27
Parang hinahati ang ulo ko sa sakit at hindi ko pa rin talaga makuha ang ang tamang balanse ko sa paglalakad pauwi sa amin. Nahihilo at nasusuka pa rin ako.
Ayoko na talagang uminom.
Alas-kuwatro na ng madaling araw hindi na ako nakatulog pa kila Venna dahil wala kaming ginawa kun'di ang mag-kuwentuhan ng kung ano-ano hanggang alas-tres ng madaling araw. Nagpaalam lang ako sa kanilang uuwi na noong malapit nang mag-alas-kuwatro.
Hindi ako nagpaalam kagabi na aalis ako kaya dapat nandoon na ako sa bahay bago pa dumating si Lola Pearly at magising ang mga tao roon. Ayokong magsinungaling kaya aagahan ko na lang umuwi.
Pagkarating ko sa labas ng bahay ay dumiretso ako sa bintanang dinaanan ko kagabi. Napangiti ako nang bukas pa rin ito nang sinubukan kong itulak pa-kaliwa. Tahimik kong tinaas ang kanang paa ko at inabot ang isang hamba ng hagdan bago ko iniangat ang sarili ko at pinasok ang isa ko pang paa hanggang sa tuluyan na akong nakapasok sa bahay. Maingat kong sinara ang bintana bago ako bumaba sa hagdan.
Amoy alak pa rin ako kaya kinuha ko ang tuwalya kong nakasampay malapit sa banyo bago pumasok doon at naligo. Kahit na nahihilo at nawawalan ako ng balanse ay pinilit ko pa ring maligo at magsipilyo.
Nang matapos ay nilagay ko sa hamper ang maruming damit ko bago ako tahimik na pumasok sa kuwarto namin para magbihis. Naabutan ko sila Julian at Tate na magkayakap habang mahimbing na natutulog. Napangiti ako at nakahinga nang maluwag, buti na lang at hindi sila nagising.
Sinuot ko ang itim na jogging pants ko at putting cropped top shirt. Dahil basa pa ang buhok ko, nagpasya akong pumunta na lang sa kusina at magsaing para ulam na lang ang lulutuin nila mamaya. Habang hinihintay kong maluto ang kanin ay hinugasan ko na ang mga tambak na hugasin bago nagwalis sa sala at kusina.
"Hi, Merida!" pagbati ko sa tuta namin nang magising ito at nakasunod na sa akin habang masaya niyang pinapagalaw ang kan'yang buntot.
Umupo ako para magpantay kami. Agad naman itong lumapit sa akin at pinatong ang dalawa niyang kamay sa tuhod ko, binuhat ko siya at nilagay sa hita ko.
"Gutom ka na ba?" malambing kong tanong habang marahang hinahagod ang likod niya. Mahina akong natawa nang sumiksik siya sa akin. Ilang linggo na siya rito sa bahay at pansin ko ang paglaki niya, halatang pinapakain siya ng tama ng mga kapatid ko. Mukhang pinapaliguan din ni Lola Pearly dahil mabango siya.
Nang maluto ang kanin ay pinakain ko na rin si Merida. Eksakto ring dumating si Lola.
"Good morning, 'La!" masuyong pagbati ko nang pagbuksan ko siya ng pinto. "Kape po?" alok ko.
Napangiti si Lola. "Gusto ko 'yan!"
Naupo si Lola sa kabisera ng hapagkainan habang ipinagtitimpla ko siya ng kape.
"Kumusta po, 'La?" tanong ko pagka-abot ko sa kan'ya ng tasa ng mainit na kape.
"Salamat, apo . . . Sa awa naman ng Diyos ay ayos naman na ako ngayon."
"Buti naman po, 'La."
"Nga pala, kumusta ang graduation ni bunso?" tanong agad ni Lola nang maupo ako sa tabi niya.
Hilaw akong napangiti nang maalala ko ang nangyari kahapon. Gusto kong sabihin kay Lola ang lahat nang nangyari pero alam ko namang walang magbabago kung sasabihin ko ito sa kan'ya, sasama lang ang loob niya at ayoko iyon dahil masyado nang mahina ang loob ni Lola. "A-Ayos naman po, 'La."
Napangiti si Lola. "Mabuti naman. Nasabi sa akin ni bunso na kakanta raw siya. Kinuhanan mo ba ito ng video? Patingin nga ako," sabik na wika ni Lola.
Nakangiti akong tumango. "Wait lang po, 'La. Kunin ko lang po sa kuwarto 'yong phone ko."
Nang matapos panoorin ni Lola ang video ay hindi nakalampas sa paningin ko ang pasimple niyang pagpunas sa pisngi niyang may bahid ng luha. Napangiti ako at marahang tinapik at hinagod ang likod ni Lola Pearly.
"Napaka-sweet na bata ni Julian," saad ni Lola.
Nakangiti akong tumango. "Sana ay hindi iyon mawala sa kan'ya, 'La."
Tumango si Lola bilang pagsang-ayon. "Sigurado naman akong hindi 'yan magbabago. Mabait na bata si Julian at masyadong mapagmahal. Nandito naman tayo, ikaw, na laging gagabay sa kan'ya. Basta huwag mo lang siyang tuturuang uminom," pagbibiro ni Lola.
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. Alam ba ni Lola na uminom ako kagabi? Tumawa si Lola at marahang tinapik ang balikat ko.
"Biro lang, apo. Alam ko namang hindi ka na umiinom, 'di ba?"
Nakahinga ako nang maluwag nang malaman ko na ang tinutukoy pala niya ay noong uminom ako noon.
Peke akong tumawa at saka tumango. "Oo naman po, 'La," pagsisinungaling ko kasabay ng pagkagat ko sa pang-ibabang labi ko. Hindi na ako maka-ngiti ng maayos dahil umiiral sa sistema ko ang matinding konsensya sa ginawa kong pagsisinungaling kay Lola.
Sorry, 'La. Sorry talaga.
"Naku, Shi! Hali ka muna at kumain. Alam kong hindi ka pa nakakapag-almusal," aya sa akin ni Auntie Cleo mula sa pintuan ng kusina.
Matapos magkape ni Lola Pearly kanina ay nagpaalam na ako sa kan'yang papasok na sa trabaho dahil hindi ako nakapag-trabaho kahapon. Pagkarating ko naman sa Mami Cleo ay eksaktong bukas na ito. Humingi ako ng paumanhin kay Auntie Cleo at Tita Linda dahil hindi ako nakapagpaalam kahapon na hindi ako papasok sa trabaho. Pinaliwag ko rin na ako lang ang kasama ni Julian sa recognition niya at buti na lang talaga dahil mabait sila at binalewala lang ang pagliban ko. Pero alam ko naman na kahit mabait sila at hinahayaan lang nila ako ay hindi ko iyon aabusuhin. Sobrang laking tulong nila sa akin at kahit na hindi ko sabihin sa kanila ay nangangako akong pagbubutihin ko pa lalo ang pagta-trabaho rito.
"Wait lang po, Auntie! Tatapusin ko lang po ito," saad ko habang binibilisang banlawan ang mga mangkok.
"Sige, hija."
Alas-otso y medya na pala ng umaga. Grabe, ang bilis naman ng oras. Halos tatlong oras na pala akong naghuhugas ng mga hugasin sa kusina. Napaka-loyal naman ng mga customers ni Auntie Cleo at parami rin nang parami araw-araw. Kung sabagay sobrang sarap nga naman ng mami nila.
Ngumiti ako nang matanaw ko sila ni Tita Linda na nakaupo na sa isang bakanteng lamesa. Wala nang customers kaya pagkakataon na naming kumain ng almusal.
"Halika na, hija."
Tumango ako kay Tita Linda bago umupo sa bakanteng upuan sa harap nila. Nasa lamesa na ang tatlong mangkok ng mainit na mami. Agad akong natakam nang maamoy ko ang sabaw ng mami. Napahawak ako sa tiyan ko nang walang hiya itong tumunog.
Natawa sila Auntie Cleo.
"Kumain na tayo at talagang gutom na gutom na rin ako."
Hindi na kami naghintay pa ng ilang segundo at nagsimula na nga kaming kumain. Habang kumakain ay pinag-uusapan nina Tita Linda at Auntie Cleo ang tungkol sa buhay ng kaibigan nila noon na ikakasal na sa susunod na linggo. Habang ako naman ay tahimik lang na kumakain at nakikinig sa usapan nila. Ipinagpapasalamat ko na hindi nila ako kinakausap dahil mas gusto kong namnamin ang mainit na sabaw na pumapawi sa konting hilong nararamdaman ko.
Ayoko na talagang uminom.
"Ciela!"
Napatigil ako sa panonood ng mga hampas ng alon ng asul na dagat nang may pamilyar na boses ang tumawag sa pangalan ko. Agad akong lumingon at sumalubong sa akin ang nakangiti at maaliwalas na mukha ni Euan. Agad na sumilay ang ngiti sa labi ko.
"Euan! Kumusta? Long time no see, ha!"
Tinaas niya ang kamay niya kaya nakipag-high five ako sa kan'ya.
"I'm doing great! Ikaw? Kumusta ka na? Kumusta na ang puppy na binigay ko sa 'yo?" sunod-sunod niyang tanong habang nakangiti pa rin. Tuloy ay kitang-kita ko ang kompleto, pantay-pantay, at mapuputi niyang mga ngipin.
"Ayos naman ako at si Merida. Yeah, Merida ang pinangalan namin sa kan'ya."
Napangiti pa lalo si Euan. "Woah! That's good to hear."
Nakangiti akong tumango. May sasabihin pa sana si Euan nang biglang may nagsalita sa likuran namin.
"Shi!"
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Eulcrist. Kumunot ang noo ko sa ekspresyon ng mukha niya. Nakangiti nga ito pero halatang peke at pilit habang palipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Euan.
Nagseselos ba 'to?
"Eul!" pagbati ko bago ako humakbang papalapit sa kan'ya. "Naparito ka?" tanong ko.
"Sino siya?" Pagturo niya kay Euan at binalewala ang tanong ko. Napanguso ako para itago ang namumuong ngiti. Halatang nagseselos ang mokong na 'to.
"Si Euan," sagot ko bago ako bumaling kay Euan na nakangiti pa ring nakatingin sa amin. "Euan, si Eulcrist nga pala. Ano, uh—"
"Tanging manliligaw niya," pagtatapos ni Eulcrist sa sinasabi ko. Napasinghap ako at nanlaki ang mga mata ko nang masuyo niyang hinapit ang baywang ko papalapit sa kan'ya bago niya nilahad ang kamay niya kay Euan.
Ang normal na pagtibok ng puso ko, ngayon ay pabilis na nang pabilis. Ang init mula sa katawan ni Eulcrist ay napapasa sa kanang bahagi ng katawan ko. At ang kan'yang panlalaking amoy ang mas nagpatindi sa nararamdaman ko na nagdudulot ng panlalambot ng mga tuhod ko.
Mahinang tumawa si Euan nang inabot niya ang kamay ni Eul at mabilis ding bumitaw si Eul. "Nice to meet you, Eulcrist. Chill, bro. Hindi ko aagawin si Ciela sa 'yo. Maganda siya pero sorry mas maganda para sa akin ang girlfriend ko."
Napanguso si Eulcrist at lihim akong natawa nang mamula ang dalawang tainga niya.
"Speaking of girlfriend. May lakad pala kami ngayon, maiwan ko na kayo. Napadaan lang talaga ako rito para magpaalam kay Mama at makamusta na rin si Ciela," paliwanag ni Euan.
Tumango lamang si Eulcrist.
"Enjoy sa date niyo!" saad ko.
Ngumiti si Euan. "Thank you, Ciela. Sige na maiwan ko na kayo. Baka may lakad din kayo? Enjoy din!"
"Salamat," ani Eulcrist. Napatingala ako at nagtatanong ang mga mata kong tumingin sa kan'ya.
May lakad din ba kami kaya siya pumunta rito?
Tumaas ang isang kilay niya bago siya nakangiting tumango.
"Eulcrist," pagtawag ni Euan sa lalaking hawak pa rin ang baywang ko. Sabay kaming lumingon ni Eul kay Euan.
"I can feel that you're a good and responsible man. Please, take care of Ciela. She's strong, but still, she needs someone who will be by her side through ups and downs. Especially during at her lowest point in life. Please, don't break her heart. Kahit ngayon pa lamang kami nagkakilala ay parang kapatid ko na iyan," puno ng sinseridad na saad ni Euan habang diretsong nakatingin sa mga mata ni Eulcrist.
Tila niyakap ang puso ko sa mga salita ni Euan. Maging ako rin ay parang kapatid ko na siya.
Sumilay ang ngiti sa labi ni Eul dahilan nang pagsilip ng malalim niyang biloy sa kaliwang pisngi. Ngayon ay totoo na itong ngiti niya.
"I will," buo ang loob na sagot ni Eul.
Muling nagpaalam sa amin si Euan bago niya kami tuluyang iniwan ni Eulcrist sa dalampasigan habang papalubog na ang araw.
"May lakad ba tayo?" tanong ko kay Eul.
Nakangiti itong tumango.
"Saan?"
Bahagya akong nagulat nang iniharap ako ni Eul sa kan'ya habang nakapatong na ang dalawang kamay niya sa magkabilang balikat ko. Ngayon ay ramdam ko ang lakas ng pagtibok ng puso ko at tila ano mang segundo ay lalabas na ito mula sa dibdib ko.
"Sa bahay. Birthday ni Tatay."
Napaawang ang labi ko. "Oo nga pala!" gulat kong saad. "Hala, sorry nakalimutan ko! Wait magpapaalam lang ako kila Auntie tapos bili na rin tayo ng cake sa daan papunta sa inyo."
Masuyong ngumiti si Eul. "Pinagpaalam na kita kanina pa. Kunin mo na lang ang gamit mo para makaalis na tayo."
Pinagpaalam nga ako ni Eulcrist pero nagpaalam ulit ako kila Auntie Cleo bago kami tuluyang umalis ni Eulcrist. Wala namang sinabi sila Auntie tungkol kay Eulcrist pero ramdam kong magtatanong sila sa akin bukas. Handa naman akong sagutin sila kaya walang problema.
"Huwag na, Shi. Nakakahiya," ani Eulcrist nang hilahin ko siya papasok sa Red Ribbon para bumili ng cake ni Tito Dion.
Inirapan ko siya bago pinagtaasan ng kilay. "Naging manliligaw lang kita, nagkaroon ka na ng hiya?" pang-aasar ko kaya napanguso siya. "Magtigil ka nga, Eul. Birthday ni Tito ngayon kaya ako na ang bahala kung bibigyan ko siya ng cake o hindi."
Napabuntong-hininga siya at hinayaan na lang niya akong mamili ng cake na bibilhin ko. Natawa ako sa isipan ko dahil parang batang napagalitan si Eul na tahimik lang na sumusunod sa akin.
"Thank you, Shi. Matutuwa si Tatay nito," ani Eul habang naglalakad kami pauwi sa kanila at bitbit niya ang pulang kahon na may lamang black forest cake.
"You're welcome," nakangiting saad ko habang bahagyang nakatingala sa kan'ya para magsalubong ang mga mata namin.
"Mag-ready ka mamaya. May pa-trip to Jerusalem daw si Kuya. Sali tayo," parang batang aniya.
Natawa ako. "Sige ba."
"150 pesos daw ang premyo kaya galingan natin."
Natawa ako dahil mukhang seryoso siya.
"Ikaw na ang bahala. Okay lang sa akin na matalo," saad ko bago ako nakakalokong ngumisi nang may pilyang naisip.
Kumunot ang noo ni Eul. "Oh, ba't gan'yan ka maka-ngiti? Ano'ng iniisip mo, Shi?"
Napahalakhak ako. "Kapag natalo ako . . . sa 'yo na lang ako uupo," pagbibiro ko bago ako malakas na humalakhak.
Napatigil sa paglalakad si Eul at napaawang ang labi niya. Nanlalaki rin ang mga mata niya halatang gulat na gulat sa biro ko kaya mas lalo akong natawa.
"Uy joke lang!" saad ko sa pagitan ng mga halakhak ko.
Napangisi si Eulcrist bago napailing. "Humanda ka talaga sa akin kapag kinasal na tayo sa tamang panahon," aniya sa seryosong tono.
Napatigil ako sa pagtawa at ako naman ngayon ang nagulat sa sinabi niya. Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi ko.
"Kapag kinasal na tayo?" pag-uulit ko.
Tumango si Eul. "Oo, kapag kinasal na tayo."
Mahina akong natawa at hindi makapaniwala. "Eh, nanliligaw ka pa lang, ah."
Tumaas ang isang kilay niya. "Doon din naman patungo, eh."
Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko.
Shet.
Sigurado na siya sa akin.
"Eto naman! Teka lang! Tara na nga at baka ikasal agad tayo rito sa kalsada," pagbibiro ko at mas binilisan ang paglalakad pero wala iyong silbi dahil mas mahahaba ang biyas niya kesa sa akin kaya nakakahabol agad siya sa akin nang walang kahirap-hirap.
"Happy birthday po, Tito Dion!" pagbati ko kay Tito nang makarating kami sa bahay nila Eulcrist. Puno ng bisita sa labas ng bahay nila pero sa loob ay walang tao.
"Shi, anak! Mabuti naman at nakarating ka!" aniya habang nilalahad niya ang kamay niya para makapagmano kami ni Eulcrist.
"Syempre naman po, Tito!" masiglang saad ko.
"'Tay, pa-birthday po ni Shi," ani Eulcrist sabay pakita ng kahon na may cake sa ama. Nanlaki ang mga mata ni Tito na tumingin sa akin.
"Naku! Nag-abala ka pa, anak!"
Mahina akong tumawa. "No problem po, Tito."
"Salamat, 'nak, ha?" buong pusong saad ni Tito.
Sumikip ang dibdib ko sa sobrang tuwa lalo na tuwing tinatawag ako ni Tito Dion na anak. Gusto kong umiyak pero pinipigilan ko ang sarili ko. Nakatataba talaga ng puso na matawag na anak at maturing na parang anak.
Hindi na ako nakapagtimpi pa at mahigpit nang niyakap si Tito Dion. Dulot na rin siguro ng pangungulila ko sa isang ama. Buti na lang talaga at nandito si Tito.
"Walang anuman po, Tito."
Niyakap ako pabalik ni Tito at marahang tinapik ang likod ko. Gusto kong umiyak pero pinigilan ko ang sarili ko dahil ayokong masira ang araw nila.
Nang humiwalay ako ay nagtama ang mga mata namin ni Eulcrist. Nakangiti lang siya at halatang natutuwa.
"Ciela, anak!"
Napalingon ako nang marinig ang boses ni Tita Wendy.
"Tita!" masayang pagbati ko at niyakap siya.
Nang humiwalay siya ay hinawakan niya ang dalawang kamay ko. Nakangiti si Tita at halatang masayang-masaya siya.
"Masaya akong nandito ka ngayon, hija!"
"Ako rin po, Tita!"
Dumating na rin si Kuya Jarrel mula sa kusina.
"Oh! Nandito na pala sila, eh! Kainan na!" masayang sabi ni Kuya.
Natawa kami ngunit napatigil ako nang hawakan ni Eulcrist ang kanang kamay ko.
Nanlaki ang mata ko at gulat na napatingin sa kan'ya. Hinihintay kong salubungin niya ang mga mata ko pero diretso lang ang tingin niya sa pamilya niya. Ano mang pilit kong paghila pabalik sa kamay ko ay mas hinihigpitan niya ang pagkakakapit dito.
"Huy! Eul!" kinakabahang bulong ko sa kan'ya.
Ano bang nasa isip nito?
Bumilis ang pagtibok ng puso ko sa matinding kaba. Napag-usapan naming ililihim namin ang panliligaw niya sa akin pero ano 'to ngayon?
Hindi ako makatingin ngayon sa mga magulang at kapatid ni Eul. Natatakot ako. Lalo na ngayon tahimik na silang nakatingin lang sa amin.
Pinisil ni Eul ang nanlalamig ko nang kamay.
"'Nay, 'Tay, Kuya," pagtawag niya sa pamilya niya. "Si Ciela po pala, nililigawan ko," pagpapakilala niyang muli sa akin hindi na bilang kaibigan kun'di bilang nililigawan niya.
Napaawang ang labi ko.
Nakangiting tumingin sa akin si Eul. "Shi, mga magulang ko at si Kuya."
Kinakabahang natawa ako bago tuluyang naglakas loob na tumingin sa pamilya ni Eulcrist. Nagulat ako nang makita ang mga abot langit nilang mga ngiti.
"Kinikilig ako!" ani Tita Wendy.
"Ako rin," ani Tito Dion.
"Gumalaw na rin sa wakas si baby boy!" tumatawang saad ni Kuya Jarrel.
Hindi ko alam kung paano ako mag-re-react sa nangyayari ngayon. Muli akong tumingin kay Eul.
Nakakagat siya sa pang-ibabang labi niya. "Sorry, Shi hindi ko pala kayang maglihim. Huwag ka nang mag-alala nagpaalam na ako kay tita El—"
"Ano?!" gulat kong saad.
Tumango si Eul. "Oo, Shi nakapagpaalam na ako kay Tita Eleanor na liligawan kita at buti na lang pumayag siya pati na rin kay Lola Pearly. Nagpaalam na rin ako kila Tatay at Nanay pati na rin kay Kuya. Hindi na natin kailangan pang maglihim. Malaya na akong makakaligaw sa iyo," masayang paliwanag niya.
Napaawang ang labi ko. Walang nabanggit sa akin si Mama pero malamang sa susunod na mag-usap kami ay babanggitin niya ito.
Unti-unting nawala ang kaba ko hanggang sa tuluyan nalang akong natawa.
"Grabe ka," tanging nasabi ko.
Tumagal ang titig ko sa mga mata ng lalaking handang gawin ang lahat para sa akin. Sa mga mata niyang sumisigaw ng matinding emosyon na para lamang sa akin. Mga matang dinaig pa ang salita para ipahiwatig na mahal na mahal niya ako at siguradong-sigurado na siya sa akin.
Abot langit ang ngiti kong sinuklian ang titig niya at sigurado akong gaya rin ng mga mata niya ang pinapahiwatig ng sa akin.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro