05
"Ciela?" Puno ng pagtataka ang mga mata niyang nakatingin sa akin, matapos niyang buksan ang pinto ng bahay nila.
Mas bumigat pa ang dibdib ko nang magtama ang mga mata namin. Kaagad ko siyang niyakap nang mahigpit na tila siya na lang ang natitira kong masasandalan sa panahong ito. Akala ko ay itutulak niya ako dahil basang-basa ako ng ulan pero niyakap niya ako pabalik at marahang tinapik ang likuran ko. Natatakot ako, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, para akong naglalakad sa madilim na gubat, at sa mainit niyang yakap ako nakahanap ng kakampi.
"Eul . . ." sambit ko nang magpahinga ang naguguluhan kong ulo sa balikat niya, bago muling nagpatakan ang mga mabibigat kong luha.
"Bakit? Ano'ng nangyari? Sinong umaway sa 'yo? Saan ang masakit?" sunod-sunod niyang tanong bakas sa boses niya ang pagkalito at pag-aalala. Umiyak lang ako sa balikat niya. Nanginginig na ako sa lamig pero ayoko pang bumitaw sa kan'ya.
"Ciela?" tanong niya nang wala siyang makuhang sagot mula sa 'kin. Mas lalo lang akong napahagulgol. Pinilit niyang humiwalay sa 'kin at hinawakan ang magkabilang balikat ko para masuri niya ako. Nagpatianod lang ako dahil hinang-hina na ako. Ang katawan ko. Ang puso ko. Ang isip ko. Lahat.
"Ano'ng masakit sa 'yo?" marahang tanong niya.
Sinalubong ko ang nag-aalala niyang mga mata. "L-Lahat. . ." garagal ang boses kong sagot kasabay nang pagpatak muli ng luha ko.
Tumango lang siya bago ako tahimik na iginiya papasok hanggang sa huminto kami sa tapat ng kuwarto niya.
"Hintayin mo 'ko rito," aniya at nagmadaling pumasok sa kwarto niya. Kumuha siya ng tuwalya at mga damit niya, nilapag niya ang mga ito sa kama niya bago mabilis na lumabas papunta sa 'kin.
"Magbihis ka muna," marahang sabi niya at maingat akong iginiya papasok, saka niya sinara ang pinto at iniwan ako roon na mag-isa.
Kahit na ayokong gumalaw, pinilit ko ang sarili dahil nilalamig ako. Agad akong nagbihis at nilagay sa gilid ang mga basa kong gamit at damit.
Binalot ko ang basa kong buhok gamit ang tuwalya bago nahiga sa kama niya at nagtago sa makapal niyang kumot.
Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Wala akong ibang alam na gawin kun'di ang umiyak.
"Shi. . ." rinig kong pagtawag ni Eulcrist mula sa labas habang kumakatok siya sa pinto.
"Tapos ka na ba?" tanong niya. Kumatok ulit siya ng tatlong beses sa pinto.
"Papasok na ako, ha?" pagpapaalam niya bago ko narinig ang pagbukas ng pinto.
"Shi, ano'ng nangyari?" nag-aalala niyang tanong. Ramdam ko ang pag-upo niya sa tabi ko.
Hindi ako sumagot. Wala akong lakas para magsalita. Ayoko munang pag-usapan. Naramdaman niya ata dahil tinapik na lang niya nang marahan ang balikat ko habang mahina akong humihikbi sa ilalim ng makapal na kumot.
"Nandito lang ako, ha?" bulong niya bago ako tuluyang pumikit at nakatulog dala ng matinding pagod at sobrang pag-iyak.
Nagising ako sa sobrang sakit ng ulo ko. Pumipintig ito at para itong hinahati sa sakit. Sinapo ko ito at mariing pumikit. Masakit din ang buong katawan ko. Para akong binugbog. Nilalamig din ako kaya mas sumiksik pa ako sa gilid at niyakap ang sarili.
Pinilit kong matulog ulit pero hindi ko magawa dahil sobrang sakit ng ulo ko. Napadaing ako sa sakit. Hindi ko pa rin minumulat ang mga mata ko nang marinig kong bumukas ang pinto.
"Ciela?"
Agad akong nagmulat nang marinig ko ang boses ni Mama. Madilim na at ang tanging nagsisilbing ilaw ay nagmumula sa labas, sa pintuan kung saan nakatayo si Mama.
"M-Mama?" paos ang boses kong tanong.
"Ciela, ano'ng nangyari sa 'yo?" napalakas ang boses ni Mama nang makumpirmang ako nga ang nakahiga sa kama. Bakas sa boses niya ang labis na pag-aalala. Binuksan niya ang ilaw dahilan para mapapikit muli ako at narinig ko ang pagmamadali niyang makalapit sa 'kin.
"Diyos ko kang bata ka! Kanina ka pa namin hinahanap, nandito ka lang pala! Ano'ng nangyari, Ciela? Bakit dito ka dumiretso at hindi sa bahay? Bakit ka nagpaulan? Hindi ba't sabi ko sa 'yo, hindi 'yon puwede?" sunod-sunod na tanong ni Mama nang makaupo siya sa tabi ko.
Nakapikit pa rin ako. Ayokong salubungin ang mga mata niya. Dahil lahat ng nangyari kanina ay muling nanumbalik sa isipan ko. Ang paghalik ni Papa sa babae niya. Ang paghaplos nito sa tiyan niya. Ang pagkumpirma kong buntis ang babae. Ang hinala kong siya ang ama ng dinadala nito. At ang katotohanang nangangaliwa nga si Papa.
"Ciela! Hindi ka sasagot?" bakas na ang galit sa boses ni Mama. "Alam mo ba kung ano'ng oras na ngayon? Alas-diyes na ng gabi, Ciela Serene! Kanina ka pa namin hinahanap ng Ate at Kuya mo! Alam mo ba kung gaano ako nag-alala? Halos halughugin ko na ang buong baranggay makita ka lang! Sagutin mo ako, Ciela! Sinabi sa akin ni Eulcrist na umiiyak ka raw na pumunta rito!"
Minulat ko ang mga mata ko at sinalubong ang kay Mama. Imbes na sagutin siya ay muling nanubig ang mga mata ko at napaiyak na lang.
Natahimik saglit si Mama. "Ano'ng nangyari, anak?" lumabot ang tinig niya.
Iniisip ko pa lang na sabihin kay Mama ang lahat ng nalaman ko, nawawasak na ako. May parte sa 'king gustong magbulag-bulagan pero may parte rin sa 'king gusto kong malaman niya ang kagaguhang ginagawa ni Papa, dahil parang nagtaksil na rin ako kay Mama kung mananatiling tikom ang bibig ko. Kahit masakit, karapatan pa rin niyang malaman ang katotohanan.
"Ciela. . ." hinawakan ni Mama ang braso ko para sana hilahin ako paupo pero agad niya akong nabitawan, para siyang napaso. "Ang init mo!"
Agad niyang nilapat ang likod ng palad niya sa noo ko, sunod sa leeg ko. "Sus maryosep! Nilalagnat ka! Sabi ko na sa 'yong huwag kang magpapaulan, eh!"
"Teka, tatawagin ko lang ang Kuya mo sa labas nang madala ka namin sa ospital!" tarantang paalam ni Mama. Ngunit bago pa man siya makaalis ay mahigpit ko nang niyakap ang kamay niya.
"M-Ma. . . teka lang," hikbi ko.
"Bakit? Ano'ng nararamdaman mo?" nag-aalalang tanong ni Mama.
"Ma, si . . . P-Papa," hirap kong sabi.
Hindi ko alam kung saan at kung paano magsisimula. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay Mama na hindi siya masasaktan. Pero imposible dahil kahit sa ano'ng paraan ko sasabihin ang nalaman ko, masasaktan at masasaktan pa rin siya.
"Wala ang Papa mo ngayon, Ciela. Busy sa trabaho," sagot ni Mama.
Mas lalo akong naiyak.
Hindi naman sa trabaho busy si Papa, eh.
"A-Alam niya bang . . . hinahanap niyo ako kanina, Ma?" nag-aalinlangan kong tanong.
Tumango si Mama.
"Bakit hindi siya umuwi?"
Bumuntong-hininga si Mama, halatang dismayado rin kay Papa. "Tatapusin lang daw muna niya ang ginagawa niya dahil deadline na raw bukas," malamig na sabi ni Mama.
Naramdaman ko ang pagkirot ng puso ko. Kung nagsisinungaling man si Papa at hindi talaga trabaho ang inaatupag niya, hindi ko alam kung mapapatawad ko pa ba siya.
Pinilit kong umupo at mahigpit na yumakap kay Mama. "M-Ma. . ." Pag-iyak ko.
Niyakap ako pabalik ni Mama at hinaplos nang paulit-ulit ang likod ko. "Ano'ng nangyayari, Ciela? Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo na."
Tuluyan na akong napahagulgol balikat niya. "M-Mama, si Papa . . . Si P-Papa may ibang babae, Ma!" basag ang boses kong sumbong sa gitna ng pag-iyak ko. "Ma! N-Nakita ko siya kanina! Ma . . . h-hinalikan niya 'yung babae! Ma. . . M-Ma. . . Ma, b-buntis 'yung babae!" tuluyan na akong napasigaw sa sobrang sakit ng mga salitang binitawan ko.
Mga salitang nagsilbing hudyat na tuluyan nang nag-umipisa ang bagyo ng pamilya namin.
Ang kaninang humahaplos na kamay ni Mama sa likuran ko, ngayon ay wala na. Ramdam ko ang paninigas niya. Ramdam ko ang paulit-ulit niyang pag-iling. Hindi tinatanggap ang mga sinabi ko.
"H-Hindi magandang biro 'yan, Ciela," nanginginig ang boses niyang sabi.
Humiwalay ako sa kan'ya at tinitigan siya sa mga mata. "Hindi ako nagbibiro, Mama!" Napayuko ako sabay sapo sa ulo ko. Sobrang sakit nito at hindi na ako makahinga sa sobrang pag-iyak.
"Kung puwede lang na maging biro, e 'di sana tumatawa ako ngayon. E 'di sana umuwi ako ngayon. Pero hindi, Mama, hindi . . ." Hinahabol ko na ang paghinga ko ngunit hindi pa rin ako maawat sa paghikbi.
"Umuwi na t-tayo," nabasag ang boses ni Mama sa huli dahilan para mapatingala ako sa kan'ya. Hindi siya umiiyak o lumuluha pero bakas sa mga mata niya ang matinding sakit.
Tumango lang ako kay Mama habang pilit na kinakalma ang sarili. Tumayo na siya at inalalayan ako. Agad kong naramdaman ang pag-ikot ng paligid ko. Sinapo ko ang ulo ko para matigil ito at huminga nang malalim. Kinuha ni Mama ang mga gamit ko bago pa kami tuluyang makalabas sa kwarto ni Eulcrist.
Kahit na nanlalabo ang paningin ko. Alam kong naroon sina Kuya Nehem, Eulcrist, ang kuya niya at ang mga magulang niya.
"Oh, ayos ka lang ba, hija?" tanong ni Tita Wendy, ang nanay ni Eul.
"Nilalagnat siya, Wends," tugon ni Mama.
Rinig ko ang pagsinghap ni Tita Wendy. "Diyos ko! Bakit kasi hindi mo tiningnan si Shi kanina, Euli! 'Di ba sabi ko tingnan mo!" sermon ni Tita sa anak.
"Sorry, Shi. Sorry po, nakatulog na ako kanina . . ." nakokonsensyang saad ni Eulcrist.
"Dadalhin ka ba namin sa ospital?" tanong ni Tito Dion, ang tatay ni Eulcrist.
Mukhang nawala na 'yon sa isip ni Mama kanina kaya ngayon ay tumingin siya sa 'kin. Tinatanong kung gusto ko ba. Ayokong maospital kaya umiling na lang ako.
Nagpapaalam na si Mama sa kanila nang biglang mas tumindi pa ang pagkirot ng ulo ko at mas lalong umikot ang paligid ko hanggang sa tuluyan nang bumigay ang mga tuhod ko at dumilim na ang lahat.
"Sagutin mo ako, Quintin! Totoo ba?!"
Nagising ako sa sigaw ni Mama. No'ng una ay malabo pa ang paningin ko pero nang tumagal ay luminaw ito at natanto kong hindi ito ang kwarto ko. Nang makita kong may suwero ang kamay ko alam ko nang nasa ospital ako.
Ginala ko ang paningin ko, hinahanap kung saan nanggaling ang sigaw. Napatigil ako sa paghinga nang makita ko si Papa na kaharap si Mama, na ngayon ay pulang-pula na ang mukha at mugto ang mga mata sa kakaiyak.
"Quintin, p-please . . . please naman! Sagutin mo ako!" garagal ang boses na paki-usap ni Mama bago sinuntok ang dibdib ni Papa.
Ngumiwi si Papa at walang emosyong tiningnan si Mama. Sumikip ang dibdib ko. Ang dating puno ng pagmamahal tuwing nakatingin siya kay Mama, ngayon ay wala na. Parang hindi niya ito minahal. Parang hindi niya ito pinangakuan sa harapan ng Diyos. Parang hindi niya ito kasama sa pagbuo ng kan'yang pamilya. Parang . . . hindi na siya ang Papa na nakilala ko.
Humugot ng malalim na hininga si Papa saka niya ito mabilis na pinakawalan. "Oo, Eleanora," malamig na sagot ni Papa. Napailing ako sa sakit at pagkadismaya sa taong nirerespeto ko ng lubos. Ngayon ko lang narinig na tinawag niya ang asawa sa pangalan nito. Kita ko ang pagguho ng mundo sa mga mata ni Mama. Nanginginig ang mga kamay niyang napatakip sa bibig niya, walang ingay o daing mula sa pag-iyak ni Mama pero ang mga mata niya'y walang awat ang pag-agos ng luha. Basang-basa na ang mukha niya maging ang leeg niya. Mariin kong kinagat ang pang-ibabang labi hanggang sa malasahan ko tila bakal na likido. Nanginginig ang buong katawan ni Mama nang humugot siya nang malalim na hininga at tuluyan na siyang napasigaw sa paghagulgol.
Nanlabo ang mga mata ko, sunod-sunod ang pagtulo ng luha ko.
Ano 'tong ginawa mo, Papa?
"Tama ang nakita ni Ciela. Buntis nga si Rhiane at ako ang ama–" hindi pa tapos si Papa nang buong puwersang sumalubong ng palad ni Mama ang pisngi nito. Hindi pa nakuntento ay sinampal niyang muli ito. Nanatiling nakaharap ang mukha ni Papa sa kaliwa.
"Putangina ka, Quintin! Hayop ka!" punong-puno ng galit na iyak ni Mama. "Nasaan na ang pangako mo?! Nasaan na ang pangako mong magiging mabuti kang ama sa mga anak natin?! Ang pangako mong mamahalin mo ako habang buhay sa harapan ng Diyos?! Nasaan na Quintin?! Bakit? Hindi pa ba kami sapat para maghanap ka ng iba?! Saan ako nagkulang?! Saan kami nagkulang ng mga anak mo?! Huh? Sagutin mo ako!"
Nakita ko ang pagtulo ng luha sa pisngi ni Papa. Tuluyan nang bumigay ang mga tuhod ni Mama at napaupo na siya sa sahig. Hinintay kong tulungan siya ni Papa pero wala siyang ginawa.
"Wala . . ." halos bulong na sambit ni Papa.
"K-Kung gano'n bakit mo 'to nagawa?! B-Bakit, Quintin?! Putangina naman . . . sagutin mo ako! Kung wala kaming pagkukulang . . . bakit mo sinira ang pamilya natin?!"
Hindi sumagot si Papa.
Sinikap ni Mama na tumayo at tinitigan si Papa sa mga mata. "M-Mahal mo pa ba . . . a-ako?" basag na basag ang boses na tanong ni Mama, gaya ng puso namin ngayon.
Mas lalo pa akong naiyak. Kung noon na palaging pinapaalala ni Papa kung gaano niya kamahal si Mama ngayon ay tinatanong na ni Mama kung mahal pa ba siya ni Papa. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari sa hinaharap sana hiniling ko na lang na huminto kami sa panahong masaya pa ang lahat.
"Sagutin mo ako, Quintin . . . m-mahal mo pa ba ako?"
Akala ko wasak na ako pero may mas ikawawasak pa pala ako nang makita kong umiling si Papa.
Napasigaw si Mama sa sakit. Malakas niyang tinulak si Papa sa pinto, tila naging hudyat iyon para paalisin niya si Papa.
"Ayoko nang makita 'yang pagmumukha mong gago ka! Lumayas ka na at huwag ka nang babalik sa amin!" galit na sigaw ni Mama bago niya binuksan ang pinto at tinulak papalabas si Papa. Tinawag siya ni Papa pero pinagsarhan niya lang ito ng pinto.
Napaupo si Mama sa sahig at tuluyan nang napahagulgol, mas matindi pa sa pag-iyak niya kanina. Sinuntok ko ang dibdib ko dahil hindi na ako makahinga sa sobrang pag-iyak.
Lumakas pa ang bagyo. Lalo na ngayong dama na namin ang hagupit ng bagyo dahil wala na ang haligi ng tahanan. Tanging ilaw na lang ng tahanan ang natira at sana hindi ito mapundi dahil siya na lang ang lakas at pag-asa na natitira para sa amin para magpatuloy sa buhay.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro