23
Abot tainga ang ngiti ko habang nasa bisig ko ang puppy na binigay sa akin ni Euan. Sabi niya na sa akin na lang daw ito para may kasama ako at para huwag na raw akong malungkot. And the puppy also represents that I've conquered one of my greatest fears in life. Ang bait-bait talaga niya. Deserve niya lahat ng magagandang bagay dito sa mundo.
"Twelve!" rinig kong sigaw ni Julian habang papalapit ako sa pintuan ng bahay.
"Very good!" bakas ang tuwa sa boses ni Ariella.
Napangiti ako. Mukhang naglalaro na naman sila ng teacher-teacher-an at syempre sit-in na naman si Tate at taga-palakpak lang sa Tito Julian niya na mabilis sumagot sa mga tanong ni Teacher Ariella.
"Eto naman! Aral Pan naman tayo! What is the largest continent?"
"Asia!" Julian answered confidently. Napakatalinong bata talaga.
Hindi na ako makapaghintay pang ipakita sa kanila ang surpresa ko. Nang makalapit na ako sa pintuan ay tinawag ko na silang tatlo.
"Ate Shi!" masayang sigaw nila at nag-unahan sa pagtakbo papalapit sa akin.
Sabay-sabay din silang napatigil nang makita nila ang hawak ko at sabay ding umawang ang kanilang mga labi sa pagkamangha.
"Woah! May puppy! Atin siya, Ate?!" excited na tanong ni Ariella.
Nakangiti naman akong tumango.
Tumakbo si Julian papalapit sa akin at hinawakan ng maliit niyang kamay ang ulo ng puppy. Agad namang gumalaw ang buntot nito, senyales na natutuwa siyang makita sila kaya naman humagikhik ang bunso kong kapatid.
"Puppy!" namamanghang tili ni Tate at sumunod sa tito niya.
"Pabuhat ako, Ate!"
Maingat kong binigay kay Ariella at siya na ngayon ang may hawak.
"Ako rin!" naiinggit na sabi ni Julian.
Binaba ni Ella ang tuta at naupo silang tatlo sa sahig habang pinapanood nila itong umupo rin at ilabas ang kanyang dila. Mukha tuloy siyang nakangiti sa tatlong mga bata.
"May pangalan na siya, Ate?" tanong sa 'kin ni Julian habang hinahaplos niya ang ulo nito.
"Wala pa. Kayo na ang magbigay ng pangalan niya," saad ko bago tumabi sa kanila. Tumayo naman si Tate at pumunta sa pagitan ng hita ko bago yumakap sa leeg ko at pinatong ang ulo niya sa balikat ko. Niyakap ko rin siya pabalik. Mukhang inaantok na ang baby.
"Babae siya, Ate?" tanong naman ni Ariella habang sinisilip ang ano ng tuta. Tumango ako.
"Ano'ng ipapangalan natin, bebe?" tanong ni Ella sa bunsong kapatid.
Napanguso si Julian habang nag-iisip. "Uno!" masayang aniya makalipas ang ilang minutong pag-iisip.
Mabilis na umiling si Ariella. "Pangbabae dapat kasi babae siya."
"Hmmm." Muling ngumuso si Julian at tinitigan ang tutang nakangiti pa rin hanggang ngayon sa kanila.
Ang cute!
"Ay alam ko na!" Napatayo si Ariella sa sobrang tuwa.
"Ano, Ate?" Tumingala si Julian para matignan ang ate niya.
"Merida!" masayang aniya.
Napangiti ako, galing talaga mag-isip nito.
Napapalakpak naman si Julian. "Bagay, Ate! Pero mukhang siya pa yung bear," tumatawang saad ni Julian. Natawa rin ako dahil tama siya.
"Pero Merida pa rin!" ani Ariella habang nakangiti. Yumuko siya at tinapik ang ulo ni Merida. "Pakabait ka, Merida, ha? Sa labas ka mag-poo-poo at wee-wee."
Napangiti ako. Maalagaan si Merida ng tama sa kamay ng mga kapatid ko. Tumayo na ako habang buhat-buhat ko si Tate na tuluyan nang nakatulog kanina sa balikat ko.
"Kumain na ba kayo?" tanong ko dahil alas-otso na ng gabi. Late akong naka-uwi ngayon dahil nag-over time ako kanina sa work.
Tumango naman ang dalawa. "Siya maghugas na kayo at matulog na," utos ko. Kahit na wala naman kaming pasok bukas dahil Sabado ay mas maganda nang maaga silang natutulog.
"Paano si Merida, Ate?" tanong ni Ariella.
"Iwan niyo na muna siya diyan. Ako na ang bahala sa kan'ya mamaya. Paki-lock na rin muna ng pinto." Pagnguso ko sa main door na naka-bukas pa rin. Agad namang tumayo si Ariella para gawin ang inutos ko.
Hahakbang na sana ako papunta sa kuwarto ko nang maramdaman kong mag-vibrate ang cellphone ko mula sa bulsa ng palda ko.
"Jul, pakikuha naman ng phone sa bulsa ko, please," paki-usap ko sa kapatid ko dahil hawak ko si Tate. Tumayo naman agad si Julian at kinuha ang cellphone ko.
"Ate, si Mama!" masayang sabi niya.
Napatango ako. "Paki-sagot, please? Ihihiga ko lang si Tate sa kama. Thank you."
"Sige, Ate."
Naglakad na ako papaalis nang sagutin ni Julian ang tawag ni Mama.
"Mama!" masayang pagbati ni Julian.
"I-loud speaker mo, Jul!" excited na sabi ni Ariella at rinig ko ang pagtakbo niya. Mukhang lumapit siya kay Julian.
"Kumusta na kayo, mga anak?" rinig kong tanong ni Mama nang pumasok ako sa kuwarto namin. Bakas sa tono ng boses niya ang pagkasabik at tuwa na maka-usap ang mga kapatid ko.
"Okay naman po kami, Mama! Ma, highest kami pareho ni Julian sa exam!" pagbibida ni Ariella.
"Totoo po 'yon, Mama!" pagsang-ayon naman ng bunso namin.
"Wow! Ang gagaling naman ng mga anak ko!" bakas ang tuwa sa boses ni Mama.
Napalunok ako habang maingat kong binababa si Tate. Dalawang beses nang tinawag ni Mama ang mga kapatid kong 'anak' ngayon, samantalang ako ay hindi ko na maalala kung kailan niya ako huling tinawag na anak.
Proud din silang nag-ku-kuwento sa achievement nila kay Mama at nakukuha nila ang deserve nilang marinig mula sa kan'ya. Nakukuha nila ang tamang appreciation mula kay Mama. While in my case . . .
Napailing na lang ako at pinilit na winala ang naiisip. Ayokong mag-selos sa mga kapatid ko at ayokong lumayo pa ang loob ko kay Mama.
"Miss ka na namin, Mama!" ani Julian.
"Miss ko na rin kayo!"
Umupo muna ako sa kama at kinumutan si Tate. Mamaya na lang siguro ako lalabas. Mag-usap muna silang mag-iina.
"Kailan ka po uuwi, Mama?" tanong ni Ariella.
"Secret."
"Sa moving up po ba ni Ate Shi, Mama?" tanong ni Julian.
Nanlaki ang mga mata ko. Nahihiya nga akong tanungin si Mama tungkol diyan, eh! Bakit ba ang tapang-tapang ng bunso namin?
Natawa si Mama. "E 'di hindi na secret kung sasabihin ko? Nasaan ba ang Ate Shi ninyo?"
"Nilagay niya po sa kama si Tate, Ma," sagot ni Ariella.
"Hmmm. Kumusta naman ang Lola niyo?"
"Lola pa rin po, Ma!" pamimilosopo ni Julian.
Sabay pa kaming natawa ni Mama. Maloko rin 'to minsan, eh.
Humugot muna ako nang malalim na hininga bago ito mabilis na pinakawalan at tumayo na saka lumabas ng kuwarto.
Naka-upo na pala sa sofa sina Julian at Ariella. Nasa hita rin ni Ariella si Merida at mahibing nang natutulog. Saan ko kaya siya ilalagay?
Napatingin sa akin si Julian. "Ma, nandito na si Ate!" anunsyo niya.
"Ibigay mo na sa ate mo ang cellphone, bunso. May pag-uusapan lang kami," utos ni Mama na agad namang sinunod ng kapatid ko.
"Maghugas na kayo at matulog na," pag-uulit ko sa utos ko kanina, tumango naman sila pero nauna na si Julian na pumasok sa banyo. Ini-off ko ang loud speaker bago ko tinapat ang cellphone sa tainga ko.
"Hello, Ma?"
Naglakad ako papalabas ng bahay dahil mukhang pagagalitan niya ako. Tumingala ako at kahit papaano ay napanatag ang loob ko nang makita ko ang mga bituing nakakalat sa madilim na kalangitan. Idagdag mo pa ang preskong simoy ng hangin na sumasalubong sa akin.
"Nakuha mo na ba ang padala ko?"
Nanlaki ang mga mata ko. Shoot! Nakalimutan ko!
"Uh, hindi pa po, Ma. Bukas ko pa po kukunin. Sakto at mag-g-grocery din po ako ng stocks namin dito sa bahay."
"Hmmm. Sige."
Kumunot ang noo ko. Akala ko ay magagalit siya. Mukhang wala naman pala dapat akong ikatakot.
"Kailan ang moving up niyo?"
Nanlaki ang mga mata ko at hindi ko mapigilan ang pag-usbong ng tuwa mula sa puso ko. Napakagat ako sa labi para pigilan ang pag-ngiti.
"Sa April 1 po, Ma." Bakas ang tuwa sa boses ko.
"Okay."
"Pupunta po kayo, Ma?" Kahit na itago ko ay nakatakas pa rin ang excitement sa tono ng boses ko.
"Hmm. Tignan ko kung makaka-bakasyon ako."
Kahit na hindi sigurado ay masaya na akong malaman na may balak siyang um-attend. Napangiti ako at tumango kahit hindi naman niya kita.
"Sige po, Ma."
"Sige na. Magpahinga ka na rin. Bye na, Shi. Alagaan mong mabuti ang mga kapatid mo at si Tate, ha?"
"Opo, Mama. Ingat po kayo diyan."
Agad niyang binaba ang tawag. Napabuntong-hininga ako at tumingala sa mahigawang kalangitan. Mahiwaga talaga ito dahil hinahayaan niya akong maging mahina sa mga oras na ito.
Binulsa ko ang cellphone ko at nagpasyang maglakad-lakad muna sa kanto. Hinayaan ko lang na dalhin ako ng mga paa ko kung saan nito gustong pumunta. Maliwanag naman ang daan dahil sa mga lamp post at mga ilaw din ng bahay.
Nakatingala akong naglalakad dahil nabibighani talaga ako sa ganda ng mga tala.
Malungkot akong napangiti nang hinayaan kong maglakbay ang isip ko.
Kung tatanungin ako ni Mama kung kumusta ako? Siguro ang isasagot ko, 'pagod na ako, Ma, pero lalaban pa rin ako para sa atin'.
Kung sa achievements naman, siguro iku-kuwento ko sa kan'ya kung paano ko na-overcome yung takot ko sa mga aso. Sasabihin ko rin na sumali ako sa chess noon pero natalo ako kasi hindi naman ako magaling. Sasabihin ko rin na matataas ang score ko sa exams namin pero pasado lang lagi sa Math. Na with honor ako mula first hanggang third grading.
Pero imposibleng masabi ko sa kanya 'yan na hindi ako nakakatanggap ng disappointment at pag-i-expect pa ng higit.
Bakit kasi hindi na lang niya ako tratuhin gaya nina Julian at Tate? Makontento siya sa kung ano'ng nakamit ko at maging proud siya sa akin?
Masyado bang mahirap kung gano'n ang trato niya sa akin?
Masyado bang mahirap para kumustahin niya ako kahit minsan lang?
Napabuntong-hininga ako at napatingin sa harapan ko nang marinig ko ang mahihinang tunog ng gitara. Nakakakalma ito gaya ng mga tala sa kalangitan.
Nakarating na pala ako sa playground dito sa amin at nagulat ako nang makita ko si Eulcrist na naka-indian sit sa damuhan at nakapatong sa hita niya ang kan'yang itim na gitara habang nakapikit siyang tumutugtog.
Sobrang payapa niyang pagmasdan. Nagpasya muna akong panoorin siya mula sa anim na metrong pagitan namin. Nakasuot siya ng puting hoodie at itim na shorts. Ang ilaw na nanggagaling sa lamp post ay tumatapat sa kalahati lang ng mukha niya kaya mas nadepina nito ang may kahabaan niyang pilikmata at matangos niyang ilong, maging ang perpektong hugis ng kanyang panga.
Bumilis ang pagtibok ng puso ko. Kakaiba talaga ang taglay na kaguwapuhan ni Eulcrist lalo na kung seryoso ang mukha niya habang ginagawa niya ang bagay na mahal na mahal niya: ang pagtugtog ng gitara.
Nang tumagal ay natanto kong 'Leaves' by Ben & Ben ang kanyang tinutugtog.
Dahan-dahan akong lumapit at nang tumabi ako sa kan'ya ay saka lang niya minulat ang mga mata niya bago niya ako nilingon para magtama ang paningin namin. Tumigil na rin muna siya sa pagtugtog ng gitara.
Ngumiti siya dahilan para magpakita ang dimple niya sa kaliwang pisngi. Ang cute talaga ng dimple niya.
"Bakit ka nandito?" tanong niya sa paos at malalim na boses.
Napalunok ako. "Ikaw? Bakit ka nandito? Saka hindi ka man lang nagulat na nandito ako?"
"Na-amoy na kita kanina, eh."
Natawa ako. "Paano kung hindi naman pala ako ang dumating? Eh 'di yari ka?"
Mahina siyang tumawa bago umiling. "Ikaw lang ang amoy vanilla na may halong amoy ng sunsilk na green, Shi."
Ngumisi ako. "Alam na alam, ah!" pagbibiro ko.
"Syempre may ilong ako," pamimilosopo niya.
Agad ko siyang mahinang sinuntok sa braso. Umiwas naman siya habang tumatawa. "Bakit ka nga nandito?" tanong ko.
Umayos siya ng upo bago niya sinandal ang katawan niya sa akin saka siya bahagyang lumingon sa gawi ko kaya halos magkalapit na ang mga mukha namin. "Wala, gusto ko lang ng katahimikan. Ikaw, bakit ka nandito?" tanong niya habang nakatingin siya sa mga mata ko.
"Same lang din."
Natahimik kami saglit at nagtitigan lang kami.
"Ayos ka lang ba?" sabay naming tanong sa isa't isa kaya sabay din kaming natawa.
"Ikaw muna," sabay ulit naming sabi kaya mas napahalakhak pa kami.
"Pero ikaw muna, Eul," saad ko habang tumatawa pa rin siya.
"Pasandal, ha?" pagpapaalam niya. Tumango ako at saka niya lang ipinahinga ang kanyang ulo sa kanang balikat ko. Nakatuon ang kaliwang kamay ko sa damuhan bilang suporta para hindi kami matumba.
Tinaas ko naman ang kanang kamay ko at pinaglaruan ang malambot na buhok ni Eulcrist. Medyo humaba na naman ito at kailangan na niyang magpagupit.
"May nangyari ba?" mahinahon kong tanong.
Niyakap niya ang kan'yang gitara bago siya tumango sa balikat ko. Tumigil ako sa paglalaro ng buhok niya at nilagay ang kamay ko sa balikat niya at marahan iyong tinapik.
"Sabihin mo na. Makikinig naman ako."
Bumuntong-hininga siya at mas lalo pang sumandal sa balikat ko. Napatingin ako sa kan'ya at nakapikit na ang kan'yang mga mata. Nagpipigil na naman siyang umiyak. Gan'yan si Eulcrist tuwing mabigat ang damdamin niya. Pumipikit siya para walang luhang mangahas na mamuo at tumulo.
"Napag-usapan kasi namin kanina ni Nanay kung ano'ng kukunin kong strand. Kaya sabi ko, HUMSS," panimula niya.
"Hmmm," tugon ko para magpatuloy siya.
"Hanggang sa na-topic na namin ang college at kursong kukunin ko. Matagal naman na nilang alam na psychology talaga ang gusto ko . . ." pumiyok ang boses ni Eulcrist sa huli kaya ako ang tumapos sa sinasabi niya. "Kaso ayaw ni Tita?"
Tumango siya sa balikat ko habang nanatiling nakapikit. "Wala naman daw akong makukuha roon na trabaho. Ilang beses akong nag-explain na mali siya at pinaintindi ko na marami naman akong puwedeng maging trabaho kung sakaling hindi pa ako mag-aaral sa med school para maging psychiatrist. Kasi syempre kailangan ko munang mag-ipon ng pang-aral ko. Kaso mukhang hindi siya kumbinsido, eh. Gusto niya talagang mag-isip ako ng ibang kurso . . ." Bumuntong-hininga siya pagkatapos ng mahabang sinabi.
Napabuntong-hininga na rin ako. Bakit hindi na lang siya suportahan ni Tita Wendy? Malaki naman ang tiwala ko kay Eul na kayang-kaya niya 'yon, eh. Sigurado ring makakakuha agad siya ng trabaho kung sakali man dahil sa taglay niyang katalinuhan. Buti nga siya eh, may plano na sa buhay. Ang tanging gagawin niya lang ay tuparin ang pangarap niya.
Eh paano naman akong wala pang plano sa buhay? Nakikisabay lang sa agos ng panahon.
"Pero susundin mo ba si Tita?"
Tuluyan na siyang nagmulat at umalis mula sa pagkakasandal sa balikat ko para maharap niya ako. Malungkot ang mga mata niyang nakatingin sa akin pero bakas doon ang determinasyon. "Hindi. Ipapakita ko sa kan'ya na mali siya at tama ako."
Napangiti ako. "Gan'yan nga. Tama 'yan! Naniniwala akong kaya mo 'yon, Eul!"
Napangiti na rin siya. "Salamat, Ciela."
"Lagi para sa 'yo, Eul."
"Ikaw, kumusta ka na?" tanong niya habang nakatingin sa mga mata ko.
Tipid akong napangiti. "Kanina pagod pero ngayon ayos na."
Napatango siya. "Eh . . . 'yung sugat mo?" nag-aalinlangan niyang tanong.
Nanlaki ang mga mata ko. Nakita niya? Paano? Eh, maayos ko namang tinago 'yon.
"H-Ha? Ano'ng sugat?" pagmamaang-maangan ko.
Nilagay niya sa tabi ang kan'yang gitara. Ilang segundo siyang tumitig sa mga mata ko bago siya bumuntong-hininga at lumapit sa akin. Napatigil ako sa paghinga nang sobrang magkalapit na ang mukha namin sa isa't isa. Naamoy ko tuloy ang amoy mint niyang hininga at ang panlalaki niyang pabango. Dahil doon ay mas lalo akong nanghina na hindi ko na nagawang manlaban pa nang abutin niya ang nakatuon kong kaliwang kamay at muntik pa akong mapahiga sa damuhan kung hindi niya ako sinuportahan sa likod gamit ang kaliwang braso niya. Bumilis ang pagtibok ng puso ko habang hawak niya ang kaliwang kamay ko.
Hindi na ako nanlaban pa nang tinanggal niya ang scrunchie sa palapusuhan ko at agad na bumungad sa amin ang nakadikit na band-aid sa sugat ko.
Tinitigan niya iyon nang matagal bago siya nag-angat ng tingin sa akin. "You don't deserve this, Ciela," seryosong aniya.
Napalunok ako at walang masabi. Muli niyang binaba ang paningin niya sa kamay ko bago niya marahang sinundan ang guhit ng band-aid gamit ang kan'yang hinlalaki. Tila kinukuryente iyon papunta sa likuran ko.
"Hindi mo naman kailangang saktan ang sarili mo, eh . . ." marahang sabi niya bago siya tumitig sa mga mata ko. Namuo ang luha sa mga mata niya kaya nag-iwas ako ng tingin.
"Hindi mo kailangang mag-sarili sa mga naiisip at mga problema mo, Shi, dahil nandito naman ako."
Tumango ako. "Kaya ko pa naman."
"Kaya mo? Ganito pala para sa 'yo ang 'kaya mo pa'? Shi, hindi ka naman nag-iisa—"
"Pero gano'n ang pakiramdam ko, Eul," singit ko. "Pakiramdam ko mag-isa lang ako. At kaya ko naman . . . pero ang kapalit no'n ay saktan ko ang sarili ko para makahinga ako. Para makaramdam ako ng sakit dahil namanhid na ako sa sobrang paghihirap na pinagdaraanan ko. Alam ko naman na nandyan kayo para sa akin pero ayokong masanay. Ayokong dumepende sa inyo. Kasi natatakot akong maiwan . . . Ayoko nang maiwan, Eul . . ." basag ang boses kong sabi at hinayaan kong tumulo ang luha sa pisngi ko.
Binitawan niya ang kaliwang kamay ko para mapunasan niya ang luha sa pisngi ko. "Walang masama sa paghingi ng tulong, Shi. Alam kong kaya mo pero huwag naman sanang umabot sa puntong sinasaktan mo ang sarili mo para maging okay ka kasi hindi ka magiging okay kung gan'yan ang ginagawa mo. Hindi 'yan ang solusyon, Shi. Hindi naman kita iiwan, eh. Nandito lang ako lagi," seryosong aniya.
Bumaba ang tingin ko sa kaliwang kamay ko. Marahan naman niyang nilagay sa likod ng tainga ko ang mga buhok kong tumatakip sa mukha ko.
"Kung naguguluhan ka, sabihin mo sa akin para sabay nating intindihin ka. Kung gusto mong umiyak, handa akong yakapin ka. Kung gusto mo ng tagapakinig, makikinig naman ako kahit abutin pa tayo ng umaga. Kung gusto mo ng advice, sige pag-iisipan ko ang mga salitang dapat na marinig at kailangan mo. Huwag lang 'yong ganito, Shi. Hindi ko kaya . . . Hindi ko kaya . . ." Umiiyak niyang paki-usap bago niya ako tuluyang kinulong sa mga bisig niya.
Sinandal ko ang ulo ko sa balikat niya at niyakap din siya pabalik bago ko tuluyang hinayaan ang sarili kong umiyak.
"Sorry . . ." bulong ko habang umiiyak.
Hinagod niya ang likod ko saka niya ito marahang tinapik. "Basta mangako kang hindi mo na uulitin 'yan."
Tumango ako. "Pangako. Magsasabi na ako sa 'yo, Eul. Basta mangako ka rin na hindi mo ako iiwan."
"Bakit naman kita iiwan? Walang iwanan dito, Shi. Ang laban mo ay laban ko rin."
"At ang laban mo rin ay laban ko, Eul."
Hindi ko alam kung gaano kami katagal na magkayakap. Pero habang umiiyak ako kanina ay naririnig ko si Eulcrist na bumubulong pero hindi ko masyadong maintindihan.
"Ano 'yung binubulong mo kanina, Eul?" tanong ko habang naglalakad na kami pauwi.
Suot ko ang hoodie niya dahil malamig na. Suot ko pa rin kasi ang manipis kong uniform. Hindi ko alam kung ano'ng oras na, tinatamad naman akong tignan ito sa cellphone ko. Pero sigurado akong malalim na ang gabi.
Tahimik na ang paligid at tanging kuliglig lang ang maririnig. Mas lalo ring kuminang ang mga tala sa kalangitan dahil mas madilim na ngayon. Maging ang buwan ay mas lumiwanag din.
Nasa kaliwa ko naman si Eulcrist na bitbit ang kanyang gitara. Tumingin ako sa kan'ya dahil ang tagal niyang sumagot. Naramdaman niya siguro ang pagtitig ko kaya nilingon niya ako.
"Nananalangin ako para sa atin," sagot niya.
Napangiti ako. "Talaga?"
Tumango siya. "Yeah. Sa mga panahong ganito, kailangan natin ang tulong Niya . . . So, please, don't you ever forget Him, Ciela."
Napangiti ako bago tumango. "Syempre naman."
Napangiti rin siya. "Good."
Nang bumalik ang paningin niya sa harap ay lihim akong napangiti. Sobrang bait ni Eulcrist na nakakahiyang murahin siya. Mukhang nasa kan'ya na nga ang lahat, eh.
Hay, Eulcrist. Swerte ko naman sa 'yo at naging best friend kita.
"Wait . . . May aso na kayo?" gulat na usal ni Eulcrist pagkapasok namin sa bahay at bumungad sa amin si Merida na mahimbing na natutulog sa basahan na nasa salas.
Ngumiti ako at tumango sa kan'ya. "Na-overcome ko na 'yung takot ko sa aso, Eul!" proud kong sabi sa kan'ya.
Napangiti siya. "Woah . . . Paano?"
Kinuwento ko sa kan'ya si Euan at kung paano niya ako tinulungan na ma-overcome ang takot ko sa aso. Hindi ko nga lang sinali sa kuwento ko na nakita ni Euan ang sugat ko at ang tungkol sa pamilya niya. Masyadong mabigat kasing sabihin at hindi ko naman iyon kuwento para sabihin sa iba.
"Sobrang bait niya, Eul! Binigay pa talaga niya sa akin si Merida. Si Ariella pa ang nagpangalan sa kan'ya kanina," natutuwang pagkuwento ko.
"Talaga?"
Tumango ako.
"Ano'ng itsura niya baka kilala ko?"
Napanguso ako at inisip si Euan. "Hmmm. Matangkad, moreno, medyo chinito, at basta, gwapo siya," nakangiti kong sagot.
"Close na kayo?"
"Medyo. Sana nga maging close din kami, ang bait niya kaya! Saka marunong din siyang mag-gitara! Saka masaya siyang kasama."
Napanguso si Eulcrist. "Ah. Ganon ba? Sana nga maging close kayo. Sige na, Shi. Alis na ako."
Agad siyang tumalikod at nagmadaling lumabas sa bahay. "Teka, Eul! 'Yung hoodie mo!"
"Sa 'yo na," aniya at mas binilisan pa niyang maglakad papaalis.
Ano'ng problema no'n?
"Ingat ka!" sigaw ko at nagbabaka sakaling narinig niya ako.
Bakit kaya 'yon?
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro