Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

15

"Shi!"

Nanlaki ang mga mata ko at nanigas sa kinatatayuan nang bigla na lang akong mahigpit na niyakap ni Mama matapos niyang kausapin ang doktor. Napatingin ako kay Eulcrist. Tipid lang itong ngumiti sa 'kin bago tumango, tila sinasabi niyang ayos lang kung pipiliin ko ring maging anak lang ni Mama.

"Ma . . ." pagtawag ko sa kan'ya at niyakap na rin siya pabalik.

Sa loob ng halos tatlong taon na hindi kami nagkikita. Malaki ang naging pagbabago ng hitsura ni Mama. Pumayat pa siya at hanggang baywang niya na ang dati niyang maikling buhok. Mas lalo rin siyang pumuti. Pero hindi nagbago ang paraan ng pagyakap niya sa 'kin; ang init na dala nito sa aking puso.

Sobrang tagal na rin mula no'ng huli ko siyang nayakap. Halos makalimutan ko na nga ang pakiramdam nito. Mas hinigpitan ko pa ang yakap ko dahil hindi ko alam kung kailan ulit ito mangyayari. Kahit na nasaktan ako ni Mama. Siya pa rin ang hinahanap ko. Yakap pa rin niya ang hinahanap ko.

Hindi ko alam kung gaano katagal kaming magkayakap pero ako na ang unang bumitaw. Nakangiti pa rin si Mama habang nakatingin sa 'kin. Tinaas niya ang kamay niya para ilagay sa likod ng tainga ko ang mga nakaalpas kong buhok.

"Dalaga ka na! Magkasing tangkad na tayo," namamanghang aniya.

Ngumiti lang ako dahil hindi ko alam kung ano ba dapat ang sasabihin ko. Naninibago pa ako.

Nakahinga ako nang maluwag nang ibinaling ni Mama ang paningin sa katabi ko. Nanlaki ang mga mata niya. "Ikaw na ba 'yan, Eulcrist?" gulat na tanong ni Mama.

Nakangiting tumango si Eulcrist. "Opo, Tita," magalang nitong sagot bago inabot ang kamay ni Mama para magmano.

"Ang laki mo na at magalang pa rin, mabuti 'yan, hijo."

"Salamat po. Kumusta na po kayo?"

Ngumiti si Mama. "Eto pagod. Kagagaling ko lang sa bahay bago ako dumiretso rito."

Nagsimula nang maglakad si Mama kaya sumunod na rin kami. Hawak ni mama ang braso ko at si Eulcrist naman ay nakasunod lang sa likuran namin.

"Kailan ka dumating, Ma?" tanong ko.

"Kanina lang din."

Nagulat ako. Paniguradong wala pa siyang tulog. "Kumain ka na ba, Ma?"

Tinapik ni Mama ang braso ko. Lihim akong napangiwi dahil ang natapik niya ay ang sugat ko. "Oo, Shi. Huwag ka nang mag-alala. Nagluto ang Lola mo kanina sa bahay."

"Nakita niyo po sila Julian?"

Tumango si Mama. "Ang gandang bata ni Tate. Si bunso, ang laki na niya. Madaldal din, kaso mukhang hindi na niya ako kilala . . ." bakas ang sakit sa boses ni Mama.

Hindi ko rin masisisi si Julian. Baby pa siya nang iwan siya ni Mama. Pero hindi naman namin kinalimutan na ipakilala kay Julian si Mama. Ang kaso lang ay akala siguro ni Julian, ako si Mama.

"Kilala ka no'n, Ma. Baka naninibago lang. Kausapin mo lang, makukuha mo agad ang loob no'n."

"Ikaw nga ang alam niyang Mama niya eh," natatawang sabi ni Mama pero bakas sa boses niya ang inggit.

"Gusto mo bang umuwi, Ma? Makipaglaro ka muna kay Julian, ako na ang bahalang magbantay kay Ella," alok ko dahil ramdam kong gusto pa ni Mama na makasama si Julian.

Pero umiling si Mama. "Hindi na. Ikaw muna ang umuwi ngayon dahil alam kong wala ka pang tulog. Exam niyo pa bukas, hindi ba?"

Tumango ako. "Wala ka rin namang tulog, Ma."

"Saka na lang ako matutulog bukas pagkatapos ng exam niyo."

Tumango na lang ako bago kami sumakay ng elevator pababa. Nang makalabas kami matapos ng ilang segundo ay naglakad pa kami papasok sa hallway papunta sa mga private room. Napahinto ako nang makarating kami sa tapat ng pinto ng bagong kuwarto ni Ariella.

"Bakit, Shi?" nagtatakang tanong ni Mama.

"Diyan si Ariella?" Pagturo ko sa pamilyar na pinto.

"Oo, bakit?" naguguluhang tanong ni Mama.

Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis sa tadhana. Sa kuwartong 'yan huli kong nakita si Papa kasama ang kabit at anak niya. Akalain mo nga namang si Ariella naman ngayon ang nasa loob ng kuwartong 'yan.

Umiling ako. "Wala po."

Pumasok na kami at naabutan namin si Ariella na natutulog. Pinatong na ni Eulcrist ang thermos at mga yakult sa lamesa bago siya tumabi sa 'kin sa sofa.

"Kumusta na pala si Wendy, hijo?" tanong ni Mama.

Eulcrist cleared his throat while he's leaning forward to rest his elbows on his knees, then he looks at me before looking at my mom. "She's fine, Tita."

"Kagagaling lang din po namin sa puwesto nila sa palengke, Ma. Binigay din po 'yan ni Tita, para raw po gumaling agad si Ariella," singit ko sabay turo sa mga nakalapag sa lamesa.

Tumingin doon si Mama bago niya ibinalik ang tingin sa 'min. "Pakisabi kay Wends, salamat. Pakisabi rin na saka ko na siya pupuntahan kapag magaling na si Ella at mag-ipon-ipon na siya ng maraming kuwento dahil buong araw kaming mag-uusap."

Natawa kami ni Eulcrist. "Opo, Tita," sagot ng lalaki.

"Teka, kumain na ba kayo?" tanong ni Mama.

"Hindi pa po," sagot ko.

"Naku! Kumain na kayo. Kaaalis nga rin ni Tali at may exam din daw," ani Mama habang abala sa pagdukot ng pera sa wallet niya.

Nagulat ako nang nilapag niya ang limang daan sa palad ko. "Oh, go na! At kumain na kayo."

"Wala ka bang two-hundred, Ma? Sobra naman ata 'to."

Natawa si Mama. "Syempre ibabalik mo sa 'kin ang sukli."

Natatawa akong tumango kay Mama. Bakit pa ba ako magtataka eh si Mama 'yan? Masyadong matipid sa pera.

"Para na kayong kambal ni Tita El, Shi," wika ni Eulcrist habang papalabas kami ng ospital.

"Mas maganda si Mama 'no."

Umiling si Eulcrist. "Mas maganda ka pa rin."

Tumingin ako sa kan'ya para pagtaasan siya ng kilay. "Sus! Napapala ng gutom," saad ko bago tumawa. "Sa'n mo ba gustong kumain?"

Sinalubong niya ang mga mata ko bago niya tinaas baba ang dalawang kilay niya. Malaki ang ngiti niya nang sinabi niya ang, "Naiisip mo ba ang naiisip ko?"

Napangisi ako at mabilis na tumango. "Ano pang hinihintay natin? Tara na!"

Naging hudyat iyon para tumakbo kami. Para kaming mga batang nag-uunahan sa pagtakbo. Malakas ang tawa namin habang tumatakbo sa daan at walang pakealam sa paligid.

"Mahuli unggoy!" sigaw ni Eulcrist.

"Isip bata ka talaga!" sigaw ko ngunit binilisan ko rin ang pagtakbo hanggang sa nalagpasan ko siya.

"Teka, Shi! Sa kabila nga pala ang Jollibee!" panglilito sa 'kin ng lalaki.

"Neknek mo! Kabisado ko ang daan!" sigaw ko sa pagitan ng mga tawa ko.

"Ah! Unggoy!" pang-aasar ko nang nauna akong makarating sa Jollibee.

"Oh 'ta mo isip bata ka rin!" balik sa 'kin ni Eulcrist sa tinawag ko sa kan'ya kanina, bago niya ipinatong ang kamay niya sa tuktok ng ulo ko at ginulo ang buhok ko!

Bumuwelo ako patagilid bago ko malakas na binangga ang tagiliran niya gamit ang tagiliran ko. Muntik pa siyang matumba kaya pigil na pigil ako sa paghalakhak.

Mahaba ang pila kaya nasa likuran kami. "Ano'ng sa 'yo?" tanong ko habang tumitingkayad para mabasa ang menu sa harapan.

Bumubungisngis naman sa tabi ko ang walang 'ya. "Tiny problems," pang-aasar niya.

Sinamaan ko siya ng tingin. "Ulitin mo pa 'yan at tira tira ko mamaya ang kakainin mo," banta ko.

Mahina siyang tumawa bago niya 'ko inakbayan at siniksik ang mukha ko sa kili-kili niya. Muntik na akong mapatili.

"Ikaw naman, Shi. Hindi mabiro."

Malakas kong hinampas ang tiyan niya para makawala ako. "Pasalamat ka at hindi ka maasim! Mapapatay talaga kita kapag maasim ka!"

Malakas na humalakhak si Eulcrist kaya napatingin ang ibang customer sa amin. Pasimple pa akong lumayo kay Eulcrist dahil ang sasama ng mga tingin nila sa amin. Pinandilatan ako ni Eulcrist pero nakangiti naman. Napailing na lang ako dahil para talaga kaming mga batang ngayon lang pinayagan lumabas.

"Ang sarap talaga ng chicken nila, 'no? Tignan mo 'yon, Eul, ang cute!" Pagturo ko sa likuran niya.

Agad naman siyang lumingon doon. "Saan?" tanong niya at abala sa paghahanap ng wala. Habang ako naman ay abala sa pagkuha sa balat ng fried chicken niya.

Agad kong sinubo ang balat ng fried chicken nang matunugan kong haharap na siya sa 'kin. "Wala naman," aniya at agad siyang napanguso nang matanto niyang niloloko ko siya.

Mas lalo pa siyang ngumuso nang makitang wala nang balat ang fried chicken niya. "Shi naman, eh," parang nagtatampo niyang saad.

Imbes na maawa ay malakas akong humalakhak pero naputol 'yon nang mabilis pa sa hangin niyang dinampot ang fried chicken ko at malaki niya iyong kinagatan.

Now the tables have turned. Ako naman ang nakanguso at masama ang tingin sa kan'ya habang siya naman ang tumatawa ngayon.

"Oh, tama na, ha? Behave ka na. Tie na tayo," natatawang saad niya.

Nakanguso pa rin ako at masama ang tingin sa kan'ya. Tumigil siya sa pag-kain at tinuon ang kan'yang siko sa lamesa bago niya pinatong ang ulo sa kan'yang palad. Ngumuso rin siya at ginaya ako.

Pinigilan ko ang sariling matawa. "Mukha kang aso."

"Ginagaya lang kita. Nanalamin ka lang."

"Aish!" inis kong sabi.

Umayos siya ng upo at may namumuong ngisi sa gilid ng labi niya. Kumunot ang noo ko nang kumuha siya ng tatlong piraso sa fries niya at nilagay iyon sa pinggan ko.

"Huwag ka na pong magalit," paglalambing niya.

I bit the insides of my cheeks to suppress my smile.

"Bakit naman tatlo?" galit-galitan kong tanong.

Ngumisi siya sa 'kin.

"Huwag mong sabihing I love you 'yan? Naku! Cathan Eulcrist, mababatukan kit–"

"Shi, kain na," pamumutol niya sa sasabihin ko. "'Yan ang ibig sabihin ng tatlong fries," tumatawang saad niya.

Natatawa na lang akong napailing. "Ewan ko sa 'yo!"

Sa wakas tumigil na kami at sumeryoso na sa pag-kain. Tahimik lang kami at akala ko tahimik lang kami hanggang sa matapos pero mukhang hindi talaga kayang manahimik ni Eulcrist dahil ngayon ay dinadaldal na naman ako.

"Saan ka mag-aaral ng college, Shi?"

Napaisip tuloy ako habang humihigop ng coke. "Hindi ko pa alam, e. Ikaw ba?" tanong ko pabalik sa kan'ya.

Nagkibit siya ng balikat. "Siguro sa Baguio rin. Malamig daw dun, gusto kong i-try. Saka mas tahimik daw kesa rito. Mas gusto ko sa tahimik makakapag-concentrate ako."

Napatango ako at bahagyang nalungkot. Ibig sabihin maghihiwalay na kami pero syempre hindi ko siya pipigilan sa gusto niya. College ang kung saan magseseryoso na kami dahil ito na ang huli at magtatakda kung ano nga ba ang magiging trabaho namin sa hinaharap.

"Tuloy ka pa rin mag-psych?"

Nakangiti siyang tumango. "Yes na yes. Ikaw ba?"

Napaisip ako. "Ewan ko. Hindi ko pa talaga kasi alam ang gusto ko," nahihiya kong sagot.

Nahihiya ako sa kan'ya dahil sigurado na siya sa buhay niya habang ako ay sumasabay lang sa agos ng panahon.

"Kung hindi ka pa rin sigurado pagdating ng time na mag-c-college na tayo, mag-psych ka na lang. Maraming puwedeng option na trabaho ang psych. Puwede kang maging doktor, lawyer, teacher, guidance counselor, psychometrician, psychologist, o psychiatrist," paliwanag niya.

Napatango ako at lihim na napangiti. Iba talaga si Eulcrist 'pag seryoso na ang usapan, doon mo talaga makikita na matalino siya at may ibubuga. Pero hindi 'yon halata sa kan'ya tuwing kalokohan ang ginagawa niya.

Napabuntong-hininga ako. "Bahala na," sagot ko. "Gusto ko kasi sana 'yong talagang gusto ko," dugtong ko.

"Take your time. May tatlong taon pa naman tayo."

Tumango na lang ako. Sana sa tatlong taon na 'yon nakapag-isip na ako kung ano ba talaga ang gusto kong kurso.

"Are you gonna stay here for good, Mama?" tanong ni Ariella kay Mama habang pinapakain siya nito.

Kanina pa 'ko rito at mukhang wala akong balak umuwi dahil nakahiga lang ako sa sofa at tahimik na nagbabasa ng notes sa Research para sa exam namin bukas.

Balak pa sana akong ihatid ni Eulcrist sa bahay pero sinabi kong puwede na siyang maunang umuwi dahil mamaya pa ako aalis dito. Sumang-ayon naman siya at nagpaalam na kay Mama bago siya umuwi.

I don't want to admit it, but it's so obvious through my actions that I badly missed my mother. Ayoko pang umuwi dahil mas gusto kong makasama pa siya. Buti na lang at hindi niya ako pinapauwi.

"Nope, baby . . ." malambing na sagot ni Mama.

Agad kong sinulyapan ang reaksyon ng kapatid ko. Kitang-kita ko ang paglaglag ng balikat niya at pag-simangot niya habang ngumunguya.

"Hanggang kailan ka rito, Ma?" singit kong tanong.

Bumaling sa 'kin si Mama, gano'n din si Ariella. "Two weeks lang ang binigay sa 'kin ng amo ko, Shi. Hindi pa naman kasi tapos ang kontrata ko para magbakasyon. Mabuti nga at pinayagan niya akong umuwi rito dahil talagang naki-usap ako."

Napatango ako. "Buti naman at mabait siya, Ma."

Ngumiti si Mama. "Oo, kagaya ko rin kasi siyang single mother. Pinahiram pa nga niya ako ng pera maka-uwi lang ako rito."

Bigla akong natahimik nang banggitin ni Mama ang salitang 'single mother'. Muli akong sinampal ng reyalidad na talagang hiwalay na nga sila ni Papa. Kahit matagal na, ang hirap pa rin pa lang tanggapin.

Napaisip tuloy ako kung naka-move on na nga ba talaga si Mama kay Papa? O kung mahal pa ba niya ito matapos ng kagaguhang ginawa ni Papa? Ano kaya ang nararamdaman ni Mama ngayon? At ano rin kaya ang nararamdaman ni Papa ngayon na may bago na siyang pamilya? Naaalala niya kaya kami tuwing pinagmamasdan niya ang bagong mag-ina niya? Nagsisisi kaya siya sa ginawa niya?

Nag-iwas ako ng tingin kay Mama nang maramdaman kong maiiyak na ako.

"Ate Shi, ano 'yang binabasa mo?" pambabasag ni Ariella sa namumuong katahimikan.

"Notebook," pamimilosopo ko.

"Mama, si ate Shi, oh!" pagsusumbong ng bata.

I can't help but laugh. Her line is giving me that nostalgic feeling.

Rinig ko rin ang pagtawa ni Mama. "Ayusin mo kasing sumagot, Shi," pagsuway ni Mama.

"Nag-re-review ako para sa exam namin. Kaya ikaw magpagaling ka na dahil mag-re-review ka na rin para makahabol ka sa exam niyo," saad ko at tumingin sa kan'ya.

Nakangiti naman siyang tumango sa 'kin. "Kailan ba ako gagaling, Ate?"

"Bukas siguro."

Napahalakhak si Mama at napailing na lang. "Gagaling ka kung uubusin mo 'to," ani Mama at muli niyang sinubuan si Ariella.

Nag-iwas ako ng tingin dahil nakaramdam ako ng kaunting inggit. Noong mga panahong nagkasakit ako na nasa Hong Kong si Mama, walang ibang nag-alaga sa akin kun'di ang sarili ko. Minsan nga ay binabalewala kong nilalagnat ako para lang mapaglutuan ang mga kapatid ko ng pagkain sa umaga.

Nakaka-inggit lang kasi umuwi pa talaga si Mama para maalagaan si Ariella habang ako ay parang ang nasa isip niya ay gagaling din naman ako.

Napaupo ako sa naiisip. Huminga ako nang malalim bago walang paalam na lumabas at pumanhik sa rooftop ng ospital.

Humawak ako sa railings at pinagmasdan ang mga gusali sa ibaba. Ilang beses akong huminga nang malalim bago ito marahang pinapakawalan. Pilit kong kinakalma ang sarili ko.

Alam ko maling makaramdam ako nito pero masisisi ko rin ba ang sarili ko kung minsan pakiramdam ko mas mahal pa ni Mama ang mga kapatid ko lalo na si Ariella kesa sa akin?

Gusto kong sumigaw dahil naiinis ako sa sarili ko dahil ganito ang naiisip ko pero baka pagkamalan akong nasisiraan ng bait ng mga doktor na kasama kong nandito rin sa rooftop kaya pinili ko na lang na huminga ng malalim at marahan itong pinapakawalan.

Mali 'to, Shi. Mali. Pantay-pantay ang pagmamahal ni Mama sa mga anak niya. Sadyang nagkataon lang na mas malala ang sakit ni Ariella kaya siya umuwi at ikaw ay kayang-kaya mo naman talagang labanan ang mga sakit mo noon kaya hindi na niya kailangan pang umuwi.

Paulit-ulit ko 'yang sinasabi sa sarili ko. Paulit-ulit kong kinukumbinsi ang sarili ko dahil ayoko talagang magkaroon ng lamat ang pagmamahal ko kay Ariella at kay Mama.

Inisip ko rin na siguro kung ako naman ang nagka-dengue ay uuwi rin naman si Mama.

Naging mabilis ang takbo ng panahon. Natapos na ang exam namin at nakahinga na kami nang maluwag. Wala rin kaming masyadong ginawa dahil abala ang mga guro namin sa pagwasto ng mga test paper namin.

Makalipas din ang apat na araw ay tuluyan nang gumaling si Ariella at umuwi na rin sila ni Mama sa bahay. Nagkaroon na rin sa wakas ng oras si Mama para kay Julian at tuluyan na niya itong nakumbinsi na siya nga ang ina nito.

Ngayong umuwi si Mama ay muling umingay ang bagay. Tila nagkaroon ng liwanag ang buong paligid dahil sa presensya niya. It really reminds me when our family was still perfect.

Ngayon lang ulit umingay ng ganito ang bahay . . . pero dahil 'yon kila Julian, Ariella, at Tate na naglalaro sa salas at ako ang bantay. Nag-k-kuwentuhan naman sa kusina sina Lola, Ate, at Mama. Habang si Kuya . . . nasa kuwarto niya. Hindi ko alam kung nag-usap na ba sila ni Mama. Mula noong umuwi ako ay hindi ko na siya nakikita kahit na nandito lang naman siya sa bahay.

Bahagya akong nalungkot. Iba pa rin talaga ang ingay dito sa bahay noong buo kami at ang ingay ngayon. Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng pagkasabik sa mga panahong iyon.

Kung puwede lang sana talagang bumalik, ginawa ko na. Pero gano'n nga talaga siguro, gaya ng libro walang nauulit na kabanata at kailangan nating magpatuloy para malaman kung saan nga ba talaga patungo ang kuwento at kung ano'ng mga aral ang nag-aabang para sa atin para maging mas matatag pa tayo sa mga hamon o pagsubok sa buhay.

"Hindi ka talaga sasama sa amin, Ma?" huling tanong ko bago pa kami makaalis ng bahay patungo sa simbahan.

Mula noong si Lola Pearly ang nag-alaga sa amin, natuto na kaming pumunta ng simbahan tuwing Linggo. Kaya kahit hindi na kami sunduin pa ni Lola sa bahay kusa na kaming pumupuntang magkakapatid.

Umiling si Mama habang abala sa paghuhugas ng mga plato. "Hindi na, kayo na lang. Ipagdasal niyo na lang ako," pag-uulit niya lang sa sagot niya kanina.

Napatango na lang ako at hinawakan na ang kamay nina Julian at Ariella. Nagpaalam muna kami kay Mama bago kami tuluyang lumabas ng bahay at sumakay sa tricycle kung nasaan sina Ate at Tate na kanina pa naghihintay. Akala ko ay sasama sa 'min si Kuya pero may iba pala siyang lakad at walang nakakaalam ni-isa sa amin. Hinayaan na lang namin siya dahil ngayon lang ulit siya lumabas ng bahay.

Pagkarating namin sa simbahan ay agad kong hinatid ang dalawa kong kapatid sa classroom ng mga bata para sa Sunday school nila. Pagkabalik ko sa loob ng simbahan ay tumabi ako kay Eulcrist sa likuran.

Ngumiti lang siya sa 'kin dahil kasalukuyang nagaganap ang bible study at abala siyang nakikinig sa tinuturo ni Tita Wendy sa harapan.

Mabilis lang din akong ngumiti sa kan'ya bago tumingin sa harapan at binasa ang nakasulat sa pisara.

Trusting the Lord in the most difficult times.

Nakuha nito ang buong atensyon ko at isinapuso ko ang lahat ng sinasabi ni Tita Wendy.

"Lahat naman tayo ay nakakaranas ng bagyo sa ating buhay. Tama ba?" tanong ni Tita. Tumango ako dahil totoo naman.

"Ang iba rin sa 'tin ay minsan nang nawalan ng pag-asa. Nakaramdam na siya'y mag-isa lamang sa dilim. Ngunit sa mga panahong ganito huwag sana nating kalimutan ang Diyos. Talikuran man tayo ng lahat, ang ating Panginoon ay hinding-hindi Niya tayo tatalikuran."

"Kumapit tayo sa Kan'ya sa mga panahong hindi na natin kaya ang laban. Magtiwala tayo sa Kan'ya at hayaan nating Siya ang magtrabaho sa ating buhay. . . dahil walang imposible pagdating sa Kan'ya."

Nakangiti akong tumango at malakas na pumalakpak nang matapos si Tita Wendy sa pagtuturo.

"Ang galing talaga ni Kuya, 'no?" Pagturo ni Eulcrist kay Kuya Jarrel na abalang tumutugtog ng drums ngayong praise and worship.

Pinanood ko si Kuya Jarrel at tumango bilang pagsang-ayon kay Eulcrist.

"Sa susunod na taon ako naman ang mag-d-drums. Magpapaturo na talaga ako kay Kuya."

Tumingin ako kay Eulcrist. "Akala ko ba ayaw mo?"

Nabanggit niya kasi sa 'kin noon na ayaw niya dahil hindi raw nagsasabay ang mga paa at kamay niya sa beat.

"Lahat ng desisyon nagbabago, Shi. Nakaka-inggit kasi si Kuya, eh. Gusto ko rin," nakangiting aniya.

Napangiti rin ako. "Aabangan ko 'yan."

Abala ang lahat sa pag-awit ng praise habang kami ni Eulcrist ay abalang nag-uusap. Tumigil lang kami nang matapos ito at worship song na ang sumunod.

Makalipas ang ilang minuto. Tahimik nang muli ang mga tao at handa nang makinig sa sermon ni Tito o Pastor Dion, ang ama ni Eulcrist.

Kung mabait na si Tita Wendy, mas mabait si Tito Dion. Mukha ngang hindi siya nagagalit sa mga anak niya. Matulungin din siya at tutulong talaga siya sa mga kapos palad kahit na wala nang matira sa kanilang mag-anak.

Naaalala ko pa ang paborito niyang lintanya, "Kalma lang. God will provide." at tama nga siya dahil maraming tao ang tumutulong din sa kanila, kabilang na kami.

"Shi, uuwi na ba kayo?" tanong ni Eulcrist nang matapos ang misa.

Nagkibit ako ng balikat. "Hindi ko alam. Baka sasamahan pa naming mamalengke si Lola."

Naglakad kami ni Eulcrist papalabas sa simbahan. Napatingin tuloy ako sa repleksyon namin sa bintana ng sasakyan na nakaparada sa harapan namin.

Nakasuot si Eulcrist ng puting polo at nakatupi ang mga manggas nito hanggang sa baba ng kan'yang siko. Naka-tucked in ito sa itim niyang slacks at nakasuot siya ng itim na formal shoes.

Habang ako naman ay nakasuot ng puting sleeveless bilang panloob bago ang itim na blazer at itim na trouser na bumagay sa puti kong sneakers. Habang ang buhok ko naman ay naka-messy bun lang.

"Nagmumukha tayong tao ngayon," biglang sabi ni Eulcrist sa tabi ko. Tumingin ako sa kan'ya sa repleksyon namin at nakita kong nakatingin din siya doon.

Natawa ako. "Ikaw lang. Matagal na akong tao."

"Kalalabas lang natin, Shi. Huwag mong simulan."

Nakakaloko akong tumingin sa kan'ya. Agad naman niyang sinalubong ang mga mata ko bago kami sabay na napahalakhak.

"Ciela!"

Natigil kami sa pagtawa ni Eulcrist nang may tumawag sa pangalan ko. Hinanap ko kung saan nanggaling ang boses at tumigil ang paningin ko sa lalaking halos ka-edad lang namin na kumakaripas sa pagtakbo papalapit sa 'kin.

"Bakit?" nagtatakang tanong ko nang huminto siya sa harapan ko.

Hinintay kong mahabol niya ang kan'yang hininga at nang tumagal ay namukhaan ko na rin siya. Anak siya ng may ari ng bar sa bayan at pareho rin kami ng pinapasukang paaralan kaya hindi na ako magtataka na kilala niya ako.

"Yung nanay mo, lasing na lasing na sa bar. Pinapasabi ni Papa na pakisundo na raw siya bago pa siya manggulo."

Nanlaki ang mga mata ko at umawang bahagya ang labi ko. "Ano?! Seryoso ka ba? Baka naman hindi si Mama 'yon," hindi makapaniwalang tanong ko.

Iniwan lang namin kanina si Mama na maayos sa bahay tapos ngayon . . .

"Oo, mama mo talaga 'yon, Ciela."

Napapadyak ako sa inis at kaba para kay Mama. Sana naman ay hindi siya manggulo doon.

Bumaling ako kay Eulcrist. "Eul, ikaw na ang bahala sa mga kapatid ko, ha? Pakisabi na rin ang nangyari sa kanila. Aalis na 'ko," pagpapaalam ko kay Eulcrist.

Tumango si Eulcrist. "Mag-iingat ka, Ciela."

"Salamat."

Mabilis akong tumakbo papunta sa bar. Ramdam ko rin ang pagsunod sa 'kin ng lalaki.

Ito ang unang beses na narinig kong lasing si Mama at kung siya nga ang maaabutan ko mamaya, iyon ang unang beses na makikita ko siyang lasing.

Ano bang pumasok sa isip mo Mama at naglasing ka?

"H-Hindi naman ako tanga . . . Alam ko nang wala ka na . . . Pero mahirap lang na tanggapin, 'd-di na kita kapiling . . . Iniwan mo akong nag-iisa . . . sa gitna ng dilim at basang-basa pa sa u-ulan . . ."

Ang kantang 'yan ang sumalubong sa 'kin pagkapasok ko sa bar. Ngayon ko lang narinig na kinanta ang kantang 'yan na nag-uumapaw at damang-dama mo ang labis na pangungulila at pighati ng umaawit. Mas may ilulungkot pa pala ang kantang 'yan.

Naglakad pa ako papunta kung saan nanggagaling ang boses ni Mama. Napahinto ako nang makita ko siya. Napatakip ako sa bibig ko nang makita ko ang hitsura niya ngayon.

Basang-basa ng luha ang kan'yang mukha at dumikit na rin sa kan'yang pisngi ang ilang hibla ng kan'yang buhok. Magulo na ang nakatali niyang buhok at ang damit niya'y gusot na gusot na. Naka-upo siya sa sofa na animo'y pagod na pagod na sa buhay at ang tanging sandalan lang niya sa mga oras na 'to ay ang hawak niyang mikropono at sa kabila ay ang isang bote ng alak.

Ibang-iba siya sa Mama na kilala ko. Pero hindi ko siya masisisi kung gan'yan ang ayos niya ngayon. Hindi ko rin naman kasi alam kung ano ba ang nangyari kanina at nauwi siya sa gan'yan.

Hindi rin naman kasi posible na palagi na lang tayong okay. Siguro sa mga oras na 'to, napagod na rin si Mama sa pagpapanggap na maayos siya, at hinayaan na lang niya ang sariling ipakita kung ano nga ba ang nararamdaman niya.

Nakaramdam ako ng awa para sa kan'ya. Mula noong maghiwalay sila ni Papa wala siyang ginawa kun'di ang magtrabaho para mabuhay niya kami. Ni-hindi ko nga naalala na nagpahinga siya ng matagal. Wala siyang inaksayang oras at araw kahit na para lang sa sarili niya.

Kaya ngayon bago ko siya ayain na umuwi. Hinayaan ko siyang kumanta at ubusin ang beer na hawak niya. Siguro sa paraang 'yon nakatulong ako para gumaan ang pakiramdam niya.

"P-Pero 'wag mag-alala . . . 'di na kita gagambalain . . . Alam ko namang ngayon may kapiling ka nang iba . . . Tanging hiling ko sa 'yo . . . na tuwing umuulan . . . Maalala mo sanang may nagmamahal sa 'yo . . ."

Basag na basag ang boses ni Mama habang kumakanta. Sumasalamin sa kan'yang puso. Pinunasan ko ang luhang nakatakas sa mata ko.

Lumapit na ako sa kan'ya matapos niyang maubos ang beer. Napaangat ang tingin niya sa 'kin. Ilang beses siyang kumurap bago siya ngumiti.

"Ciela Serene!" masayang aniya.

"Ma, tara na . . ." marahang sabi ko at maingat na hinila ang braso niya patayo.

"Tapos na ang misa? Ipinagdasal mo ba ako?" tanong niya habang pinipilit niyang tumayo. Agad ko naman siyang inalalayan.

"Opo," sagot ko.

Muntik pa kaming matumba nang sinubukan kong maglakad.

Humagikhik si Mama. "Pasensya na at ang bigat ko, Ciela Serene."

Hindi na ako sumagot dahil abala ako sa pag-iisip kung paano ko makakayanang alalayan si Mama papalabas ng bar. Nang masanay ako sa bigat niya ay medyo bumilis na ang paglalakad namin.

"Nagbayad na po ba siya?" tanong ko sa may katandaang lalaki sa bar counter. Mukhang siya ang ama no'ng lalaking tumawag sa 'kin kanina.

Tumango ito sa 'kin. "Iuwi mo na siya, hija, at baka mapano pa ang mama mo mamaya 'pag dumating ang mga lalaking customer. May taxi na ring naghihintay sa labas."

Mabilis akong tumango. "Salamat po."

Pagkalabas nga namin ay agad kaming sumakay sa taxi. Sinabi ko sa driver ang address namin bago ito nagmaneho papaalis.

"Ciela Serene . . ." pagtawag sa 'kin ni Mama.

Bumaling ako sa kan'ya. "Bakit, Ma?"

"Ciela Serene . . ." ulit niya at may luhang pumatak sa palad ko. Luha niya. Hanggang sa sunod-sunod na iyong nagpatakan.

"Ciela Serene . . ." malungkot na pagtawag sa 'kin ni mama bago niya sinalubong ang mga mata ko. "Y-Your father gave you that name . . . Alam mo ba ang ibig sabihin niyan? Ciela means sky and Serene means peaceful."

Umawang ang labi ko at tila piniga ang puso ko sa narinig. I suddenly feel the longing of having a father's love. Now that mama had mentioned it. I can never undo the thought that my father had once loved me by giving me my name.

"A-Alam mo rin bang nangako siyang magiging mabuting ama at asawa siya noong pinanganak kita. . . P-Pero tingnan mo ang pangyayari ngayon! Sa iba niya tinupad ang pangako . . . niya!"

Nanlabo ang paningin ko at sumikip ang dibdib ko sa naririnig ko mula kay Mama.

Tinakpan ni Mama ang mukha niya gamit ang dalawang palad niya. Tuluyan na siyang napahagulgol doon.

"N-Nakita ko ang . . . P-Papa mo kanina," hirap niyang sabi sa pagitan ng mga iyak niya. Tumingala siyang muli sa 'kin at patuloy pa ring umaagos ang hindi maawat niyang mga luha. ". . . A-Ang saya niya na, Shi."

Ayoko mang umiyak, hindi ko na napigilan ang sarili ko. Inakbayan ko si Mama at hinagod ang likuran niya. Napatingin ako sa harapan at hindi nakatingin sa amin ang driver. Mabuti na lang at tahimik lang itong nagmamaneho.

"Kilalang-kilala ko si Quintin . . . at alam ko ang mga ngiti niya kanina habang kasama niya ang . . . k-kabit at anak niya. M-Masaya siya, Shi. Masaya sila . . . Dapat sana tayo 'yon, e. D-Dapat sana tayo ang dahilan ba't siya masaya . . . Saan ba a-ako nagkulang, Shi? M-Minahal at mahal ko pa rin naman ang. . . Papa mo."

Wala akong maisagot kay Mama dahil ako rin mismo ay iyan ang katanungang nasa isip ko. Niyakap ko lang siya at nakinig sa mga hinanakit niya dahil 'yon lang ang alam kong paraan para damayan siya.

"Alam mo ba . . . lalapitan ko na sana siya pero naisip ko, para saan pa? K-Kung lalapit ba ako babalik siya sa 'tin? Hindi. A-Ayoko na rin manggulo pa ng p-pamilya . . . Kasi a-alam ko kung gaano ito kasakit . . ."

Mas sumikip pa ang dibdib ko at tila paulit-ulit itong sinasaksak. Muling bumalik sa aking isipan ang alaalang gustong-gusto kong makalimutan, ang pagsaksi ko sa kagaguhan ni Papa noon.

"A-Ang daya . . ." bulong ni Mama matapos ng ilang minuto niyang pananahimik. "A-Ang daya kasi ang saya-saya niya ngayong . . . anniversary sana n-namin."

Mahigpit kong niyakap si Mama dahil sobra na ang sakit na nararamdaman namin. Tuluyan na rin akong napahagulgol sa balikat niya.

Tahimik lang kami nang makarating kami sa bahay. Wala pa rin sina Ate, mukhang dumiretso sila sa palengke. Agad na humiga sa sofa si Mama habang ako ay agad na pumunta sa kusina para kumuha ng isang pitchel na tubig at isang baso.

"Ma, inom ka po muna ng tubig." Pag-abot ko kay Mama sa basong sinalinan ko ng tubig. Agad naman siyang umupo at kinuha mula sa akin ang baso at mabilis na uminom.

Tila uhaw na uhaw siya dahil nakatatlong baso siya bago niya tuluyang nilapag ang baso sa lamesa.

"Salamat, Shi," bulong ni Mama.

Tumango lang ako bago umupo sa tabi niya. Tumingin sa 'kin si Mama at matagal niya akong pinagmasdan. Bahagya pa akong nagulat nang abutin niya ang kamay ko.

"Shi, tiis-tiis lang, ha? Alam ko . . . mahirap ang buhay natin ngayon kaya pagbutihin mo sana ang pag-aaral, ha? Kayo ng mga kapatid mo, dahil wala akong ibang maipapamana sa inyo kun'di ang edukasyon."

Tumango ako. "Opo, Ma."

Malungkot na tumingin sa 'kin si Mama. "Kanina . . . naka-usap ko ang Kuya mo . . ." panimula niya. "Tinanong ko siya kung bakit siya tumigil pero wala, eh. Ayaw na raw niya. Alam mo, Shi. Sayang si Nehem . . . Pilit ko siyang kinumbinsi kanina kaso ayaw na talaga niya. Sana lang ay magbago ang isip niya balang araw."

Napalunok ako. "Sana nga po, Ma."

"Nga pala, tapos na ang exam niyo, 'di ba? Nasabi mo rin kahapon na nasa 'yo na ang results, bakit hindi mo pa pinapatingin sa 'kin?"

Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko. Bumilis ang pagtibok ng puso ko at malamig na pinagpapawisan ang mga kamay ko.

Dumating na ang kinatatakutan ko. Mabababa ang mga nakuha kong scores sa exam lalo na sa Math, Science, at English.

"Patingin nga ako, Shi. . ."

Dala ng matinding kaba at takot kay Mama sinunod ko siya. Agad akong pumunta sa kwarto para kunin ang mga test paper ko at mabilis na bumalik sa sofa.

Rinig ko ang mabibilis na pagtibok ng puso ko habang isa-isang tinitingnan ni Mama ang mga scores ko sa bawat test paper.

Halos hindi na rin ako huminga habang nag-aabang kung ano ang magiging reaksyon niya.

Para na akong hihimatayin nang ang huli nang test paper ang tinitingnan ni Mama.

Napatalon ako sa labis na pagkagulat nang tinapon ni Mama ang mga test paper sa mukha ko mismo.

"Ano'ng klaseng score 'yan, Shi?" galit na sigaw ni Mama.

Tila binuhusan ako ng malamig na tubig at nanigas na lang ako sa kinauupuan ko. Labis na nanginginig ang mga kamay ko kaya kinuyom ko ang mga ito pero ngayon ay buong katawan ko na ang nanginginig sa sobrang takot.

Bakas sa mukha ni Mama ang labis na pagkadismaya at galit.

"Bakit 'yan lang ang nakuha mong score, Shi? Mag-aral na nga lang ang ginagawa mo, hindi mo pa mapaghusay!"

Nangilid ang luha sa mata ko. Gusto kong isumbat kay Mama ang mga iniwan niyang obligasyon sa 'kin pero hindi ko kaya. Hindi ko kayang sagutin siya kahit na maling-mali siya at nasasaktan na ako.

"Nakakadismaya ka."

Mas nanginig pa ako at tuluyan nang humikbi sa harapan niya. Wala na siyang sinabi pa at iniwan na lang niya akong mag-isa sa salas.

Napahiga ako sa sofa at labis na nanginginig sa sobrang pag-iyak. "H-Hindi mo man lang ba ako tatanungin kung may problema ba kaya ako nagkagano'n, Ma?" puno ng hinanakit kong bulong habang umiiyak.

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro