Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

14

Sa mga oras na 'to pinapasabahala ko na lang ang lahat kay batman.

Bukas na ang exam namin.

Alas-diyes y medya na ng gabi at ngayon pa lang ako nag-uumpisang mag-review. Nag-review naman na ako kahapon kaso lang ay wala talagang pumapasok sa utak ko. Wala kasi akong tulog at hindi na rin ako nakakakain dahil abala ako sa pag-aalaga kay Ariella. Tumaas kasi ulit ang lagnat niya no'ng isang araw, buti na lang at bumaba na ngayon.

Ako na ang nagbantay kay Ella mula noong nagpa-checkup si Lola. Tumaas kasi ang BP niya at kailangan daw niya ng pahinga. Tatlong araw na ako rito sa ospital. Hindi ulit ako pumasok no'ng Friday.

Buti na lang at meron si Eulcrist, dumaan siya kaninang hapon at binigay sa 'kin ang listahan ng mga dapat kong basahin sa lahat ng subjects namin para sa dalawang araw na exam.

Kinakabahan ako para sa exam. Sana naman ay may maintindihan ako ngayon. Dapat akong makakuha ng mataas na scores. Pero paano ko 'yon magagawa kung inaantok na ako kahit wala pa ako sa kalahati ng binabasa ko?

Uminom ako ng tubig para magising pero wala iyong epekto. Nilapag ko sa kamang hinihigaan ni Ariella ang notebook ko bago ako tumayo at nagtungo sa banyo. Nang makaharap ko ang sink ay agad kong binuksan ang faucet at hinayaan ang malamig na tubig na umagos sa dalawang palad ko bago ako yumuko at binasa ang mukha ko. Paulit-ulit ko iyong ginawa hanggang sa unti-unting nagising ang diwa ko. Tumigil lang ako nang tuluyan nang nawala ang antok ko.

I was planning to go back, but the reflection in the mirror is stopping me. Ayoko mang tumingin sa salamin natutukso talaga ako. Slowly, I looked in the mirror to see the reflection of . . . myself. Hindi ako makapaniwala na ako nga ang nakikita ko. I leaned closer but that wasn't enough, so I rested both of my hands on the sink to lean closer and stared at my reflection.

My hair is a mess. Ngayon ko lang naalala na hindi na pala ako nakakapagsuklay sa sobrang pag-aalala. Halos lumubog na rin ang mga mata ko at sobrang itim na ng ilalim nito. Nawawala na ang pasa sa pisngi at gilid ng labi ko pero halatang-halata pa rin ang maliit na hiwa doon. I also noticed that I'm starting to have some pimples. May tatlong malalaking pimple sa noo ko dulot ng pagpupuyat ko. Kita ko rin ang pamamayat ko. Mas nadepina na kasi ang collarbone ko. Nakasando lang ako kaya kita ko rin ang may kahabaang sugat sa braso ko.

"Ako na ba talaga 'to?" hindi makapaniwalang bulaslas ko.

Parang ayoko na muling tumingin pa sa salamin. Gaya ng pamilya naming magulo at miserable nakikita ko na rin 'yon ngayon mismo sa sarili ko.

I could feel the lump in my throat and I knew that I was on the verge of breaking down. I tried to calm myself by taking deep breaths, but it was useless. Naiiyak pa rin ako.

"Gaga ka. Ngayon mo pa talaga napiling mag-drama kung kailan exam mo na bukas," sermon ko sa sarili.

Pinilit kong bumalik sa tabi ng kama ni Ella. Pinilit kong basahin ang nakasulat sa notebook ko pero wala talagang pumapasok sa utak ko dahil patuloy na naglalaro sa isipan ko ang lahat ng mga nangyari bago at mula noong na-ospital si Ariella.

Mas lalong tumindi ang paninikip ng dibdib ko. Mas lalong bumilis ang paghinga ko. Hanggang sa hindi ko na talaga kaya. Nilapag kong muli ang notebook ko bago ako kumaripas sa pagtakbo papasok sa banyo. Mabilis kong ni-lock ang pinto at pinatay ang ilaw bago ako umupo at sumiksik sa pinakasulok na parte ng banyo.

Mahigpit kong niyakap ang mga binti ko papalapit sa dibdib ko at saka ko sinandal ang noo ko sa tuhod ko bago ko hinayaang pumatak ang mabibigat kong mga luha. Gusto kong sumigaw sa sobrang sakit pero hindi ko magawa. Sinisigurado ko pa ring walang makaririnig sa 'kin na umiiyak. Sobrang hirap umiyak nang tahimik, mas masakit, mas masikip, at mabigat sa dibdib. Pero mas mahirap na kung magigising ko ang ibang pasyente sa labas dahil lang sa lakas ng pag-iyak ko.

Akala ko tatahan na agad ako pero hindi. Habang tumatagal mas lalo lang na dumarami ang mga luha ko. Ilang beses kong tinangkang tumahan pero sa huli hinayaan ko na lang ang sarili kong umiyak.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na umiyak sa banyo pero inaantok na talaga ako nang makabalik ako sa upuan sa tabi ng kama ni Ella. Pinilit kong magbasa pero hindi ko namamalayan na nakapikit na pala ako. Akala ko nagbabasa pa ako pero nagaganip lang pala akong nagbabasa ako. Paulit-ulit na gano'n ang nangyari hanggang sa tuluyan na akong nakatulog.

"Ayos ka lang ba?" tanong ni Ate nang makarating siya rito sa kuwarto ni Ariella.

Abala ako ngayon sa pag-aayos ng mga gamit kong dadalhin sa school. Si Ate ngayon ang magbabantay kay Ella at si Lola naman ang magbabantay kina Tate at Julian. Medyo maayos na raw ang pakiramdam niya pero bawal pa rin siyang mapagod ng husto.

"Ayos lang," sagot ko. Hindi pa rin humaharap kay Ate. Kaya si Ate na ang naglakad papunta sa harapan ko para magharap kami.

Tumingin ako sa kan'ya. Nakatingin na siya sa akin at bakas ang awa sa mata niya.

"Shi, sorry kung ikaw ang nagbabantay kay Ella, ha? Alam mo naman na hindi ko pa puwedeng iwan si Tate sa gabi . . ." nahihiyang sabi ni Ate.

Umiling ako at ngumiti kay Ate. "Wala 'yon ate! Okay lang, naiintindihan ko naman. Sige na, Ate, alis na 'ko. Ikaw na ang bahala kay Ella, ha?"

Akmang aalis na sana ako nang hawakan niya ako sa braso. "Teka, kumain ka na ba?"

"Saka na ako kakain doon."

"May pera ka ba?"

"May fifty pa naman ako. Kasya na siguro 'yon."

Tumango si Ate at binitawan na ako. "Sige, mag-iingat ka. Good luck sa exam! Fighting!"

Ngumiti ako. "Thank you!"

Nagpaalam muli ako sa kan'ya bago mabilis na humalik sa noo ng natutulog na si Ella.

"Pagaling ka, ha?" bulong ko sa kapatid.

Nang makarating ako sa school ay hindi ko alam kung bakit nila ako pinagtitinginan. Napaisip tuloy ako kung may mali ba sa suot ko. Dahil ba hindi ako nag-uniform? Pero puwede namang casual lang ang isuot tuwing exam, ah? Nagbago na ba ang policy? Napatingin ako sa iba, kagaya ko rin naman silang naka-casual lang.

Ramdam ko ang paggapang ng hiya sa mukha ko nang mas pinagtinginan pa nila ako. Binilisan ko na lang maglakad papunta sa building namin. Bago pa man ako pumasok sa classroom ay dumiretso muna ako sa comfort room para manalamin, kahit na ayaw ko.

Tiningnan ko ang suot ko. Black hoodie partnered with my black boyfriend jeans and black sneakers. Okay lang naman. Wala namang mali. Hindi rin naman ako nakasuot ng damit na halos kita ang kaluluwa ko kaya bakit sila nakatingin sa akin?

Nasagot ang tanong ko nang dumapo ang tingin ko sa mukha ko. I lick my dried and pale lips. "Kaya pala. . ." bulong ko.

Nakalimutan ko ang sugat sa gilid ng labi ko. Paniguradong nakita nila 'yon. Panigurado ring usap-usapan na ako ngayon.

Hindi lang ang sugat ko kundi ang mga mata ko, halatang umiyak ako. Mugtong-mugto ito at mas lalong lumiit ang mga mata ko.

Bumuntong-hininga ako. Nilugay ko ang nakatali kong buhok. Sinuklay ko ito at halos itago ko na ang mukha ko rito. Nang maayos ko na ay saka ako lumabas at dumiretso na sa classroom.

Agad na bumungad sa 'kin sina Kendra, Venna, Eulcrist, at John. Sila pa lang apat ang nasa room. Maaga pa naman kasi. Inagahan ko talaga para makapag-review pa ako.

"Ciela!" pagbati ni Venna.

"Ciela! Kumusta?" tanong ni Kendra at tumakbo papalapit sa 'kin.

"Uh, ayos lang!" pinilit kong pinasigla ang boses ko.

Tumitig pa siya sa akin kaya nag-iwas ako ng tingin pero agad ko namang nasalubong ang mga mata ni Eulcrist na nakatingin din sa 'kin.

Agad kong binalik ang paningin ko kay Kendra dahil ramdam kong sinusuri ako ni Eulcrist.

"Nag-review ka ba?" tanong ko kay Kendra.

Nawala ang atensyon niya sa mukha ko at napatingin sa mga kaibigan namin. "Hindi nga, eh! Kaya nga sinundo namin si Eulcrist sa bahay nila para magpaturo."

Natawa ako. "Eul, pahiram mo na lang sa 'min 'yang utak mo mamaya!" pagbibiro ko at naglakad na kami papalapit sa kanila.

Nagtawanan sila. "Kaya nga!" pagsang-ayon ni Venna.

"Eh, engot din naman 'yan," ani John.

Eulcrist scoffed. "Sino ba sa 'tin ang umiyak sa Math no'ng Friday?"

Nagtawanan sina Venna at Kendra.

Napangiti ako. "Bakit? Ano'ng nangyari no'ng Friday?"

Hinawakan ni Eulcrist ang kamay ko at marahang hinila ako para maupo sa katabi niyang bakanteng armchair. Hindi nakatakas sa paningin ko ang pagpapalitan ng tingin at ngisi nung tatlo. Mga malisyoso talaga 'tong mga 'to. Natawa na lang ako at tumingin kay Eulcrist.

"So, ano ngang ganap nung Friday?" tanong ko ulit.

Tumitig siya sa 'kin at pinisil niya ang kamay ko. Hawak niya pa rin pala. Napailing siya habang tumatawa. "Tinawag kasi siya ni Ma'am para sumagot sa board, pero wala pa 'yung sasagutan niya naiyak na agad siya."

Natatawa akong tumingin kay John. "Totoo?" hindi makapaniwalang tanong ko.

Natatawa na rin siyang tumango. "Hayop, ang hirap kaya! Maiiyak ka talaga, promise!"

Nagkuwento pa sila ng mga nangyari no'ng Friday bago kami nagdesisyon na mag-review na. Nag-question and answer pa kami para talagang maalala namin ang mga lesson. Buti na lang at meron sila, kahit kaunti ay may na-review din ako. Panatag akong hindi ako makukulelat mamaya pero hindi ako panatag na makakakuha ako ng mataas na score.

"Ciela, lika. Lagyan natin ng concealer 'yan," aya sa 'kin ni Kendra nang may kaklase na kaming pumasok sa room.

Kumunot ang noo ko. Tinuro niya ang gilid ng labi ko. Nagulat ako dahil parang alam na niya ang nangyari. Ni-hindi niya man lang tinanong kung saan at paano ko 'yon nakuha.

"Tara?" aya niya.

I nod still dumbfounded. Tumingin ako kay Eulcrist pero hindi siya nakatingin sa 'kin. Hinintay kong tumingin siya sa 'kin pero hindi niya ginawa hanggang sa makalabas na kami nina Kendra at Venna. Dumiretso kami sa comfort room. Agad na ni-lock ni Venna ang pinto at agad namang nilapag ni Kendra sa sink ang pouch niyang may laman ng make-up kasali na ro'n ang foundation.

"Paano niyo alam?" tanong ko bago ako humalukipkip at sumandal sa sink.

Napakagat ng labi si Kendra at tumingin kay Venna kaya tumingin din ako sa babae. Our eyes met and she looks at me guiltily.

"I'm so sorry, Shi . . ." she said sincerely as she walked towards me.

"Nag-aalala kasi kami sa 'yo. Ayaw naman talagang sabihin sa 'min ni Eulcrist pero pinilit namin siya. Promise! Wala kaming pinagsabihan. Gusto lang talaga naming malaman kung ano ang nangyari sa 'yo," mabilis na paliwanag ni Venna.

"Sorry, Ciela . . ." Hinawakan ni Kendra ang kamay ko.

I pouted. Bakit naman ako magagalit sa kanila kung nag-aalala lang naman sila kaya nila 'yon nagawa? Gusto ko silang yakapin pero ayokong umiyak kaya ngumiti na lang ako sa kanila.

"Gagi, ayos lang."

"Hindi ka galit?" tanong ni Kendra.

Umiling ako. "Bakit naman? Eh, nag-aalala lang naman kayo sa 'kin. Masaya nga ako, eh. May kaibigan akong kagaya niyo."

Gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Kendra. "Enebe yern! Kinikilig ako!" pagtili niya.

I chuckled. "Nagiging corny na tayo, ha! We must stop na. Itago na natin 'tong pasa, Kends."

"Tama," pagsang-ayon ni Venna habang tumatawa.

Binuksan na ni Venna ang dalang pouch na naglalaman ng mga makeup. Nilagyan na nga ni Kendra ng concealer ang pasa ko sa pisngi at sa gilid ng labi ko, pati na rin ang ibaba ng mata ko, bago niya nilagyan ng powder ang mukha ko, at nilagyan niya rin ng lip balm ang tuyo kong labi. Nang tumingin ako sa salamin ay napangiti ako at agad na nagpasalamat sa kaibigan dahil nagmukha na akong tao ngayon.

Pagkabalik namin sa room ay nagpapanic na ang iba dahil hindi pa nakapag-review.

"Woooh! Bahala na talaga si batman!"

"Palakasan na lang ng dasal."

"Mapapa-grades doesn't define who you are ka na lang talaga."

Iyan ang mga linya ng mga kaklase ko pagkarating ni Ma'am sa room.

"Sana naman maraming bonus," ani Kendra sa tabi ko.

"Deserve ko talagang malasing after exam," saad naman ni Venna sa likuran ko.

"Mga kapatid sa mga oras na 'to, umaasa na lang ako sa stock knowledge," wika ko.

We laughed in chorus, but deep inside me I'm anxious. Ilang beses akong huminga nang malalim para kumalma pero hindi ko talaga magawang kumalma.

"Are you ready, class?" tanong ni Ma'am.

"Ma'am, no!" sagot naming lahat.

"Well, wala na kayong choice kailangan na nating magsimula. All your bags, in front and all your cellphones, at my desk. Kung sino man ang nagbabalak mag-cheat, huwag mo nang ituloy."

Ginawa nga namin ang utos ni Ma'am. Pagkabalik namin sa upuan ay nagsimula na ang tunay na laban. Pinagpapawisan ang kamay ko pagkatanggap ko pa lang sa test paper.

Agad akong napabuntong-hininga nang English ang natanggap kong test paper. Salitan kasi ng subject per row. Filipino sa magkabilang gilid ko.

Unang tanong pa lang napasapo na agad ako sa noo ko. Bakit ba kasi English pa ang tumapat sa 'kin? Hindi ko pa naman 'to na-review ng maayos.

Sa mga oras na 'to. Hindi man ako paladasal pero pinili ko na lang magdasal sa isip ko.

Lord, please tulungan mo 'ko. Please. Please.

Ang iba ay nasasagot ko naman pero ang iba ay dinadaan ko na lang sa dating gawi. Effective naman siya minsan. I believe in iniminiminimo supremacy.

Nang mag-recess na ay hindi ko na inaksaya pa ang oras para kumain kahit na kumukulo na ang sikmura ko. Science at Math ang susunod na subject kaya kailangan kong mag-review pa.

Inuna ko ang Science dahil mas madali ito para sa akin. Ihuhuli ko na ang Math dahil naiiyak ako tuwing nakikita ko ang mga equation.

"Kain ka muna. Hindi gagana ang utak mo kung gutom ka."

Nagulat ako nang may bananaque na humarang sa binabasa ko. Napatingin ako kay Eulcrist na nakatayo sa harapan ko.

"Libre mo?" nakangisi kong tanong.

Nagtaas siya ng kilay. "Hindi, Ciela Serene. Binibenta ko, oo. Twenty pesos ang isa, bili ka na dali. Pang tuition ko lang po."

Agad akong humalakhak at hinampas siya sa tagiliran gamit ang hawak kong notebook.

"Sira ka talaga kahit kailan!" tumatawang sabi ko bago kinuha mula sa kan'ya ang bananaque.

"Thank you! Galing mong pumili, a! Daming asukal."

Umupo siya sa katabi kong armchair. "Naman. Alam kong ipapabalik mo 'yan 'pag konti eh."

Kakagatin ko na sana ang bananaque nang mapansin kong putol ang matulis na bahagi ng stick. Napatingin ako kay Eulcrist na abalang kumakain. Paniguradong siya ang may gawa nito. Lihim akong napangiti at kumain na lang din.

Pagkatapos naming kumain ay nag-review na kami. Nagpaturo na rin ako sa kan'ya ng Math. Buti na lang at gumagana ang utak ko at naiintindihan ko ang mga tinuturo niya.

Pero nang dumating na ang test paper sa Math parang gusto ko na lang umiyak. Ang hirap. Napakahirap. Pero tinapos ko pa rin. Bahala na sa magiging resulta. Ang mahalaga, ginawa ko ang lahat ng makakaya ko.

Masakit na ang ulo ko nang Science na ang sumunod kaya hindi ako masyadong nakapag-concentrate.

Wala pa man ang resulta ng exam ay alam ko nang mababa ang mga scores ko. Bumuntong-hininga ako. Wala na akong magagawa. Babawi na lang ako bukas.

Nang matapos kami ay agad akong nagpaalam na mauuna na dahil walang magbabantay kay Ariella. Half day lang ang exam namin at mamayang hapon ay sila Ate naman ang mag-e-exam. Junior high sa umaga at senior high naman sa hapon.

Bumalik na si Ate sa pag-aaral. Kahit na maaga siyang naging ina hindi niya pa rin binibitawan ang pangarap niyang maging abogado balang araw, at sana matupad niya iyon.

"Shi, teka lang!"

Napahinto ako sa paglalakad at lumingon kay Eulcrist na tumatakbo papalapit sa 'kin. Kumunot ang noo ko.

"Bakit?" tanong ko nang makalapit siya.

Hindi siya nakasagot dahil abala siya sa paghabol ng kan'yang hininga. Habang hinihintay kong kumalma siya ay hindi ko maiwasang pagmasdan siya.

Nakabukas ang dalawang butones ng kan'yang itim na short sleeves polo sa itaas at bahagyang naka-awang ang kan'yang manipis at mapulang labi kaya naman wala sa sarili akong napalunok. Nilipat ko ang paningin ko sa bagong gupit niyang buhok. Mas naging malinis tuloy siyang tingnan. At kahit na pawisan ay mabango pa rin siya. Amoy Johnson's baby powder na violet.

Halatang baby pa rin siya ni Tita Wendy. Napangiti ako sa naisip.

"Bakit ka nakangiti? Nahuhulog ka na ba sa 'kin, Shi?" nakangising tukso ni Eulcrist.

Agad akong natauhan at napasimangot. "Kanal ka ba para mahulog ako?" pambabara ko.

"Ang galing," aniya bago malakas na humalakhak. Hindi ko alam pero nakakahawa talaga ang paraan ng pagtawa niya. Hindi ko namamalayan na nakikitawa na rin pala ako sa kan'ya.

"Ano ba kasing kailangan mo? Nagmamadali ako," saad ko nang maalala kong kailangan ko nga pa lang bumalik na sa ospital.

"Ah, oo nga pala. Muntik ko nang makalimutan," aniya kasabay ng mahinang pagtawa. "Tara muna sa palengke. May ibibigay daw sa 'yo si Nanay."

Kumunot ang noo ko dahil ngayon lang ako pinatawag ni Tita Wendy sa palengke. "Ano raw ang ibibigay niya?"

Nagkibit ng balikat si Eulcrist. "Ewan ko rin. Tara na, para malaman natin."

Maraming tao pagkarating namin sa palengke. Nahirapan pa kami ni Eulcrist na sumingit sa daan para lang makarating sa puwesto nila. Pagkarating namin doon ay si Kuya Jarrel ang naabutan namin. Kuya ni Eulcrist.

Agad itong ngumiti sa amin nang makita niya kami. "Kumusta ang exam, mga bata?"

Eulcrist scoffed. "Maka-bata ka naman ho lolo, wagas," sarkastikong saad ni Eulcrist. Natawa ako, gano'n din si Kuya Jarrel.

"Si Nanay, Kuya?" tanong agad ni Eulcrist.

Ngumuso si Kuya Jarrel doon sa kabilang kanto. "Ando'n naniningil," sagot niya bago siya tumingin sa 'kin. "Kumain na ba kayo nitong si baby boy, Shi?"

Tumatawa akong umiling. "Hindi pa, Kuya."

"Baby boy pa nga," pikon na bulong ni Eulcrist. Tahimik akong natawa sa tabi niya. Ayaw na ayaw talaga niyang bini-baby siya, kaso wala siyang choice kasi siya ang bunso.

"Kumain muna kayo, mukhang matatagalan pa si Nanay," ani Kuya Jarrel.

Tumingin ako kay Eulcrist para ipahiwatig na hindi puwede dahil nagmamadali ako. Agad namang nakuha ng lalaki ang ibig kong sabihin.

Tumango siya sa 'kin bago tumingin sa Kuya niya. "Uh, Kuya, nagmamadali kasi kami. Walang magbabantay sa kapatid ni Shi sa ospital. May exam pa kasi mamayang hapon si Ate Tali, siya ang nagbabantay doon ngayon."

Napakamot si Kuya Jarrel sa ulo niya. "Gano'n ba? Teka lang, ha? Tatawagin ko lang si 'Nay," pagpapaalam niya bago mabilis na umalis.

"Tara muna sa loob, Shi," aya sa 'kin ni Eulcrist. Sumunod naman ako sa kan'ya papasok at naupo kami sa bangko.

Napatingin ako sa paligid. Sa lahat ng tindahan kila Eulcrist ang may pinakasariwang mga gulay. Napansin kong ubos na rin ang binebenta nilang karne at mga isda. Ang dami talagang suki ni Tita Wendy.

Napatingin ako kay Eulcrist nang may naisip. "Bakit pala nandito si Kuya Jarrel? Hindi na ba siya pumapasok?"

Humarap sa 'kin si Eulcrist bago niya sinagot ang tanong ko. "Bakasyon na nila ngayon, katatapos lang din ng midterms nila."

Napatango ako. "Ano nga ulit ang kurso niya?"

"Criminology."

"Kaya pala sa Baguio siya nag-aaral," saad ko.

Tumango si Eulcrist at may sasabihin pa sana nang may biglang sumingit sa usapan namin.

"Maganda sa Baguio, Shi. Gusto mo doon kayo mag-aral nitong si baby boy," singit ni Kuya Jarrel at halatang inaasar lang si Eulcrist.

Sumulyap ako kay Eulcrist at huling-huli ko ang pag-irap niya. Hindi ko napigilan ang paghalakhak.

"Oh, palamig muna kayo. Paparating na rin si Nanay."

Nagpasalamat ako at inabot ang dalawang plastic cup na may palamig dahil mukhang walang balak tumayo si Eulcrist. Binigay ko lang 'yon sa kan'ya nang makabalik ako sa upuan ko.

"May girlfriend na ba ang baby boy namin, Shi?" usisa ni Kuya Jarrel.

Umiling ako habang tumatawa. "Wala pa nga, eh. Baka boyfriend ang gusto niya, Kuya," pang-aasar ko na rin kay Eulcrist. Mas lalo akong natawa nang sinamaan niya ako ng tingin.

Natawa si Kuya Jarrel bago napailing. "Hindi, girlfriend gusto niyan. Kilala ko nga ang natitipuhan niya, eh. Hindi pa rin pala siya gumagalaw."

Nanlaki ang mga mata ko. "Sino, Kuya?" atat na tanong ko. Gusto kong malaman! Hmm. Malihim din pala 'tong si Eulcrist.

Napatingin si Kuya Jarrel kay Eulcrist bago malakas na humalakhak naputol lang 'yon nang malakas siyang binatukan ni Tita Wendy na kararating lang. Sabay kaming napahagalpak sa pagtawa ni Eul.

"Wala munang mag-g-girlfriend! Huwag mo ngang sulsulan 'yang kapatid mo. Kita mong ang bata-bata pa eh," sermon ni Tita sa panganay.

"'Nay naman, nagbibiro lang po ako," nakangusong saad ni Kuya Jarrel habang sapo ang batok nito.

Tawang-tawa si Eulcrist sa tabi ko. Nanahimik lang siya nang tumingin si Tita Wendy sa kan'ya.

"Ikaw naman, saka ka na manligaw kapag hindi ka na amoy Johnson's, ha?" Pagturo ni Tita sa kan'ya.

Ako naman ngayon ang tawang-tawa. Hindi ko pa naiinom ang palamig dahil wala na akong ginawa kun'di ang tumawa. Inisang lagukan ko na ito bago tinapon ang cup sa basurahan.

Napatingin si Tita sa 'kin. "Ciela! Hija, kumusta ka na?" malambing na tanong ni Tita habang nakangiti.

Ngumiti ako pabalik kay Tita. "Ayos lang naman po, Tita."

"Si Ariella?"

"Medyo okay naman na po."

"Pang-ilang araw niya na sa ospital?" tanong ni Tita bago tumalikod sa amin, mukhang may kukunin siya sa drawer.

Napabilang ako sa isip ko. "Panglima na po," sagot ko.

"Naku, malapit nang mag-isang linggo," aniya bago muling humarap sa amin at may hawak siyang isang thermos at dalawang rim ng yakult. Sumenyas siyang lumapit ako kaya tumayo ako at naglakad papunta sa kan'ya.

"Pinakuluang tawa-tawa 'to, ipainom mo 'to sa kapatid mo, ha?" ani Tita at inabot sa 'kin ang thermos. "Painumin mo rin siya ng yakult para gumaling agad siya. 'Yan lang ang mga pinainom ko noon kay Jarrel nang magka-dengue rin siya. Sa awa naman ng Diyos at mabilis siyang gumaling."

Napangiti ako pagkaabot ko sa dalawang rim ng yakult. "Maraming salamat po, Tita. Babawi po ako. Babayaran ko na rin po ang utang ko 'pag nakapagpadala na po si Mama."

"Naku, hija!" Umiling si Tita at hinaplos ang kamay ko. "Hindi mo kailangang magmadali. Nakapaghihintay naman ako. Sa ngayon, ang kapatid mo muna ang isipin mo, saka mo na lang isipin ang utang mo sa 'kin kapag magaling na siya, ha?"

Nakangiti akong tumango. "Okay po, Tita. Thank you po!"

Magiliw siyang tumango kasabay nang pagtapik niya sa kaliwang balikat ko. "S'ya lumakad na kayo ni Euli para hindi mahuli ang ate mo sa exam niya."

Nanlaki ang mga mata ko. "Oo nga po pala, nakalimutan ko," gulat kong sabi at natawa na lang.

Agad na kinuha ni Eulcrist ang dala ko at siya na ang nagdala. Nagpaalam at nagpasalamat ulit ako kay Tita at Kuya Jarrel bago kami tuluyang umalis ni Eulcrist.

"Ang bait talaga ni Tita Wendy," komento ko habang papunta na kami ni Eulcrist sa kuwarto ni Ariella.

Sasagot pa sana si Eulcrist nang pareho kaming nagulat dahil nilalabas ng nurse si Ariella na ngayon ay nakasakay sa wheelchair at walang malay.

"Nurse, saan niyo po siya dadalhin?" kinakabahang tanong ko.

Tumingin sa amin ang nurse. "Ililipat lang po namin siya sa private room, Ma'am," aniya bago umalis kasama ang kapatid ko.

Kumunot ang noo ko sa matinding pagtataka ngunit agad na nasagot ang mga katanungan sa isip ko nang makita ko kung sino ang nasa loob na kausap ng doktor.

Halo-halong emosyong nararamdaman ko habang nakatingin sa pamilyar sa pigura. Gulat, tuwa, at kaba.

Nagtama ang mga mata namin. Napaawang ang labi niya bago siya tuluyang ngumiti sa 'kin. Hindi ko alam kung ano'ng dapat kong maramdaman. Gusto kong umiyak at yumakap na lang sa kan'ya para magsumbong pero may pumipigil sa akin.

Parang wala nang saysay kung magsusumbong pa ako sa kan'ya. Parang hindi na kagaya no'ng dati, na ako ang kakampihan niya. Parang ako pa ang pagagalitan niya.

Ang sama ko para isipin ang lahat ng 'to pero 'yon ang nararamdaman ko, dahil iyon naman ang ipinaramdam niya sa 'kin. Kaya imbes na umiyak at yakapin siya at damahin muli ang pagiging isang anak lang, pinanindigan kong maging utusan niya at maging panganay sa mga anak niya.

Ngumiti lang ako kay Mama kahit na gusto ko nang maging anak niya lang.

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro