Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

03

"Kumusta ka na?"

"Ayos lang," tipid na sagot ko kay Eulcrist nang maupo ako sa tabi niya.

Isang linggo na mula noong huli ko siyang nakita. Isang linggo na rin na hindi ako pumasok. Pero sa isang linggong 'yon, araw-araw siyang dumadalaw sa bahay. Hindi nga lang ako lumalabas sa kuwarto ko. Wala akong ganang makipag-usap sa kahit kanino. Lumalabas lang ako no'n tuwing nagugutom ako at gusto kong maligo.

Nalaman ko rin na si Ate Tali pala ang kumuha sa pera ni Kuya dahil may binili siyang libro. May sulat din na nagpapaalam si Ate na kukunin niya ang ipon ni Kuya at iniwan niya 'yon sa study table pero huli na 'yon nakita ni Kuya dahil ako agad ang pinagbintangan niya.

"Kumusta na ang kamay mo?" tanong niya habang nakatingin sa kaliwang kamay ko na may bandage.

"Ayos lang."

Totoong ayos lang. Bumubuti naman na. Wala akong malay noong sinugod ako sa ospital pero nagising ako noong ginagamot na nila ang kamay ko. Sabi ng doktor, buti na lang daw at na-sprain lang ang kamay ko at walang nabaling buto.

Mukhang naramdaman ata ni Eulcrist na ayaw kong makipag-usap dahil nanahimik na siya sa tabi ko hanggang sa magsimula na ang klase. Alam naman ng adviser at subject teachers ko kung bakit ako absent kaya hindi na sila nagtanong. Wala naman silang binigay na homework, baka ngayon nila ibibigay sa akin.

"Ano'ng gusto mo? Libre ko," masuyong ani Eulcrist habang matamis na nakangiti. Recess time na at wala akong balak kumain pero nang marinig ko ang alok ni Eulcrist bigla kong naramdaman ang pagkagutom.

"Kahit ano," pagkukunwari ko. Labas ngipin na napangiti ang lalaki dahil alam niyang nakuha na niya ang kiliti ko.

"Tara, bili tayo ng lumpiang gulay at ice cream!" masiglang pag-aaya niya bago niya maingat na hinawakan ang kanang palapulsuhan ko at marahan akong hinila. Sinasabing tumayo na ako.

Kinagat ko ang pang-ibabang labi para pigilan ang nagbabadyang ngiti. Kilalang-kilala na niya talaga ako.

Hinayaan ko siyang hawakan ang palapulsuhan ko hanggang sa makarating kami sa canteen.

"Alam mo bang wala kaming ginawa noong isang linggo. Puro wala ang mga teachers natin," pagku-kuwento niya habang kumakain kami.

"Talaga?" gulat kong tanong.

"Oo!" puno ng pagkain ang bibig niyang saad. Lumunok muna siya bago tinuloy ang pagku-kuwento. "Lahat kasi sila ay pumunta sa seminar. Tapos ayun na nga wala kaming magawa kaya pumunta kami sa quadrangle. Lahat kami." Pagkumpas pa niya sa kamay niya para ipakitang lahat nga sila ay pumunta.

"Oh, tapos?" tanong ko agad dahil sa mukha pa lang niya, nakakatawa na 'tong iku-kuwento niya.

"Tapos naglaro kami ng touch the body," aniya at ayan na nga, nagpipigil na siya ng tawa.

"Ikuwento mo ng buo 'yan. Subukan mong tumawa habang nagku-kuwento, sasakalin kita," banta ko.

Imbes na matakot sa banta ko. Tuluyan na siyang bumunghalit sa pagtawa.

Bumuntong-hininga ako habang napapailing na lang. Eto na nga ba ang sinasabi ko.

Imbes na mainis. Nahawa na rin ako sa pagtawa niya.

"Tapos? Ano na kasing nangyari?" tumatawang tanong ko.

"Tapos . . . Tapos habang tumatakbo si John, natamaan ng bola 'yung ano niya. Tumili siya, Shi!" hirap niyang sabi sa pagitan ng mga halakhak niya.

Tuluyan na kaming napahagalpak sa pagtawa hanggang sa sumakit ang mga tiyan namin.

Ang gaan sa pakiramdam. Ngayon lang ulit ako tumawa nang ganito katindi. Nakaka-miss din pala 'tong gunggong na 'to.

"Tara touch the body, Ciela!" pag-aaya ni John nang ma-dismiss kami sa panghapong klase namin.

"Tanga! Kita mo nang nagpapagaling pa, aayain mong maglaro. Sa susunod na lang!" sabat bigla ni Eulcrist.

Agad ko siyang siniko sa tiyan kaya napaubo siya. "Hoy, 'yang bunganga mo nga!" suway ko bago tipid na ngumiti kay John. "Sa susunod na lang, John."

"Sige," sagot nito at nakipaglaro na sa ibang mga kaklase namin.

"Lalaro-laro ng touch the body si John. Eh, palagi namang natataman ang kan'yang long john," bubulong-bulong na sabi ni Eulcrist habang papalabas kami sa school.

Hindi ko napigilan ang sariling hampasin siya sa likod habang humahalakhak. "Bastos ka!" sigaw ko habang tumatawa.

Humalakhak siya. "Totoo naman, ah!"

Tumatawa pa rin kami nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone sa bulsa ng palda ko. Agad kong tiningnan kung sino ang nag-text.

From Papa:

'nak, dismissed na ba kayo? nandito kami ng mga kapatid mo sa labas, sabay-sabay na tayong umuwi ☺️

Kumunot ang noo ko pagkatapos kong basahin ang text ni Papa. Ngayon niya lang kami sinundo. May nangyari ba? Pero kung meron, bakit may masayang emoji sa huli? Baka trip niya lang?

Ay ewan, bahala na.

"Uy, nand'yan sa labas si Papa, sinusundo kami. Sasabay ka ba?" tanong ko kay Eulcrist.

Umiling ito. "Hindi na, susunduin ko pa si Nanay sa palengke."

Tumango ako. "Sige. Ingat ka."

Ngumiti siya habang tumatango. "Ingat din sila sa 'yo."

Muntik ko na siyang mahampas sa likod nang agad siyang kumaripas sa pagtakbo habang humahalakhak. Natawa ako sa paraan ng pagtakbo niya, para na kasi siyang hahalik sa sahig. Hinabol ko siya hanggang sa mahampas ko ang likuran niya. Malakas siyang napadaing pero tuloy pa rin siya sa pagtawa.

Nang makalabas kami sa gate ay muli akong nagpaalam sa kan'ya bago sumakay sa sasakyan. Tama nga si Papa, nandoon na ang mga kapatid ko at ako na lang ang kulang.

Gaya ng dati, nasa harapan si Kuya. Nasa likuran ni Papa si Ate. Nasa gitna namin si Ariella, at ako sa likuran ni Kuya. Nagtaka pa ako kung bakit kasama nila si Ariella at suot pa rin niya ang kan'yang uniform eh nursery pa lang naman siya kaya half day dapat nila, nang maalala kong pang hapon nga pala siya ngayon.

"Ate Shi!" masiglang pagbati sa 'kin ni Ariella at saka ako niyakap nang mahigpit. Ngumiti ako at niyakap din siya pabalik.

"Wala kayong nakalimutan?" tanong ni Papa habang inaandar ang makina ng sasakyan.

"Wala po, Pa," sagot naming lahat.

Umaandar na ang sasakyan nang kinapa ko ang bulsa ko. Kampante akong may candy doon.

Ngumiti ako nang may makuha akong tatlong pirasong X.O. "Ella, may pasalubong ako. . ." malambing kong pagtawag sa kapatid.

Agad itong lumingon sa 'kin na may malaking ngiti sa labi. Nilahad niya agad ang palad niya. Masaya kong nilagay doon ang candy.

Nagningning ang mga mata niya. "Thank you, Ate Shi!" tili niya. Mahina akong natawa sa reaksyon niya.

"Asa'n ang kiss ko?" paglalambing ko. Agad naman siyang umangat para mahagkan ako sa pisngi.

"Eh, ako, Ellatot? Nasaan ang kiss ni Ate Tali?" paglalambing na rin ni Ate.

Ngumuso si Ariella bago ito umiling. "Wala kang pasalubong, Ate!"

Pinigilan ko ang sariling matawa.

"Ikaw, Shi!" Nagulat ako nang tinawag ako ni Ate. Gulat akong tumingin sa kan'ya. "Nasaan ang kiss ko?"

Nagsalubong ang kilay ko at nawi-wirduhan akong nakatingin sa kan'ya. "Kadiri siya, oh!" bulaslas ko. Agad na tumawa si Papa pati na rin si Kuya.

Umirap si Ate pero natatawa na rin. "Maka-kadiri naman 'to! Kala mo 'di ko pinakain mga nginuya kong gulay sa 'yo noong baby ka pa!"

Agad akong naduwal. "Kadiri ka, Ate!"

"Yuckie!" sigaw ni Ariella habang pumapadyak. Halatang diring-diri ang bata.

Pinandilatan ni Ate si Ariella. "Pati ka rin Ariella kaya huwag kang mandiri! Ngayon kiss mo na si Ate!" Ngumuso pa talaga si Ate. Umiling si Ariella bago sumiksik sa akin. Hindi ako matigil sa pagtawa habang pinapanood sila hanggang sa ako na ang hinila ni Ate.

"Shi! Kiss ko?" pilit niya.

"Kadiri ka, hoy!" pagsita ko.

"Dali na!" Pagnguso pa niya with 'hmm' sound.

Mas nandiri ang reaksyon ko at mabilis ang ginawa kong pag-iling. "Ayoko!" pag-protesta ko.

"Sige, ako na lang ki-kiss sa inyo!"

"Yuckie!" sigaw muli ni Ariella at nagtakip ng mukha.

Magtatakip na rin sana ako nang bigla akong hagkan ni Ate sa pisngi.

"Dugyot ka, Ate!" tili ko.

Sumunod ay si Ariella. Nang mahagkan na siya ni Ate sa pisngi ay tuluyan na itong umiyak.

Natatawa kong tiningnan si Ate. "Lagot ka! Papa, oh!" pagsusumbong ko.

Tumatawa lang naman si Papa habang nagmamaneho. "Na-miss ko 'tong ingay niyo," aniya habang nakangiti. Sumulyap siya kay Kuya Nehem na tumatawa na rin. "Kiss mo rin si Papa, Nehem."

"Never," agad na sagot ni Kuya habang umiiling at tumatawa.

Hanggang sa nakauwi kami ay hindi na nawala ang ngiti na nakaguhit sa mga labi namin. Pagkababa namin sa sasakyan ay sumalubong sa amin si Mama, may suot pa siyang apron at may hawak na sandok.

"Mukhang may ganap nga, ah!" saad ko bago nagmano at yumakap kay Mama.

"Ay, ewan ko sa Papa niyo. Basta na lang namili at pinaluto sa akin ang mga paborito niyo," nakangiting saad ni Mama.

"Naks! Busog na naman ako mamaya!" masayang sabi ko.

Niyakap din ng mga kapatid ko si Mama bago kami pumasok sa bahay. Dumiretso na ako sa banyo para maligo at magbihis. Nang matapos ay agad akong nagtungo sa salas kung nasaan ang crib ni Julian.

"Hi, bebe!" maliit ang boses kong pagbati sa kapatid. Agad itong ngumiti at pumadyak-padyak pa habang nakahiga. Humagikhik ako sa reaksyon na.

Inipit ko ang hintuturo ko sa kamay niya at agad naman niya itong hinawakan nang mahigpit. "Hindi ka muna mabubuhat ni Ate, ha?" maliit pa rin na boses kong sabi. "Kumain na ba ang bebe?"

Dinaldal ko nang dinaldal si Julian kahit na puro tawa at ngiti lang ang sinasagot niya sa akin. Nang humikab ito ay marahan kong tinapik nang paulit-ulit ang matabang hita niya hanggang sa makatulog na siya.

"Kakain na!" anunsyo ni Mama mula sa kusina. Agad akong tumayo at hinanap si Ariella. Siguradong hindi 'yon pupunta kung hindi pa susunduin sa kuwarto niya.

"Ella!" pagtawag ko nang wala siya sa kuwarto niya.

"I"m here na sa dining table, Ate Shi!" tugon niya. Himala, nauna ang bata. Pumunta na rin ako nang makita kong pababa na sina Ate at Kuya.

Napaawang ang labi ko nang makita ang hapag-kainan. Pakiramdam ko tuloy ay pasko sa dami ng putaheng nakahanda at lahat ng iyon ay paborito namin. May cake pa talaga. Pero sa pagkakaalala ko ay wala namang may birthday sa amin at hindi pa naman wedding anniversary nina Mama at Papa. Hmm. Ano kayang ganap ngayon?

"Mukhang masayang-masaya ka ngayon, Pa?" tanong ni Kuya habang kumakain kami.

Kanina pa kasi sinusubuan ni Papa si Mama ng ulam. Mukha tuloy silang teenager na ngayon lang nagkasama. Kanina pa rin nakangiti si Papa. Nakapagtataka nga. Masayahin si Papa pero iba ang saya niya ngayon.

Umayos ng upo si Papa bago niya inakbayan si Mama na ngayon ay kinikilig na. Halata ito sa mukha ni Mama dahil kanina pa namumula ang mga pisngi niya.

Kung hindi ganito ang mapapangasawa ko, salamat na lang sa lahat.

"Mama," masuyong pagtawag ni Papa kay Mama bago siya sumulyap sa asawa at hinalikan ito sa noo. Nagtilian naman kaming magkakapatid sa nasaksihan.

"Hmm?" malambing na tanong ni Mama.

"Mga anak." Tumingin siya sa amin. Kumislap ang mga mata niya at mas lalo pa siyang ngumiti. Lahat na kami ngayon ay tumigil sa pag-kain at nakaabang na sa sasabihin ni Papa. Bumilis ang pagtibok ng puso ko sa pagkasabik na malaman kung ano ang sasabihin niya. Mukhang magandang balita naman ito kaya hindi mawala ang ngiti sa labi ko.

"Chief engineer na ang Papa niyo!" masayang anunsyo niya.

Nalaglag ang panga ko at nang mag-sink in ang sinabi ni Papa sa utak ko ay saka lang ako napapalakpak sa tuwa. "Woah! Congrats, Papa!"

"'Yun, oh!" manghang saad ni Kuya bago nakipag-fist bump kay Papa.

"Galing naman ng papa namin!" proud na sabi ni Ate.

"Yey!" tili ni Ariella habang nakataas ang dalawang kamay niya sa ere na hawak pa rin ang mga kubyertos sa magkabilang kamay. Sa sobrang aliw ay natawa tuloy kaming lahat na nakatingin sa kan'ya.

Naluluhang niyakap ni Mama si Papa. "I"m so proud of you, Pa."

Niyakap din pabalik ni Papa si Mama, saka niya ito hinalikan sa noo. Paborito talaga ni Papa na halikan si Mama sa noo.

"I love you," bulong ni Papa pero hindi iyon nakatakas sa pandinig namin.

"Ayie!" sabay-sabay naming tili na magkakapatid.

"Sama kami sa hug, Mama, Papa!" ani Ariella bago tumakbo kila Mama. Sumunod na rin kami at yumakap kay Papa.

"Sayang tulog na si baby!" pag-nguso ni Ariella.

"Ay hindi puwede! Ciela, kunin mo si baby. Dapat sa mga ganitong event sa buhay may picture tayo, eh!" pag-utos sa akin ni Ate Tali na agad ko namang sinunod.

Medyo natagalan pa kami sa paghihintay kay Kuya habang inaayos niya ang camera at tripod sa harapan namin.

"Okay na ba 'yan, Kuya?" masuyong tanong ni Mama.

"Yes, ma. Set ko lang 'yung timer."

Agad kaming pumuwesto nang tumakbo na sa amin si Kuya. Nakaupo pa rin sina Mama at Papa sa puwesto nila kanina pero ngayon ay karga na ni Papa si Julian habang kalong naman ni Mama si Ariella at nasa likuran naman nila kaming tatlo, ako, si Kuya Nehem, at si Ate Tali. Nakailang kuha kami ng picture hanggang sa nagising na si Julian at nag-iiiyak. May picture pa kaming nakatingin kaming lahat kay Julian habang ito ay pulang-pula na kakaiyak at karga-karga ni Papa na tumatawang pinapatahan ito. Para sa akin iyon ang pinakamagandang picture namin.

"Kumusta ang pag-aaral?" tanong ni Papa habang nasa salas kami at nanonood ng TV. Kalong pa rin niya si Julian na tahimik na pinapanood kami.

"Gano'n pa rin naman, Pa," sagot ko bago sinandal ang ulo sa balikat niya at hinawakan ang kamay ni Julian. Napangiti ako nang mahigpit na hinawakan ni Julian ang hintuturo ko bilang tugon.

"Masaya naman, Pa," si Ate.

"Ikaw, Nehem?" tanong ni Papa kay Kuya na ngayon ay kalong din si Ariella, tulog na at mukhang napagod sa kadadaldal kanina.

"Mahirap pero kaya naman po," sagot ni Kuya. Graduating na kasi siya ng senior high ngayon kaya mahirap.

Ramdam ko ang pagtango ni Papa. "Mabuti naman kung gano'n. May naisip ka na bang course na kukunin mo sa college?"

Tumango si Kuya. "MedTech, Pa."

"Tuloy ka sa pagdo-doktor?" tanong ni Mama.

Nakangiting tumango si Kuya. "Opo, Ma."

Sa ngiting iyon ni Kuya, halatang gusto nga niya ang kursong iyon. Mukhang hobby lang talaga niya ang arts.

Ngumiti si Mama bago tumango. "Pagbutihin mo, 'nak."

"I'm glad that you finally chose your dream, anak. Pagbutihin mo," ani Papa.

Ngumiti si Kuya. "Thanks, Ma. Thanks, Pa."

"Ikaw, Taleigha?" tanong ni Papa kay Ate na nasa tabi ni Mama. Tumingin si Ate kay Papa na nakangiti.

"Gusto kong mag-law, Papa."

"Wow, that's nice. Bakit law, anak?"

"Kaka K-drama niya 'yan, Papa," singit ni Kuya.

Tumawa si Ate. "Hindi ah! Gusto ko talaga!"

"Bakit nga?" tanong ni Mama.

"Kasi gusto ko lang. Ang cool kayang matawag na attorney, lalo na kapag judge. Tapos tamang hampas lang ng gavel 'pag maingay na sa korte," pagbibiro ni Ate sa huli.

"Oh, ba't 'di ka na lang mag karpintero?" biro ko. Sinamaan ako ng tingin ni Ate habang tumawa naman sila Mama.

"Eh, 'pag nagkarpintero ako hindi ko maipaglalaban ang mga naaapi. Hindi ko mabibigyan ng hustisya ang mga nangangailangan," paglalaban ni Ate.

Napangiti ako. Palaban naman si Ate. Matalino rin. Siguradong magiging successful na lawyer siya.

"Eh, ikaw, Ciela ko?" malambing na tanong ni Papa.

Napaisip ako. "Hindi ko pa alam, Papa."

Napanguso ako nang sabay na natawa sina Ate at Kuya na agad din namang sinuway ni Mama kaya natahimik sila.

"Matagal pa naman. Mapag-iisipan mo pa kung ano'ng gusto mo. Piliin mo, Shi 'yung kursong iniisip mo pa lang kinikilig ka na," pang-aalo ni Papa.

Tumango ako. "Opo, Pa."

"Ayaw mong mag-teacher?" nakangiting tanong ni Mama.

Ngumuso ako. "Hindi ko po alam, Mama. Wala pa po talaga akong naiisip."

Ngumiti si Mama. "Take your time, anak."

Nag-usap pa kami tungkol sa mga plano namin sa buhay. Nagkuwentuhan at nagbiruan. Hindi ko alam kung kailan ang huli naming bonding pero masaya akong nangyari muli iyon.

Gaya lang ng pamilya ang panahon. Minsan bumabagyo. Minsan mahangin. Minsan umaambon. Minsan makulimlim. Pero kadalasan umaaraw. At sana palagi na lang maaraw ang pamilya namin.

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro