalo na ang mambola. Pero ewan ko, parang hindi kasi kapani-paniwala na sinabi niyang maganda ako. Parang sinabi niya lang 'yon kasi ate niya ako at ayaw niyang masaktan ako kapag sinabi niyang mukha akong ewan.
Tumango si Julian. "Yes, Ate. Hmm, tingin ko nga mas bagay sa 'yo ang short hair, eh."
But then I realized, kids don't lie.
Amidst being exhausted and disappointed, I got to smile genuinely because of my little brother, who never fails to make me realize that despite living in this cruel world, I have him as my ally. Para siyang alitaptap na bigla na lamang iilaw sa gitna ng kadiliman tuwing inaakala mong wala nang pag-asa pang magpakita ang buwan dahil sa mga makakapal na ulap na tumatakip dito.
Ginulo ko ang buhok niya. "Thank you, bunso. Tara, kumain na tayo at pagkatapos, sabihin mo ulit sa akin 'yang sinabi mo. Baka mamaya gutom ka lang pala," pagbibiro ko.
"Totoo nga kasi 'yon, Ate!" Napapadyak na siya at magtatampo na sana pero agad din siyang tumawa nang humagalpak ako sa pagtawa at saka siya yumakap sa baywang ko.
Nagulat ako nang pagkarating namin sa hapag-kainan ay naroon si Ate Taliegha. Sabay pa kaming napasinghap sa pagkakagulat. Ako, dahil umuwi na pala siya. Alam ko naman na pero hindi ko inaasahan na ngayon, akala ko kasi bukas pa. At siya, mukhang nagulat din siya sa buhok ko.
Syempre, simula pagkabata ay mahaba na ang buhok ko. Kaya nakakagulat talagang sobrang ikli na nito ngayon.
"Shi!" tili ni Ate bago mabilis na tumayo mula sa kan'yang kinauupuan at nagmamadaling lumapit sa akin. Mukhang nagdadalawang isip pa siya kung yayakapin niya ba ako o baka ayaw ko, kaya binuka ko ang mga braso ko para ipahiwatig na gusto ko ring yakapin siya.
Nakakatuwa at the same time nakakapanibago, dahil ngayon lang naman kami naging ganito kalapit sa isa't isa. Pero mas gusto ko 'to kesa noon.
Habang magkayakap kami ni Ate ay napadpad ang tingin ko kay Kuya Nehem. Katabi niya si Ariella at mukhang may ipinapakita at sinasabi ito kay Kuya, siguro ay bagong drawing niya, pero mukhang may ibang iniisip si Kuya dahil kahit na nakatingin siya sa sketchpad ay halatang nakatulala lamang siya roon.
"Ma! Ma!" Agad na humiwalay sa akin si Ate nang tawagin siya ni Tate. Nakanguso at mukhang maiiyak na ang pamangkin ko habang tinuturo niya ang fried chicken sa hapag. Mahinang natawa si Ate at nagmadaling tinabihan ang anak para bigyan ng isang piraso ng fried chicken. Ang kaninang paiyak na, ngayon ay abot langit na ang ngiti habang kumakagat sa pritong manok at napapapikit pa sa sarap.
Naupo na rin kami ni Julian sa harapan nina Kuya Nehem at Ariella. Nalaglag ang panga ni Ariella nang umangat ang tingin nito sa akin. Magsasalita pa sana siya nang biglang magdasal si Ate para makakain na kami.
"Ate Shi! Bakit?" agad na tanong ni Ella habang nakaturo sa buhok ko.
Tumaas ang dalawang kilay ko bilang pagtatanong. "Bakit? Pangit ba?"
Sumandok na ako ng kanin at nilagay iyon sa plato ni Julian habang abala siya sa pagkuha ng ulam. Iniabot ko kay Ariella ang sandok nang matapos ako.
Mabilis siyang umiling habang sumasandok na rin ng kanin. "Hindi. Pero akala ko ba ayaw mong magpa-short hair?"
Nagkibit-balikat ako nang abutin ko mula sa kan'ya ang sandok. "Change of plans," nakangisi ko lang na sagot.
"Bagay kaya kay Ate Shi, Ate Ella!" singit ni Julian. Napangiti ako ngunit agad na nawala ang ngiti ko at napalitan ng pagtataka ang ekspresyon ko nang biglang magtama ang mga mata namin ni Kuya. Mukhang kanina pa siya nakatingin sa akin.
Sanay naman akong tinitingnan ni Kuya pero iba ang paraan ng pagtitig niya ngayon, ramdam ko ang pagbigat ng damdamin ko, gaya ng nararamdaman ko tuwing gusto ko nang tapusin ang lahat, tuwing gusto kong magsumbong pero wala akong mapagsabihan. Sa paraan kasi ng pagtitig niya ay parang alam niya ang rason kung bakit ko ginupit ang buhok ko. May iba pa akong emosyon na nababasa sa mga mata niya pero hindi ko lang matukoy kung ano iyon. Hinintay kong magsalita siya pero nag-iwas lang siya ng tingin at sumandok na rin ng kanin niya.
Wala namang sinabi si Ate Tali dahil abala siya sa kay Tate. Habang kumakain kami ay sina Ariella at Julian lang ang madalas na mag-usap ng kung ano-ano, minsan ay nakikisingit ako o si Ate Tali. Si Kuya, mabilis niyang inubos ang kan'yang pagkain at hindi namin namalayan na nakaalis na pala siya at nakapanhik na sa kan'yang silid.
"Shi. . ."
Patapos na ako sa paglilinis ng lababo matapos kong hugasan ang mga pinagkainan namin nang tawagin ako ni Ate. Lumingon ako sa bandang kanan para makita siya.
"Bakit, Ate? May kailangan ka ba?"
Umiling siya habang tipid na nakangiti. "Tapos ka na ba?" Pagnguso niya sa lababo. Tumango ako.
"Bakit, Ate?"
"Hindi ka pa naman inaantok, 'di ba?" Umiling ako habang nagtataka pa rin.
Nagpakawala siya ng tipid na ngiti. "Tara gala muna tayo," pag-aaya niya.
Napakunot ang noo ko pero hindi na ako nag-abala pang magtanong at mabilis lang na tumango. "Magbibihis lang ako saglit, Ate," pagpapaalam ko.
Nakangiting tumango si Ate Tali. "Bilisan mo."
Pagkarating ko sa kuwarto namin ay naabutan kong mahimbing nang natutulog sina Julian at Tate sa kama. Hindi ko na binuksan pa ang ilaw at nagmadali na lang magbihis. Hinubad ko ang basang t-shirt ko at sinuot ang puting hoodie ni Eul, na bigay niya sa 'kin. Kinuha ko rin ang wallet at cellphone ko bago ako lumabas sa kuwarto.
"Ayos ka lang ba, Ate?" hindi ko na napigilang itanong sa kan'ya nang halos kalahating oras na kaming naglalakad papunta sa kung saan ng walang nagsasalita sa amin. Parang sinama lang ako ni Ate Tali para makapag-isip siya sa kung ano mang bumabagabag sa kan'ya ngayon.
Wala akong natanggap na sagot mula kay Ate. Hindi na ako nangulit pa dahil mukhang malalim ang iniisip niya base sa ilang beses niyang paghugot ng malalim na hininga. Hinayaan ko siyang mag-isip hanggang sa huminto kami sa sari-sari store na bukas pa rin kahit na alas-diyes na ata ng gabi.
Agad akong naupo sa bangko na nasa gilid. Minasahe ko ang mga binti ko nang maramdaman ko ang pamamanhid ng mga paa ko. Habang bumibili si Ate ng chitchirya ay ginala ko ang paningin ko. Hindi na ako nagulat na nasa kabilang baranggay na kami, kung saan nakatira si Lola Pearly.
Iilan na lang ang mga taong nasa labas kaya tahimik na sa lugar na ito. Habang dinadama ang malamig na simoy nang hangin ay tumingala ako para pagmasdan ang mga talang nagkikislapan sa madilim na kalangitan.
"Shi, oh."
Nanlaki ang mga mata ko nang bote ng beer ang bumungad sa akin. Gulat akong napatingin kay Ate, na ngayon ay nakangisi na.
"Seryoso ka, Ate?"
Nakangisi pa ring tumango si Ate. Tinitigan ko siyang mabuti. Mukhang seryoso naman siya kahit na nakangisi. Siguro gusto niya talaga na may kasamang uminom? Alam din naman na niya na umiinom ako kaya okay lang naman siguro? Siya naman ang nag-alok, eh. E 'di siya ang bahala kila Mama na magpaliwanag kung sakali man na malaman nila 'to. Kukunin ko na sana mula sa kan'ya nang bigla niya itong nilayo sa akin habang humahagalpak sa pagtawa.
"Joke lang! Eto ang sa 'yo," bawi niya sabay abot sa akin ng malamig na Chuckie bago siya umupo sa tabi ko.
Natatawa akong napailing. "Akala ko pa naman, iinom na tayo—Ah!" napatigil ako nang bigla niya akong kinurot sa tagiliran.
"Aba! At gusto mo rin, ano?" galit-galitan niyang saad.
Natatawa akong umiling. "Hindi, ah!"
"Sus! Kunwari ka pa!"
Nakakaloko akong tumingin kay Ate. "Wala naman sigurong masama kung iinom ako, 'di ba—Ah!" Muli niya akong kinurot sa tagiliran kaya mas napalakas ang pagtawa ko. Biglang tumakip ang isang kamay ni Ate sa bunganga ko para patahimikin ako dahil baka magalit sa amin ang aleng tindera. Nang humina ang pagtawa ko ay saka lang niya inalis ito.
"Magtigil ka, Ciela! Bawal sa 'yo 'to," aniya bago niya tinungga ang beer.
Napaawang ang labi ko nang inisang lagukan niya lamang ito. Pabagsak niyang nilapag ang bote sa tabi niya bago siya humugot ng napakalalim na hininga at saka niya ito dahan-dahang pinakawalan.
Tinusok ko ang straw sa chuckie para makainom na rin habang nakapako pa rin ang tingin ko kay Ate. Malayo ang tingin niya at mukhang malalim ang iniisip. Hawak na niya ngayon ang isa pang bote ng beer. Tatlo ang binili niya. Mukhang may problema nga si Ate.
"Shi . . ." Magsasalita na sana ako nang bigla akong tawagin ni Ate ngunit nanatili ang mga mata niya sa malayo.
"Ano 'yon, Ate?" mahinahon kong tanong.
Muling uminom si Ate ng beer bago siya bumuntong-hininga.
"Sa tingin mo . . ." panimula niya.
Humarap ako sa kan'ya para ipahiwatig na nakikinig ako sa kung ano man ang sasabihin niya.
"Sa tingin mo, Shi . . . Tama kaya ang naging desisyon ko?" pahina nang pahina hanggang sa halos bulong na niyang tanong sa 'kin.
Kumunot ang noo ko. "Saan, Ate?"
Napayuko si Ate at pinaglaruan ang gilid ng bote ng beer, halatang kinakabahan sa kan'yang sasabihin. Nanatili akong tahimik habang hinihintay siyang mag-ipon ng lakas para kan'yang sasabihin.
Muli siyang bumuntong-hininga at mariing pumikit. "Huwag ka sanang magalit sa 'kin. Pinag-isipan ko naman 'to nang mabuti, pero hindi ko talaga alam kung tama ba ang naging desisyon ko o kung nagpadala lang ulit ako sa emosyon ko . . ."
"Ano ba kasi 'yon, Ate?" hindi ko mapigilang tanong.
Nang iminulat ni Ate ang kan'yang mga mata ay seryoso itong tumingin sa akin. "N-Nagkita na ang mag-ama ko, Shi . . . Kilala na ni Tate ang papa niya . . ."
"Ano?!" halos pasigaw kong tanong dala ng matinding pagkagulat at pagkalito. "Teka . . . Bakit, Ate? Paano? Akala ko ba ayaw niya sa inyo? Kaya nga pinabayaan niya kayo, 'di ba?" sunod-sunod kong tanong hindi pa rin makapaniwala sa nalaman.
Mabilis na umiling si Ate. "Bata pa kami no'n, Shi . . . Gaya ko, natakot din si Ace—"
Napatiim bagang ako at hindi na napigilang sumingit. "Pero tayo lang ang humarap sa responsibilidad niyong dalawa dapat."
Lumamlam ang mga mata niyang nakatingin sa 'kin. "Shi . . ."
Ngayon ay ako naman ang bumuntong-hininga. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at hiningi ang beer na hawak niya. Hindi naman umangal si Ate kaya ininom ko na ito hanggang sa makalahati ko.
"Shi . . ." malambing ngunit nanghihinang pagtawag sa akin ni Ate habang marahan niyang inaabot ang kamay ko. Hinayaan ko siyang hawakan ang kanang kamay ko.
Pangalan ko pa lang ang sinasambit niya pero ramdam ko na ang paghingi niya ng tawad. Gusto kong magalit kay Ate sa pagiging marupok niya. Gusto kong isumbat ang mga sakripisyo at paghihirap namin sa pag-aalaga kay Tate nang pabayaan sila ni Ace pero minabuti kong itikom na lang ang bibig ko at hintayin siyang magpaliwanag. Alam kong may rason si Ate kung bakit iyon ang napili niyang desisyon.
"Shi, sorry . . . I'm really sorry. Alam kong galit ka sa naging desisyon ko. Naiintindihan ko kung saan ka nanggagaling. Naiintindihan ko dahil isa ka na rin sa mga tumayong ina ni Tate at sa tingin mo ay walang karapatan si Ace na makilala siya ng pamangkin mo . . . Lubos akong nagpapasalamat sa 'yo sa pag-alaga sa anak ko noong mga panahong wala ako. Habang buhay ko iyang tatanawin na utang na loob, pero harapin na natin ang katotohanan, Shi, darating at darating din ang araw na hahanapin ng pamangkin mo ang ama niya . . ." naiiyak nang saad ni Ate.
Muli akong napainom ng beer. Napabuntong-hininga si Ate kasabay ng pagpisil niya sa kamay kong hawak niya.
"Alam mo ba? Simula noong ipinangak ko si Tate ang una kong naisip ay kung ano na lang ang isasagot ko sa kan'ya kapag dumating na ang araw na hahanapin niya sa akin ang . . . papa niya? Kahit na alam ko naman na sasalubungin natin siya ng nag-uumapaw na pagmamahal at pagkalinga, maghahanap at maghahanap pa rin siya ng pagmamahal ng isang ama balang araw, kasi aminin man natin o hindi, gano'n ang nararamdaman natin, Shi."
Napalunok ako dahil tama si Ate. Yumuko ako at hinintay pa ang iba niyang sasabihin. Hindi na ako makatingin sa kan'ya dahil baka maiyak lang ako. Dahil naiintindihan ko siya at naalala ko rin si Julian at ang mga pagtatagpo nila ni Papa.
"Nawala 'yan sa isip ko habang lumilipas ang panahon at lumalaki na si Tate. Pero bumalik lang no'ng aksidente kaming nagkita ni Ace sa Manila. Nagkataon na sa kinainan naming magkakaibigan ay doon siya nag-ta-trabaho tuwing wala siyang pasok." Napatingin ako kay Ate nang bigla siyang tumawa.
"Alam mo ba?" panimula niya habang mahinang tumatawa. "Sinalubong ko siya ng malakas na sampal nang makalapit siya sa amin. Nagalit din ako, Shi. Pero nagulat ako no'ng bigla na lang siyang umiyak sa harapan ko, sa mga kaibigan ko, at agad na humingi ng kapatawaran. Nalaman ko rin na kaya pala siya nag-ta-trabaho ay dahil nag-iipon siya ng pera para may maibigay siya sa akin na para kay Tate. Ramdam ko ang pagsisisi niya. Binigay niya sa akin ang lahat ng ipon niya at buwan-buwan na rin siyang nagbibigay ng sustento para kay Tate."
Napakunot ang noo ko at muling hinarap si Ate. "Buwan-buwan? Paanong napupunta kay Tate, Ate, eh wala ka namang ipinapadala sa akin?"
"Binibigay ko kay Lola Pearly."
Napaawang ang labi ko. Kaya pala napapadalas din ang pagbili ni Lola ng mga bagong damit o ipit para kay Tate, galing naman pala sa tatay niya ito. "So, alam ni Lola Pearly ang tungkol dito?"
Napakagat sa labi si Ate at nahihiyang tumango.
"Kailan pa?"
"Last three months?"
Napatango ako. "Kayo na ulit ni Ace?" seryosong tanong ko.
Tipid na ngumiti si Ate bago umiling. Kumunot ang noo ko. "Eh, ano kayo?"
"Co-parent. Puwede naman 'yon ngayon," seryosong sagot ni Ate.
Napataas ang kilay ko. "Hindi mo na ba siya mahal, Ate?"
Napakibit ng balikat si Ate. "Hindi ko alam, Shi. Pero sa ngayon, okay na kaming dalawa na co-parent lang talaga. Saka pareho lang naman kami ng goal ngayon, makapagtapos at mabigyan ng maayos na buhay si Tate."
Tumango ako dahil tama siya.
Napabuntong-hininga si Ate. "Okay na sigurong gano'n na lang para walang nasasaktan sa huli, para walang magiging problema si Tate."
Napatagal ang titig ko kay Ate. "Natatakot kang maiwan, Ate?"
Napaklang natawa si Ate. "Baka hindi ko na kayanin ang sakit kapag iniwan ulit ako, Shi. Ayaw ko ring iparanas 'yon kay Tate."
"Paano kung mahal ka pa ni Ace at gusto ka niyang balikan in the future?"
Napakibit-balikat si Ate. "Tignan natin. Ayokong magsalita ng tapos dahil hindi ko rin alam kung ano ang meron sa hinaharap."
Tumango ako bago pinisil ang kamay ni Ate na nakahawak sa kamay ko. "Tama lang ang desisyon mo na pinakilala mo si Tate kay Ace, Ate. Tingin ko, deserve din naman niya. Deserve din ng pamangkin ko na makilala ang papa niya. Sana lang, maging maayos ang lahat sa inyo. Sana kapag nalaman 'to ni Mama, maiintindiham niya."
Napalunok si Ate habang tumatango. "Sana nga . . ."
Muli kaming natahimik. Binalik ko na kay Ate ang bote ng beer at inubos na ang Chuckie ko. Mukhang nawalan na ng gana si Ate na uminom kaya itinabi na lang niya ang alak.
Habang nakatulala sa kalangitan ay muli kong naalala si Julian. Bumigat ang damdamin ko at nakokonsensya ako dahil ilang beses na naming nakaharap si Papa, pero hindi ko man lang nagawang ipakilala sa kapatid ko ang tatay namin. Pero kasalanan ko nga ba talaga kung sa tingin ko ay wala nang saysay pa kung ipapakilala ko pa siya kay Papa, na mukha namang wala nang balak pang harapin ang mga responsibilidad niya sa aming mga anak niya?
Napabuntong-hininga ako. "Si Julian kaya, Ate? Paano kung hanapin niya rin si Papa?" tanong ko kay Ate.
Gusto ko mang sabihin na nagkita na sila pero hindi ko kaya. Hindi ko pa kayang maging open kay Ate. Ayos na sigurong itanong ko na lang sa kan'ya kung ano'ng gagawin. Baka kasi mali ako sa naging desisyon ko.
Napatingala na rin si Ate sa kalawakan. "Hmmm. Si Mama na siguro ang bahala sa desisyon na iyan. Pero para sa akin, huwag na lang kung hindi naman na tayo ang gustong makasama ni Papa. Mas mabuti sigurong ipaliwanag na lang kay Julian ang sitwasyon natin 'pag laki niya, kaysa sa umasa siyang babalik pa si Papa sa atin kapag ipinakilala natin siya doon."
Malungkot akong tumango. Nanlabo ang paningin ko hanggang sa walang awat na ang pagpatak ng mabibigat kong luha. "N-Naaawa ako kay Julian, Ate . . ." iyak ko sabay punas ng luha ko.
Tinapik ni Ate ang likuran ko.
"Wala, eh. Mas gago pa sa gago naging tatay natin."
Sa gitna ng pag-iyak ko ay hindi ko napigilang hindi matawa sa sinabi ni Ate.
"Tahan na . . . Ang importante sa ngayon, nandito tayo para kay bunso. Matalino at mabait naman 'yon, paglaki no'n naniniwala akong maiintindihan niya ang sitwasyon ng pamilya natin."
"Sana nga, Ate. Sana nga . . ." saad ko habang pilit na kinakalma ang sarili.
"Tara na? Moving up niyo bukas kailangan mo nang matulog."
Oo nga pala! Nakalimutan ko!
Agad akong tumayo at gano'n din si Ate. Nagsimula na kaming maglakad pauwi at sabay kaming bumunghalit sa pagtawa nang pareho kaming muntik nang madapa dahil pareho pala kaming may konting tama.
Habang naka-akbay sa akin si Ate ay hindi ko maiwasang mag-isip ng kung ano-ano.
"Ano kayang buhay natin ngayon, Ate, kung hindi nag-cheat si Papa?" bigla kong tanong.
Natawa si Ate. "Baka wala tayong Tate."
Natawa na rin ako. "Everything happens for a reason talaga, 'no?" saad ko. "Pero shet pa rin."
Humalakhak si Ate. "Shet talaga."
Siguro hindi rin kami magiging ganito kalapit ni Ate kung hindi nagloko si Papa. Pero sana hindi na lang siya nagloko, sana sa ibang paraan na lang kami naging close ni Ate.
At hanggang ngayon napapatanong pa rin ako kung paano nakayanan ni Papa na gawin 'yon kay Mama. Saksi ako kung gaano nila kamahal ang isa't isa, kaya malaking katanungan pa rin sa 'kin hanggang ngayon na gano'n lang kadali ang pagtapon ni Papa sa nararamdaman niya para kay Mama, at sa pamilyang binuo nilang magkasama.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro