04
Anim na taon ang agwat sa 'kin ni Kuya Nehem. Lima kay Ate Tali. Pitong taon naman ang tanda ko kay Ariella, at labing isa kay Julian. Maagang nag-asawa sina Mama at Papa kaya bata pa sila. Thirty-eight years old pa lang si Papa habang si Mama naman ay thirty-seven.
Naisip ko lang 'yan dahil ginagawa ko ang project ni Ariella na family tree. Tapos na niya ito kanina, inuulit ko lang. Paano ba naman kasi ay pinuno niya ito ng glitters, na pati ang mga pictures namin ay hindi na makita.
Inasar ko nga siya kanina na family glitters ata ang ginawa niya, hindi family tree. Agad siyang nagsumbong kay Mama pero tinawanan lang siya nito at sinabing ayusin ko na lang.
Mukhang maiiyak na siya kanina kaya sinabi ni Mama na magbihis siya dahil isasama niya ito sa palengke.
"Shi, ikaw muna ang bahala kay bunso. Mamalengke lang kami ni Ella," habilin ni Mama matapos magbihis ni Ariella.
"Opo, Ma." Binalingan ko ang nakanguso kong kapatid na pasimpleng sinisilip ang ginagawa kong project niya. Sinundan ko ang paningin niya pero agad niya itong iniwas sa 'kin. Halatang nagtatampo pa rin.
"Psst! Asa'n kiss ko?" Nakangising tukso ko.
Mas ngumuso pa ito lalo at hindi ako pinansin. Lihim akong natawa. "Mama, oh!" pagbibirong sumbong ko.
Pinigilan ko ang paghalakhak nang padabog itong nagmartsa patungo sa 'kin at saka mabilis na humalik sa pisngi ko. Takot na lang niya kay Mama.
Rinig ko ang pagtawa ni Mama, mukhang kanina pa niya kami pinapanood mula sa salas. Tuluyan na akong napahalakhak at niyakap ang kapatid. "Sorry na. Lalagyan ni Ate ng glitters, promise."
Ngumuso lang ito sa akin.
"Huwag ka nang magtampo. Sige ka gugupitin nila 'yang nguso mo. Humahaba na, oh!"
"Mama, si Ate Shi, oh!" pagsusumbong ni Ariella.
Tuluyan nang lumapit sa 'min si Mama. Hindi pa rin nawawala ang ngiting nakaguhit sa kan'yang labi. "Hayaan mo na, Shi. Lilipas din naman 'yan mamaya. Halika na Ella." Agad na kumapit si Ariella sa kamay ni Mama.
"Shi, si bunso, ha?" pagpapaalala ni Mama.
Sumaludo ako sa kan'ya. "Yes, Ma. Ako na ang bahala!" Tumango ito bago sila naglakad papaalis.
Nang makarating sila sa pinto ay may naalala ako. "Ma, chuckie!" pahabol ko bago sila tuluyang nakalabas sa pintuan. May narinig akong parang kausap ni Mama sa labas pero hindi ko na pinansin pa at pinagpatuloy na lang ang pagkukulay sa puno ng Narra na ginuhit ko kanina.
"Ma'am, heto na po ang chuckie niyo!"
"Ay puke!" Napatalon ako sa kinuupuan ko at muntik pang mahulog habang sapo ng dalawang kamay ko ang dibdib ko sa pagkagulat.
"Ano ba 'yan!" inis na sigaw ko kay Eulcrist na ngayon ay nakayuko na sa harapan ko at halos mawalan na ng hininga sa pagtawa. Sapo ang kan'yang tiyan at kulang na lang ay mahiga na siya sa sahig sa kakatawa.
"Paano ka nakapasok?"
Pinilit niyang huminto sa pagtawa at tumayo nang tuwid pero hindi pa rin naaalis ang ngiti nito sa labi dahilan para lumitaw ang dimple niya sa kaliwang pisngi.
"Dumaan ako sa pintuan," inosenteng sagot niya.
Ngumuso ako at sinamaan siya ng tingin. "Bakit ka nandito?"
"Ay, hindi na pala ako welcome ngayon?" Tuluyang nawala ang malalim niyang dimple nang ngumuso siya. Yumuko pa talaga siya at umastang nasasaktan habang nakatingin pa rin sa akin. Cute. Para siyang tuta.
Umangat ng konti ang gilid ng labi ko. "Tange! Syempre welcome ka palagi. Nakapagtataka lang ba't biglaan?"
Simula noong naging magkaibigan kami no'ng grade 2, lagi na siya rito sa bahay tuwing walang pasok. Palagi niya akong tinutulungan na maglinis ng bahay para matapos ako agad at makapaglaro kami sa labas. Pero syempre habang tumatagal minsan na lang siyang pumupunta. May mga gawain din naman kasi siya sa bahay nila.
Nilapag niya sa lamesa ang nakasupot na dalawang Chuckie, lihim akong napangiti dahil do'n, saka siya umupo sa tapat ko at pumangalumbaba. "Walang magawa sa bahay, eh. Si Kuya naman ang bantay ngayon sa palengke kaya libre ako ngayon."
Tumango ako at magsasalita pa sana nang biglang umiyak si Julian. "Teka lang," paalam ko kay Eulcrist bago patakbong pumunta sa salas.
"Bakit, bebe?" malambing kong tanong kay Julian nang makuha ko ito mula sa crib niya. Umiiyak pa rin siya hanggang sa makabalik kami sa kusina.
"Pakihawak, magtitimpla lang ako ng gatas," pakiusap ko sa lalaki.
Maingat naman niya itong kinuha mula sa 'kin at saka niya marahang isinayaw ang bunsong kapatid ko. Hindi pa man ako nagsisimulang magtimpla ay medyo tumahan na ito.
Napangiti ako sa nasaksihan. "Buti marunong kang magpatahan," komento ko dahil wala namang nakababatang kapatid si Eulcrist.
Ngumisi ito. "Ako pa!"
Mahina akong natawa at binilisan na lang ang pagtitimpla ng gatas.
"Ang laki-laki mo na," nanggigigil na sabi niya habang isinasayaw pa rin niya si Julian. "Ilang buwan na nga pala siya, Ciela?"
"Seven," sagot ko habang naglalakad papunta sa kanila. "Oh, padedehin mo." Pag-abot ko sa kan'ya ng tsupon. Pinahiga niya muna si Julian sa braso niya bago niya kinuha mula sa akin ang tsupon at sinimulang padedehin si bunso.
Mukhang kaya naman na ni Eul kaya hinayaan ko na lang siya at naupo nang muli para ituloy ang ginagawa ko. Ngunit kahit na abala ako sa pagkulay ay pasulyap-sulyap pa rin ako kay Eulcrist na tahimik na pinapainom ng gatas ang kapatid ko habang marahan lang niya itong sinasayaw. Sa walang nakababatang kapatid na gaya niya, hindi halata sa paraan ng pag-alaga niya kay Julian.
Napangisi ako nang may naisip. "Puwede ka nang maging tatay," biro ko.
Kaagad siyang napangiwi. "Kilabutan ka nga!"
Humalakhak ako sa reaksiyon niya.
Mukhang nangawit na siya sa puwesto niya kaya naupo muli siya sa harapan ko habang pinapadede niya pa rin si Julian, na ngayon ay papikit-pikit na. Mukhang inaantok na naman ang baby.
Pinagmasdan ko muna ang mga mukha namin sa picture bago ito idikit sa punong kinulayan ko.
Kamukhang-kamukha ni Kuya Nehem si Papa. Singkit ang mga mata, matangos ang ilong, at may manipis at pulang labi. Kung titignan sa picture ay parang si Papa lang noong kabataan niya si Kuya.
Si Ate Tali naman ay kombinasyon nina Mama at Papa. Nakuha ni Ate ang bilugang mata ni Mama at matangos nitong ilong. Nakuha naman niya kay Papa ang manipis at pula nitong labi.
Sa aming magkakapatid ako lang ang halos kamukha ni Mama. Pero ang mga mata ko ay kay Papa ko nakuha, singkit ang mga ito.
Si Ariella naman ay kahawig ni Ate Tali. Pero mas matangos ang ilong niya kesa kay Ate at kulay pink ang labi niya.
Si Julian naman parang kamukha ni Mama. Hindi pa ako sigurado kasi baby pa naman siya, marami pang pagbabago paglaki niya.
At lahat kami mapuputi dahil may lahing Chinese si Papa. Chinese ang lola ni Papa sa mother's side. Si Mama naman ay may lahing Español. Half Spanish ang lolo niya sa father's side kaya may pagkakulay brown ang mga buhok namin.
Pero kahit na may mga lahi sila, hindi sila mayaman. Naka-angat lang kami sa buhay dahil sa pagsisikap nila pareho. Pero ngayon, si Papa na lang ang nagta-trabaho para sa amin at maayos naman ang buhay namin.
Walang sira ang bubong ng bahay. Komportable kaming natutulog sa kan'ya-kan'yang kuwarto. Kumakain kami ng higit pa sa tatlong beses kada-isang araw. Naibibigay ang mga kailangan namin. Sapat na iyon para masabing may kaya kami sa buhay.
"Ganda ng lahi niyo," komento bigla ni Eulcrist habang nakatingin sa mga pictures na nagkalat sa lamesa.
"Naman!" sagot ko na lang dahil hindi ko alam kung ano'ng sasabihin. Ang weird naman kung magpapasalamat ako baka magulat pa siyang nagpapasalamat pala ako.
"Bakit Narra?" tanong niya nang matapos na ako. Sa wakas.
Kalong-kalong pa rin niya si Julian na ngayon ay tumatalon-talon na sa hita niya at nagsasalita na tanging siya lang ang nakaiintindi. Akala ko matutulog ulit 'tong batang 'to, false alarm pala.
"Kasi matibay ang Narra at gano'n din ang pamilya namin!" proud kong sabi.
Ngumiti si Eulcrist habang tumatango-tango. "Galing!"
Makalipas ang ilang minuto ay natapos na rin ako sa wakas! Niligpit ko muna ang mga ginamit ko bago ako tumabi kay Eulcrist at kinuha si Julian. Nilabas naman niya ang dalawang chuckie mula sa supot at saka tinusok ng straw ang isa, binigay niya sa akin ang nauna kaya hinintay ko pa siyang malagyan niya rin ng straw ang sa kan'ya.
"Cheers!" sabay naming sabi habang nakangiti bago pinag-umpog ang hawak naming chuckie at saka sabay namin itong ininom. Inaabot pa ni Julian ang akin kaya pinainom ko siya ng kaunti lang dahil uminom na siya ng gatas kanina.
"Eul, ano'ng gusto mong maging?" tanong ko. Umaasa akong sasabihin niyang wala para may kapareho akong wala pang desisyon sa buhay. Meron naman, gusto kong makapagtapos at magkaroon ng magandang trabaho at yumaman sa sarili kong sikap pero ang kaso lang hindi ko alam kung ano'ng trabaho iyon.
"Hmm . . . Psychiatrist," sagot niya habang nakangiti.
Imbes na malungkot dahil may pangarap siya ay nagulat ako at natuwa. "Wow, bakit psych?"
Nagkibit siya ng balikat. "Gusto ko lang. Saka curious ako sa mga nasa isip ng tao. Saka gusto ko ring malaman kung bakit merong taong nagkakaroon ng depression at anxiety. Saka 'yung sleep paralysis nabasa ko 'yon sa library. Gusto kong malaman kung ano'ng ibig sabihin ng mga nagpapakita tuwing nakakaranas ng gano'n ang isang tao. Kasi 'di ba ang iba lalaki ang nagpapakita. Sa iba naman babae," mahabang sagot niya at alam kong marami pa siyang gustong malaman.
Nakanganga lang ako habang nakikinig sa kan'ya dahil wala akong naintindihan. "Ano 'yung depression at anxiety? Saka sleep paralysis? Ano 'yon?" Salubong ang mga kilay kong tanong. Halatang litong-lito sa mga salitang binanggit niya.
Matunog na napangiti si Eulcrist. "Ang depression isa siyang mental illness na dulot ng matinding lungkot, hirap at sakit," paliwanag niya.
Nanlaki ang mga mata ko. "Puwede pala 'yon? Nagagamot ba, Eul?"
Tumango siya. "Meron naman akong nababasang mga gumaling mula sa depression kaya oo."
"Paano kung hindi sila gumaling? Ano'ng mangyayari sa kanila?" May halong pangamba kong tanong habang nililibang ko si Julian gamit ang isang kamay ko para manatili siyang nakaupo sa hita ko. Naglilikot na naman kasi siya at gustong gumapang sa sahig.
Napalunok siya bago malungkot na tumingin sa 'kin. "Ang iba patuloy sa buhay at umiinom ng gamot. Ang iba naman kapag hindi na talaga nila kaya. . . nagpapakamatay sila."
Nanlaki ang mga mata ko at napatigil ako sa paghinga. "Gano'n ba 'yon kalala?" natatakot na sabi ko. Tumango siya sa akin.
"Ano'ng gamot para doon?"
"Depende sa ibibigay ng doctor. Depende rin kasi kung gaano kalala ang sakit nito."
"Paano ito maiiwasan?" tanong ko.
Napailing siya. "Minsan, hindi mo talaga ito maiiwasan kasi depende iyan sa mga pangyayari at karanasan mo sa buhay. Pero kung kaya pa, labanan natin ang kalungkutan. Kung hindi mo na ito kaya na mag-isa, walang masama sa paghingi ng tulong sa mga kakilala mong makatutulong sa 'yo."
"Pero meron na bang gumawa no'n? Yung ano . . . nagpapakamatay?" punong-puno ng pag-aalalang tanong ko.
Malungkot siyang tumango sa akin. Nalungkot din ako. "Kawawa naman sila. Kaya ikaw, Eul, ituloy mong mag-psych, marami kang matutulungan."
Tumango siya sa akin. Ipinaliwanag niya rin kung ano ang anxiety at sleep paralysis at lahat ng iyon ay nakakatakot at ayokong maranasan. Lalo na 'yong sleep paralysis. Pinapakinggan ko pa lang pero kinikilabutan na ako.
"Ikaw, Shi? Ano'ng pangarap mo?" tanong ni Eulcrist.
Napaisip muli ako. Parang gusto ko na rin 'yung pangarap niya. Nakaeengganyo kasi. Parang nai-excite din akong pag-aralan iyon.
"Psychiatrist din," sagot ko habang nakangiti.
Tumawa siya. "Ginaya mo lang ako 'no?"
Ngumuso ako bago inayos ang puwesto ni Julian sa hita ko. "E, wala naman kasi akong gusto pa, pero no'ng marinig ko 'yung pangarap mo parang gusto ko na rin iyong aralin. Wala namang masama do'n, 'di ba?"
Ngumiti siya bago marahang umiling. "Wala naman. Okay na okay nga, eh. Magkasama tayo hanggang sa pagtanda," aniya kasunod ng mahinang pagtawa niya.
"Doctor din tawag sa kanila, 'di ba?"
"Yup!"
"E 'di magsusuot din tayo ng white coat?" inosenteng tanong ko.
"Oo! Kaya aralin mo na kung paano maging malinis tuwing puti ang suot mo. Ang dumi mo palagi 'pag nakaputi ka, eh." Natawa kaming pareho dahil totoo naman.
Desidido na ako sa desisyon ko kaya naman kahit na alam kong gagabihin si Papa, hinintay ko siya dahil gusto kong siya ang unang makaalam sa pangarap kong maging.
Dalawang buwan na rin ang nakalipas mula nang tanungin nila ako kung ano'ng gusto kong kurso at sa wakas meron na akong isasagot!
Pang-ilang beses na akong humikab pero wala pa rin si Papa. Tahimik akong naka-upo sa sofa at nakabalot sa kumot habang nakatitig sa pinto at hinihiling na sana bumukas na ito.
"Matulog ka na, Ciela. Maaga pa tayo bukas."
Bahagya akong napatalon nang biglang magsalita si Kuya. Lumingon ako sa likod at nakita siyang abala sa pagtitimpla ng kape sa kusina.
"Hintayin ko lang saglit si Papa, Kuya."
Tumaas ang isang kilay nito habang nakatingin sa 'kin. "Bakit naman?"
"Basta," tipid kong sagot.
Nagkibit siya ng balikat bago kinuha ang mug mula sa lamesa at humigop ng kape. "Madaling araw pa 'yon uuwi o baka nga hindi na 'yon umuwi." Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba, pero tila bakas sa boses ni Kuya ang galit. "Matulog ka na, Ciela."
Tumango na lang ako habang lito pa ring nakatingin sa kan'ya. Bakit parang galit siya kay Papa?
Nagising akong nagtataka kung paano ako nandito ngayon sa kuwarto ko. Hindi ko alam kung paano ako nakapunta rito o kung ako nga ba ang mismong pumasok o may nagdala sa akin, dahil ang huling naaalala ko ay nakatulog na ako sa sofa kahihintay kay Papa.
Gaya ng mga kapatid ko, naghanda na rin ako para pumasok sa school. Papunta na ako sa banyo para maligo nang mahagip ng paningin ko si Papa na nasa kusina at nakaupo sa kabisera. Abala siyang nagbabasa ng diyaryo habang humihigop ng mainit na kape.
Gusto ko sanang sabihin sa kan'ya pero mas gusto kong 'yung kaming dalawa lang kaya hindi ko rin nasabi sa kan'ya hanggang sa maihatid niya na kami sa school.
At gaya kagabi, nakatulog lang ulit ako sa sofa at nagising muli sa kuwarto ko. Gaya rin kahapon, hindi ko siya naka-usap no'ng umaga.
At ngayong gabi naman kung kalian maaga nga siyang nakauwi, kaso ay busy naman siya sa harapan ng mga blueprints at may ka-text sa cellphone niya. Minsan ay nahuhuli ko siyang ngumingiti kaya nagtataka ako.
"Sino 'yan, Papa?" tanong ko nang lumapit ako sa kan'ya bitbit ang kapeng tinimpla ko para sa kan'ya.
Agad niyang pinatay at nilapag pataob ang cellphone niya sa lamesa na para bang ayaw niyang makita ko kung sino 'yon. Napakunot tuloy ang noo ko sa pagtataka.
"Ahh . . . 'yung katrabaho ko."
Tumango ako pero hindi kumbinsido. "Kape mo po, Pa."
Ngumiti siya sa akin bago niya ginulo ang buhok ko. "Salamat, Ciela ko. Matulog ka na, maaga pa tayo bukas."
Gusto kong sabihin sa kan'ya ang matagal ko nang gustong sabihin pero ngayong may pagkakataon na ako hindi ko ito magawang sabihin. Lalo na ngayon na may bumabagabag sa akin. Tumango lang ako kay Papa at mabilis na humalik sa pisngi niya.
"Good night, Papa. I love you."
"Good night, anak. Mahal ka rin ni Papa."
Sinungaling.
Alam ko na kung bakit galit si Kuya kay Papa. Alam ko na kung bakit agad niyang pinatay ang cellphone niya nang lumapit ako.
Nanginginig ang kamao ko habang nakatingin kay Papa mula sa labas ng isang mamahaling restaurant. Pumatak ang mabigat kong luha kasabay ng pagpatak niya ng halik sa labi ng isang magandang babae. Nadurog ang puso ko nang hawakan ni Papa ang tiyan nito gaya ng paghawak niya sa tiyan ni Mama noong pinagbubuntis niya sina Ella at Julian.
Mas lalong bumuhos ang luha ko sa naisip.
Posible kayang . . . buntis din siya?
At si papa . . . ang ama?
Paulit-ulit akong umiling.
Pero nang mas tinitigan ko ang tiyan ng babae. Mas lalong lumabo ang paningin ko dulot ng maraming luhang nag-uunahan sa pagbagsak. Buntis nga siya . . . at mukhang si Papa ang ama.
Walang kamalay-malay si Papa na nahuli ko siya. Kaya pala iba ang kutob ko nang iwan ko si Eulcrist sa school at nauna na akong naglakad papauwi sana.
"Katrabaho pala, huh?" hindi makapaniwalang sambit ko nang maalala ko ang rason niya sa 'kin nang tanungin ko siya kung sino 'yong ka-text niya kagabi. "Katrabaho mo pala sa kama," mapait kong saad, punong-puno ito ng puot at sakit.
Napag-usapan namin 'to noon ni Eulcrist, na kung mangangaliwa si Papa walang pagdadalawang isip ko siyang palalayasin. Pero ngayong nangyari na, sa hindi inaasahang pagkakataon parang . . . hindi ko yata kaya.
Paano na ang mga nakababatang kapatid ko?
Paano na si Mama?
Ano nang mangyayari sa pamilya namin?
Ano 'tong ginawa mo, Papa?
Bakit?!
Maraming katanungan ang gumugulo sa isipan ko kasabay nang pagsakit ng wasak kong puso.
Tumalikod na ako at wala sa sariling naglakad papaalis. Hindi ko alam kung nananadya ba ang panahon pero kasabay nang pagpatak muli ng luha ko ay siyang pagbuhos naman ng malakas na ulan.
Hinayaan ko na mabasa ako at nagpatuloy lang sa paglalakad. Mula noon pangarap kong sumali kay Eulcrist tuwing naliligo siya sa ulan pero ayaw ni Mama. At ngayong nangyayari na, ayoko na muling maulit pa.
Umuulan.
Uulan na rin ang pamilya namin, higit pa sa ulan. Higit pa sa bagyo. At hindi ko alam kung lilipas pa ba ang bagyong iyon sa oras na malaman nila ang kagaguhang ginawa ng haligi ng tahanan.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro