Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

06

"Ate Shi, si Papa?"

Pang ilang ulit na 'yan na tanong ni Ariella magmula noong lumayas si Papa sa bahay. Dalawang buwan na rin ang nakalipas simula noong si Mama na ang tumayong haligi at ilaw ng tahanan.

Lahat kami ay hindi alam kung paano sasagutin ang tanong na iyan ni Ariella. Mabigat at masakit sa dibdib para sabihin sa bata na hindi na babalik si Papa dahil bumuo na ito ng panibagong pamilya at pinili niya kaming iwan.

Ayokong maramdaman ni Ella ang sakit na nararamdaman namin. Saka na lang namin ipapaliwanag kapag malaki na siya at nakakaintindi na.

"Busy sa work," tipid kong sagot habang nag-re-review. Huling entrance exam na namin bukas para sa mga gustong makapasok sa STE o Science Technology and Engineering sa high school.

Top 7 ako noong unang take pero hindi pa rin dapat ako magpakampante. Kailangan ko pa ring mag-review at sana sa huling take namin, makapasa kami ni Eulcrist.

Rinig ko ang pagbuntong-hininga ni Ariella sa tabi ko. "Ang tagal naman . . . Miss ko na si Papa, Ate Shi."

Ako rin, Ella. Pero may magagawa ba ako kung mas pinili niya tayong iwan nang gano'n gano'n lang?

Hindi ako sumagot. Wala akong masabi para gumaan ang pakiramdam niya. Ayoko siyang paasahin na babalik din si Papa dahil wala namang babalik.

Alam kong ano mang segundo ay iiyak na siya kaya nilapag ko sa lamesa ang reviewer at hinarap ang kapatid na may malaking ngiti sa labi ko.

"Tara, gala tayo? Ano'ng gusto mong kainin? Libre ko!" masigla kong alok.

Ang mukhang paiyak na, ngayon ay napalitan ng nagniningning na mga mata at may matamis na ngiti sa labi.

"Gusto ko ng ice cream, Ate Shi! Tapos cotton candy!"

Natawa ako. "'Yun lang? Marami akong pera ngayon." Tinaas baba ko pa ang dalawang kilay ko.

Shunga, Ciela Serene. Wala kang pera. Kukuha ka pa lang sa alkansya mo.

Hayst. Hayaan na nga, ngayon lang naman, eh. Makalimutan lang pansamantala ni Ariella si Papa . . . at sana ako rin.

Umiling si Ariella bilang sagot. "Wala na, Ate Shi. Ice cream at cotton candy lang!"

Napangiti ako. Bait naman ng kapatid kong 'to, sana 'di 'to magbago paglaki.

Pinagbihis ko muna siya dahil basa na siya ng pawis habang ako naman ay kumuha ng pera mula sa alkansya ko. Nang matapos ay kinuha ko ang bike ko mula sa likuran ng bahay bago siya tinawag at umangkas na siya sa likuran ko.

Wala tuloy tao sa bahay. Si Kuya may pinuntahan, gano'n din si Ate. Si Mama naman kasama si Julian sa palengke, nagbebenta ng mga gulay, karne at isda. Buti na lang at meron si Tita Wendy na kumuha sa kan'ya pansamantala habang hinihintay naming maaprubahan ang in-apply-an ni Mama na private school para magturo.

Hindi man kami kasing rangya noong meron pa si Papa pero at least nakakakain pa rin kami ng tatlong beses sa isang araw. Ayos na 'yon kaysa sa wala.

"Ate Shi, sa park tayo!" ani Ariella habang nag-b-bike ako. Tumango lang ako dahil doon ko naman talaga siya balak dalhin. Ayoko sa tabi ng dagat baka maisipan niyang maligo at hindi ko mapansin, mahirap na.

"Tara swing tayo, Ate!"

Pinarada ko muna ang bike sa gilid bago bumaba si Ariella at sumunod ako.

"Bili muna tayo ng ice cream, Ella," aya ko sa kapatid habang nakalahad ang kamay ko sa tapat niya. Nang humawak siya sa kamay ko ay saka lang kami naglakad papunta sa nagbebenta ng ice cream at cotton candy. Matapos naming bumili ay naglakad na kami papunta sa swing.

Inalalayan ko siyang maupo sa mas mababang swing kung saan abot ng mga paa niya ang lupa, bago ako umupo sa katabing swing. Gamit ang paa ko ay mahina kong tinulak ang katawan ko para gumalaw ang swing. Ginaya rin ako ni Ella.

"Ate Shi."

Tumingin ako sa kan'ya habang kumakain ng ice cream. "Bakit?"

Ngumiti siya sa 'kin kahit na may ice cream pa sa bibig niya at sa gilid ng labi niya, gano'n din sa baba niya. Natawa ako. "Ang amos mo!"

Kinuha ko ang panyo sa bulsa ko at pinunasan ang gilid ng labi at ang baba niya. Mahina siyang natawa.

"Thank you, Ate Shi! Love you!" malambing niyang sambit nang matapos ako.

Tila niyakap ang puso ko sa narinig. Puminta ang abot taingang ngiti sa aking labi. "Love you, too, Ella."

Malaki itong ngumiti sa akin bago kumain ulit. Nagkuwento rin siya tungkol sa mga kaklase niya kung gaano raw sila kaingay. May ibang kuwento niya na hindi ko maintindihan pero nakikitawa na lang ako sa kan'ya.

"Alam mo ba, Ate, tuwing gabi raw lumalabas 'yung mga dinosaur para mangitlog. Tapos lalabas 'yung mga fairy para pisain 'yung itlog tapos lalabas 'yung mga mermaids at lalangoy sila papunta sa dagat!" hinihingal niyang pagkukuwento. Ang bilis kasing magsalita para siyang reporter na may matinis na boses. Hindi tuloy mawala ang ngiti sa aking labi habang pinapanood siya.

Hindi ko alam kung inuuto ba niya ako pero alam kong nag-iimagine lang siya. Malawak talaga ang imahinasyon ng batang ito at naniniwala akong magagamit niya rin 'yan balang araw. Pinipigilan ko nga lang matawa.

"So, doon pala galing ang mga mermaids?" maang-maangan kong tanong.

Seryoso itong tumango. Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang sarili sa pagtawa. "Oo, Ate, kaya dapat hindi na tayo maingay sa gabi para makalabas 'yung mga dinosaur."

"Nakakita ka na?" tanong ko para sabayan siya.

Tumango ulit siya na parang totoo nga iyon. "Oo, Ate, 'tsaka meron pa! Secret lang natin 'to, ha?" pabulong niyang saad at sinenyas na lumapit ako gamit ang maliit niyang kamay. Lumapit nga ako at yumakap siya sa leeg ko para bumulong sa tapat ng tainga ko.

"Kulay pink ang mga dinosaur."

Doon ko na hindi napigilan ang pagtawa. Ang cute niya! Nagkwento pa siya gamit ang imahinasyon niya. Para sa four years old na gaya niya nakatutuwa na ang lawak ng imahinasyon niya.

"Ella, ano'ng pangarap mo paglaki mo?" tanong ko bigla habang kumakain kami ng cotton candy.

Ngumiti siya sa 'kin. Kita ko tuloy ang bungi niyang ngipin. "Painter sana ate pero sabi ni Kuya Nehem mas maganda raw kung architect, kaya architect, Ate!"

Ngumiti ako. Proud talaga ako sa batang 'to. Bata pa lang pero may pangarap na. "Ganda naman. Pagbutihin mo ang pag-aaral, ha?"

Masaya at bibo siyang tumango. "Promise, Ate!"

Nakangiti akong tumango. May mga pangarap na kami. Sana matupad iyon kahit wala si Papa sa tabi namin. Sana makaya namin. Sana malampasan namin ang bagyo.

"Ciela Serene! Pumasa tayo!" masayang balita ni Eulcrist nang mahanap niya ang pangalan namin sa listahan. Masyado akong kinakabahan kaya siya ang naghanap sa pangalan namin at ngayong nahanap na niya, nawala ang kaba ko, at matinding saya ang pumalit. Namalayan ko na lang na tumatalon na kami sa sobrang tuwa.

"Congrats sa atin!" masayang sigaw ko.

"Deserve natin ng cake!"

Sabay kaming napangisi at alam kong pareho kami ng gustong puntahan."Tara na!"

Magkahawak kamay kaming tumakbo papalabas sa gate ng high school at pumunta sa malapit na bakery.

Lunchtime na namin pero mas nauna kaming lumabas ni Eul dahil atat na atat kaming malaman kung sino ang pasado para sa STE. Nauna kaming lumabas dahil nag-skip kami. Ngayon lang naman, promise talaga hindi na mauulit. At dahil nasa labas na kami susulitin na lang namin.

Pero habang papunta kami, nakasalubong ko si Ate Tali at may naka-akbay sa kan'yang matangkad na lalaki. Nagkatinginan kami ni Ate at kita ko ang panlalaki ng mga mata niya, mukhang nagulat siyang nahuli ko siya.

Huminto kami ni Eulcrist kaya napahinto rin sila Ate. Nagtatakang tumingin sa kan'ya ang lalaki bago napatingin sa akin. Iniwas ko ang tingin ko sa lalaki at binalik kay Ate.

"Boyfriend mo, Ate?" tanong ko.

Napalunok si Ate bago tumango. "Huwag mong sasabihin kay Mama," halos bulong niyang sabi.

Ngayon ako naman ang napalunok pero tumango na lang. Agad naman silang umalis habang naiwan kami ni Eulcrist. Masama ang kutob ko sa lalaking iyon. Kinakabahan ako para kay Ate. Sana mali ako. Sana matino ang boyfriend niya.

Naramdaman ko ang marahang pagpisil ni Eulcrist sa kamay kong hawak niya. "Tara na?" aniya sa marahang paraan.

Binalik ko ang ngiti ko at nagpatuloy kami sa paglalakad. Hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ko kaya hinayaan ko na lang.

Nang uwian na ay agad akong nagpaalam kay Eulcrist na mauuna na akong uuwi. Alam kong nasa bahay na si Mama dahil Biyernes ngayon. Ibig sabihin wala siyang trabaho dahil hindi nagbebenta si Tita Wendy tuwing Biyernes.

Habang nasa daan ay iniisip ko na kung paano sasabihin sa kanila na nakapasa ako. Naiisip ko pa lang na mapapangiti ko si Mama ay napapabilis na ang lakad ko. Halos liparin ko na ang distansya mula rito hanggang sa bahay. Hindi mawala ang ngiti sa labi ko.

Pagkarating ko nga sa bahay ay agad na hinanap ng paningin ko si Mama.

Rinig ko ang tawanan at kuwentuhan mula sa kusina. Dali-dali akong naghubad ng sapatos sa pintuan at tinakbo ang distansya mula sa kusina.

"Ate Shi!" excited na bati sa 'kin ni Ariella at tumalon mula sa kinauupuan niya bago nagmagdaling tumakbo papalapit sa akin at sinalubong ako ng mahigpit na yakap.

Niyakap ko rin siya pabalik habang nililibot ng mga mata ko kung sino ang nasa kusina.

Naka-upo si Ate Tali sa kabisera at kalong niya si Julian sa hita niya habang gumagawa ng turon. Si Kuya naman ay nasa tabi ni Mama na ngayon ay abala sa pagluluto ng sauce ng spaghetti.

Ako na lang pala ang kulang.

Napatingin si Mama sa gawi namin ni Ariella. Agad na sumilay ang matamis nitong ngiti. "Congratulations, anak!"

Nanlaki ang mga mata ko. Paano nila nalaman? Pinunasan niya ang kamay niya sa suot niyang apron bago niya binuka ang mga braso niya, senyales na lumapit ako para yakapin siya.

Bumitaw si Ariella kaya nagmadali akong lumapit kay Mama at niyakap siya.

"Paano mo nalaman, Ma? Ibabalita ko pa sana, eh!" usal ko habang nakasiksik sa balikat at leeg niya. Naramdaman ko siyang tumawa.

"Syempre bago mo nakita, nakita ko na. Kaya tinext ko agad si Mama," singit ni Kuya Nehem.

Napatingin ako sa kan'ya bago ngumuso. Napangisi lang naman siya. "Ako dapat ang magsasabi, eh! Nag-practice pa naman ako kanina sa daan!" angal ko.

Mahina siyang natawa. "Congrats, Shi!"

"Congrats, Ciela! Deserve mo lahat 'tong turon!" ani Ate.

Napatingin ako sa kan'ya. Nakangiti rin siya sa 'kin. Napangiti na lang ako, bihira lang 'tong mangyari na magkakasundo kami kaya susulitin ko na lang. "Aba, dapat lang!" biro ko.

Nakangiti kaming lahat. Pati si Julian na walang kamuwang-muwang nakikitawa rin sa amin. Ang saya namin. Hindi ko akalaing darating ang araw na 'to, na kahit bumabagyo nakukuha pa rin naming maging masaya at maging kontento sa kung ano mang meron kami ngayon.

Saludo ako kay mama dahil mahusay niyang naitataguyod ang pamilya namin kahit na tila pasan niya ang buong mundo dahil siya ang tumatayong ama at ina sa pamilyang ito.

"Thank you, Ma!" malambing kong sambit habang kumakain kaming lahat dito sa hapag kainan. Nasa harapan ko si Mama kaya agad kong nakita ang pagngiti at iling niya sa akin.

"You're welcome, 'nak. Pagpatuloy mo lang ang pag-aaral ng mabuti. Kayo rin," ani Mama at tumingin sa mga kapatid ko. Sabay-sabay naman silang tumango.

"Thank you rin sa inyo!" usal ko at tumingin kila Ate, Kuya, at Ariella na nasa tabi ko.

"Kami lang 'to!" sabay pa na sabi nina Ate at Kuya kaya nagtawanan muli kami.

Pilit inaabot ni Julian ang spaghetti sa plato ko kaya naglagay ako ng sauce sa kutsara ko at maingat na sinubo sa kan'ya. Kalong ko siya ngayon kaya matinding pagpipigil sa sarili ang kailangan ko para hindi ko siya mapisil nang bonggang-bongga. Nanggigigil ako! Ang taba!

"Mga anak,"pagtawag sa 'min ni Mama nang patapos na kaming kumain. Tumingin kami sa kan'ya. Mukhang may importante siyang sasabihin.

Humugot siya nang malalim na hininga at marahan itong pinakawalan.

"Grabe naman 'yan, Ma. Parang ibubunyag mo na ampon kaming lahat, ha!" pagbibiro ni Ate, pinapagaan ang namumuong tensyon. Napangisi lang ako.

Ngumiti si mama sabay iling. "Naalala niyo pa ba 'yung in-apply-an ko bilang teacher sa isang school?" Tumango kaming lahat. "Hindi ako natanggap," mahinang sabi ni Mama. Magsasalita na sana ako pero agad siyang nagsalita.

"Pero kasabay no'n nag-apply din ako bilang caregiver sa Hong Kong," aniya at natahimik kami. Ngumiti si mama. "Natanggap ako mga anak."

Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako dahil natanggap si Mama o malulungkot dahil mukhang iiwan niya na kami. Hindi ako umimik. Ayoko dahil hindi ko pa kayang tanggapin ang posibleng pag-alis niya.

"Ano po 'yong caregiver, Mama? Saan po ang Hong Kong sa kabilang baranggay po ba, Mama?" walang kamuwang-muwang na tanong ni Ariella.

Kung hindi siguro ako nilalamon ng lungkot ay nakikisabay ako ngayon sa pagtawa nina Kuya at Ate.

"Anak, ang caregiver, sila 'yung mga nag-aalaga ng bata, matanda, o 'yung mga may sakit," paliwanag ni Mama bago siya napalunok at bumuntong-hininga. "At ang Hong Kong, anak . . . sa ibang bansa 'yon."

Gumuhit ang lungkot sa mga mata ni Ariella. "Pupunta ka ro'n, ma? Iiwan mo kami?"

Tumayo si Mama mula sa kinauupuan niya at lumapit kay Ariella. Tumabi siya kay Ella at masuyong niyakap ito.

"Babalik din naman ako 'pag binigyan ako ng bakasyon ng amo ko, anak."

"Tutuloy ka nga, ma?" si Ate. Tumango si Mama.

Pakiramdam ko kung magsasalita ako, iiyak lang ako kaya pinili ko na lang na manahimik.

"Bakit mo kami iiwan, Mama?" mahinang tanong ni Ariella, naluluha na.

Bumuntong-hininga muli si Mama. "Kailangan, anak. Hindi sapat ang perang kinikita ko para sa pang araw-araw na gastusin natin. Kailangang mas magtrabaho at kumita pa si Mama. Sana maintindihan niyong pinili ko 'to para rin sa ikabubuti niyo."

"Meron naman si Papa, Mama. Siya na lang po ang magtrabaho," ani Ariella.

Natahimik kaming lahat. Hindi alam kung ano ang sasabihin. Mas niyakap pa ni Mama si Ella.

"Anak, ang Papa mo . . . ayaw na sa trabaho niya rito sa bahay kaya umalis na siya," hirap na paliwanag ni Mama.

"Ma. . ." kinakabahang pagpapatigil ni Kuya kay Mama.

Umiling si Mama kay Kuya at sumenyas na hayaan siya nitong magpaliwanag sa kapatid namin.

"Umalis po?" tanong ni Ariella at litong nag-angat ng tingin kay Mama.

"Oo, 'nak, umalis na ang Papa niyo . . . at hindi na siya babalik pa."

Doon na tuluyang umiyak si Ariella. Sunod-sunod na nagpatakan ang mga luha niya. "B-Bakit siya umalis, Ma? A-Ayaw niya na . . . sa 'tin?"

Nadudurog ako habang pinapanood ko ang kapatid ko. Naaalala ko na naman ang huling pag-uusap nina Mama at Papa. Ang pagtanong ni Mama kung mahal pa ba siya ni Papa at ang pag-iling ni Papa bilang sagot niya. Ang paghagulgol ni Mama at ang pag-iyak ko no'ng araw na 'yon.

"Ayaw niya na sa trabaho niya rito, anak, kaya naghanap siya ng iba. Kaya huwag na natin pang isipin ang Papa mo."

"B-Bakit, Mama?"

Napailing si Mama. "Hindi ko rin alam, anak."

Hindi ko na malayang umiiyak na pala ako. Gusto ko munang magkulong sa kwarto ko. Tumayo na ako at lumapit kay Kuya para ibigay si Julian nang mapansin kong wala na si Ate.

"Si Ate?" tanong ko kay Kuya nang makuha niya na si Julian.

Napakibit balikat siya. "Mukhang masusuka kanina, baka nasa banyo."

Hindi ko manlang napansin na umalis siya. Agad akong kumuha ng tubig at pumunta sa banyo. Bukas ang pinto kaya pumasok ako. Naroon nga si Ate, naka-upo sa bowl, umiiyak habang may hawak na stick na kulay puti.

Lumapit ako para makita kung ano ang hawak niya. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Pregnancy test. Nalaglag ang panga ko nang makita ang dalawang pulang guhit dito. Nabitawan ko ang basong hawak ko na agad na nabasag at nagkalat ang mga bubog sa tiles ng banyo. Napatalon si Ate at nanlaki ang mga matang napatingin sa 'kin.

"B-Buntis . . . ka ate?" hindi makapaniwalang usal ko.

Tumayo si Ate at mabilis na inabot ang kamay ko. Sobrang lamig ng kamay niya at nanginginig ito. Patuloy sa pag-agos ang luha sa pisngi niya. Bakas sa mukha niya ang pagkabalisa.

Paulit-ulit siyang umiling. "P-Please. . ." Napalunok si Ate at nagmamakaawang nakatingin sa akin. "Please, Shi . . . h-huwag mong sasabihin kahit na kanino . . . l-lalo na kay M-Mama."

Nabitin sa ere ang tango ko nang may nagsalita mula sa likuran ko.

"Ano ang hindi ko dapat malaman, Taleigha?" malamig ang boses na tanong ni Mama.

Nanlamig din ako gaya ni Ate. Bawat hakbang ni Mama papalapit sa 'min ay rinig ko ang pagkadurog pa ng mga bubog na nagkalat sa sahig. Mabilis na hinablot ni Mama ang hawak ni Ate na pregnancy test nang makalapit na ito sa amin.

"Ma!" pigil ni Ate pero huli na.

Napatakip sa bibig si Mama at gulat na napatingin kay Ate pabalik sa hawak niya at kay Ate ulit. Paulit-ulit na umiling si Mama.

"Diyos ko po . . ." hindi makapaniwalang usal ni Mama at mukhang maiiyak na. Napaupo si Mama sapo ang kan'yang ulo. Napalunok ako dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin sa sitwasyong ito. Masyadong seryoso at nakakatakot.

Paulit-ulit na umiling si Mama at halos sabunutan na niya ang sarili. "B-Bakit Taleigha?" mahinang tanong ni Mama. "Saan ako nagkulang? Bakit . . . Bakit mo hinayaang mangyari 'to sa 'yo?"

Tumayo si Mama, umiiyak na. Lumapit siya kay Ate, pero mabilis akong binitawan ni Ate para makaatras. Kinakabahan din ako sa kung ano man ang puwedeng gawin sa kan'ya ni Mama.

"M-Ma . . ." kinakabahang pagtawag ni Ate kay Mama nang hindi ito huminto sa paglapit sa kan'ya.

Akala ko sasaktan o sasampalin niya si Ate gaya ng mga napapanood ko na drama sa TV na reaksyon ng mga magulang tuwing maagang nabubuntis ang anak nila, pero iba si Mama, niyakap niya nang mahigpit si Ate at sa balikat nito siya napahagulgol.

"Hindi ba sapat ang mga bilin ko sa 'yo, 'nak? Saan nagkulang si Mama? S-Sorry kung nagkulang ako, 'nak. S-Sorry. . ."

Umiling si Ate habang umiiyak na rin. "W-Wala kang kasalanan, Ma. Kasalanan ko! Masyado akong nangulila sa pagmamahal ng isang ama . . . na nahanap ko kay Ace. M-Masyado akong nabulag sa pagmamahal . . . na binigay ko agad ang lahat ng sa akin. Sorry, Ma. I'm so sorry. . ." pag-iyak ni Ate.

Tahimik lang akong umiiyak sa tabi. Iniisip ang mga pangyayari. Kinuyom ko ang aking mga palad at napatiim-bagang.

Bakit mo hinayaang mangyari 'to sa pamilya mo, Papa?

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro