24
"Shi, tignan mo nga muna 'yung cellphone mo. Kanina pa tunog nang tunog, eh. Baka emergency," saad ni Lola Pearly nang sumilip siya sa pintuan ng banyo habang abala akong nagbabanlaw ng mga damit namin.
"Sige po, 'La. Tapusin ko lang po 'to," sagot ko bago binilisan ang pagbanlaw sa limang natitirang t-shirt.
"Sige," ani Lola bago siya umalis.
Nang matapos ako ay naghugas muna ako ng kamay at saka tumayo para punasan ito gamit ang tuyong tuwalya na nakasabit sa doorknob.
Lumabas ako sa banyo at kinuha ang cellphone ko sa coffee table sa salas. Naroon din sina Julian at Tate na nakaupo sa sofa at mukhang kagigising lang at nanonood ng We Bare Bears. Wala si Ariella, mukhang tulog pa rin ito.
"Good morning, Ate!" pagbati ni Julian habang nakangiti.
Napangiti rin ako. "Good morning, bebe!"
Pagkabukas ko sa cellphone ko ay agad na bumungad sa notification ang mga chat ng kaibigan ko sa group chat namin.
Naupo muna ako sa tabi ni Julian at binasa ang mga chat nila.
Kendra:
Guys! Group study naman us today, exam na sa Tuesday e🥹
Venna:
Omsim
Venna:
Btw anong movie gusto niyong panoorin?
John:
Inang group study yan movie marathon
Venna:
Mag-d-dl lang ako! If want niyo lang magpapasa mamaya diba
John:
Sus
Venna:
Oo nga kasi!
Kendra:
Kiss nga kayo👀
Venna:
Gago
John:
*/Huminga nang malalim
*/Hinalikan si Venna sa noo
Kendra:
Pucha sanaol airport kiss😭
Venna:
Mga pakyu kayo!
(Parang gusto kong maging kriminal)
Eulcrist:
HAHAHAHAHA
John:
Ayown! Gising na si papi!
Ano papi sama ka?
Eulcrist:
Sige ba
Venna:
@Ciela ikaw nalang kulang!
Kendra:
Gising na anteh!
John:
Baka busy si mameh
Natatawa ako sa batuhan ng mga salita nila kaya natagalan ako sa pagtipa ng reply.
Ciela:
Slr naglalaba ako
Anong oras ba?
May pupuntahan pa kasi ako after kong maglaba
Venna:
Papunta na kami jan teh
Nanlaki ang mga mata ko. Gago, marami pa akong gagawin. Hindi ko pa nalilinis ang kuwarto namin. Balak ko pa sanang magpalit ng bedsheet at punda ng mga unan saka labhan ang mga ito.
Ciela:
Legit? Hala, marami pa akong gagawin e
Kendra:
Go lang! Tulungan ka pa namin
John:
Omsim
Eulcrist:
Susunod ako mamaya. May inutos pa si nanay e
John:
Take your time papi
Venna:
Inagahan talaga namin kasi makikipaglaro kami sa tatlong bagets!
Ciela:
Sige sige, dala kayo ng meryenda HAHAHAHA
John:
Copy boss
Napagala ang tingin ko sa bahay at nakahinga nang maluwag nang makita kong malinis ito. Buti na lang talaga at naglinis ako kanina.
Pinatay ko na ang cellphone ko at muli itong nilapag sa coffee table. Nang tumayo ako ay hinarap ko si Julian.
"Bunso, huwag kayong magkakalat, ha? May bisitang paparating i-welcome niyo sila," bilin ko.
Nagningning ang mga mata ni Julian nang tumingala siya sa akin. Ibig sabihin kasi, may bago silang kalaro. "Sino, Ate?"
"Mga kaibigan ko."
"Meron si Kuya Eul?"
Umiling ako. "Wala. Pero pupunta rin 'yon mamaya."
"Okay, Ate."
Tumango ako bago umalis at bumalik na sa banyo para tapusin ang ginagawa ko, eksakto ring natapos umikot ang huling mga damit na nilagay ko sa washing machine. Tinapos ko nang banlawan lahat bago ko ito binabad ng downy sa dalawang palanggana dahil hindi kasya sa isa.
Lumabas ako sa banyo at nakitang isang oras na ang nakalipas. Ang mga nagsabing on the way ay mukhang naliligo pa ngayon. Napangisi ako sa naisip. Mabuti na rin sigurong matagalan sila para matapos ko na agad ang mga kailangan kong gawin.
Kinuha ko ang walis at pumasok na sa kuwarto namin. Nilagay ko sa basket ang mga kumot saka ko tinanggal ang punda ng mga unan at pinatong muna ang mga ito sa upuan. Nag-ala basketball player pa ako sa pag-shoot ng mga maruruming punda sa basket na nakalagay malapit sa pintuan. At ang panghuli, tinanggal ko ang bedsheet at nilagay ito sa basket.
Tuwid akong tumayo at namewang habang natulala saglit sa kawalan. Iniisip kung ano ang gagawin ko sa kuwarto namin. Napanguso ako at nang makapagplano na ay sinimulan ko nang tanggalin ang kutson ng kama at nilagay muna ito sa tabi. Maingat kong hinila ang study table na katabi ng kama papunta sa pintuan bago ko hinila ang kama pa-vertical. Winalisan ko muna ang gilid bago ko tinulak ang kama sa dulo ng pader. Winalisan ko na rin ang kama para matanggal ang gabok bago muling nilagay ang kutson.
Napahinto ako saglit dahil ilang beses akong bumahing. Sobrang daming alikabok. Ngayon lang kasi talaga ako nagkaroon muli ng sapat na oras para maglinis. Kinamot ko ang ilong ko. Napanguso ako dahil agad akong sinipon.
Winalisan ko muna ang sahig at nilabas ang mga dumi sa labas ng pinto. Bago ko maingat na hinila ang study table at tinabi sa gilid ng kama.
Muli kong winalis ang sahig para masigurong malinis ito. Kinuha ko sa kabinet ang bedsheet, kumot, at mga punda ng unan na pamalit ko. Kulay blue naman ang theme namin ngayon.
Nilagay ko na ang bagong bedsheet sa kutson bago ang mga punda sa unan bago inayos ang pagkakalagay ko ng mga unan sa kama at saka pinatong ang mga bagong kumot doon.
Tinapos ko nang walisan ang kuwarto saka ko dinakot ang dumi at tinapon ito sa labas.
"Shi!"
Halos mapatalon ako sa lakas ng boses nina Kendra at Venna. Sinuklian ko ang mga ngiti nila. Saglit pa akong nailang nang makitang lahat sila ay naka-porma samantalang ako ay magulong nakatali ang buhok at basa pa ang itim kong sando at puting shorts. Pero agad din namang nawala dahil halatang wala silang pakealam sa hitsura ko ngayon.
Tatlo lang silang dumating at wala pa si Eul. Sa wakas, dumating na sila at may hawak-hawak na pansit, tinapay, at softdrinks. Napangisi ako.
"Wow! Talagang may pameryenda ang mga bisita ko ha!" pang-aasar ko.
"Syempre, request mo, e! Lagot kami kay papi Eul 'pag nagutom ka!" pang-aasar ni John. Tumawa ako.
"Tara pasok!" pag-aaya ko nang makalapit na sila sa akin.
Natawa ako nang mas nauna pa silang pumasok kesa sa akin.
"Hello po!" rinig kong pagbati ni Julian.
"Julian! Na-miss kita!" malambing na saad ni Kendra bago siya tumakbo papalapit sa dalawang bata at niyakap ang mga ito.
"Ako rin!" Sumali naman si Venna at kinarga si Tate na humahagikhik na ngayon. "Aaaa ang cute mo, Tate! Iuuwi ka ni Ate, gusto mo?"
Umiling naman si Tate kaya natawa ako.
"Mukha siyang chinese!" aliw na saad ni Venna.
Malakas na tumawa si John habang nilalapag sa coffee table ang mga meryendang binili nila. "Engot ka talaga. Malamang magmumukha siyang chinese dahil may dugo naman silang intsik."
Natawa ako nang sinipa siya ni Venna. Natahimik lang sila saglit nang lumabas si Lola Pearly mula sa kusina. Sabay-sabay silang tumayo.
"Hello po, Lola!" pagbati nila at mahina akong natawa nang mag-bow pa si Venna.
Kaka-Kdrama niya 'yan.
Napangiti si Lola. Sumunod ay nagmano silang tatlo.
"Kay gaganda at guwapo naman ng mga kaibigan mo, Shi. Parang kailan lang noong mga uhugin pa kayo."
"Ay si John po, 'La, hanggang ngayon uhugin pa rin," singit ni Venna. Sinamaan naman siya ng tingin ni John.
Natawa kami maging si Julian.
"Hanggang ngayon kayo pa rin ang nagtatalo, ano?" natatawang sabi ni Lola.
Kilala na ni Lola ang mga 'to mula grade 7. Dati kasi ay bumibisita sila rito para makipaglaro sa akin at sa mga kapatid ko. Kaso noong marami na kaming ginagawa at may trabaho na rin ako, madalang na lang silang bumisita rito.
Buti nga at wala akong trabaho ngayon. Nagkaroon ako ng oras na gawin ang dapat kong gawin at makapagpapahinga rin kahit saglit.
"Kain po tayo, 'La! May dinala kaming meryenda," pag-aaya ni Kendra.
"Naku! Salamat sa inyo, hija!" natutuwang saad ni Lola.
"Kami na po ang bahalang kumuha ng mga plato at baso sa kusina, 'La. Just sit and relax na lang po kayo," ani John at pumunta na sila ni Venna sa kusina.
Pangalawang bahay na nila talaga 'to.
"Sige, kumain na muna kayo. Tatapusin ko munang maglaba," pagpapaalam ko kay Kendra.
"Kumain ka muna!"
Umiling ako. "Mamaya na. Tatamarin ako 'pag kumain ako ngayon."
"Sige."
Bumalik ako sa banyo at nilagay ko na sa spinner ang mga damit na binabad ko kanina. Naka-ilang spin ako ng mga damit hanggang sa matapos ko ito lahat. Pinaikot ko muna sa washing machine ang mga kumot, bedsheet, at mga punda ng unan bago ako lumabas bitbit ang dalawang hamper ng bagong labang mga damit para isampay sa labas.
Habang abala ako ay wala akong narinig na angal mula sa mga kaibigan ko. Nag-i-enjoy pa nga silang nakikipaglaro kina Julian at Tate. At hanggang ngayon ay tulog pa rin si Ariella. Grabe talaga 'yon matulog parang mantika. Saka ko na lang siguro lilinisan ang kuwarto niya.
Sa wakas makalipas ang isang oras tapos na akong maglaba at magsampay! Mukhang hindi iyon namalayan ng mga kaibigan ko dahil abala na sila ngayon sa pagkanta ng 'The Wheels on the Bus' habang sumasabay sila sa pagsayaw nina Tate at Julian. Natawa ako. Mukha lang silang magkaka-edad.
Kinuha ko ang tuwalya at pamalit kong damit bago pumasok sa banyo para maligo. Nang matapos ako ay tinignan ko sa salamin ang ayos ko.
Nakasuot ako ng puting oversized shirt at naka-tucked in ito sa denim shorts ko. Sinuklay ko ang hanggang bewang kong buhok at nang makuntento sa ayos ko ay lumabas na ako.
"Ano? Tara na?" pag-aaya ko nang maupo ako sa sofa.
"Kumain ka muna," hinihingal na ani Venna at naupo na rin sa tabi ko. Mukhang napagod na sa kakasayaw. Samantalang sina John at Kendra ay ginawang show down ang pagkanta sa mga kanta ng cocomelon at bigay na bigay pa talaga sila sa pagsayaw. Kaya tuwang-tuwa sa kanila ang dalawang bulilit at tumatalon-talon din habang nag-t-twerk si John.
Napahagalpak ako sa pagtawa habang naglalagay ng pansit sa platitong hawak ko. Hindi ako matigil sa pagtawa habang kumakain. Ang lalakas talaga ng tama ng mga 'to, e. Mukhang kakabagin ako sa mga 'to.
Hindi nakatiis si Venna ay sinamahan niya ulit si Kendra. Habang tumutugtog ulit ang The Wheels on the Bus ay nag-i-spaghetti pababa silang tatlo na move. Halos maibuga ko ang kinakain kong pansit nang mag-split si John.
Inang 'to.
Naging gymnast na naman.
"Kain ka ulit," aya ko kay Julian nang maupo siya sa tabi ko at hinihingal na. Pawisan din ito. Pagod na ang bata.
Umiling siya bago muling tumayo at kumuha ng baso at nilagyan niya ito ng coke. Uminom siya doon bago niya nilagyan ulit at muling tumabi sa akin at binigay sa akin ang baso. Napangiti ako at inabot iyon.
"Thank you, bunso."
Ngumiti siya sa akin. "May pupuntahan kayo, Ate?"
Tumango ako. "May group study kami. May gusto ka bang pasalubong?" tanong ko dahil kukunin ko naman ang perang padala ni Mama mamaya at mamimili rin ako ng stocks namin dito.
Napanguso siya. "Hmmm. Chuckie, Ate!"
""Kie!" sabi ni Tate. Hindi ko namalayang lumapit na pala siya sa amin. Kinuha siya ni Jul at pinaupo sa tabi niya. Kagaya niya rin itong pawisan. Napangiti ako. Napaka-sweet talaga ng batang 'to.
"Sige. Bibili ako mamaya."
Napangiti si Julian. "Thank you, Ate!"
Ngumiti ako bago uminom ng coke.
"Ano? Asa'n na si Eul?" tanong ko nang matapos akong mag-tooth brush at paalis na kami.
Nagising na rin sa wakas si Ariella at tahimik na kumakain sa salas. Wala pa sa mood na makipag-usap sa mga taong nakapaligid sa kan'ya.
"'Di raw pala siya makakapunta, pre. Busy daw," ani John.
Napatango ako. "Ah, okay. Saan tayo mag-rereview?"
"Sa amin," ani Venna.
Tumayo na kami. Nagpaalam muna kami kay Lola at sa mga kapatid ko at kay Tate bago kami lumabas ng bahay at naglakad na papunta kila Venna. Pero hindi pa man kami nakakalayo ay agad kaming nagpasya na sumakay na lang ng tricycle dahil napaka-init. Ala-una na kasi ng hapon.
Pagkarating namin sa bahay nila Venna ay walang tao kaya malaya kaming nag-ingay.
"Shi, ikaw sa Filipino. John, ikaw sa Math—"
"Gago, ba't ako?" angal agad ni John kay Venna.
"Tao ka, John, tao. Hindi ka bat, okay?" barumbadong sagot ni Venna.
Napahalakhak ako. Napakababaw ko talaga. Habang si Kendra ay kinikilig na nakatingin sa dalawa. Forever shipper kami sa kanila, eh!
"Ay naku! Ako na nga ang mag-aasign! Naglalandian lang kayo, eh!" pang-aasar ni Kendra.
"Iw!" singhal ni Venna.
"Gago!" natatawang sabi ni John.
"Okay, shush na! Shi, Filipino. John, Science. Venna, Research. At ako, English. 'Yan muna, walang Math kasi wala ang master Eulcrist. After natin mag-review magtatanungan tayo? Okay ba? Okay! Simulan na natin!" Pumalakpak si Kendra at nilabas na nga namin ang mga notes namin at sinimulan na naming magbasa.
Maayos naman nung una. Nagbasa kami, nagtanungan hanggang sa nakahiga na kami sa kama ni Venna at nanonood na sa Netflix ng 'Red White and Royal Blue'.
Tang ina, imbes na nagsisigawan kami ng sagot heto at tumitili kami kila Alex at Henry.
Damn! Sobrang bagay nila! Argh!
"Gago, boy!" tumatawang saad ni John nang mabagsakan sina Henry at Alex ng ilang layer na cake.
Napangiti ako at pinagmasdan ang mga kaibigan kong kinikilig habang nanonood. Tila niyakap ang puso ko sa natanto: ngayon ko lang ulit sila nakasama ng ganito katagal at masaya akong nakapag-bonding muli kami. Sayang lang at wala si Eul.
Masaya pala talagang maging normal na teenager lang. 'Yung ganito. 'Yung kasama ang mga kaibigan. Nanonood at kinikilig. Nagbibiruan at napapagalingan sa pagsayaw at pag-awit. Bumibisita sa bahay ng isa't isa. Nakakahinga nang maluwag habang nakahiga lang at walang iniisip na dapat na gawin.
Masaya rin pala. Sobrang saya na minsan gusto kong maging sakim at hilingin na sana ganito nalang araw-araw ang buhay ko. Pero alam ko namang hindi puwede at alam kong hindi kaya ng konsensya ko na ganito palagi. Lalo na kung may mga kapatid akong umaasa sa akin.
Kahit na mahirap pipiliin ko pa rin ang mga kapatid ko. Pipiliin ko pa ring alagaan sila at tumayong ina nila. Pipiliin ko pa ring unahin sila kesa sa akin. Mag-part time para makatulong kay Mama. Tumayong ama nila kung kinakailangan.
Wala eh, mahal ko sila.
Nagpapasalamat pa rin akong nararanasan kong maging normal lang na teenager kahit papaano. Kahit minsan lang, at least naranasan ko.
"Thank you, guys! Una na 'ko! May gagawin pa ako, eh!" pagpapaalam ko nang matapos kaming mag-meryenda.
Sabay-sabay na kumaway ang tatlo sa akin. "Bye, Shi! Thank you rin! Ingat ka ha?" ani Kendra.
"Hatid na kita sa labas!" ani Venna.
"Ingat ka, pre!" ani John.
Tumango ako sa kanila. Alas-kwatro na ng hapon baka magsara na ang cebuana padala kailangan kong makuha ang perang padala ni Mama ngayon.
Hinatid nga ako ni Venna sa labas at agad naman akong nakasakay ng tricycle papunta sa bayan. Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na ako sa dapat kong puntahan.
Mabuti at walang tao kaya nakuha ko agad ang padala ni Mama. Twenty thousand. Napabuntong-hininga ako. Sana magkasya iyon sa lahat ng bayarin at gastusin namin hanggang sa isang buwan at sana meron ulit siyang padala sa susunod na buwan.
Kinuha ko ang cellphone ko sa bulsa ng shorts ko para i-chat si Mama.
Me:
Ma, nakuha ko na po ang padala niyo. Thank you po. Baka mamaya pa po ako makakapag-reply kasi mamimili pa ako ng mga pagkain at mga kailangan sa bahay
Binulsa kong muli ang cellphone ko at nilagay sa wallet ang perang galing kay Mama. Naglakad na ako papunta sa grocery store. Hapon na kaya maraming tao. Medyo malamig na ang klima dahil hapon na naman na. Kulay asul ang kalangitan at sobrang ganda nitong pagmasdan.
Natagalan pa ako papunta sa grocery dahil sobrang daming sasakyan at tricycle sa kalsada at marami ring mga taong naglalakad.
Nakahinga ako nang maluwag nang makapasok ako sa grocery store. Agad namang tumindig ang balahibo ko sa braso at hita dahil sa malamig na simoy ng aircon.
Kumuha ako ng basket at inuna ko talagang kunin ang chuckie para hindi ko makalimutan bago ako kumuha ng biscuit na baon nina Julian at Ariella. Makalipas ang ilang minuto ay mabigat na ang basket na dala ko dahil halos puno na ito ng mga pagkain at panlahok sa mga lulutuin.
Nanlaki ang mga mata ko at agad na umabot sa tainga ang ngiti ko nang makita ko si Eulcrist na nakatalikod at mukhang may binabasa sa kan'yang bibilhin.
"Eul!" pagtawag ko sa kan'ya.
Natawa ako nang mapatalon siya bago siya tumikhim at lumingon sa gawi ko.
"Sayang wala ka kanina! Next time pumunta ka para mas masaya, ha? Bakit ba wala ka?" tanong ko at matagal bago lumapit sa kan'ya dahil mabigat ang dala kong basket.
"Busy ako," tipid niyang sagot at kinuha mula sa akin ang basket na dala ko. Agad ko naman iyong pinaubaya sa kan'ya.
"Salamat."
Tumango siya.
"May bibilhin ka pa?" tanong ko.
Umiling siya. "Ito lang," sagot niya habang nakatingin sa hawak niyang isang box ng cloud 9.
"Okay. Puwede pasama? Kukuha pa kasi ako ng mantika, saka sabon, at shampoo na rin."
Tumango lang siya at nauna nang maglakad. Kumunot ang noo ko. May mali talaga kay Eulcrist, eh. Ano bang nangyari sa kan'ya?
Kasi kung okay siya mag-so-sorry siya at sasabihin niya ang dahilan kung bakit wala siya kanina. Pero ang sinagot niya lang, busy siya. Tapos ngayon, ang titipid ng mga sagot niya. Dapat sana dinadaldal niya ako ngayon, eh. Nakakapanibago.
Pero nagpasya akong mamaya ko na lang siya kukulitin. Kapag nakapamili na kami at kami lang dalawa ang makaririnig sa pag-uusapan man namin.
Napabuntong-hininga ako dahil ang tahimik talaga niya. Halos kalahating minuto nang magkasama kami pero walang nagsasalita. Hindi rin siya tumitingin sa akin.
Ano bang nagawa kong kasalanan?
Hanggang sa nakapagbayad kami ay wala pa ring imikan. Napabuntong-hininga muli ako at hindi na siya natiis.
"Eul," pagtawag ko sa kan'ya sa unahan ko. Iniiwan niya ako ngayon, eh, noon naman palagi kaming magkasabay sa paglalakad. Kahit na bitbit niya ang mga pinamili ko alam kong hindi kami okay.
Pero kahit na tinawag ko siya ay hindi siya lumingon sa akin. Muli ko siyang tinawag pero wala pa rin. Hanggang sa malapit na kami kung saan tanaw ang dalampasigan. Kitang-kita ko ang papalubog nang araw sa payapang dagat. Kulay kahel at asul ang kalangitan. Ang ganda sana ng tanawin kung hindi lang masama ang loob sa akin ng kaibigan ko.
Ano ba ang nasabi ko kagabi k para maging ganito ang trato niya sa akin ngayon?
"Cathan Eulcrist!" malakas kong sigaw bago tumakbo at humarang sa dinaraanan niya.
Agad siyang huminto at nag-iwas ng tingin sa akin. "May problema ba?"
Umiling siya.
"Wala? Kung wala, bakit ka gan'yan? Bakit 'di mo ako kinakausap?"
"Wala lang ako sa mood, Shi."
Umiling ako. "Hindi, eh. Alam kong may mali. Ano 'yon, Eul? Sagutin mo ako."
"Wala."
"Oh 'di ba? Meron nga!"
Napatahimik ako nang may matanto. Nagsimula lang siyang umakto ng gan'yan noong kinuwento ko sa kan'ya si Euan.
Napailing ako at hindi makapaniwala sa naiisip.
Pero ano pa ba ang dahilan bukod sa naiisip ko?
"Eul, tignan mo ako," seryosong utos ko.
Napanguso siya at tumingin sa akin. Ang sinag ng araw ay tumatama sa mukha niya kaya lalo siyang pumuti at namula ang labi niya.
"Ano'ng problema? Bakit bigla kang naging ganito sa akin?"
Umiling siya. "Wala. Okay? Ako lang talaga ang problema . . ."
"Paano?"
Umiling ulit siya at nag-iwas ng tingin. "Wala. Basta."
Napalunok ako at nilakasan ang loob na itanong sa kan'ya ang nasa isip ko. "Ramdam kong nagsimula 'to kagabi, eh. No'ng kinuwento ko sa 'yo si Euan . . ." pag-aalinlangan ko.
Kitang-kita ko ang pagtaas baba ng adams apple niya nang mapalunok siya. Kinakabahan siya.
Hmmm.
"Nag . . ." Napalunok ako. "Nagseselos ka ba?"
Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi ko sa tanong ko sa kan'ya. Ngunit agad na bumilis ang pagtibok ng puso ko nang mabilis na tumingin sa akin si Eulcrist at nanlalaki ang kan'yang mga mata. Halatang gulat din sa tanong ko.
"Sagutin mo ako, Eul," tapang-tapangan kong saad. "Nagseselos ka ba?"
Napakagat siya sa kan'yang pang-ibabang labi at napapikit. Halos manghina ang tuhod ko nang minulat niya ang kan'yang mga mata at masuyo na itong nakatingin sa akin.
"Oo . . ." halos bulong niyang sabi.
Umawang ang labi ko. Alam ko naman pero nakakagulat pa rin pala kapag galing mismo ito sa kan'ya.
"Oo, Ciela Serene. Nagseselos ako."
Ilang beses kong sinubukang magsalita pero natameme ako.
Mas sumeryoso pa siyang tumingin sa akin kaya pakiramdam ko ay matutunaw ako sa kinatatayuan ko. "Kung nagtataka ka kung bakit ako nagseselos . . ." Lumapit siya sa akin at napatigil ako sa paghinga nang nilapit niya ang kan'yang mukha sa akin para mas magtama pa ang paningin namin.
Pakiramdam ko ay kami lang dalawa ang tao ngayon dito sa abalang kalsada. Kami lang dalawa at ang payapang dalampasigan kung saan papalubog na ang araw.
Ang hindi maipaliwanag na ganda ng tanawin ay kagaya ng nararamdaman ko ngayon nang marinig ko ang hindi ko inaasahang maririnig ko mula kay Eulcrist.
"Gusto kita, Ciela Serene. Gustong-gusto . . . matagal na."
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro