Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

17

"Nabanggit sa 'kin ng kuya mo kahapon na palagi ka na raw ginagabi sa pag-uwi. Saan ka ba nagsususuot, Shi?" nagtatakang tanong ni Lola habang abala akong nagluluto ng ulam namin pang umagahan at baon na rin namin.

Bahagya akong napatigil sa pagbabaliktad ng ham. Kaya ba masyadong maagang dumating si Lola ngayon para tanungin niya ako kung bakit ako ginagabi? Dati naman kasi ay alas-siyete o alas-sais siya dumarating, pero alas-kwatro y medya pa lang ng madaling araw ngayon ay nandito na siya.

Isang linggo na ang lumipas simula noong nagtrabaho ako kila Auntie Cleo, ang may-ari ng 'Mami Cleo'. Mabait si Auntie Cleo, napatunayan ko 'yan no'ng unang sahod ko no'ng Linggo. Akala ko ay limang daan lang ang sweldong matatanggap ko pero binigyan niya ako ng triple pang halaga sa inaakala ko. Sobrang laking tulong na 'yon para sa amin kaya nangako ako sa sarili ko na mas pag-iigihin ko pang magtrabaho. Kaya ang resulta ay ginagabi ako sa pag-uwi dahil tumutulong din ako minsan sa paglilinis ng mamihan.

"Shi, bakit ka ginagabi? Nagbibisyo ka na rin ba?" nagtitimping tanong ni Lola. Mukhang malapit na siyang magalit kapag hindi pa ako sumagot.

Napahugot ako ng malalim na hininga bago ito mabilis na pinakawalan. Wala sana akong balak na sabihin sa kanilang nagtatrabaho ako pero ayoko namang magsinungaling kay Lola dahil alam kong malalaman at malalaman pa rin naman niya ang tungkol dito. Ayoko rin naman na paghinalaan niya ako ng masama dahil para naman sa ikabubuti ng lahat ang ginagawa ko.

"Hindi po ako nagbibisyo, 'La," kalmadong sagot ko at tiningnan siya sa mga mata. Magkasing tangkad na kami ni Lola kaya madali lang para sa 'king harapin siya agad na hindi na kailangan pang tumingala.

Kumunot ang noo ni Lola Pearly. "Eh, bakit ka ginagabi kung gano'n? May boyfriend ka na ba? Si Eulcrist ba?"

Agad akong napahalakhak kasabay nang pagharap ko sa niluluto ko para hanguin dahil luto na ito. "Joker ka na pala ngayon, Lola," saad ko sa pagitan ng mga tawa ko.

Pinatay ko ang stove bago ako nagtungo sa lamesa at pinatong doon ang plato kung saan nakalagay ang niluto kong ham. Umupo ako sa kabisera at nakihigop sa kape ni Lola. Seryoso pa rin ang mukha ni Lola nang maupo siya sa tabi ko.

Tumigil na ako sa mahihinang pagtawa ko bago masuyong inabot ang kamay ni Lola na nakapatong sa lamesa.

"Lola, wala po akong bisyo at mas lalong wala po akong boyfriend . . . Trabaho po ang meron ako," mahinahong sabi ko.

Nanlaki ang mga mata ni Lola. "Ano?! Jusmiyo! Bakit ka nagtatrabaho?" gulat na tanong ni Lola. "Nag-aaral ka pa ba?"

Tumango ako. "Oo naman po, 'La. Syempre nag-aaral pa rin po ako nang mabuti. Don't worry," sagot ko at ngumiti sa kan'ya pero hindi pa rin nawawala ang kunot sa noo ni Lola.

"Eh, bakit ka nga nagtatrabaho? At saan ka naman nagtatrabaho? Ano'ng trabaho mo?" usisa ni Lola.

"'La . . . Huwag ka pong magagalit, ha?" parang kinakabahang saad ko ngunit wala akong nakuhang tugon mula sa kan'ya. "Sumasayaw po ako sa bar . . ." seryoso ang tono ng boses kong sagot ngunit agad akong napahalakhak nang biglang bumulong ng dasal si Lola.

"Joke lang, 'La!" huling sabi ko bago ako bumunghalit sa pagtawa.

Tumalim ang tingin niya sa 'kin. "Hindi magandang biro 'yan, Ciela."

"Sorry na, 'La. Si Lola naman hindi na mabiro," natatawang suyo ko sa kan'ya bago siya binigyan ng pandesal ngunit tinanggihan niya ito. Talagang hindi siya kakain hangga't hindi niya nalalaman ang dapat niyang malaman.

Humigop muna ako ng kape bago tuluyang sinagot ang mga tanong ni Lola. "Seryoso na 'to, 'La. Nagtatrabaho po ako sa mamihan ni Auntie Cleo. Taga-hugas po ako ng mga pinggan doon. Saka mataas pong magpasahod si Auntie. Naisip ko kasing mas maganda kung may trabaho ako para kahit na ma-delay ang padala ni Mama, may pera akong ipambibili ng pagkain namin," mahabang paliwanag ko.

Bumuntong-hininga si Lola. "Hindi mo naman kailangan magtrabaho, Shi. Puwede ka namang humiram sa 'kin."

Umiling ako. "Nakakahiya, 'La. Hindi pa nga po kita nababayaran sa inutang namin noon. Saka, Lola, kaya ko naman pong pagsabayin lahat."

"Mahihirapan ka, apo. Ayos lang naman sa 'king umutang ka ulit. Walang kaso iyon."

Ngumiti ako sa kan'ya. "Mahirap, 'La, pero kaya ko naman po. Saka gusto ko rin po kasing matutong kumita ng pera sa sarili kong sikap. Para kung may gusto man akong bilhin hindi ko na kailangan pang humingi kay Mama at bawasan ang dapat na pera ng mga kapatid ko."

"Sigurado ka na ba diyan, apo?" tanong ni Lola habang diretsong nakatingin sa mga mata ko.

Tumango ako sa kan'ya. "Opo, Lola. Pero secret lang po muna natin, ha?"

Kumunot ang noo ni Lola. "Bakit naman?"

"Alam ko po kasing 'pag nalaman ni Mama 'to. Pahihintuin niya ako sa pagtatrabaho. Eh, gusto ko lang naman pong tumulong," paliwanag ko.

Tumango na rin si Lola. "O s'ya sige. Basta kung hindi mo na kaya, tumigil ka na, ha? Huwag mong pahirapan ang sarili mo, Shi."

Ngumiti ako at saka tumango. "Opo, Lola."

Matapos ang usapan namin ni Lola ay nagtungo na ako sa mga kuwarto nina Ariella at Julian para gisingin sila at para makapaghanda na silang pumasok.

Una kong pinuntahan ay si Julian. Mahimbing pa rin ang tulog nito at nakayakap kay Tate.

Marahan kong tinapik ang balikat niya.

"Juli," mahinang sabi ko dahil baka magising din si Tate.

"Julian . . ." pagtawag ko at ilang beses na tinapik ang balikat niya hanggang sa magising siya.

"Ate?" tanong niya habang kinukusot ang mata niya.

"Gising na. May pasok tayo ngayon."

Humihikab siyang tumango bago umupo. Kinumutan muna niya si Tate bago siya bumaba sa kama. Napangiti ako, ang sweet naman ng little tito na 'to.

"Kakain ka muna o maliligo?" tanong ko kay Julian nang makalabas kami.

"Ligo muna, Ate," sagot niya.

Tumango ako. "Maligo ka nang mabuti."

"Opo," sagot niya bago tumakbo sa pinagsasampayan namin ng mga tuwalya.

Tinuruan ko naman siyang maligo nang mabuti kaya tiwala akong malinis siya mamaya.

Sunod kong pinuntahan si Ariella. Bukas ang ilaw sa kuwarto niya dahil takot siya sa dilim. Pinigilan kong matawa nang nahulog na sa sahig ang mga kumot at unan niya habang siya ay parang star na nakahiga sa kama niya.

Pinulot ko muna ang mga kumot at unan niya at pinatong ito sa kama niya, saka ko tinapik ang paa ng bata.

"Ella, gising na. Ma-le-late na tayo," medyo nilakasan ko ang boses kong sabi pero tulog pa rin ang bata.

"Ariella," pagtawag ko.

Nagbago lang siya ng puwesto at dumapa na sa kama.

Tinapik kong muli ang paa niya. "Ariella, gising na!"

"Hmm . . ." tugon lang niya.

Pinakamahirap talagang gisingin si Ariella sa umaga. Napabuntong-hininga ako.

"Ariella, gising na! Tanghali na!" mas nilakasan ko pa ang boses kong paggising sa kan'ya.

"Hmmm . . . Hmmm . . ." tanging sagot niya.

Lumipat ako ng puwesto bago niyugyug ang balikat niya. "Gising na, Ella. Papasok ka ba o hindi?"

"Hmmm . . . Papasok."

"Naman pala. Gising na at kumain ka na."

Minulat muna niya ang mga mata niya bago siya tahimik na bumangon at nagtungo sa kusina. Sumunod na rin ako sa kan'ya.

Nagmano muna siya kay Lola pagkarating namin sa lamesa bago siya sumandok ng pagkain niya.

Natapos kaming kumain ay tapos na ring magbihis si Julian at ngayon ay kumakain na ito sa hapag kasama si Lola. Si Ariella naman ay inutusan ko nang maligo.

Pinapanood kong kumain si Julian habang hinahanda ko ang baon naming tatlo para sa lunch. As a four-year-old boy I can say that's he's more mature than his age. Hindi siya kagaya ng ibang bata na pa-baby. Bata pa lang siya pero parang kaya niya nang tumayo sa sarili niyang paa.

Nagulat nga ako kahapon dahil siya raw ang naghugas ng mga pinggan. Nalaman ko 'yan dahil siya mismo ang nagkuwento sa 'kin. Hindi siya inutusan, siya mismo ang kusang gumawa.

Napakasipag na bata. Kung siguro alam niyang magluto ay siya na ngayon ang nagluluto pero ayoko pa siyang turuan dahil masyado pa siyang bata. Gusto ko munang enjoyin niya ang pagiging bata niya at huwag akong gayahing kinalimutan na ang pagiging bata para tumayong ina sa kanila.

Gano'n din kay Ariella. Pero ngayong grade 3 na si Ariella tinuturuan ko na siyang maglinis ng bahay, magsaing, at magprito ng itlog. So just in case na wala pa ako sa bahay, may kakainin sila.

Sobrang bata pa nila pero hindi naman porke bata sila ay hindi na dapat sila matuto sa mga gawaing bahay. Mas maigi na rin sigurong maaga silang matuto para hindi sila kawawa pagtanda nila. Para kung wala ako kaya na nila ang sarili nila.

"Ate, magbabayad pala kami ng twenty para sa monthly dues namin," ani Ariella habang nakasakay kami ng tricycle papunta sa school.

Hindi namin kasama si Julian dahil si Lola ang maghahatid sa kan'ya. Sa kabilang baranggay pa kasi siya pumapasok. Sabi kasi ni Lola ay mas maganda raw doon dahil mas natututukan ang mga bata sa pag-aaral. Kaya hanggang tanghali sina Lola at Tate doon na nakatambay at hinihintay si Julian na matapos ang klase niya.

Humugot ako ng twenty pesos sa bulsa ng palda ko at binigay kay Ariella. "Sa monthly dues 'yan, ha. Hindi pambili ng laruan o junk foods," bilin ko. Hindi ko kasi sila pinapabaunan ng pera. Biscuit at juice lang para sigurado akong mabubusog sila sa baon nila.

"Yes, Ate."

Tumango ako. "Ikaw ba ang nagluluto ng dinner niyo nina Julian mula no'ng last week hanggang kagabi?" tanong ko.

Matagal ko nang binabalak tanungin 'yan kay Ella pero hindi ako makatiyempo, ngayon lang. Nagtataka kasi ako dahil hindi naman sila nagrereklamo na nagugutom sila sa gabi tuwing umuuwi akong late na. Kaya alam kong may nagluluto ng dinner nila, hindi ko lang alam kung sino.

Umiling si Ariella. "Si Kuya Nehem, Ate."

Bahagyang umawang ang labi ko. "Talaga?"

Tumango si Ariella bago kumunot ang noo niya. "Why, Ate? Bakit parang weird na si Kuya ang nagluto ng dinner for us?"

Weird talaga Ella dahil ngayon lang naman niya 'yan ginawa. Sagot ko sa isip ko pero tumawa na lang ako bago umiling.

"Hindi naman. Nagulat lang ako," sagot ko na lang.

"Bakit, Ate?" usisa pa ng bata.

"Wala," sagot ko bago pekeng tumawa.

Nagtataka pa ring nakatingin sa 'kin si Ariella pero hindi na siya nagtanong pa. Buti na lang.

Nang makarating kami sa school ay binilin ko sa kan'yang mauna na siyang umuwi dahil gagabihin ulit ako. Binilin ko rin na sabay nilang gawin ni Julian ang mga assignment nila sa hapon at iwan muli nila ito sa kuwarto ko para ma-check ko pagka-uwi ko. Sumang-ayon naman sa 'kin si Ella. Mabuti na lang talaga at matatalino ang mga kapatid ko. Hindi ko na problema pa ang mga assignment nila, maliban nalang kung sobrang hirap nito para sa kanila.

"Kends, pahinging glue stick!" sigaw ko mula sa likuran nang maubos na ang glue stick sa glue gun.

"Wait!" tugon naman ng babae.

Umupo muna ako sa sahig at tumingala para pagmasdan ang dress na ginagawa ko. Patapos ko na ito. Dinidikit ko lang ang mga maliliit na bulaklak na ginawa ko. Pagkatapos ay 'yong mga butterfly naman sa palda.

Gawa sa dyaryo ang dress ko habang ang mga butterfly at bulaklak naman ay gawa sa puting magazine para makita ito. Hindi ko pa masasabing maganda ito dahil hindi ko pa naman tapos pero ang mga kaklase ko ay panay ang komento na maganda raw ito.

Abala kaming lahat ngayon sa pag-f-final ng isusuot namin bukas. Ang bilis ng araw. Parang kailan lang no'ng inanunsyo ni Sir na gagawa kami ng newspaper dress at ngayon ay huling araw na namin para tapusin ito.

Iilan lang kaming nandito sa room dahil ang iba ay piniling sa labas nila ito gawin dahil mas presko at mahangin. Pinili ko lang dito sa loob kahit na mainit dahil may saksakan para sa glue gun.

"Shi, ubos na pala!" sigaw ni Kendra mula sa harapan. "John, bili ka muna, oh!" pag-utos niya sa lalaki. Agad namang kinuha ni John ang pera mula kay Kendra bago niya kinaladkad si Eulcrist papalabas ng room para bumili.

"Shi, anong susuotin mong sandals bukas?" tanong ni Venna nang tumabi siya sa akin.

Sasagutin ko na sana siya nang maramdaman kong nag-v-vibrate ang cellphone ko sa bulsa ng palda ko. Hinugot ko ito para tignan kung sino ang tumatawag.

"Wait lang, Ven," saad ko bago sinagot ang tawag ni Mama.

"Bakit, Ma?" bungad ko.

"Wala ba kayong pasok?" tanong ni Mama. Siguro ay nagtataka siya dahil nasagot ko agad ang tawag niya.

"Meron po. Wala lang kaming lecture ngayon dahil tinatapos po namin yung newspaper dress namin. Bukas na po kasi ang last submission at bukas na rin po namin 'yon irarampa."

"Talaga? Patingin nga. Mag-send ka rin ng picture mo bukas, ha?"

"Sige po mamaya. Pagkatapos po natin mag-usap."

"Nga pala kumusta na ang mga kapatid mo?" tanong ni Mama.

I sighed when I heard that line again. Kailan ka ba masasanay, Ciela? "Ayos lang naman po sila. How about you, Ma?"

"I'm fine, Ciela. Gano'n pa rin pagod sa trabaho pero normal na 'to."

Same, mama.

"Rest day niyo po ngayon, 'di ba? Pahinga po muna kayo, Ma. Time out muna sa trabaho baka yumaman agad tayo," pagbibiro ko.

She laughs. "Naku! Sana nga. Oh! I almost forgot, nagpadala na pala ako ng pera, Shi. May sobrang five thousand doon, para sa 'yo 'yon, 'nak. Advance happy birthday!"

Napatakip ako sa bibig ko kasabay ng pagsikip ng dibdib ko, hindi dahil sa nasasaktan ako kun'di dahil sa labis-labis na tuwang nararamdaman ng puso ko ngayon.

"Girl, ayos ka lang ba? Bakit ka lumuluha? Sino 'yang kausap mo?" sunod-sunod na mahinang tanong ni Venna. Nakakunot ang noo niyang nakatingin sa 'kin.

Mahina akong natawa bago pinunasan ang mga luhang kumakawala sa mata ko. Umiling lang ako sa kan'ya.

Paanong hindi ako maiiyak sa tuwa kung ngayon ko lang ulit narinig na tinawag ako ni Mama na 'anak' at siya pa ang unang bumati sa akin kahit na bukas pa naman ang talagang kaarawan ko?

Parang gusto ko tuloy lumundag nang paulit-ulit kahit na mauntog ako sa kisame sa sobrang tuwa.

"Shi? Narinig mo ba ang sinabi ko?" tanong ni Mama nang hindi ako sumagot. Nakalimutan ko!

"Ah, opo. Thank you so much, Mama!" I said wholeheartedly.

"Hmm . . . sige na. Good luck sa performance niyo bukas and enjoy your day! Sige na, good bye na para matapos mo na ang dress mo. Ingat kayo ng mga kapatid mo diyan. Alagaan mo silang mabuti. Ikumusta mo na rin ako sa Lola mo."

Ngumiti ako kahit hindi naman kita ni Mama. "Opo, noted. Bye, Ma. Thank you po ulit!" paalam ko.

Nagpaalam muli si Mama at siya na mismo ang nagbaba sa tawag. Nakangiti pa rin ako nang humarap ako kay Venna at kinuwento sa kan'ya ang sinabi ni Mama.

Wala pa man ang birthday ko, pakiramdam ko ay kompleto na ito.

"Happy birthday, mahal kong Ciela!"

Nilayo ko agad sa tainga ko ang cellphone nang tumili si Ate mula sa kabilang linya. Pupungas-pungas akong napaupo sa kama. Tiningnan ko ang oras at eksaktong alas-dose na ng madaling araw.

Meaning, it's my birthday.

Obvious naman kung bakit tumawag si Ate.

Binalik ko ang cellphone sa tainga ko. "Thank you, Ate . . ." paos kong tugon.

"Sorry kung hindi ako makaka-uwi diyan, ha? Ang dami ko pa kasing hinahabol na requirements. Kahit na gusto ko talagang umuwi hindi puwede. Pasensya na talaga."

"Ayos lang, Ate. Uwi ka na lang kapag libre ka na," pahina nang pahina ang boses ko habang nagsasalita.

Tumawa si Ate. "Inaantok ka na nga talaga. Sige na, matulog ka na ulit. Usap na lang tayo kapag may time. Happy birthday, Ciela Serene! Mwah!" Magsasalita pa sana ako nang agad ding binaba ni Ate ang tawag.

Inaantok na talaga ako kaya pabagsak akong nahiga muli sa kama at tuluyan nang nagpalamon sa dilim.

"Ate Shi, gising na! Gising na, Ate Shi!"

Ramdam kong may dalawang pares ng maliliit na kamay ang humihila sa magkabilang paa ko. Ramdam ko ring may humihila sa kaliwang kamay ko.

Agad akong napadilat at sumalubong sa akin ang tatlong bulilit. Nasa paanan ko sina Ariella at Julian habang si Tate naman ay nakaupo sa tabi ko habang hawak-hawak ang kamay ko.

"'Sing na Tata!" anunsyo ni Tate kahit na obvious naman na na gising na ako dahil sa kanila.

Ang aaga naman ata nilang magising. Ano kayang kinain nila kagabi at mas nauna pa silang nagising kaysa sa akin ngayon?

"One, two, three," bulong ni Julian bago sila sabay-sabay na kumanta. Hindi ko napigilan ang sariling humagikhik. Bumilang pa talaga si Julian bago sila nagsimula.

"Happy birthday, Ate! Happy birthday, Ate! Happy birthday! Happy birthday! Happy birthday, Ate!" pasigaw na kanta nila habang pumapalakpak pa pero ramdam kong mula sa puso nila ito.

Umupo ako sa kama habang nakangiti sa kanila. "Thank you, mga bebe ko! Lapit nga kayo rito! Group hug tayo dali!" nanggigigil na aya ko sa kanila.

Ang c-cute nila!

Agad na lumapit sa akin si Tate at humalik sa pisngi ko bago yumakap. Sunod ay si Ariella at Julian.

"Thank you! Love na love ko kayo!" buong pusong sabi ko bago sila niyakap nang mas mahigpit pa.

"I love you too, Ate!" tugon ni Julian.

"Love you more, Ate!" si Ariella.

"Lablab, Tata!" tili ni Tate.

Natawa ako at mas hinigpitan pa ang yakap sa kanilang tatlo. Kung papipiliin man ako sa pagitan ng pera at sa tatlong 'to. Ang tatlong bulilit na ito pa rin ang pipiliiin ko dahil mas higit pa ang halaga nila sa pera.

Mula noong tumawag si Mama kahapon ay hindi na ata ako natapos sa pagpapasalamat sa mga bumabati sa akin.

Pagkapasok ko rin dito sa classroom kanina ay sinalubong ako ng mga kaklase ko ng kantang 'Happy birthday'.

Niyakap at binati rin ako nina Venna, Kendra, at John. Habang si Eulcrist naman ay hindi pa raw dumarating. Nasaan na kaya 'yon?

"Shi!"

Agad akong lumingon sa pintuan nang marinig ko ang boses ng lalaking kanina ko pa hinahanap. Ewan ko pero biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko.

Malalaki ang mga hakbang niyang papalapit sa akin. Basa pa at magulo ang kan'yang buhok pero imbes na magmukha siyang ewan ay mas nagmukha pa siyang bagong ligong prinsipe. Agaw pansin din ang suot niyang polo na uniform nilang mga lalaki dahil nakabukas ang tatlong butones nito sa itaas. Kung gwapo na siya sa lagay na 'yan, mas gumwapo pa siya habang hawak niya sa isang kamay ang itim na strap ng backpack niyang nakasabit sa kanang balikat niya habang hawak naman niya sa kabilang kamay ang kan'yang itim na gitara.

Sumenyas siya kay John na lumapit at nang makalapit ang kaibigan ay binigay nito ang kan'yang gitara at bag bago muling naglakad patungo sa akin.

"Happy birthday, Ciela Serene!" masayang bati ni Eulcrist at hindi na ako binigyan pa ng panahon para magpasalamat dahil kaagad niya akong mahigpit na niyakap!

Rinig ko ang hiyawan at tilian ng mga kaklase ko, unang-una syempre ang tatlo naming mga kaibigan.

Niyakap ko na rin pabalik si Eulcrist. Mas lalong lumakas ang hiyawan kaya natawa ako habang nakasandal sa dibdib niya. Ramdam ko rin ang paggalaw ng balikat ni Eulcrist kaya alam kong tumatawa siya.

"Tagalan pa natin?" bulong ni Eulcrist sa tainga ko. Halatang gustong-gusto niyang naghihiyawan ang mga kaklase namin.

At ewan ko kung ano ang sumapi sa akin dahil tumango ako bilang pagsang-ayon. Tumawa siya sa tabi lang ng tainga ko kaya napailag ako dahil nakikiliti ako. Habang magkayakap kami ay hindi ko mapigilang singhutin siya. Hindi na siya amoy Johnson's. Amoy panlalaking pabango na siya. Hindi masakit sa ilong at hindi rin nakakasawang amuyin. Ang bago niya!

"Tama na 'yan! Maawa naman kayo sa amin! Akala ko ba pamilya tayo rito!" awat sa amin ni John.

Sabay kaming humagalpak sa pagtawa ni Eulcrist kasabay nang pagbitaw namin sa yakap.

"Very good," ani John at tila nabunutan ito ng tinik sa lalamunan. Tinawanan lang namin siya hanggang sa napunta ang topic namin sa event mamayang hapon.

Dumating na nga ang pinakahinihintay naming lahat sa araw na 'to. Ang pagrampa namin habang suot ang ginawa naming newspaper dress sa quadrangle.

Kung noon ay puro excitement at paghanga lang ang nararamdaman ko tuwing nanonood kami ng mga grade 10 na rumarampa suot ang gawa nilang newspaper dress, ngayon ay pinaghalong kaba at excitement na ang nararamdaman ko dahil hindi lang ako manonood, kasali na rin ako sa mga rarampa.

Rinig sa buong quadrangle ang kantang 'I'm Alive' ni Celine Dion bilang background music sa mga rumarampa sa harapan. Kasisimula pa lang at matagal pa kami dahil kami ang pang-anim o panghuling section na rarampa. Sana naman ay mawala na ang kaba ko sa oras na ako naman ang rarampa.

Muli akong nanalamin sa glass door sa tabi ko. Ang gaganda ng mga kapwa ko babae, nahihiya ako sa hitsura ko.

I stared at my reflection again. My long hair was in a high ponytail and Kendra decided to curl the end of it. I am also wearing the exact newspaper dress that I planned and for the shoes . . . I am wearing ate Tali's old high heels and I decided to cover it with newspaper and put some small paper flowers on the wedge and one big butterfly on the strap beside my ankle.

Lastly, I stared at my face. Si Venna naman ang nagmake-up sa akin. The color of my eyeshadow was silver, then she also put some eyeliner and mascara on my eyelashes. Mas lalo tuloy nadepina ang pagka-chinita ko dahil sa eyeliner. Naglagay din siya ng konting blush-on sa pisngi ko bago ako nilagyan ng lipstick na light pink. The shade matches my heart-shaped lips perfectly.

"Ang ganda mo, Ciela."

Napatingin ako sa repleksyon ni Eulcrist na nasa tabi ko na ngayon. He's now wearing a suit made out of newspaper. Kahit ano yatang ipasuot sa lalaking 'to gwapo pa rin.

Nakatingin din siya sa akin sa salamin at may maliit na ngiting naglalaro sa kan'yang labi.

Tinaas ko ang isang kilay ko bilang pagtatanong habang nakatingin pa rin sa repleksyon niya sa salamin. "Totoo?"

Lumaki ang ngiti niya bago siya tumango. "Totoong-totoo."

Napangiti ako at humarap sa kan'ya. "Salamat!"

Nakangiti siyang tumango. "Galingan mo sa pagrampa. Ako ang may pinakamalakas na hiyaw mamaya."

Natawa ako. "Ikaw din! Galingan mo!"

"Naman!"

Totoo ngang ginalingan ni Eulcrist. Siya na ang rumarampa ngayon at ang lakas ng mga tili ng mga kababaihan sa quadrangle.

He's like a god that has been awakened the way he walks. Parang sa kan'ya ang mundo. It screams power and at the same time elegance. Puwedeng-puwede na siyang maging model. Huwag lang brief, please.

Natawa ako sa naisip.

Tumili muli ang mga kababaihan nang kumindat si Eulcrist nang makarating siya sa gitna at bahagya niyang sinuklay paitaas ang buhok niya gamit ang mga daliri niya bago niya ito hinayaang bumagsak ng kusa sa noo niya na mas lalong nagpaguwapo sa kan'ya. Ngumiti rin siya dahilan nang paglabas ng dimple niya sa kaliwang pisngi niya.

"Putangina! Ang guwapo!" tili ng isa.

Napangiwi at tawa ako dahil napamura pa talaga ito dahil sa kilig.

"Eulcrist, kung naghahanap ka ng pet na aso. I volunteer myself as a tribute! I can bark!" tili ng isang binabae naming ka-batch.

Halos sumakit na ata ang tiyan ko kakatawa sa mga sinisigaw nila makuha lang ang atensyon ni Eulcrist.

Natawa ako nang may naisip na kalokohan.

"Go, babi!" malakas kong sigaw. Akala ko hindi 'yon maririnig ni Eulcrist pero mali ako dahil agad siyang tumingin sa direksyon ko bago siya ngumisi at nag-flying kiss.

Naghiyawan ang mga kaklase ko at iba pang mga estudyante. Habang ang mga nasa harapan ko naman ay panay ang lingon sa akin na nakakunot ang noo. Siguro ay nagtataka sila kung sino ako.

Tumawa lang ako hanggang sa matapos na si Eulcrist.

"Good luck, babi!" pagtawag din sa 'kin ni Eulcrist sa tinawag ko sa kan'ya kanina nang ako naman ang susunod na rarampa.

Malakas ang kabog ng dibdib ko at mas pinagpawisan pa ang nanlalamig kong mga kamay at paa. Humugot muna ako nang isang malalim na hininga bago ko ito dahan-dahang pinakawalan.

Nang muling tumugtog ang music ay sinimulan ko na ring rumampa. Inisip ko na lang na walang tao at nasa bahay lang akong nag-pa-practice maglakad.

Tamang bagal at bilis lang ang ginawa ko. Nakatayong tuwid at taas noo. Sinigurado ko ring nakangiti ako.

Malakas ang hiwayan sa quadrangle kaya mas nagkaroon ako ng kumpyansa sa sarili at mas ginalingan ko pa ang pagrampa.

Nang matapos ako ay natanaw ko si Sir na nakangiti at pumapalakpak sa akin. Napangiti rin ako dahil alam kong mataas na ang makukuha kong grado mula sa kan'ya.

"Congratulations, Ciela!" bati ng mga kaklase ko nang inanunsyo ni Sir na ako ang may pinakamagandang gawa na newspaper dress. Sa mga lalaki naman ang nanalo ay ang nasa kabilang section. Masaya ako dahil nakatanggap pa ako ng price na five hundred pesos mula kay Sir.

"Thank you!" natutuwang tugon ko habang nag-aayos ng gamit ko. Nakapagpalit na ako ng damit kaya suot ko na muli ang uniform ko. ang newspaper dress naman na ginawa ko ay hiningi ni Sir dahil idi-display niya raw iyon sa museum. At bago ko pa man makalimutan ay ni-send ko na lahat kay Mama ang pictures ko ngayon.

Late na ako sa trabaho ko. Alas-sais pasado na, natagalan kami kasi ang dami talaga naming grade 10.

Ang daya nga kasi iniwan na pala ako ng apat kong kaibigan. Ni-hindi manlang sila nagpaalam sa akin. Humanda talaga 'yong mga 'yon sa Lunes.

"Bye!" paalam ko sa mga kaklase kong naiwan sa room.

"Bye, Ciela! Happy birthday ulit!"

"Thank you!" tugon ko bago kumaripas sa pagtakbo papalabas ng school at agad na sumakay ng tricycle papunta sa mamihan ni Auntie Cleo.

"Auntie, sorry nahuli ako! Natagalan kasi kami sa program namin. Sorry talaga promise hindi na po mauulit," paliwanag ko sa nakakunot noong ginang na nasa harapan ko habang sinusuot ko ang apron ko.

Napalunok ako nang hindi siya tumugon. Napahinto tuloy ako sa pagtatali sa tali ng apron.

Tumagal muna ang titig sa akin ni Auntie Cleo bago siya nagsalita. "Tanggalin mo na 'yang apron mo."

"Po?" gulat kong sabi. Tinuro niya ang apron ko habang seryoso ang mukha niya at mukhang galit siya.

Agad na nanubig ang mga mata ko at inabot ang kamay ni Auntie Cleo. "Auntie, please huwag niyo po akong tanggalin. Sorry po. Alam ko po nagpaalam ako pero hindi ko rin po kasi alam na mahuhuli ako ng pasok ngayon. Sorry po talaga. Mag-o-over time na lang po ako ngayon, huwag niyo lang po akong paalisin. . ."

Bumitaw ako kay Auntie Cleo para punasan ang luha ko. Ayokong mawalan ng trabaho. Malaking tulong 'to sa amin. At hindi ko na rin alam kung saan pa ako makakahanap ng trabaho na tumatanggap sa kagaya ko.

Nagulat ako nang bigla akong niyakap ni Auntie Cleo.

"Jusko dapat talaga ay si Linda na lang ang umacting. Hindi ko kayang pinapaiyak ka sa birthday mo, hija. Tahan na, hindi ka mawawalan ng trabaho," natatawang saad ni Auntie sa huli.

"Nakokonsensya tuloy akong pinaiyak kita," ani Auntie habang hinahagod niya ang likod ko. "Sorry, ha?"

Kumunot ang noo. Naguguluhan ako! Ano bang nangyayari?

"Dahil birthday mo ngayon hindi ka muna magtatrabaho," nakangiting saad ni Auntie Cleo nang bumitaw siya sa akin.

"Paano niyo po nalaman na birthday ko ngayon?" nagtataka kong tanong.

Ngumiti si Auntie Cleo. "Secret. Akin na 'yang apron mo, hija," aniya bago niya hinubad mula sa akin ang suot kong apron.

"Bago ka umuwi. Pakisabi kay Linda bumalik na siya rito at may iuutos ako."

"Nasaan po siya?"

"Nando'n sa dalampasigan. Nagmumuni-muni," natatawang saad ni Auntie Cleo.

Natawa rin ako. "Sige po. Thank you po, Auntie!"

"You're welcome, hija. Enjoy your day!"

Muli akong nagpasalamat sa kan'ya bago ko kinuha ang bag ko at lumabas na sa mamihan. Gaya ng utos ni Auntie pumunta nga muna ako sa dalampasigan.

Ngunit agad akong napahinto nang makita ko ang mga kaibigan kong nakaupo sa upuang gawa sa hinukay nilang buhangin at sa harap nila ay lamesang gawa rin sa buhangin at nandoon ang mga pagkain.

Kahit madilim na kitang-kita ko sila dahil sa mga lamp post.

Napatingin sa gawi ko si John. Agad siyang tumayo sumunod naman sa kan'ya 'yong tatlo. Humarap sila sa akin na nakangiti.

"Happy birthday, Ciela!" sabay-sabay nilang bati bago tumugtog ng gitara si Eulcrist at sabay-sabay silang umawit ng happy birthday.

Wala si Tita Linda. Plinano nga talaga nila 'to para surpresahin ako.

Lumapit ako sa kanila habang abot taingang nakangiti. Hindi ko namalayang umakyat na pala sina Kendra at Venna habang hawak nito ang cake. Agad na sinindihan ni Kendra ang kandila tamang-tama sa pagtatapos ng kanta.

"Make a wish then blow your candle!" masayang ani Venna.

Tumingin muna ako sa kanilang apat. "Thank you, guys!" pagpapasalamat ko bago pumikit at humiling.

Isa lang naman ang hiling ko.

Maging maayos at masaya muli ang pamilya ko.

Dumilat ako at saka hinipan ang apoy sa kandila.

"Yehey!" Pumalakpak si Kendra matapos niya akong picturan.

"Grabe ang dami niyo namang binili . . ." nahihiyang saad ko habang nakaupo na rin sa buhangin at nakatingin sa mga pagkaing nasa harapan namin.

Karamihan ay galing sa Jollibee. Isang bucket na chicken joy. Maraming burger at fries. At dalawang tub ng spaghetti. Meron ding mga isaw, barbeque, at kwek-kwek. At syempre isang malaking bilog na chocolate cake.

"Gano'n ka namin ka mahal!" ani Venna.

"Hindi mo na kailangan pang mag-alala sa mga ginastos namin. Ang kailangan mo lang gawin ngayon maging masaya at kumain!" masiglang ani John sabay turo sa mga pagkain.

Napangiti ako. "Syempre kakain talaga ako paborito ko ang lahat ng nakikita ko, eh."

"Nice! Kainan na!" anunsyo ni Kendra.

"Let's pray first." Natigilan kaming lahat sa pagkuha ng plato nang marinig namin iyong sinabi ni Eulcrist.

Sabay-sabay pa kaming yumuko at hinintay siyang magdasal.

"We thank You, Lord for these blessings. We also thank You for another year that You have given to Ciela. I ask You to guide and protect her, Lord. Bless her and fulfill whatever her heart wishes as long as it is good for all."

Napatingin ako kay Eulcrist na seryosong nanalangin. Tipid akong napangiti ngunit ramdam kong tila niyakap ang puso ko sa katotohanang pinagdarasal niya ako.

Nang matapos siya sa pananalangin ay bumalik ang dating ingay namin at nag-unahan pa sa pagsandok sa pagkain.

Pero bago pa man kami kumain syempre hindi nawala ang picture taking. Inabot pa ata kami ng kalahating minuto bago kami tuluyang kumain.

Habang kumakain kami ay bigla kong naisip ang mga kapatid ko. Bigla tuloy akong nakonsensya na kumakain ako ng masasarap habang sila ay hindi ko alam kung kumain na ba sila o hindi.

"Bakit, Shi?" tanong ni Eulcrist. Napansin niya sigurong natigilan ako sa pagkain.

"Kumain na kaya sila?" pagtukoy ko sa mga kapatid ko.

"Siguro. Hayaan mo magtitira tayo para may maiuwi ka," aniya.

Napangiti ako. "Salamat."

"Grabe ang dami nating pagkain. Ni-hindi niyo manlang naisipang bumili ng panulak," saad ni Kendra.

"Ayan ang dagat, oh! Inumin mo!" pang-aasar ni John.

"Mauna ka muna saka ako susunod."

Natawa kami nang biglang tumayo si John at umakyat. Akala talaga namin ay pupunta siya sa dagat pero dumiretso naman pala siya sa tindahan.

Pinagmasdan ko ang paligid. Tanging kami lang ang narito kaya ang ingay lang namin at ang mga hampas ng alon ang maririnig. Napatingala ako at para akong nawala sa realidad nang matanaw ko ang mga nagkikislapang bituin sa langit at ang maliwanag na buwan.

"Say ah, daddy . . ." tukso ni Eulcrist kay John habang hawak niya ang tinidor na may cake.

Ngumanga naman si John at handa na sa pagsubo ni Eulcrist sa kan'ya ng cake nang bigla itong iniwas ni Eulcrist.

"Bawal nga pala sa aso ang chocolate."

Humagalpak kami sa pagtawa. Muntik pang maibuga ni Kendra ang iniinom niyang coke.

Tumango naman si John. "Bawal nga kaya tigilan mo na ang pag-kain niyan. Ayaw pa kitang mawala, babe," balik na pang-aasar ni John kay Eulcrist bago niya ito niyakap.

Nagyakapan pa ang dalawa kayang mas lalo kaming natawa.

"Kung hindi ko lang talaga kayo kilala iisipin kong magjowabells nga kayo!" ani Venna.

"How dare you! Hindi kami magjowa!" ani John.

"Were married!" ani naman ni Eulcrist.

Napahawak na ako sa tiyan ko sa kakatawa. Ang lalakas talaga ng trip ng dalawang 'to.

"Bagay kayo!" pang-aasar ko.

"Mas bagay kayo!" tukso rin ni John bago niya binitawan si Eulcrist at malakas na tinulak papalapit sa akin. Agad namang napasandal sa 'kin si Eulcrist.

"Ayiee!" Nagtilian sila.

Napahalakhak kami pareho ni Eulcrist.

"Gago," sabay pa naming sabi.

Mas lalo tuloy kaming inulan ng tukso.

Nang magsawa sila ay kumain muli kami. Maya-maya pa ay kinuha na ni Eulcrist ang kan'yang gitara at nagsimula na siyang tumugtog.

Hanggang sa nauwi na sa jamming. Nakangiti kaming lahat habang masayang umaawit sa ilalim ng buwan at sa dalampasigan.

Tumigil ako sa pag-awit at nakangiting pinagmasdan na lang ang mga kaibigan kong nagsasaya.

Hindi nila alam kung gaano nila ako pinasaya sa araw na ito. Matapos nang mahabang panahon na wala akong pakealam sa birthday ko pinaramdam nila sa aking karapatan ko pa rin namang sumaya sa araw ko. Hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na ito dahil itong ang pinakamasayang birthday ko mula noong umalis si Papa.

Grateful isn't enough to express the feeling I have for my friends.

I love them. So much.

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro