26
Gusto ko nang makaalis.
Magmula noong makasakay kami sa sasakyan ni Papa hanggang sa maupo kami sa hapag ng restaurant ay iyan lang ang laman ng isip ko.
Nag-ku-kuwentuhan sina Julian at Archer tungkol sa kung ano-anong mga bagay habang si Papa ay nakikisingit minsan sa kanila, samantalang ako ay panay ang pagtaas ko ng isang kilay tuwing tumitingin sa akin ang babae ni Papa, na agad namang yumuyuko habang hinihintay naming dumating ang inorder ni Papa na mga pagkain.
Kung hindi ko lang mahal si Julian ay hinila ko na siya papaalis dito.
Ngayon lang 'to. Pilit kong pangungumbinsi sa sarili. Ngayon lang 'to at huli na rin na makikita at makakasama ni Julian si Papa. Alam ko, napaka-selfish ko para ipagdamot si Papa kay Julian pero mas lalo lang masasaktan si Julian kapag napalapit pa siya rito. Ayokong masaktan si Julian. Ayokong tanungin niya ang halaga niya dahil lang iniwan kami ni Papa. Ayokong makitang mawasak si Julian dahil ikamamatay ko iyon.
Nang dumating ang pagkain ay nagulat ako nang pagsilbihan ako ni Papa. Hindi ako nakagalaw sa upuan ko habang pinapanood siyang lagyan ang pinggan ko ng kanin at mga ulam gaya ng buttered chicken, cordon bleu, at chapsuey. Sunod niyang nilagyan ay ang plato ni Julian habang ang babae naman ni Papa ay nilalagyan ng pagkain ang plato ng kan'yang anak.
Seryoso ang mukha nito at mukhang nagulat din sa ginagawa ni Papa. Habang si Archer naman ay walang pakealam sa ginawa ng kan'yang ama.
Mukhang may away na magaganap sa bahay nila pag-uwi.
"Thank you po, Tito!" pagpapasalamat ng kapatid ko kay Papa nang matapos niyang lagyan ng pagkain ang pinggan nito. Ngumiti si Papa sa kan'ya bago marahang tinapik ang ulo nito.
"Kain ka ng marami, ha?" malambing na sabi ni Papa. Nakangiti namang tumango si Julian.
Bumaling na si Papa kay Archer at sinabing kumain din siya.
Walang imik akong nagsimulang kumain dahil gutom na rin ako. Hindi nga pala ako kumain kaninang umaga. Ang tanging nag-iingay lang sa hapag ay sina Archer at Julian. Nag-ku-kuwentuhan pa rin.
Hindi na ako tumingin kila Papa at sa babae niya para hindi ako mawalan ng gana.
"Tito Quintin," pagtawag ng kapatid ko sa ama makalipas ang kalahating minuto at patapos na kaming kumain.
Agad na tumingin si Papa kay Julian. Nagtatanong ang mga mata nito. "Ano 'yon, 'nak?" mabilis na tanong ni Papa.
Wala sa sariling nabitawan ko ang mga kubyertos na hawak na naging sanhi ng pag-iingay nito. Gulat akong napatingin kay Papa at gulat at nagtataka rin silang napatingin sa akin. Tumikhim ako at yumuko bago tinuloy ang pag-kain hindi na sila pinansin.
"Ayos ka lang ba, Ate Shi?" tanong ni Julian.
Tumango ako pero hindi ako tumingin sa kan'ya.
Tang ina. Ang kapal naman niyang tawagin si Julian na anak eh iniwan niya nga ito.
"Bakit po Yang din ang apelido niyo? Kaano-ano po namin kayo?"
Tuluyan na akong napahinto sa pag-kain. Tila kay hirap nang lunukin ng kinakain ko habang nakatingin ako kay Papa na halos mamutla na sa inosenteng tanong ng kapatid ko. Kinuha ko ang baso ko para uminom ng tubig habang pinapanood sila. Napatingin sa akin si Papa kaya nagtaas ako ng isang kilay.
Bahala ka diyan. Magpaliwanag ka sa anak mo.
Muli niyang binalik ang tingin kay Julian na nakatingin pa rin sa kan'ya at naghihintay ng sagot. Binaba ko ang baso bago ako humalukipkip at pinanood kung paano pagpawisan si Papa at ang babae niya.
"Tito?" pagtatanong muli ni Julian.
"Uh . . . Siguro nagkataon lang na magkapareho tayo apelido," kinakabahang sagot ni Papa habang nakangiti.
Napasinghal ako at hindi makapaniwala sa sagot niya. Lalapit-lapit siya kay Julian tapos itatanggi niyang anak niya siya?
Tuluyan na akong nawalan ng gana. Pinanood ko si Julian na ngumuso at mukhang may itatanong pa siya. Habang si Papa naman ay halatang gusto nang matapos ang usapan nila.
"Baka naman po may kakilala pa po kayong Yang ang apelido? Baka po ang papa namin 'yon? Kaso hindi ko po alam ang pangalan niya eh. Hindi ko rin po nakita ang mukha niya . . ." umaasang tanong ni Julian.
Bumigat ang puso ko. Kahit na meron kami, alam kong maghahanap at maghahanap pa rin si Julian ng tatay. Kasi alam ko ang pakiramdam na may kulang sa pagkatao mo.
Napalunok si Papa at saka umiling. "Wala, eh . . ."
Kinuyom ko ang kamay ko at masamang tiningnan si Papa. Ramdam siguro ng kabit niya ang tensyon kaya tumayo na siya at sinama si Archer sa comfort room.
"Jul, tama na. Kumain ka na lang," saad ko habang nakatingin kay Papa. Naramdaman ko ang tingin sa akin ng kapatid ko kaya napatingin din ako sa kan'ya.
Malungkot ang mga mata niyang nakatitig sa akin. "Siguro nga tama ka, Ate . . . Hindi na talaga babalik si Papa. Hindi ko na talaga siya hahanapin dahil mukhang hindi naman niya tayo hahanapin . . ." malungkot na sabi nito bago siya napayuko.
Sinamaan ko ng tingin si Papa habang malungkot naman siyang nakatingin sa akin.
Tang ina, ano'ng gagawin ko sa lungkot mo? Ayaw mo ngang magpakilala kay Julian, eh. Ayaw mo ngang ayusin ang pagkakamali mo! Ni-sorry nga wala!
Pinatunayan lang niya sa akin na isa siyang duwag at tarantado.
Kung sakali man na humingi si Papa ng tawad sigurado na akong hinding-hindi ko siya mapapatawad kahit na umiyak pa siya ng dugo sa harapan ko.
Tumayo na ako at pumunta sa tabi ni Julian. Umupo ako roon para magpantay kami. Marahan kong hinawakan ang pisngi niya.
"Nandito naman si Ate, eh. Mahal na mahal ka ni Ate, hmm?" tanging pang-aalo ko sa kan'ya.
Napangiti siya at niyakap ako sa leeg. "Mahal din kita, Ate Shi."
Hinagod ko ang likod niya. "Kumain ka na, hmm?"
Umiling siya. "Busog na ako, Ate."
Tumango ako at saka siya bumitaw sa akin. May sasabihin pa sana ako nang biglang mag-vibrate ang cellphone sa bulsa ng blazer ko. Kinuha ko ito at nagulat nang makitang tumatawag si Mama. Tumayo ako at nagpaalam kay Julian na sasagutin ko lang ang tawag.
Naglakad na ako papaalis doon at nagpunta sa veranda. Tanaw ko sa baba ang abalang kalsada at sa malayo ay ang asul na dagat. Walang tao rito kaya agad kong sinagot ang tawag.
"Hello, Ma?"
"Kumusta? Tapos na ba ang recognition ni Jul?" tanong ni Mama.
"Oo, Ma. Sesend ko sa 'yo mamaya 'yung mga pictures namin."
"Sige. Nasaan si Julian?"
"Uh . . . wait lang, Ma, tawagin ko lang."
Natanaw ko si Julian sa puwesto namin na nakatingin sa akin habang kausap siya ni Papa at sinenyasan siyang lumapit. Agad naman siyang nagpaalam kay Papa at tinuro ako bago siya tumakbo papunta sa akin.
"Kausapin ka raw ni Mama," sabi ko.
Hinawakan niya ang cellphone ko. "Mama?"
Napangiti agad si Julian. Mukhang binati siya ni Mama. "Thank you po, Mama!"
"Hindi pa po kami umuuwi ni Ate, Ma. Kumakain pa po kami kasama sina Tito—"
Nanlaki ang mga mata ko at agad kong hinablot ang cellphone ko mula kay Julian. Kumunot ang noo ni Julian sa pagtataka. Iminute ko muna ang cellphone ko bago ako yumuko para kausapin si Julian.
"May sasabihin pala akong importante kay Mama," palusot ko at ngumiti. "Pasok ka na ulit do'n bunso. Saka na lang ulit kayo mag-usap ni Mama, okay?"
Ngumiti rin siya bago tumango at bumalik na sa loob. Nakahinga ako nang maluwag nang hindi na siya nagtanong pa.
Ini-unmute ko si Mama at tinapat muli sa tainga ko ang cellphone.
"Hello, Shi? Bakit kayo nawala?"
"Uh, nawala po 'yong signal, Ma."
Napakagat ako sa labi ko. Nakaka-ilan na ako sa pagsisinungaling ngayon. Nakokonsensya na ako.
"Asa'n si Jul? At sino ang kasama niyong kumain? Sinong tito?"
"Bumalik na po sa loob, Ma. Saka 'yung tito po na sinasabi niya ay tatay ng kaklase niya."
At least hindi ako nagsinungaling sa part na 'yan. Nakahinga ako nang maluwag nang magpaalam na si Mama dahil may trabaho pa siya.
Pinatay ko ang cellphone ko at binulsa muli ito sa blazer ko. Humarap muna ako sa tanawin at huminga ng malalim para kalmahin ang puso ko.
"Ang mama mo ba ang tumawag?"
Napatingin ako sa kanan ko nang tumabi si Papa at nakatingin sa akin.
Tumango ako. "Oo, bakit? Balak mo rin bang sabihin na wala kang kakilalang Quintin Yang at baka kahawig mo lang ang asawa niya noon?" sarkastikong banat ko.
He pursed his lip. Unable to defend his self. Humarap ako sa kan'ya at mariing tumitig sa mga mata niya.
"Sabihin mo nga sa akin. Ano ba talaga ang gusto mo sa amin at lapit ka pa rin ng lapit kay Julian?"
Napalunok si Papa. "Gusto ko lang naman na makilala siya."
Gago ka ba?
Gusto kong sabihin 'yan pero pinigilan ko ang sarili ko dahil ama ko pa rin siya.
"Gusto mong makilala siya? Para saan pa? Eh, tinatanggi mo ngang anak mo siya, 'di ba? Kung sana hindi ka nagloko, e 'di sana malaya mo siyang nakakasama ngayon. Kaso ewan ko ba kung ano'ng nakain niyo at sinira niyo bigla ang pamilya natin," puno ng galit kong sabi. Bumigat ang dibdib ko at halos hindi na ako makahinga sa sobrang sama ng loob.
Napayuko si Papa. Hindi siya nag-sorry. Ibig sabihin hindi siya guilty.
"Sinasabi ko sa inyo ito na ang huling pagkakataon na makikita niyo kami. Huwag ka nang manggulo, Sir. Masyado na akong nahihirapan sa pamilyang iniwan niyo para dumagdag pa kayo."
Napatingin si Papa sa akin at bakas ang lungkot sa mga mata niya. "Shi . . ."
Kakasabi ko lang na hindi ko mapapatawad si Papa pero nang tinawag niya ako ay agad na lumambot ang puso ko at gusto ko na lang magalit sa kan'ya bago sabihing bumalik na siya at ayusin niya kami pero pinigilan ko ang sarili ko. Kinuyom ko ang kamao ko at mariin na tumitig sa kan'ya kahit na gusto ko nang umiyak.
"Please, Sir. Layuan mo na kami. Layuan mo na si Julian. Alam kong ama ka namin pero mas may karapatan ako kay Julian kung titimbangin. Hindi ikaw ang nagpupuyat para alagaan siya noong baby pa siya. Hindi ikaw ang nagturo sa kan'yang kumain mag-isa. Hindi ikaw ang nagpaligo sa kan'ya at nagturo sa kan'ya kung paano maligo. Hindi ikaw ang nagturo sa kan'yang maglakad. Hindi ikaw ang nagpupuyat tuwing may sakit siya. Hindi ikaw ang tumayong ama niya, ako."
Tumulo ang luha ni Papa sa kan'yang pisngi. Umiling ako at pinaalala sa sariling hindi naman siya nagsisisi at wala siyang balak na ayusin kami dahil may pamilya na siya.
Tumango si Papa habang malungkot na nakatingin sa akin. "Fine . . . Lalayo na ako."
Napangiti ako kahit na nasasaktan ako. "Good."
Sinuot niya ang kamay niya sa bulsa ng slacks niya at nagulat ako nang may hawak na siyang pera. "Just take it, Ciela." Pag-abot niya sa akin ng pera. Tinanggap ko ito at binilang sa harapan niya.
Apat na libo. Pinigilan ko ang sarili kong suminghal.
Ano 'to? Isang libo sa bawat isang taon sa apat na taon niyang pag-abandona sa amin?
Tinaas ko ang pera at mapaklang ngumiti bago ito tinupi at binulsa.
Hindi na ako nagpasalamat dahil tama lang naman na binigyan niya kami kahit papaano. It is his responsibility. Kulang pa nga, eh pero hayaan mo na siya.
"Wala na akong sasabihin. May sasabihin ka pa ba?" malamig kong tanong.
Umiling siya kaya nauna na akong naglakad papasok. Nakita kong wala sina Julian at Archer tanging ang kabit lang ni Papa ang nakaupo sa hapag na malinis na.
"Nasa comfort room sila. Sinamahan ni Archer si Julian," pagpapaliwanag ng babae.
Tumango ako at kinuha lang ang bag ko. Hindi na ako umupo pa at hinintay lang na dumating si Julian. Nakatitig pa rin sa akin ang babae kaya nagtaas ako ng isang kilay ko.
"May sasabihin ka ba? Kanina ka pa tingin ng tingin, eh," pagtataray ko.
Mabilis siyang umiling sa akin. Napangisi ako, nakita kong lumabas na sila Julian at Archer, lumapit ako sa kabit ni Papa.
"Rhianne, right?" pagtatanong ko sa pangalan niya.
Tumango naman siya at saka napalunok. "Alam mo . . . Naniniwala ako sa karma," nakangiting saad ko. "Sulitin mo na si Papa. Baka mamaya sumama ulit 'yan sa iba."
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. "Ang hagard mo na, eh. Hmmm. Baka kapag nakita niya ulit ang maganda kong ina, bumalik siya," pang-aasar ko. "Hala! Ayaw mo 'yun, 'di ba? Pero sorry ka na lang . . . Saka ano'ng laban mo sa original?"
Rumihestro ang takot sa mukha niya. Natawa ako. Nang makalapit na sila Julian ay tinawag ko na siya.
"Tara na uuwi na tayo, Jul."
Tumango si Julian. Nagpaalam siya kay Archer bago sa babae. Pilit na ngumiti lang ang babae sa kan'ya. Akala ko ay aalis na kami nang dumating si Papa. Tumakbo si Julian kay Papa at saka siya yumakap dito.
Piniga ang puso ko sa nasaksihan. Ramdam ko naman na nangungulila talaga si Julian kay Papa, eh. Pero may magagawa ba ako? Ayaw nga ni Papa sa amin.
Kinalas ni Papa ang mga braso ni Julian at umupo siya sa harapan ni Julian bago niya ito niyakap ng mahigpit. Tumalikod na ako at hindi na sila pinanood dahil nasasaktan ako.
"Thank you po, Tito!" rinig kong saad ni Julian.
"Thank you rin, Julian. Mag-iingat kayo, ha?"
"Opo."
Hindi na ako lumingon nang hawakan ni Julian ang kamay ko. Dumiretso na kaming umalis at sumakay ng tricycle pauwi sa amin. Hindi ko na nakausap si Julian dahil agad itong nakatulog sa balikat ko. Napagod ang bata.
Natulala ako habang nakatanaw sa dinaraanan naming mga gusali.
Natawa pa ako kanina sa natatakot na mukha ng babae ni Papa, pero alam ko naman na malabong bumalik pa si Papa sa amin. Kahit na kami ang original, talo kami.
Napabuntong-hininga ako. Nakakapagod palang magtapang-tapangan.
Pagka-uwi namin ay muli akong naligo dahil sobrang init at lagkit ng katawan ko. Tinuyo ko muna ang buhok ko pagkatapos kong magbihis bago ako nahiga sa kama at natulog. Nakakapagod ang araw na ito ayoko munang makipag-usap kahit kanino man.
Nagising akong alas-otso na ng gabi. Tulog na rin sina Julian at Tate sa tabi ko. Inabot ko ang cellphone ko sa study table at nakita ang chat ni Kendra kaninang alas-siyete.
Kendra:
Girl, iinom kami ni Venna. Sama ka?
Agad akong napangiti. Ito ang kanina ko pang hinahanap. Wala naman sigurong masama kung iinom ako ngayon, 'di ba? Gusto ko ring makalimot, eh.
Alam kong disaster no'ng unang beses na nalasing ako pero sisiguraduhin ko na ngayong kaunti lang ang iinumin ko. Gusto ko lang iwala ang bigat nararamdaman ko.
Me:
G! Saan ba?
Kendra:
Dito kila Venna. Lika na dali! Magsisimula pa lang kami
Agad akong nagpalit. Sinuot ko ang itim kong shorts at ang puting hoodie ni Eulcrist. Kinuha ko ang cellphone ko bago ako lumabas ng kuwarto. Wala nang tao sa salas. Tulog na ang mga tao. Napanguso ako. Bukas ng umaga na ako babalik.
Naglakad ako papunta sa bintana malapit sa hagdanan. Binuksan ko ito at doon lumabas. Marahan ko itong sinara at tumakbo na papunta kila Venna. Trip kong tumakbo para hindi na ako mabigyan pa ng pagkakataon na magmunimuni. Hinihingal tuloy ako nang makarating ako kila Venna.
"Bakit ka kasi tumakbo?" natatawang tanong sa akin ni Kendra habang nilalagay nila sa lamesa ang isang bote ng gin, nestea, pitsel na may tubig, at ice.
Nagkibit ako ng balikat saka naupo sa kabisera. Tinaas ko ang dalawa kong paa para mag-indian sit. "Trip ko lang," sagot ko habang nakangiti.
Pinanood namin ni Kendra si Venna na magtimpla. Una niyang nilagay ang nestea sa kalahating tubig na nasa pitsel saka niya kinuha ang gin at tinanggal ang seal, pinitikan pa niya ang takip ng tatlong beses bago niya ito binuksan at sinalin sa pitsel saka niya ito hinalo.
Ramdam ko agad ang pagkahilo nang maamoy ko ang alak.
"Umiinom ka ba, Ciela?" tanong ni Venna.
Tumango ako. Kahit na ito lang naman ang pangalawang beses ko. Ayokong sabihin na hindi dahil baka i-baby nila ako. Ayoko no'n.
Napangisi si Venna. "Ikaw, ha! Akala ko good girl ka?"
Napahalakhak ako. "Duh! Ngayon lang naman!"
Natawa kaming tatlo. "Okay! Inuman na!" excited na anunsyo ni Kendra bago tumakbo sa lababo para kunin ang tatlong baso. Tumayo naman si Venna at kinuha ang mga chichirya sa kabinet sa kusina.
Nang makabalik sila ay nilagyan na ni Venna ang baso namin ng alak.
"Gago. Parang palamig lang, ah," tumatawang sabi ko.
Tumawa rin si Kendra bago niya inisang lagukan ang alak sa kan'yang baso. Umawang ang labi ko sa pagkagulat. "Gan'yan, para masaya!" aniya nang matapos siya.
Tumawa si Venna saka hinampas si Kendra sa braso. "Hinay-hinay lang. Ginugulat mo si Ciela, eh!"
Mahina akong natawa bago ko kinuha ang baso ko at uminom ng konti roon. Nanlaki ang mga mata. "Bakit ang tamis?" taka kong tanong.
Napangisi si Venna. "Punch ang tawag diyan, beh."
"Special na timpla 'yan ni Venna," pagmamalaki ni Kendra.
Napangiti akong tumango. Habang umiinom at kumakain kami ng chichirya ay nanonood kami ng movie sa laptop ni Venna.
"Kailan pa kayo natutong uminom?" tanong ko sa kanila nang muli na namang nagtimpla si Venna ng gin at nestea. Wala pa itong epekto sa amin kaya ayos lang.
"Since grade 8. Ito kasi! Ang daming problema noon, ayun lasing kami palagi!" sagot ni Kendra habang naka-akbay kay Venna. Tumatawa namang hinampas ni Venna si Kendra.
Mas close talaga sila. Gaya rin namin ni Eul, at si John ang nuetral sa amin.
"Sus, ikaw din naman!" dipensa ni Venna. "Ikaw ba, Shi? Kailan?"
Napanguso ako. "Ngayon grade 10 lang."
Nanlaki ang mga mata ni Venna. "Talaga? Problema rin ba ang dahilan?"
Napangiti akong tumango. Tumawa si Venna at nakipag-apir sa akin.
"Pag-usapan natin 'yan mamaya. Sa ngayon, magsaya muna tayo!"
Pinatay niya ang kan'yang laptop at naglaro kami ng uno. Ang matalo tatlong shot ang iinumin. Ramdam ko na ang pagkahilo ko nang sunod-sunod ang pagkatalo ko ibig sabihin, ako na halos ang umubos sa punch na nasa pitsel.
"Ayoko na!" tumatawang sabi ko at nakahiga na sa kama ni Venna. Hindi ko matandaan kung paano kami umakyat at nakapunta sa kuwarto niya.
Umiikot na ang paningin ko at pakiramdam ko ay nakalutang ako kaya pinikit ko ang mga mata ko. Mas lalo pang umikot ang paningin ko. At maya-maya pa ay tila umangat lahat ng kinain ko sa lalamunan ko. Nagmulat ako at madilim na. Mukhang tulog na sina Venna at Kendra. Agad akong tumayo at nakita ang doorknob pero habang papunta ako roon ay hindi umaayon ang paa ko sa akin. Nawalan ako ng balanse at dumiretso sa pader at napaupo.
"Shi?" rinig kong sabi ni Venna at sunod ay inilawan niya ako. Napapikit ako sa pagkasilaw ng mga mata ko. Natatawa kong tinaas ang kamay ko para abutin niya ako. Agad naman niya akong hinila paitaas.
"Cr . . ." bulong ko sabay takip sa bibig ko para pigilang lumabas ang suka sa bibig ko. Lakad takbo ang ginawa namin ni Venna hanggang sa magtapat kami ng puting inidoro.
Sinuka ko na ata lahat ng kinain ko pero nahihilo pa rin ako at gusto ko pang sumuka pero wala nang lumalabas. Naghintay pa ako ng ilang minuto. Halos yakapin ko na ang bowl makasuka lang ulit ako.
"Ano? Ayos ka lang?" natatawang tanong ni Venna.
Mabilis akong umiling. "Putang ina, ayoko na. Hindi na talaga ako iinom."
Humalakhak si Venna at tinapik ang likod ko. "That's a cap. Promise."
Gusto kong tumawa pero nahihilo pa rin ako. "Sundutin mo ng daliri mo 'yang lalamunan mo para masuka ka," aniya.
Ginawa ko nga at agad akong naduwal. Inulit ko pa hanggang sa nasuka na ako at medyo umayos na ang pakiramdam ko.
Hindi ko namalayang lumabas pala si Venna. Tumayo na ako para i-flush ang suka ko saka ako nagmumug sa lababo. May mouthwash din doon kaya gumamit na rin ako.
"Oh, inom ka muna ng tubig." Pag-abot sa akin ni Venna ng isang basong tubig. Agad ko iyong kinuha at inisang lagukan ang tubig. Binalik ko sa kan'ya ang baso at nilagay naman niya iyon sa lababo.
Nahihilo pa rin ako pero kaya ko na. "Hindi ka tinamaan?" takang tanong ko kay Venna.
Napangisi siya sa akin. "Sanay na 'ko, beh. Tara na sa taas at kanina pa umiiyak si Kendra."
Pagka-akyat nga namin sa taas ay umiiyak nga si Kendra pero hindi namin siya maseryoso dahil kumakanta siya ng mini miss u.
Humahalakhak kaming nahiga at magkabilang gilid ni Kendra. Naka-upo ito at nakasandal sa pader.
"Hello! Madlang pipol, mabuhay! Mini miss u! Mini miss u!" pag-awit niya habang umaaksyon pa ang kamay niya.
Halos mawalan kami ng hininga ni Venna sa kakatawa.
"Tang ina niyo! Huwag niyo akong tawanan! Miss ko na siya!" iyak niya.
"Tagal-tagal niyo nang wala. Miss mo pa rin?" ani Venna.
Naghiwalay sina Leo at Kendra noong huling bakasyon at hindi na sila pa nagkabalikan. Lumipat na kasi ng tinitirhan sina Leo.
"Bawal? Bawal?" parang nanghahamon na saad ni Kendra kay Venna. "Ikaw nga hanggang ngayon si John pa rin, eh!"
Nanlaki ang mga mata ni Venna at tumingin sa akin. "Si Shi at Eul nga nagtataguan pa rin, eh!" Baling niya sa akin.
Natawa ako. "Manliligaw ko na 'yon," wala sa sariling sabi ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang matanto ko ang sinabi kasabay din ng pag-awang ng mga labi nina Kendra at Venna. Sekreto lang sana namin iyon ni Eul! Shit! I'm so sorry, Eul.
Napaupo si Venna. "Gago! Totoo?!"
"Kailan pa?!" gulat na sigaw ni Kendra at lumapit sa akin. Napaupo ako para magkaharap kami.
Napangiti ako. "Basta secret lang natin 'to, ha!"
"Oo naman!" sabay nilang sabi at humagikhik pa. Halatang kinikilig.
"Umamin kasi siya no'ng Sabado. Napa-amin bigla kasi nagselos doon sa anak ng may-ari ng mamihan kung saan ako nagtatrabaho. Eh, parang kuya lang turing ko doon—"
"Guwapo ba?" pagsingit ni Kendra.
Napanguso ako saka tumango.
Agad siyang napalundag sa kama. "Ipakilala mo sa akin, girl!"
"Wow. Parang kanina lang miss si Leo tapos ngayon lumalandi na," komento ni Venna.
Natawa ako at napailing kay Kendra. "May nililigawan na siya, eh."
Napanguso ang babae. "Aw, sayang. Ugh! Miss ko na si Leo!"
"Punyeta 'to!" natatawang sinipa siya ni Venna. Sinipa rin siya nito pabalik kaya nahulog si Venna mula sa kama. Napatayo ako para tignan kung ayos lang siya pero nang humalakhak ito ay alam kong ayos siya.
"Tuloy mo na ang kuwento, Shi!" ani Venna at bumalik na sa kama.
"Eh, ayun nga. Binigyan ako ng tuta ni Euan, 'yong pinagselosan ni Eul. Nakita niya no'ng pumunta siya sa bahay no'ng Friday. Tapos 'yun, kaya pala hindi siya pumunta no'ng group study natin, nagseselos pala. Nakita ko siya sa grocery tapos tinanong ko hanggang sa napa-amin siya. Tapos no'ng Sunday, sinabi niya na manliligaw siya."
Abot tainga ang ngiti ng dalawa kong kaibigan kaya nahihiya akong ngumiti rin.
"Kilig ka?" tanong ni Kendra habang nakangiti. Mas lalo akong ngumiti at saka nahihiyang tumango.
Nagulat ako nang sabay silang tumili ni Venna at halos masira ang kama dahil naglulundag sila doon.
Nang kumalma sila ay nahiga na kami.
"Si John kaya kailan aamin?" umaasang tanong ni Venna.
Napangiti ako at kinilig. "Pagselosin mo rin," pagbibiro ko.
Tumawa si Kendra. "Tama!"
Humalakhak si Venna. "Walang effect. Pero alam niyo ba?"
"Hindi malamang."
"Ina mo talaga, Kendra."
Humalakhak ako. "Ano 'yon, Venna?"
"Tuwing nagseselos siya. Inaasar niya ako lalo? Tapos kapag nagalit na ako yayakapin niya ako? Kaya gusto kong nagagalit, eh." Humahagikhik na sabi niya.
Naghampasan kami ni Venna sa kilig. "Gago 'to! May tinatago ka palang landi!" natatawang sabi ko.
Tumawa rin si Venna. "Pero ewan ko. Mukhang hanggang asaran lang kami. Parang magjowa pero hindi. Mixed signals malala. Kasi hindi naman siya umaamin, eh. Ayoko namang mauna kasi duh! Gold ako!"
"Tama!" ani Kendra.
Ilang minuto kaming natahimik at natulala sa kawalan. Napatingin ako kay Venna na nakatulala rin sa kisame.
"Venna," pagtawag ko at muling binalik ang tingin sa kisame.
"Hmmm?"
"May tanong talaga ako sa 'yo, eh."
"Ano 'yun? Gagi, wala akong ninakaw ha! Apakaseryoso, day! Ano ba 'yon?"
Natawa ako. "Hindi naman sa may kasalanan ka. Curious lang ako. Naalala mo ba no'ng grade 9 tayo? No'ng binigyan mo ako ng cream?"
"Ah! Oo! Bakit?"
Napatingin ako sa kan'ya. Palipat-lipat naman ang tingin ni Kendra sa amin.
"Sabi mo, naranasan mo na 'yon? Bago pa man nakuwento sa inyo ni Eul ang nangyari. Alam mo na agad kung ano'ng tinatago ko sa loob ng hoodie at mask ko noon, 'di ba? Paano?" tanong ko.
Binalik ni Venna ang tingin sa kisame at mapaklang ngumiti. "Dati rin kasi akong binubugbog ni Mama noon . . . magmula grade 4 hanggang grade 7 dahil lang sa wala kaming pera," mapait niyang sabi. "Kaya alam ko na noong nakita kitang naka-suot ng hoodie at mask kasi gano'n din ako noon. At nalaman 'yon ni Papa kaya naghiwalay sila at pinakulong niya si Mama . . ."
"Totoo 'yon, Shi. Kaya noong grade 8 tayo malala pa ang trauma ni Venna kaya panay ang inom namin dito," ani Kendra.
Grabe, hindi ko man lang napansin . . .
Humarap ako sa kanila. "Eh, nasaan ang papa mo ngayon?"
Humarap din sa akin si Venna. "Nasa Thailand, kasama ang bago niyang pamilya. Kaya mag-isa lang ako rito. Minsan lang pumunta si Tita, 'yong step-mom ko, para dalawin ako. No'ng una hindi ko tanggap pero nang tumagal, okay na sa akin. Saka hindi naman ako pinapabayaan ni Papa. Every month pa rin siyang nagpapadala."
Natahimik ako. May ibang pamilya rin ang papa niya pero ayos lang sa kan'ya. Pero bakit ako, hindi ko matanggap?
Pero magkaiba kami . . .
Sa kan'ya, nagkaroon ng pamilya ang papa niya noong naghiwalay sila ng mama niya at hindi siya nito pinabayaan.
Pero ako? Nagloko si Papa at pinabayaan kami.
Kaya hindi ko matanggap na gano'n ang ginawa niya.
"Kumusta ka na pala? Binubugbog ka pa rin ba ng kuya mo?" tanong ni Venna.
Napailing ako. "Hindi na. Huli na no'ng grade 9."
"Tang inang mga kuya talaga 'yan," malutong na mura ni Kendra at agad siyang naluha kaya agad kong tinapik ang braso niya.
"Bakit?" marahang tanong ko. "Ano'ng ginawa ng kuya mo sa 'yo?"
Mas lalo siyang umiyak at yumakap sa akin. "Ikaw muna ang mag-kuwento . . . saka ko sasabihin mamaya."
Napanguso ako. "Paano ba ako magsisimula?"
"Ikaw . . . Kung paano nagsimula ang problema?" ani Venna.
Napanguso ako at napatingin sa kisame. "Grade 6 ako no'n no'ng nahuli kong nambababae si Papa . . ." panimula ko.
Nagsinghapan sila. Napatingin ako sa kanila, nagtataka.
"Gago? May iba pala siya? Akala kasi namin nag-ibang bansa rin . . ." gulat na sabi ni Venna.
Umiling ako. "No'ng iniwan kami ni Papa. Doon na nagkanda leche-leche ang buhay namin. Nabuntis si Ate. Nag-drop si Kuya at pinili ang alak. Kaya no'ng nalaman ko 'yon inaway ko siya . . . Ayun sinuntok ako. Tapos no'ng nalaman ni Ate . . ." Napalunok ako at pumikit. Kasabay ng pagpikit ko ay nakita kong muli ang eksena kung saan nasa gitna nila ako noong halos magpatayan na sila. "Halos magpatayan na sila ni Kuya kaya ako ang nasugat ni Kuya ng kutsilyo." Ang sugat na nakuha ko dahil doon ay naging peklat na sa braso ko.
Napasinghap muli sila at hindi makapaniwala sa sinabi ko. Hindi ko na dinitalye dahil masakit pa rin palang sabihin. Nakaya ko lang sabihin sa kanila dahil komportable ako sa kanila.
"Grabe . . . Ang dami pala nating pinagdadaanan pero panay tawa lang tayo sa room," saad ni Venna. "Pero kumusta, Shi? Kaya pa ba?"
Kaya ko pa nga ba?
Natawa ako kahit hindi naman nakakatawa. Hindi ko lang alam kung paano at kung ano ba dapat ang maramdaman ko. "Kinakaya pa naman . . ."
"Nandito lang kami, ha?" ani Venna.
Tila niyakap ang puso ko roon. Napatingin ako sa kan'ya at saka tumango.
"Kapag sinaktan ka ulit ng kuya mo. Magsabi ka agad. Susugod kami!" nanggigigil na sabi niya kaya natawa ako.
Natahimik saglit kaya napatingin ako kay Kendra nang humiwalay siya sa akin at tumihayang humiga.
"Yung kuya ko na nasa Manila na . . ." panimula niya. "He tried to rape me when I was eight years old . . ." bulong niya.
Napasinghap ako at niyakap si Kendra. Wala akong masabi kaya sana ay na-comfort ko siya sa pagyakap ko sa kan'ya. Yumakap din si Venna sa amin.
Grabe. Ang titindi pala ng pinagdaraanan namin. Ang tagal na naming magkakaibigan pero ngayon lang namin nalaman 'to. Akala mo ay masaya at walang problema sa buhay pero higit pa pala roon.
Pinili lang naming maging masaya kahit na halos mamatay na kami sa mga malulupit na bagyo ng buhay. Dahil wala kaming magagawa. Ganyan talaga ang buhay.
It wasn't called life if it wasn't about all the pain and hardships that we conquer every time, just for us to have that peace and happiness.
That's the thing about living. We experience pain before happiness.
I just hope that . . . we could survive this battle.
I just hope that the life we had is worth for fighting at the end.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro