Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

08

Kung hindi siguro ako kasali sa drum and lyre, umuwi na ako kahit hindi pa tapos ang program.

Pagkauwi ko ay agad akong nagkulong sa kuwarto ko at ginawa ang kanina ko pang gustong gawin. Humiga ako sa kama at nagtago sa kumot, humarap ako sa kanan at niyakap nang mahigpit ang unan bago pinakawalan ang mga luhang kanina pa nagmamakaawang lumabas.

Walang tao sa bahay pagkarating ko pero bukas ang pinto. Siguro ay nasa kuwarto niya lang si Ate Tali at nagpapahinga. Maselan kasi ang pagbubuntis niya kaya kailangang nakahiga siya palagi.

Hindi ko alam kung ilang oras akong umiyak at hindi ko rin namalayan na nakatulog pala ako at nagising na lang na umaga na ulit.

Hindi manlang ako ginising ni Mama.

Bumuntong-hininga ako. Mabigat pa rin ang damdamin ko pero hindi na kagaya kahapon na naiiyak ako.

Pinilit kong bumangon para tingnan ang sarili sa harap ng salamin. Agad akong napangiwi nang bumungad sa akin ang Ciela na mugtong-mugto ang mga singkit na mata, magulo ang nakataling buhok, at gusot na gusot ang suot na uniform.

Sa sobrang sama ng loob ko kahapon ay hindi ko na naisipang maligo at magbihis, pero ngayong matino na ako, maliligo na talaga ako.

Inabot ko ang tuwalyang nakasabit sa pinto bago lumabas mula sa kuwarto. Bago pa man ako makarating sa banyo ay sinilip ko muna sa wall clock kung ano'ng oras na at nakitang alas-sais pa lang pala ng umaga. Kaya naman pala tahimik pa ang bahay.

Habang naliligo ako ay naalala ko na naman ang nangyari kahapon.

Matapos akong patahanin ni Kuya ay bumalik kami sa loob dahil kakanta na kami sa harap. Matapos naming kumanta ay picture taking na. Niyakap ako ni Eulcrist at inayang kumain kami pero tumanggi ako at sinabing, mas gusto kong umuwi, pero bago pa man ako umalis ay binigay ko kay Eulcrist ang medal na natanggap ko. Wala na rin namang saysay iyon, hindi rin naman si Mama ang nagsabit nito sa 'kin, at wala na ring silbi pa kung sasabihin ko kay Mama na kasali ako sa with honors. Nagulat sila sa ginawa ko pero sinabi ko na lang na ilihim 'to at manahimik na lang. Isipin na lang nila na oportunidad na sana ni Mama kung dumating siya pero hindi siya dumating kaya hindi na talaga niya malalaman kung ano ang nag-aabang para sa kan'ya. Tutol man sila, wala na silang magagawa. Nauna na akong umuwi, bumalik naman si Kuya sa school nila, at nag-celebrate naman sina Eulcrist at ang mga magulang niya sa isang mamahaling restaurant.

Bumuntong-hininga muli ako habang nagbabanlaw. Maraming sana ang nasa isip ko at palaging ang sagot ko ay huli na para isipin ang mga sana.

Kung sana gaya pa ng dati ang pamilya namin siguro masaya kami. Siguro hindi ko mararamdaman na parang wala akong saysay sa pamilyang ito.

Tinapos ko na ang paliligo para iwasan ang mga naiisip. Binalot ko ang sarili sa tuwalya bago lumabas at bumalik sa kuwarto ko para magbihis.

Umuulan ngayon kaya malamig. Napagpasyahan kong isuot ang itim na oversized hoodie na pinarisan ko ng puting pajamas. Ni-lock ko ang pinto ng kuwarto at kinuha sa drawer ang laptop bago ako bumalik sa kama. Sumandal ako sa headboard at pinatong sa hita ko ang unan bago ang laptop at naghanap ng panonooring movies. Tragic movies.

Hindi ko alam pero 'yan ang gustong-gusto kong panoorin. 'Yung namamatay ang isa sa mga bida sa huli dahil may sakit. Pero ang pinakapaborito ko sa lahat ay 'yung Five Feet Apart at Midnight Sun. Hindi ko mabilang kung pang-ilang ulit ko na silang pinanood.

Hindi naman ako nakararamdam ng gutom. Ayaw ko ring lumabas. Ayoko munang makipag-usap sa kahit na sino. Gusto ko munang mapag-isa.

Pero nang mag-alas-dos na ng hapon, kumukulo na talaga ang tiyan ko. Naalala kong hindi nga pala ako kumain ng tanghalian at hapunan kahapon. Kaya kahit na wala akong lakas na makipag-usap sa kahit sino pinilit kong bumangon at lumabas sa kuwarto.

Agad na sumuot sa aking ilong ang amoy ng sopas na niluluto mula sa kusina. Mas lalo akong nagutom. Rinig ko ang ingay nilang lahat doon.

Pagkarating ko nga ay nakita kong nagluluto si Mama habang nakaupo ang mga kapatid ko sa hapag-kainan.

"Ate Shi!" agad na tawag sa 'kin ni Ariella nang makita niya ako at sinenyasan akong maupo sa tabi niya. Agad naman akong naglakad at naupo roon.

Napalunok ako nang bigla silang tumahimik. Hindi ko matingnan si Mama. Nandito pa rin kasi ang tampo sa puso ko.

"Umiyak ka ba, Ate Shi?" nag-aalalang tanong ni Ariella habang sinusuri ang mukha ko. Napaiwas ako ng tingin. Mas lalo akong nabingi sa katahimikan nang tumingin silang lahat sa 'kin.

Tinitigan ko si Ariella na inosenteng nakatingin sa akin. Oo, umiyak ako kasi mas gusto ka ni mama kaysa sa akin. 'Yan ang gusto kong isagot pero pinilit kong ngumiti at tumango. "'Yung pinapanood ko kasi kanina nakakaiyak," madrama kong saad na parang iyon lang ang dahilan kung bakit ako umiyak.

"Ano'ng pinanood mo, Ate?"

"Midnight Sun," sagot ko. Hindi ko alam pero ramdam kong nakatingin sa 'kin si Kuya kaya sumulyap ako sa gawi niya at nahuli ko nga siyang nakatingin sa 'kin. Nakatingin lang siya pero hindi ko mabasa kung ano ang nasa isip niya.

"Ilang beses mo na 'yang napanood umiiyak ka pa rin?" Pagtawa ni Ate habang kumakain ng mangga.

Pinilit ko ring tumawa. "Masakit, eh."

"Hindi na kita ginising kahapon at kanina, 'nak, sabi kasi ng Kuya mo napagod ka raw," ani Mama habang pinapatay ang stove at naghahanap ng pot holder.

Tumango lang ako kahit na mukhang hindi naman iyon nakita ni Mama bago ako tumingin kay Kuya. Hindi na siya nakatingin sa 'kin dahil abala na siya kay Julian na nakaupo sa hita niya.

"Ano'ng oras nga pala ang graduation niyo bukas, Nehemiah?" tanong ni Mama pagkalapag niya ng kawali, kung nasaan ang sopas, sa lamesa.

Tumayo ako para kumuha ng mga mangkok at kutsara.

"8:30 po, Ma," sagot ni Kuya.

"Oh, narinig niyo 'yon, ha! Maaga tayong gigising bukas pupunta tayo sa graduation ng Kuya niyo," bakas ang excitement sa boses ni Mama.

Sumikip ang dibdib ko pagkalapag ko ng mga mangkok at kutsara sa lamesa.

Bakit excited si Mama sa graduation ni Kuya? Bakit sa akin hindi?

"Ma, Kuya, pasensya na kung hindi ako makakapunta bukas . . ." nag-aalangan na sabi ni Ate habang kumakain.

Bumuntong-hininga ako habang nagsasalin ng sopas sa mangkok. Ayokong pumunta bukas baka mas lalo lang sumama ang loob ko kay Mama. Matapos kong salinan ng sopas ang mangkok ay binigay ko 'yon kay Ariella. Kumuha ulit ako ng mangkok at nagsalin ng para sa 'kin.

Tumango si Kuya. "Ayos lang naiintindihan ko naman. Shi, samahan mo ang Ate mo bukas."

Napatingin ako kay Kuya, tumango siya sa 'kin. Mukhang alam niya kung ano ang nasa isip ko. Tumango na rin ako at umayos ng upo bago nagsimulang kumain dahil gutom na talaga ako.

"Ayos lang sa 'yo, Shi?" tanong ni Ate. Tumango lang ako habang kumakain at hindi na sila tiningnan pa.

Hinintay kong mag-sorry si Mama dahil hindi siya nakadalo sa graduation ko pero wala akong narinig. Hinintay kong tanungin niya ako kung kumusta ang graduation, pero wala. Akala niya siguro ay okay lang ang lahat sa akin. Hindi manlang siya nagtaka o naghinala kung talaga nga bang umiyak ako sa pinanood ko kanina o may mas malalim pang dahilan. Siguro . . . hindi ako gano'n kakilala ni Mama? Masakit man isipin pero kung sabagay, palagi naman kasing si Papa ang kakulitan at kakuwentuhan ko noon. Pero anak pa rin naman niya ako. Hindi ba dapat ramdam niya kung ano ang bumabagabag sa akin?

"Kailan pala ang alis mo, Ma?" tanong ni Kuya habang kumakain kami.

Naayos na ni Mama ang mga kailangan niya at hinihintay na lang niya ang araw ng flight niya. Ilang araw din bago nakumbinsi ni Mama si Ariella na kailangan niyang umalis para may pangkain at pang-aral kaming magkakapatid. Pero mukhang hindi pa rin talaga tanggap ni Ariella na aalis si Mama dahil ngayon ay nakanguso na siya at nilalaro lang ang pagkain niya.

"Ella, ubusin mo 'yan," marahang utos ko. Ngumuso siya pero sumubo naman.

"Sa Lunes na . . ." sagot ni Mama.

Bumuntong-hininga kaming lahat. Walang may gustong umalis siya at ayaw niya ring umalis pero wala kaming choice. Kailangan, para mabuhay kami.

"Oh, schedule mo ngayon, ikaw maghugas ng mga pinggan," ani Ate sa 'kin nang matapos kaming kumain at nag-unahan sa paglinis ng lamesa.

Gumuhit ang pagtutol sa mukha ko. "Ako kaya ang naghugas no'ng isang araw! Si Kuya dapat ngayon!" pag-protesta ko.

Tumaas ang kilay ni Kuya. "Naghugas ako kahapon."

Sabay kaming tumingin ni Kuya kay Ate. Napairap siya bago nagtaas ng kilay. Hinawakan niya ang tiyan niya. "Buntis ako. Bawal akong mapagod kayo na ang maghugas!"

"Exercise 'yan. Ate!" pambabara ko.

"'Pag may nangyari sa amin, kasalanan mo, ha?"

Napairap ako. "OA naman," bulong ko. Tumingin ako kay Kuya.

Ngumisi ito. "Graduation ko bukas, kailangan ko ng pahinga."

Mariin ko silang tinitigan habang nakatiim-bagang. Iniisip kong tinitiris ko sila. Napabuntong-hininga na lang ako at lumapit na sa trono ng mga hugasin. Talo na naman ako. Rinig ko ang tawanan nila habang naglalakad papaalis sa kusina.

Napapadyak ako nang makitang hindi nahugasan ang mga kaldero at mga sandok na may tuyong kanin. Ako na lang palagi!

Wala pa ako sa kalahati ng sinasabunan ko nang may narinig akong humihila ng upuan. Tumingin ako sa gilid at nakita ko si Ariella na hirap sa paghila ng upuan papalapit sa 'kin.

"Ako magbabanlaw, Ate Shi!" bibong aniya.

Napangiti ako. "Bait naman! Lika na dali!"

Hinayaan ko siyang lumapit sa 'kin. Nilagay niya ang upuan sa tabi ko bago siya tumungtong doon at kinuha ang mga nasabunan ko ng mga mangkok, at sinimulan niya iyong banlawan.

Tinuruan ko naman siya kaya may tiwala akong mababanlawan iyon ng husto.

Napatingin ako sa bintana. "Ang lakas pa rin ng ulan," wala sa sariling sambit ko.

"Malungkot ang mga dinosaur, Ate," may bahid ng kalungkutang saad ni Ariella.

Hindi ko mapigilang matawa. "Bakit naman sila malungkot?"

Seryoso siyang tumingin sa 'kin na para bang sinasabi ng mga mata niyang, 'ano'ng nakakatawa sa sinabi niya'. Nakagat ko ang pang-ibabang labi para pigilan ang sarili sa pagngiti o pagtawa.

"Nawawala kasi ang isa sa mga mermaid kaya umiiyak sila ngayon habang naghahanap."

Wala kaming kinuwentong ganyan sa kan'ya, talagang siya lang ang gumagawa at hindi ko alam kung saan niya napupulot ang mga sinasabi niya. Pero hindi ko maitatangging naaaliw ako sa imahinasyon niya.

"Kailan nila mahahanap?" tanong ko.

"Bukas, Ate Shi. Saka hindi na kulay pink ang mga dinosaur ngayon," aniya.

Kumunot ang noo ko. "Ano na ngayon?" usisa ko.

"Blue na sila ngayon. Ate, malungkot sila kaya blue," sagot niya.

Natawa ako. "Paano kapag galit?"

Malungkot siyang umiling. "Namamatay sila, Ate, tapos nagiging itlog ulit sila."

Napalakas ang pagtawa ko kaya natawa na rin siya.

Makalipas ang ilang minuto ay kumakanta na siya ng mga nursery rhymes hanggang sa natapos na kaming maghugas.

Habang pabalik kami sa salas, pinagmamasdan ko siyang nangunguna sa paglalakad. Kahit ramdam kong mas paborito ni Mama si Ariella hindi ko magawang magtanim ng sama ng loob sa kapatid. Paano ako magagalit sa kan'ya kung ganito siya sa akin? Sana lang talaga ay hindi siya magbago paglaki niya. Sana hindi magbago ang pagiging malambing niya.

Pero sa mga oras na 'to, hinihiling ko na sana hindi na lang siya gano'n kalambing sa amin. Masakit para sa akin na panoorin siyang sumisigaw sa pag-iyak habang mahigpit niyang yakap ang mga hita ni Mama, ayaw niya itong pakawalan.

Mahuhuli na si Mama sa flight niya pero wala siyang magawa dahil ayaw bumitaw ni Ariella.

Umiiyak na rin kami. Hawak ko si Ate dahil ramdam ko ang panghihina niya, habang si Kuya naman ay pilit na kinakalas ang mga braso ni Ariella sa hita ni Mama.

"Ella, mahuhuli na si Mama sa flight niya . . ." paki-usap ni Kuya sa kapatid.

Paulit-ulit na umiling si Ariella at mas lalong lumakas ang pag-iyak niya. "A-Ayoko . . . Ma! Please . . . H-Huwag mo kaming iwan! S-Sama ako, Mama! S-Sama ako . . . Sama si Ella, Mama! Sama . . ."

Pinunasan ni Mama ang luha niya at umupo na. Yumakap si Ella sa leeg ni Mama. Niyakap din siya ni Mama at paulit-ulit na hinagod ang likod niya.

"H-Hindi puwede, anak . . ." marahang sabi ni Mama. Umiling si Ariella. "S-Sama ako, Ma . . . Please."

"Hindi puwede, anak," pag-uulit ni Mama. "Babalik din agad si Mama, pangako. Isipin mo na lang na may binili lang saglit si Mama tapos babalik din agad siya, basta magpapakabait ka."

"Kailan ka ba babalik, Mama?"

Napalunok si Mama. "Babalik din agad ako basta magpapakabait ka," sagot ni Mama.

"H-Hindi pa ba ako mabait para iwan mo 'ko, Mama?"

Hirap na niyakap ni Mama si Ariella. "Mabait ka, 'nak. It's just that, Mama needs to go. Kailangan kong magtrabaho para rin sa inyo. Sinabi ko naman na sa 'yo 'yan, 'di ba?"

Tumango si Ariella. "Kaya pakawalan mo na si Mama, babalik din ako . . ."

Tumango si Ella pero hindi pa rin bumibitaw kay Mama. Tumingala si Mama sa amin.

"Magpapakabait kayo. Huwag kayong mag away-away, magtulungan kayo. Nehem, ikaw na ang bahala sa mga kapatid mo. Tawagan niyo ako kapag may kailangan kayo," habilin ni Mama. Tumango naman si Kuya.

"Tali, mag-iingat ka. Alagaan mo ang sarili mo pati ang magiging anak mo."

Tumango rin si Ate. "Opo, Ma. Ikaw din po."

Tumango si Mama bago tumingin sa 'kin. Gusto ko rin siyang yakapin pero yakap niya si Ariella.

"Shi, mag-iingat ka. Habaan mo pa ang pasensya mo, ha? Kung wala ang Kuya mo, bantayan mong maigi ang mga kapatid mo."

"Opo, Ma."

Tuluyan nang bumitaw si Ariella kay Mama at agad naman siyang kinuha ni Kuya. Tumayo si mama at niyakap niya kaming magkakapatid. Humigpit ang kapit ko sa kan'ya nang tumulo ang luha ko.

"Mag-aral kayong mabuti. Huwag niyong kawawain ang Lola Pearly niyo, tulungan niyo siya sa mga gawain sa bahay. Magpakabait kayo. Mag-iingat kayo mga anak. Mahal na mahal kayo ni Mama."

'Yan ang huling sinabi ni Mama bago siya tuluyang pumasok sa airport. Kaaalis pa lang ni Mama pero ramdam ko na agad na parang may kulang. Ramdam ko na agad na mapipilitan na kaming tumayo sa sarili naming mga paa.

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro