07
Sixteen years old pa lang si Ate. Ang bata niya pa para maging ina, pero wala siyang magagawa, nandito na.
Naging mahirap ang isang buwan para sa amin. Galit na galit si Mama nang iwanan lang si Ate ng boyfriend niya. Sinubukan namin siyang hanapin ni Mama, pero lumipat na raw sila at walang nakaka-alam kung saan na sila nakatira ngayon.
"Subukan lang talaga ng lintik na iyan na balikan kayo ng apo ko, mapapatay ko talaga 'yan," seryosong banta ni Mama. "Wala siyang karapatang maging ama niyan. Kalimutan mo nang may ama 'yan. Tayo na ang bahala sa bata," pinal na saad ni Mama kay Ate nang hindi talaga namin nahanap ang lalaki.
Hindi pa man lumalabas ang pamangkin ko, nasasaktan na ako para sa kan'ya. Mahirap ang walang ama. Mahirap ang iniwanan ng ama pero mas mahirap at masakit ang walang kinagisnang ama.
Tinuloy pa rin ni Ate ang pag-aaral dahil huling buwan na rin naman 'to. Maliit pa ang tiyan niya dahil dalawang buwan pa lang siyang buntis.
Pero syempre hindi mawawala ang mga chismosa. Pati tuloy ako ay nadadamay na. Marami na akong naririnig na baka sa susunod, ako na raw ang mabubuntis. Kagaya ko raw si Ate na kirengkeng. Pero hindi kirengkeng si Ate! Marami pa silang sinasabi na pinipili ko na lang kalimutan.
Minsan nakakainis at nakakagalit na at kung puwede lang sampalin at murahin ang mga matatanda matagal ko nang ginawa. Pero kung papatol din ako baka isipin nilang guilty ako. Kaya pinapabayaan ko na lang na ang karma ang mag-trabaho. Aksaya lang sila ng oras ko.
"Shi!"
Napatalon ako sa kinauupuan ko nang biglang sumigaw si Eulcrist. Kumunot ang noo kong napatingin sa kan'ya.
"Ano ba? Bakit ka ba sumisigaw?"
Ngumuso siya. "Kanina pa ako nag-i-explain dito, hindi ka nakikinig. Tulala ka na naman. Ano bang iniisip mo?"
Gumapang ang hiya sa sistema ko. Siya sana ang tutulong kina Tita Wendy at Mama ngayon sa palengke pero dahil nakiusap akong turuan niya ako sa Math, nagpaalam siya kay Tita na mag-re-review kami para sa fourth quarter examination namin bukas. At ngayong tinuturuan niya na ako, kung saan-saan naman napapadpad ang isipan ko.
"Sorry. Makikinig na ako, promise," nakokonsensyang saad ko.
Nag-aalala siyang nakatingin sa 'kin. "Okay ka lang ba?"
Tumango ako. "Oo naman. Sige na magturo ka na, Sir," tukso ko sabay ngisi sa kan'ya.
Mahina siyang natawa at pinagpatuloy ang pagtuturo sa akin. "Gets mo ba?" tanong niya pagkatapos. Tumango ako kahit hindi sigurado.
"Sige nga, sagutan mo 'to. Dapat pagkatapos kong magbasa tapos ka na rin," aniya at nagsulat ng mga iso-solve ko sa papel. Nilagay niya iyon sa tapat ko bago niya kinuha ang Science notebook niya at nagsimulang magbasa.
Agad akong napakamot sa ulo nang tumama ang mata ko sa mga numerong nakasulat sa papel. Hindi na ba talaga 'to madadaan sa dasal?
Panay ang pagbuntong-hininga ko at pagbulong ng "bahala na nga" habang sumasagot. Wala namang pake sa 'kin si Eulcrist dahil seryoso itong nagbabasa sa tabi ko.
Nakahinga ako nang maluwag nang matapos ko ang pinasasagutan niya. "Tapos na!" masayang sabi ko bago tumingin sa kan'ya. Nagulat ako nang agad na magtama ang mga mata namin at nakangiti na siya ngayon sa 'kin.
"Galing naman ng bebe na 'yan! Tama lahat, ah!" papuri niya habang pumapalakpak pa. Napanguso ako para pigilan ang pagngiti. Para tuloy siyang nagtuturo sa kinder kung paano magbilang.
"Weh? Eh, hindi mo pa nga na-ch-check."
"Tapos na. Tinitignan ko kanina habang sumasagot ka. Kaya mo naman pala!"
Tuluyan na akong napangiti. "Syempre ikaw ang nagturo!"
"You're welcome," aniya bago siya tumawa. "Kampante na akong mataas ang makukuha mo sa Math bukas."
Mas lalo akong ngumiti. "Sana nga. Kailangan ko 'yon, para naman maranasan ko ring makasali sa mga honor rolls."
"Matalino ka naman kasi, tamad ka nga lang."
Natawa ako dahil naalala ko si Mama. 'Yan din ang palagi niyang sinasabi sa 'kin noon. Ngayon, na-realize ko na tama nga naman sila. Wala, nakakatamad lang talaga, pero ngayong sinipag akong mag-aral, masaya rin naman pala.
"Sana talaga makasali ako kahit with honors lang," umaasang sabi ko.
"Bakit gustong-gusto mong magka-honor ngayon?"
Tumaas ang isang kilay ko. "Bawal?"
Umiling siya. "Hindi sa gano'n. Naninibago lang ako sa 'yo. Tumitino ka na, Ciela Serene," pang-aasar niya bago niya tinapik-tapik ang tuktok ng ulo ko.
Siniko ko ang braso niya at nilayo ang ulo ko. "Gago!" Tawa ko.
"Bakit nga kasi?" Pamimilit pa niya habang niyuyugyog ako sa balikat.
"Gusto ko kasing mapasaya si Mama," pag-amin ko habang tumatawa.
Napatigil si Eul sa pangungulit sa 'kin at tinitigan lang niya ako sa mata habang nakangiti. Muli na namang nagpakita ang malalim niyang dimple sa kaliwang pisngi. Pero kakaiba ang paraan ng pagngiti niya ngayon. 'Yung ngiting nagsasabing proud siya sa 'kin. Muli niyang pinatong ang kamay niya sa tuktok ng ulo ko bago niya mabilis na ginulo ang buhok ko.
"Bait-bait naman," aniya sa malambing na boses na parang bata lang ang kausap niya.
"Parang gago 'to!" saad ko habang tumatawa at inalis ang kamay niya sa ulo ko.
"Inaantok ka 'no?" Tumatawang tanong niya.
Tumango ako. "Oo, kaya huwag mong hawakan 'yang buhok ko kung gusto mong makapag-review pa tayo!"
Nanahimik nga siya at tinuloy na naming mag-review. Mabuti na lang at walang gagawin si Ate ngayon kaya siya ang nagbabantay kila Julian at Ariella, nasa salas sila at nanonood ng cartoons kaya nandito kami ni Eul sa kusina. Si Kuya naman ay nasa school at abala sa film making nila.
Nag-review pa kami ni Eul hanggang sa makaramdam kami ng gutom. Nagulat ako nang makitang alas-tres na pala ng hapon. Nag-aayang lumabas si Eul para kumain ng fishball pero nakokonsensya akong lumabas dahil kami lang dalawa ang kakain. Mabuti na lang at nakumbinsi ko siyang bumili na lang kami ng pancit canton at pandesal para lahat kami sa bahay ay makakain. Syempre siya ang nagluto dahil mas marunong siya. Nang malapit nang lumubog ang araw ay nagpaalam na si Eul na uuwi siya.
Kabado man ako sa exam, kampante naman akong tama ang karamihan sa mga sagot ko. Sana makapasa ako. Sana ga-graduate akong sasabitan ako ng medalya ni Mama sa stage at ngingiti kami sa camera. 'Yung ngiting tunay dahil masaya kami sa araw na 'yon.
"Ciela Serene!"
Agad na hinanap ng mga mata ko si Eulcrist. Katatapos lang ng meeting namin sa drum and lyre. Pinag-usapan lang namin kung ano'ng oras ang practice namin para sa nalalapit naming graduation dahil tutugtugan namin ang alma mater song namin. Binigay din sa amin ang notes para i-memorize namin.
"Bakit?" tanong ko nang matanaw ko siyang naglalakad papalapit sa 'kin. Abot hanggang langit ang ngiti niya na nakatingin sa 'kin. Lumabas na naman tuloy ang dimple niya. Nahawa tuloy ako sa ngiti niya.
Naalala kong ngayon din pala ang meeting ng mga parents sa room para ianunsyo kung ano ang gagawin at susuotin para sa graduation naming, at syempre kung sino ang mga nakasali sa honor rolls.
"Tapos na ang meeting? Ano'ng balita?" atat kong tanong kay Eulcrist.
Hindi nakapunta si Mama dahil busy sa palengke kaya si Tita Wendy ang pumunta sa meeting para sa amin ni Eulcrist.
Hindi nakapaghintay, tinakbo na ni Eulcrist ang distansyang namamagitan sa 'ming dalawa. Nanlaki ang mga mata ko nang bigla niya akong niyakap nang mahigpit.
"Congratulations, Ciela Serene! With honors tayo!" masayang sigaw niya.
Nalaglag ang panga ko at ilang segundo pa bago rumehistro sa utak ko ang balita ni Eul. Abot langit akong napangiti sa sobrang pagkatuwa. Ganito pala kasarap sa pakiramdam kapag nakamit mo na ang inaasam mo, matapos ang lahat ng paghihirap at sakripisyong ginawa mo. Namalayan ko na lang na tumatalon na kami ni Eulcrist sa sobrang pagkatuwa habang magkayakap pa rin.
"Congratulations sa inyo! Nakaka-proud kayong dalawa!" magiliw na sabi ni Tita Wendy habang kumakain kami ng spaghetti sa Jollibee. Nilibre niya kami dahil deserve daw namin 'yon.
"Thank you po, Tita!"
Ngumiti sa 'kin si Tita. "Hay nako! Siguradong matutuwa ang mama mo sa balitang 'to!"
Nakangiti akong tumango bago bahagyang sumandal sa lamesa para mas mapalapit pa kay Tita Wendy na nakaupo sa harapan ko. "Pero Tita secret lang po muna natin 'to, ha?" paki-usap ko.
Kumunot ang noo ni Tita. "Huh? Bakit naman?"
Napatingin din sa akin si Eulcrist, nagtataka.
Ngumisi ako. "Gusto ko po kasing surpresahin si Mama sa mismong graduation namin."
Humagikhik si Tita habang tumatango at mukhang tuwang-tuwa sa plano ko. "Sige sige, anak."
Nang makauwi ako ay sobrang pagpipigil ang ginawa ko para hindi masabi kay Mama ang balitang ikatutuwa niya.
Next week na rin naman ang graduation. Konting tiis pa, Ciela Serene.
"Mga anak, pasensya na kung wala munang handa sa graduation niyo, ha? Walang-wala kasi talaga ako ngayon," garagal ang boses na saad ni Mama habang kumakain kami.
Sumikip ang dibdib ko sa narinig. Mukhang hindi na napigilan pa ni Mama ang bumabagabag sa isip at puso niya kaya nasabi na niya ito habang kumakain kami. Nagkatinginan kami ni Kuya. Pareho kasi kaming ga-graduate ngayong taon. Siya bilang grade 12 at ako bilang grade 6, at recognition naman ni Ariella sa nursery dahil may award siya.
Humugot ako nang malalim na hininga at mabilis itong pinakawalan bago ngumiti at masuyong inabot ang kamay ni Mama sa lamesa.
"Mama. . ." malambing kong pagtawag sa ina. "Okay lang po! Walang kaso sa amin 'yon! Basta pumunta ka sa graduation namin, sapat na 'yon!" masigla kong sabi. Nanubig ang mga mata ni Mama kaya pinisil ko ang hawak kong kamay niya para ipahiwatig na ayos lang talaga.
"Kaya nga po, Ma," pagsang-ayon din ni Kuya.
Pinunasan ni Mama ang basang pisngi niya. "Salamat mga, anak . . ." aniya sa maliit na boses. Napatikhim siya bago bumuntong-hininga at saka siya tuluyang ngumiti sa 'min. "Oo naman! Pupunta si Mama, pangako."
Nangako ka, Mama. Nasaan ka na?
Nanginginig at namamawis na ang kamay ko habang inaanunsyo sa harapan ang pangalan ng mga nasa unahan ko.
Pito pa at ako na ang susunod na sasabitan ng medalya.
Kanina pa tinatanong mga teachers kung sino ang kasama ko at paulit-ulit kong sinasagot na paparating na si Mama.
Kanina ko pa hinahanap si Mama, pero ni-anino niya ay wala akong makita. Kanina ko pa rin siya tinitext at tinatawagan pero hindi niya sinasagot ang mga tawag ko at wala rin siyang reply.
Tila dinudukot sa loob ang tiyan ko na hindi ko alam kung ano ang dapat na mararamdaman. Mas sumikip pa ang dibdib ko at hindi na ako halos makahinga ng maayos kakaisip kung nasaan na si Mama. Kung ayos lang ba siya o kung napaano na siya sa daan habang papunta siya rito. Nag-aalala ako para sa kan'ya at kasabay no'n ay nangangamba akong baka hindi na siya makaabot pa. Mariin kong kinagat ang pang-ibabang labi habang walang tigil ang paa ko sa mararahan nitong pagpadyak sa sahig.
Nasaan ka na ba, Mama?
"Shi, wala pa rin si Tita El?" tanong ni Eulcrist mula sa harapan. Malungkot akong umiling. Ayokong umimik dahil baka maiyak na talaga ako.
Muli kong tinawagan si Mama. Muli na naman akong nabigo.
To Mama:
Mama, nasaan ka na?
Tatlo na lang at ako na ang susunod.
Ramdam ko ang pag-iinit ng gilid ng mga mata ko at ang pagbara ng kung ano sa lalamunan ko.
Nabuhayan ako ng loob nang mag-vibrate ang cellphone ko.
From Mama:
'Di pa tapos ang program nina Ariella, 'nak. Sorry. 'Di bale papunta na diyan ang Kuya mo.
Para akong bumagsak mula sa pinakamataas na bangin. Ang pinapangarap kong pagsurpresa sa kan'ya ay biglang naglaho na parang bula. Wala na, hindi na 'yon mangyayari. Hindi na niya ako masasabitan ng medalya sa unang pagkakataon.
"Tahan na . . . nandito na si Kuya."
Nagulat ako nang marinig ko ang boses ni Kuya. Napatingin ako sa tabi ko. Hinihingal pa siya at mukhang tinakbo niya ang distansiya mula sa high school hanggang dito sa theater. Pinunasan niya ang luha sa pisngi ko gamit ang mga palad niya.
"Tahan na . . . Ikaw na ang susunod, oh," saad niya sa pinakakalmado at masuyo niyang boses.
Pinilit kong awatin ang mga luhang kumakawala sa mata ko. Ilang beses akong bumuntong-hininga pero ang bigat talaga ng damdamin ko kahit na dumating na si Kuya.
Humakbang kami paitaas sa hagdan dahil ako na ang susunod na sasabitan ng medalya.
Marahang binangga ni Kuya ang kamay niya sa kamay ko. "Ngiti ka muna, Shi." Pinakita niya sa akin ang labas ngipin niyang ngiti. Tumango lang ako at pinilit ang sariling ngumiti.
"Yang, Ciela Serene M., with honors," anunsyo ng emcee bago kami nagsimulang maglakad ni Kuya papunta sa gitna kung nasaan ang bisita at ang principal namin.
Naging mabilis ang pangyayari. Binati ako ng mga guro, nagpasalamat kami ni Kuya. Sinabitan ako ng medalya ni Kuya. Humarap kami sa camera at pinilit kong magmukhang masaya.
Nang makababa kami ni Kuya mula sa stage ay doon na nag-unahan sa pagpatak ang mga mabibigat kong luha.
Namalayan ko na lang na nasa labas na kami at nasa sulok para walang makakita sa amin. Sumandal ako sa pader at tuluyang napaupo habang tahimik na umiiyak. Umupo rin si Kuya sa harapan ko at marahang tinapik ang balikat ko.
"With honor ka pala, bakit hindi mo sinabi?" mahinahong tanong ni Kuya.
Lumabo ang mata ko dahil sa luhang hindi maawat. "G-Gusto ko kayong . . . surpresahin. G-Gusto kong magulat si Mama sa mismong program. . . pero h-hindi ko naman alam na iba p-pa lang surpresa ang nag-aabang sa akin . . ." basag na basag ang boses kong paliwanag habang pilit na hinahabol ang paghinga sa tindi ng pag-iyak ko.
Tinakpan ko ang mukha ko gamit ang dalawang palad ko at doon ko na inilabas ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Napakadaya ni Mama. Graduation ko ngayon. Nangako siyang pupunta siya pero siguro dahil akala niya wala akong award hindi na lang siya pumunta at si Kuya na lang ang inutusan niya. Syempre mas pipiliin niya si Ariella, may award 'yon, eh.
Siguro iniisip niya na aksaya lang naman ng oras ang pagdalo niya sa graduation ko kasi wala rin naman siyang mapapala. Hindi siya aakyat sa stage. Hindi naman niya ako sasabitan ng medalya. Pero si Ariella, may award kaya doon na lang siya kasi may mapapala pa siya.
Pero paano kung hindi ko nilihim? Pupunta ba siya o hindi?
Pero may silbi pa ba ang pag-iisip ko ng ibang pangyayari kung tapos naman na. Huli na.
Hindi siya pumunta at pinako lang niya ang pangako niya sa akin.
Mas lalo akong naiyak nang may naisip.
Siguro kung hindi nagloko si Papa, siya ang kasama ko ngayon.
Pero ano'ng magagawa ko?
Tapos na.
Nangyari na.
Huli na.
At ngayon, nadudurog muli ako.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro