12
Trigger Warning: physical abuse, mention of blood, strong language, violence. Please, read at your own risk.
"Mama Shi!"
Nagulat ako nang biglang sumalubong si Julian sa labas ng bahay pagkababa namin ni Eulcrist sa tricycle.
"Oh, bakit gising ka pa? Gabi na," mahinahon kong tanong nang yumakap siya sa 'kin. Niyakap ko rin siya pabalik. Ang liit niya kaya likod lang ng ulo niya ang hawak ko.
"'Di ako maka-sleep, Mama Shi. Wala ka. Sa'n ka galing? 'Lam mo, Mama Shi, Ate Ella kanina sobrang init! Punta daw silang hospital ni Lala sabi ni Ate Tali. Galing ka ba do'n, Mama Shi? Ate Ella okay ba?"
Nakayakap pa rin siya at hindi tumitingin sa 'kin. Nasa tabi ko lang naman si Eulcrist nanonood.
"Oo, galing kami ro'n, baby. Don't worry, Ate Ella will be okay soon. Tara na sa loob? Malamig eh."
Tumango siya bago tumingala sa 'kin na nakangiti pero agad na naglaho ang ngiti niya nang mapunta ang paningin niya sa gilid ng labi ko. Tinaas niya ang maliit niyang kamay at tinuro 'yon.
"D-Dugo . . ." nanginginig ang boses niyang sabi. Hindi ko alam ang gagawin ko nang nanubig ang mga mata niya. "What happened . . . Mama Shi?"
Tuluyan na siyang umiyak at niyakap ako nang mas mahigpit. "Mama Shi is hurt . . ." paulit-ulit niyang sambit.
"Okay lang ako, Julian," pang-aalo ko at kinalas ang kamay niyang nakayap sa baywang ko para maka-upo at magpantay kami.
Patuloy ang pag-agos ng luha sa pisngi niya habang nakatingin sa gilid ng labi ko. Iningat niya ang kamay niya at marahang hinawakan ang pisngi ko. Agad akong napadaing at napaiwas dahil masakit.
"Hindi ka naman okay, Ma Shi, eh!" iyak niya. "B-Ba't ka may gan'yan?"
Hindi ko siya sinagot. Binuhat ko na lang siya at pumasok na kami sa loob ng bahay. Naupo ako sa sofa sa salas kalong-kalong ko pa rin si Julian. Habang si Eulcrist naman ay nagpaalam na maglilibot sa bahay para kumuha ng first aid kit.
". . . Mama!" pag-iyak pa rin ni Julian.
"Shh . . . Tahan na Julian. Okay lang si ate Shi," pang-aalo ko sa kapatid habang napapangiwi dahil kasalukuyang ginagamot ni Eulcrist ang gilid ng labi kong pumutok.
"Hindi! Hindi ka okay . . ." hagulgol niya.
Imbes na ako dapat ang umiiyak ngayon, siya na. Ayaw pa rin niya akong bitawan, ayoko rin naman siyang umalis. Kaya nahihirapan tuloy si Eulcrist sa paggamot sa akin.
"Ma Shi . . ."
Natawa ako sa naisip ko. Maka-iyak naman 'tong batang 'to, akala mo siya ang sinuntok.
"Tahan na Jul, ginagamot ko na ang Mama Shi mo," malambing na pang-aalo rin ni Eulcrist.
'Mama' ang tawag sa akin ni Julian dahil ako ang kinamulatan niyang nag-aalaga sa kan'ya. Ilang beses kong pinaliwanag sa kan'ya na hindi ako ang mama niya dahil nasa abroad si Mama at ako ay ate niya lang pero wala pa rin. Mama pa rin ang tawag niya sa 'kin. Pinabayaan ko na lang dahil alam ko namang magbabago rin ang tawag niya sa 'kin paglaki niya.
"Julian, nasaan ka?" rinig kong sigaw ni Ate habang pababa siya ng hagdan.
"Julian!" nag-aalalang sigaw ni Ate. Malamang ay nagising siya sa lakas nang pag-iyak ni Julian.
Tiningnan ko si Eulcrist ngunit parang wala siyang balak magsalita. Gusto ko mang sumigaw pabalik at sabihing ayos lang si Julian, masakit ang labi ko para gawin 'yon. Hinintay ko na lang na makababa si Ate. Agad ngang nagtama ang mga mata namin nang makababa siya dahil nasa sofa lang kami.
Agad na nanlaki ang mga mata ni Ate. Napatakip siya sa bibig niya at muntik pa niyang mabitawan si Tate.
"Jusko po! Ano'ng nangyari sa 'yo, Ciela?!" halos liparin na ni Ate ang distansya naming dalawa.
Bakas ang matinding pag-aalala sa mukha niya. Binilisan ni Eulcrist ang paggamot sa akin at nang matapos ay inabot niya ang ice bag at tinapal ko iyon sa pisngi ko. Tumayo si Eulcrist at kinuha mula kay Ate si Tate para maharap ako ni Ate nang maayos. Agad na umupo si Ate sa harapan ko.
Tumahimik na si Julian. Mukhang nakatulog na.
Kinuha ni Ate ang ice bag na hawak ko at siya na ang nagtapal nito sa pisngi ko. Sinandal ko naman ang ulo ko sa backrest ng sofa.
"Sino'ng may gawa niyan sa 'yo?" may halong galit ang tono ng boses ni Ate.
Napabuntong-hininga ako. "Kuya ninyo," walang emosyon kong sagot.
Nanlaki ang mga mata ni Ate. "Ano?!" gulat na tanong niya at napaayos ng upo. "Bakit ka niya sinuntok?!"
Napangiwi ako nang napadiin ang ice bag sa pisngi ko. Agad namang humingi ng paumanhin si Ate.
Napabuntong-hininga muli ako. "Nahuli kong lasing sa bar. Pinagalitan ko. Ayun sinuntok ako."
Nagtiim bagang si Ate. "Nag-aaral pa ba 'yon? Siya ba ang nagbayad sa hospital bill ni Ella?"
Pumikit ako. Gusto ko nang matulog pero gusto ko ring sagutin na ang mga tanong ni Ate ngayon dahil paniguradong wala na akong balak pang magsalita bukas.
"Matagal na raw siyang tumigil, sabi ng nakausap kong kaklase niya. Si Eulcrist ang nagbayad dahil lahat ng perang padala ni Mama naubos na niya sa alak."
"Aba! Tarantado 'yan, ah!" galit na usal ni Ate. "Humanda 'yan sa 'kin bukas. Isusumbong ko siya kay Mama!"
Muli kong dinilat ang mga mata ko at seryosong tiningnan si Ate. "Huwag mo nang isumbong kay Mama na sinuntok ako ni Kuya. Baka mas lalo 'yong mag-alala. Sabihin mo na lang na na-ospital si Ariella at si Kuya naman ay tumigil na sa pag-aaral at inuubos lang ang pera nito sa alak."
Kumunot ang noo ni Ate. "Pero Shi–"
"Ayokong kausapin si Mama. Okay naman na ako. Hindi na kailangan pang malaman ni Mama 'to."
"Anong okay ka riyan? Okay ba 'yang may pasa ka sa pisngi at putok 'yang gilid ng labi mo?" bakas ang inis sa boses ni Eulcrist.
Gusto kong matawa dahil sumasayaw siya habang kunot na kunot ang noo at masama ang tingin sa akin. Sinasayaw niya kasi si Tate dahil nagising ulit. Pilit kong pinigilan ang paghalakhak dahil seryoso ang usapan ngayon.
"Hindi, pero basta! Ayokong maging dagdag isipin pa ni Mama. Hindi pa naman ako mamamatay."
"So, kung mamamatay ka na saka mo pa sasabihin kay Tita?" sarkastikong sumbat ni Eulcrist.
"Baka nga kapag patay na ako saka pa niya malalaman eh," pagbibiro ko.
"Shi, umayos ka nga," pagsita ni Ate.
"Sorry," bulong ko. "Pero, Ate, huwag mo munang sasabihin kay Mama, ha? Wala tayo ro'n, mahirap na baka magkasakit 'yon sa sobrang pag-aalala."
Bakas sa mukha ni Ate ang matinding pagtutol pero tumango rin siya sa 'kin. "Sige, pagbibigyan kita ngayon. Pero huwag mo na akong pakialaman kung anong gagawin ko kay Kuya, ha?"
Bigla akong kinabahan. "Bakit, Ate? Ano'ng gagawin mo?"
Umiling si Ate. "Basta. Huwag ka na munang pumasok bukas. Magpahinga ka, ako na ang bahalang magpaalam sa 'yo. Matulog ka na," sunod-sunod na sabi ni Ate bago siya tumingin kay Eulcrist.
"Eul, dito ka na matulog. Malalim na ang gabi delikado sa daan, mahirap na. Doon ka na lang sa kuwarto ni Ella matulog, 'di bale malinis naman na iyon ngayon. Napalitan ko na ang bedsheet at mga punda ng unan, may kumot din sa kabinet kumuha ka na lang mamaya doon," mahabang bilin ni Ate kay Eul.
Napatingin ako kay Eulcrist. Tumango naman ito kay Ate. "Sige, Ate."
"Oh sige, maiwan ko na kayo. Inaantok na ako eh," paalam ni Ate bago tumayo at kinuha mula kay Eulcrist si Tate.
"Galing mo palang sumayaw. Tulog na tulog ang bata oh," pang-aasar ni Ate. Tumawa lang naman si Eulcrist.
Umakyat na nga si Ate kasama si Tate kaya naupo muli si Eulcrist sa harapan ko. Nakatitig lang siya sa 'kin kaya nagtaas ako ng isang kilay nang isang minuto na siyang nakatitig lang sa akin at tila may malalim na iniisip at mukhang may gusto siyang sabihin.
"Bakit?" tanong ko.
Umiling si Eulcrist. "Wala . . . Akin na si Julian, ililipat ko na siya sa kama niyo." Lumapit siya at kinuha si Julian mula sa 'kin. Buti na lang at hindi nagising ang bata.
Tumayo na siyang buhat-buhat ang kapatid ko at naglakad na patungo sa kuwarto ko. Tumayo na rin ako pero dumiretso ako sa main door para i-lock ito at siniguradong naka-off ang gas sa kusina. Tiningnan ko rin kung nakasara ba ang lahat ng bintana bago sumunod kay Eulcrist sa kuwarto ko.
Naabutan kong nakahiga na ang kapatid ko at kinukumutan na ni Eulcrist. Napangiti ako sa isip ko, napakamaalaga talaga nito.
Tumalikod muli ako para kumuha ng pamalit kong damit. Naghanap din ako ng puwedeng ipahiram kay Eulcrist. Lahat naman puwede dahil kasyang-kasya lahat ng mga damit ko sa kan'ya. Ang payat niya eh.
"Eul, maghuhugas lang ako," pagpapaalam ko. "Heto pala ang damit mo." Pag-abot ko sa damit ko nang humarap siya. Kulay pink na t-shirt at short. Hinintay kong umangal siya pero kinuha niya lang ang damit mula sa 'kin.
"Thanks," aniya bago tipid na ngumiti. Halatang walang kaso sa kan'ya ang kulay. Sabagay hindi naman talaga 'to choosy.
Tumango lang ako at pumunta na sa banyo. Nang matapos ako ay nagulat ako nang siya agad ang bumungad sa 'kin. Naka-upo siya sa gilid at nakasubsob na ang mukha sa tuhod.
"Pagod ka na ba, bangky?" pang-aasar ko.
Agad naman siyang nag-angat ng tingin at ngumuso sa akin. "Oo, siopao."
Pabiro ko siyang inambaan ng sipa kaya agad siyang tumayo habang tumatawa.
"Maghugas ka na at magbihis." Tumango lang siya at papasok na sana nang may naalala ako. "Teka may brief ka bang susuotin?"
Agad na namula ang tainga niya at bahagyang nanlaki ang mga mata niya.
"O bakit? Nagtatanong lang ako."
Umawang ang labi niya at akmang may sasabihin pero muli niya itong tinikom. Dalawang beses niya iyong ginawa at no'ng pangatlo na ay hindi ko na napigilang magsalita.
"Ano 'yon?"
Napabuga siya ng hininga at mukhang stress na stress sa 'kin. "Napaka-pranka mo. Saka . . . ano . . . uhm . . . wala akong susuotin," mabilis niyang sabi sa panghuli.
Pinigilan ko ang pagtawa. "May cyclings ako. Puwede ba 'yon?"
Mas lalong namula ang tainga niya pati na rin ang buong mukha niya. Mabilis siyang tumango at mabilis din na sinara ang pinto ng banyo. Agad naman akong napahalakhak.
Kinuha ko nga ang cyclings ko mula sa drawer at bumalik sa labas ng banyo. "Eul, nandito sa doorknob yung cyclings. Kunin mo na lang."
"Sige, salamat!"
Habang nilalagay ko ang kumot sa kama ni Ella ay pumasok na rin si Eulcrist sa kuwarto ng kapatid ko. Imbes na pagtawanan ko siya na suot ang damit ko ay natahimik ako. Bakit kahit ano'ng ipasuot sa kan'ya ay ang guwapo niya pa rin?
Mas lalo ata siyang pumuti sa kulay pink na suot niya. Ang magulo niyang buhok ay bumagay sa kan'ya. Ngumuso siya nang magtama ang mga mata namin kaya mas lalo kong napansin ang mapula niyang labi. Nang tumingin siya sa gilid ay mas nadepina ang matangos niyang ilong. He was so damn effortlessly handsome.
"Baka matunaw ako, Shi," tumatawang aniya.
Doon ako natauhan at bahagyang napatikhim. "Bakit? Ano ka? Yelo?" sarkastikong sumbat ko.
Natawa lang siya at lumapit na sa 'kin. Pareho na kami ng amoy. Amoy safeguard na pink. Hinawakan niya ang baba ko gamit ang kanang kamay niya at marahan niya itong iniangat para magtama ang mga mata namin.
Habang nakatitig sa mga mata niya ay tila nangungusap ang ito sa 'kin na agad ko na lang naramdaman ang pagod at bigat sa dibdib ko. Sobrang dami ng nangyari ngayon. Nakaka-ubos.
"Hug?" alok ni Eulcrist. Binitawan niya ang baba ko para ipubuka ang mga braso niya.
Napanguso ako at hindi na tinanggihan ang alok niya. Agad akong lumapit at sinandal ang ulo sa dibdib niya bago pinulupot ang braso sa baywang niya. Kinulong naman niya ako gamit ang mga braso niya. Napahinga ako nang malalim bago ito dahan-dahang pinakawalan.
Kung ang mga mata niya'y pinapalabas ang tunay kong nararamdaman, ang dibdib naman niya ang aking naging sandalan, at ang bisig niya ang nagbigay sa 'kin ng kaginhawaan.
"Lagi mong tatandaan, nandito lang ako lagi sa tabi mo, Shi. Talikuran ka man ng buong mundo, pipiliin at pipiliin ko pa ring humarap sa 'yo para hawakan ang kamay mo at samahan ka."
Napapikit ako at mas humigpit pa ang pagkakayakap ko sa kan'ya. Sa mga panahong ganito mahigpit na yakap lang talaga ang kailangan ko.
"Thank you, Eul . . ." huling sabi ko bago ako nagpaalam na matutulog na.
Gusto ko talagang matulog pero sa dami ng mga pangyayari ay hindi ko magawang makatulog. Gising na gising ang diwa ko. Kanina pa ako papalit-palit ng puwesto pero walang epekto iyon, gising pa rin ako. Hindi ko alam kung ilang oras na ang lumipas.
Kung ano-ano na rin ang naiisip ko. Humarap ako kay Julian at niyakap siya. Buti pa 'to, ang himbing ng tulog.
Habang nakatingin kay Julian ay naalala ko si Ate Tali kanina. Ang laki talaga ng pinagbago ni Ate simula noong nanganak siya. Siguro kung noon 'to nangyari, kakampihan niya si Kuya at tatawanan lang ako. Pero iba na siya ngayon. Nagiging mabait na siya sa 'kin at alam niya na kung sino ang dapat na kampihan sa ganitong sitwasyon.
May parte sa puso ko ang masaya dahil kahit gaano pa kataray at nakakainis si Ate. Minsan ay halos patayin ko na siya sa isip ko pero sa panahong kailangan ko ng kakampi gaya ngayon ay nandito siya at handa akong ipaglaban. Gaya rin niya ay handa ko rin siyang ipaglaban kung may araw man na siya ang nangangailangan ng kakampi. Syempre pati na rin sa iba naming mga kapatid . . . kasama na si Kuya.
"Putangina ka!"
Naalimpungatan ako sa malakas na mura ni Ate. Akala ko noong una ay nananaginip lang ako pero habang tumatagal ay natanto kong hindi ito panaginip.
"Putangina ka rin!" malutong na sumbat ni Kuya.
Agad na dinaga ang dibdib ko. Napabalikwas ako ng bangon at nagmamadaling lumabas mula sa kuwarto. Hinanap ko kung saan nanggagaling ang sigawan at dali-daling nagtungo sa kusina dahil pakiramdam ko ay doon sila nagtatalo.
". . . ano'ng akala mo kay Mama? Namimitas lang ng pera sa Hong Kong?! Gising, Kuya! Pinaghihirapan ni Mama 'yang perang pinang-iinom mo lang!" galit na galit na sigaw ni Ate kay Kuya.
Nanlilisik ang mga mata ni Kuya na nakatingin kay Ate. Tumindi ang takot na nararamdaman ko at tila napako ako sa kinatatayuan ko.
"Wala kang pakealam."
Napasabunot si Ate sa buhok niya. "Anong wala kang pakealam?! Kuya! Kuya! Kuya Nehemiah, naririnig mo ba ang sarili mo?! Naririnig mo ba ako? Kuya! Kuya ang tawag ko sa 'yo kasi mas nakakatanda ka sa 'min! Nandito kaming obligasyon mo sana. Nandito kaming kailangan din ang perang pinaghihirapan ni Mama."
"Nandiyan naman si Shi," ani Kuya at tila wala na ngang pakealam sa 'min. Umawang ang labi ko, hindi makapaniwala.
Malakas siyang tinulak ni Ate. "Bakit mo siya sinuntok, huh?! Tangina, Kuya! Nangako ka noon kay Papa na hindi mo na sasaktan si Ciela! Ano'ng nangyari ngayon? Sinaktan mo ulit siya!"
Sarkastikong napangisi si Kuya. "Wala naman na si Papa. Saka makulit siya eh. She deserves that."
Napatakip ako sa bibig ko. Hindi pa rin makapaniwala sa naririnig. Para akong sinuntok ulit pero ngayon mas malakas na at parang hindi na ako makaka-ahon pa.
"Tarantado ka! Napakagago mo!" umiiyak na sigaw ni Ate pero punong-puno ng galit ang boses niya. Nagulat ako nang mabilis niyang dinampot ang kutsilyo mula sa lababo at tinutok iyon sa leeg ni Kuya.
Sumeryoso ang mukha ni Kuya. Tumingin siya kay Ate bago sa kutsilyong nasa leeg niya.
"Wala kang alam sa nangyayari sa akin ngayon, Taleigha, kaya wala kang karapatang gawin sa 'kin 'to!"
"Ano bang nangyayari sa 'yo ngayon, huh? Sabihin mo!"
Hindi umimik si Kuya pero namula ang mga mata niya at tila maiiyak na siya.
"Wala naman pala akong karapatan. E 'di ibig sabihin wala ka ring karapatan para saktan si Ciela!" Mas tinutok pa ni Ate ang kutsilyo sa leeg ni Kuya.
Muling tumalim ang tingin ni Kuya kay Ate. "Papatayin mo 'ko? Sige! Pero bago 'yan ikaw muna!" malakas na sigaw ni Kuya at mabilis niyang inagaw ang kutsilyo na hawak ni Ate. Nakasandal na ngayon si Ate sa lababo at bahagyang nakadagan sa kan'ya si Kuya habang nakatutok na ang kutsilyo sa leeg ni Ate.
Gusto kong awatin sila pero hindi ako makagalaw. Nanginginig ako sa sobrang takot. Nanlalamig ang buong katawan ko. Ramdam at rinig ko kung gaano kabilis ang pagtibok ng puso ko.
Matalim ang tingin nila sa isa't isa, parang hindi sila magkapatid. Parang hindi sila 'yung magkasundo sa lahat na kinagisnan ko noon. Ibang-iba sila ngayon. Ang dating magkakampi halos magpatayan na ngayon. Nadudurog ako para sa amin. Ano bang nangyayari? Bakit ganito?
Pero nang akmang idiin na ni kuya ang kutsilyo sa leeg ni ate ay doon ako nagkaroon ng lakas ng loob.
Kumaripas ako ng takbo at pumagitna sa kanila. "Tama na!" sigaw ko habang tinutulak ko papalayo ang braso ni kuya na may hawak na kutsilyo. Naging mabilis ang pangyayari aksidenteng dumaplis ang patalim sa braso ko. Ramdam ko ang pagdaan ng matulis at manipis na bakal sa balat ko na nag-iwan ng may kahabaang guhit at wala pang isang segundo ay may lumabas nang marami at sobrang pulang likido.
"Shi!" gulat at nag-aalalang sigaw ni Ate. Habang si Kuya naman ay gulat din at nabitawan niya ang hawak na kutsilyo. Nagtama ang mga mata namin bago siya naglakad papaalis sa kusina at narinig ko na lang ang pagsara ng pinto sa kuwarto niya.
Napatingin ako sa braso kong dumudugo. Medyo malalim pala ang hiwa pero nakakapagtaka dahil wala akong maramdaman.
"Ciela, ayos ka lang? Ano'ng nararamdaman mo?" nag-aalala at tarantang tanong ni Ate.
Tila nabingi ako at ang tanging atensyon ko lang ay sa tumutulong dugo mula sa sugat ng braso ko. Hindi ko alam pero para akong nakahinga nang maluwag nang makita ko ang dugo. Para ring naipaalala sa 'king buhay pa ako dahil sa dugong lumalabas mula sa 'kin.
Nakahinga ako nang maluwag.
Buhay pa pala ako.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro