Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

01

"Pa, kuwentuhan mo ulit ako!" Pamimilit ko kay Papa kahit na inaantok na siya. Hindi pa ako inaantok, eh! Gusto ko na ring matulog!

"Ano bang kuwento ko ang gusto mo, Ciela ko? Hmm?" masuyong tanong niya habang nakapikit pa rin ang kan'yang mga mata. Humagikhik ako at mas hinigpitan pa ang pagkakayakap sa tiyan niya.

"'Yung bago naman sana, Papa. Sawa na ako sa kuneho at pagong, eh."

"Sige . . . Basta makinig ka," aniya habang tumatawa.

Umabot hanggang tainga ang ngiti ko habang tumatango-tango. "Opo, Papa! Promise!"

"Okay. . ." halos pabulong na tugon ni Papa. Tumingala ako at nakitang nakapikit na ang mga mata niya.

"Pa!" Agad na napamulat si Papa at gulat na tumingin sa akin nang tambulin ko ang tiyan niya. Humagikhik akong muli. "Magkukuwento ka pa 'di ba, Papa?" pagpapaalala ko.

Humugot nang malalim na hininga si Papa bago niya ako niyakap pabalik. "Shh . . . Magsisimula nang magkwento si Papa."

Muli akong ngumiti na labas ang ngipin. Mahinang tumawa si Papa kaya agad na napalitan ang ngiti ko nang pagnguso. Tinatawanan na naman niya ang bungi kong ngipin.

"Papa, kasi!" inis ko nang sabi.

"Eto na nga." Pagtawa niya.

"Kring! Kring!" Malakas akong natawa sa panimula ni Papa, pero kasabay din noon ay ang pagkasabik ko sa bago niyang kuwento.

"Pagtunog ng bell sa paaralan ng elementarya. Kasunod noon ay mga ingay ng mga batang tumatakbo papalabas sa kanilang mga classroom habang hawak ang kan'ya-kan'ya nilang mga lunch box. Ang iba ay naghahabulan pa, ang iba naman ay nakikipagkuwentuhan mula sa mga kaibigan nila sa kabilang section na ngayon lang ulit nila nakita makalipas ang dalawang oras, ang iba naman ay agad na pumwesto sa bench para makakain na, at ang iba naman na walang baon ay pumupunta sa karinderya para bumili."

"Hmm," tugon ko nang huminto siya. Pahinto-hinto kasi si Papa kung magkuwento. Kaya palagi akong may kasunod na 'hmm'.

"Pero bago sila makarating sa karinderya, may isang matandang babae na pulubi sa gilid na namamalimos. Payat ito at halatang hindi pa kumakain nang ilang araw­­­­­--"

"Bakit po? Wala po ba siyang bahay o pamilya, Pa? Ano'ng nangyari sa kan'ya?" sunod-sunod kong tanong.

"Ang mga pulubi, anak, ibig sabihin sila 'yung mga taong walang matitirhan at wala ring pera kaya nanghihingi sila ng tulong sa mga may kaya. Pero hindi lahat ng pulubi walang pamilya, may ilan sa kanilang may pamilya nga pero mukhang pinabayaan naman silang manirahan na lang sa lansangan."

Bumuntong-hininga ako. "Kawawa naman sila."

"Hmmm." Tumango si Papa bilang pagsang-ayon sa sinabi ko.

"Tapos, Papa? Ano nang kasunod?"

"Tapos . . . Sa bawat estudyanteng dumaraan sa puwesto niya humihingi siya ng kahit isang pirasong tinapay man lang pero walang handang magbigay sa kan'ya. Iniiwasan nila ito dahil mabaho raw."

Napaupo ako sa inis. "Ang bad naman nila!"

Bahagyang napangiti si Papa habang tumatango. "Pero sa gilid no'n, may isang batang babaeng nakatingin mula sa malayo. Pinagmamasdan niya ang matanda. Hawak niya ang lunch box niya. May laman iyong isang ensaymada. 'Yon lang ang baong meron siya sa araw na iyon. Pero alam mo kung ano'ng ginawa niya?" tanong ni Papa nang mahiga akong muli at niyakap siya.

"Binigay niya sa matanda, Papa?" nakangiti kong tanong.

Tumango si Papa habang nakangiti. "Tama!"

Pumalakpak ako sa tuwa. "Ang bait niya!"

"Oo, kaya noong naibigay na niya ang baon niya. Tuwang-tuwa ang matandang babae. Agad niya itong kinain at nang maubos na niya ay saka ulit siya binigyan ng batang babae ng maiinom. Nakangiti lang ang bata habang pinapanood ang matanda."

"Tapos, Papa? Nag-thank you ba si lola?"

"Oo, anak. Nagpasalamat siya sa bata at binalik niya ang lunch box nito. Nakangiti ang batang bumalik sa classroom nila. Kahit na gutom siya, ayos lang. 'Minsan lang naman', 'yan ang nasa isip niya."

"Tapos, Papa?"

"Tapos ilalagay na sana niya ang lunch box niya sa bag niya nang mapansin niya na bigla itong bumigat."

Kumunot ang noo ko sa pagtataka. "Bakit? Ano'ng laman, Papa?" atat kong tanong.

"Dahan-dahan niya itong binuksan at nakita niya ang napakagandang kuwintas! Nagniningning ito dahil ang tali nito ay gawa sa ginto at ang pendant nito ay hugis puso na gawa sa kulay pink na diyamante."

Napaawang ang labi ko sa pagkamangha. "Wow! Ang ganda naman!"

"Wala pang ilang segundo biglang lumiwanag ang paligid!" Pagkumpas pa ni Papa sa isang kamay niya sa ere. "Napatingin siya sa harapan niya at nakita niya ang napakagandang diwata."

"Diwata pala 'yong matanda, Papa?!" gulat kong saad. Tumango si Papa nang nakangiti.

"Alam mo kung ano'ng sinabi niya sa bata?" Umiling ako. "Ang sabi ng diwata, "Dahil naging mapagbigay at mabait kang bata, ginagantimpalaan kita. Sa 'yo na ang kwintas na iyan at lahat ng kahilingan mo ay matutupad." Humiling nga ang bata sa kuwintas na magkaroon siya ng pagkain at natupad nga." Ngumiti si Papa at marahang pinisil ang pisngi ko. "At 'yan ang kuwento ko ngayon," pagwawakas ni Papa.

"Ang galing!" namamangha ko pa ring saad.

Ngumiti si Papa habang hinahaplos niya ang tuktok ng ulo ko. "Kaya ikaw, Ciela ko, maging mabait ka sa lahat. Huwag kang maging madamot. Dahil ang batang mabait at mapagbigay, pinagpapala," bilin ni Papa.

"May fairy din ba na magpapakita sa akin, Papa? Bibigyan niya rin ba ako ng kuwintas?" excited kong tanong.

Humalakhak si Papa. "Wala, anak. Pero tandaan mo ito, hindi sa lahat ng pagkakataon na tumulong ka ay may matatanggap ka na agad na kapalit. Tumulong ka lang ng bukal sa puso mo, huwag kang maghintay ng kapalit o premyo sa ginawa mo. Dahil darating din iyon ng kusa sa iyo. Minsan ay palaging dumarating ito sa hindi mo inaasahang pagkakataon. Gaya ng batang babae, hindi siya naghintay ng kapalit 'di ba? Kusa lang iyon na dumating. Kaya tumulong lang tayo at gumawa ng mabuti sa kapwa natin na walang hinihintay na kapalit. Nagkakaintindihan ba tayo?"

Humihikab akong tumango. "Opo . . . Papa," sagot ko bago tuluyang pumikit.

Ang kuwento ni Papa ang tumatak sa isipan ko kinabukasan. Kahit na nasa classroom na ako, iyon pa rin ang nasa isip ko.

Sino kaya ang tutulungan ko ngayon?

Awtomatikong gumuhit ang ngiti sa aking labi nang mag-ring na ang bell. Recess na!

Nilabas ko ang baon ko mula sa bag ko. Dalawang cheesecake at dalawang chuckie. Nagsilabasan na ang mga kaklase ko para bumili pero may naiwang isa sa pinakadulong row sa likuran na upuan.

Naningkit ang mga mata ko dahil hindi ko siya mamukhaan. Nang hindi ko talaga siya makilala ay dahan-dahan akong lumapit sa puwesto niya.

Ah, si Eulcrist pala.

Naramdaman niya atang papalapit ako kaya nag-angat siya ng tingin. "Bakit, Ciela Serene?" nagtatakang tanong niya.

Ngumuso ako nang marinig ang buong pangalan. "Wala ka bang baon, Eulcrist? Sa 'yo na lang 'to," nakangiting alok ko bago ko nilapag sa desk niya ang isang cheesecake at chuckie.

Mas lumawak ang ngiti ni Eulcrist kaya kitang-kita ko ngayon ang dimple niya sa kan'yang kaliwang pisngi. Kompleto rin ang mga ngipin niya, malinis ito, at mapuputi. Nakaka-inggit. "Talaga? Sa 'kin na 'to?"

"Yup!"

"Thank you, Ciela Serene! Lika samahan mo 'ko!" Pagtapik niya sa espasyo ng upuan niya. Ngumiti ako at nahihiya pang umupo roon.=

Habang kumakain kami ay naisip kong ngayon ko lang pala siya naka-usap at nakasama nang ganito katagal. Noon kasi ay nagtatanungan lang kami kung ano'ng page sa libro ang babasahin o 'di kaya'y tuwing manghihiram lang siya sa 'kin ng lapis o color.

Uwian na. Wala pa rin si Papa. Dapat sa ganitong oras ay nasa bahay na ako at kumakain ng pancit canton habang nanonood ng cartoons.

Wala na rin sina Ate Tali at Kuya Nehem. Sarado na ang classroom nila nang puntahan ko kanina. Tinanong ko rin kay Manong guard pero hindi niya raw napansin. Bakit nila ako iniwan? Nakalimutan ba nila ako? Nasaan na sila?

Kinamot ko ang nangangati kong binti. Puro pantal na ito at namumula na. Kanina pa ako kinakain ng lamok dito sa waiting shed. Wala naman akong pera para sumakay na lang ako ng tricycle o jeep papauwi.

Ayaw naman kasi ni Mama na magbaon ako ng pera. Palaging pagkain. Sabi niya 'pag nag-grade 6 na ako saka niya ako bibigyan ng pera. Eh, grade 2 pa lang ako ngayon. Matagal pa.

Dumidilim na. Wala pa rin si Papa. Ramdam ko ang takot at pangamba. Ako na lang ang naiwan dito sa waiting shed. Nasaan na sila? Ano'ng nangyari? Bakit wala sila?

Nangilid ang luha ko. Kumakabog ang dibdib ko sa hindi maipaliwanag na kaba. Paano na ako makakauwi nito? Kung maglakad na lang kaya ako?

Tumayo ako bitbit ang bag ko at nagsimula nang maglakad. Kaya ko naman. Kabisado ko ang daan pauwi. Hindi ako mawawala.

Dahil uwian na ng lahat marami akong nakakasabay na mga college, nurse, saleslady, at iba pang mga empleyado sa iba't ibang kumpanya. Kahit gabi na, maingay pa rin ang paligid. Isa-isa na ring namamatay ang mga ilaw sa mga tindahan at restaurant na nadaraanan ko. Abala ang kalsada sa dami ng mga jeep at sasakyang dumaraan. Sa kabila nga ay mukhang hindi na umuusad ang traffic. May ilang mga motor din na wagas kung makaharurot kaya halos nakadikit na ako sa gilid para lang maiwasan ito. Minsan ay napapadaing ako sa sakit tuwing naiipit ako ng mga malalaking tao na nakakasabay ko sa paglalakad. Halos tumakbo na ako sa hindi maipaliwanag na takot na nararamdaman ko. At sa isip ko ay hinihiling ko na sana makasalubong ko si Papa na hinahanap ako.

Nasaan na ba kayo, Papa?

Tumahimik ang paligid nang makapasok ako sa barangay namin. Halos kalahati ko na ang daan pauwi. Wala pa rin si Papa. Madilim na, buti na lang at may ilaw sa gilid ng kalsada. Napangiti ako at nakahinga nang maluwag nang makita ko ang tindahan nila Aling Glorya. Pero agad na nawala ang ngiti ko nang biglang may tumahol.

Bumilis ang pagtibok ng puso ko at tila binuhusan ako ng malamig na tubig. Pinagpapawisan ang kamay ko at nanginginig ang mga tuhod ko, para akong maiihi. Napatingin ako sa likuran. Malaking puting aso. Galit na galit ito. Mas lalong lumakas at nagngangalit ang mga tahol nito. Tumindi pa ang panginginig ng katawan ko at tila lalabas na ang puso ko sa bilis at lakas ng pagtibok nito, mas malakas pa ito ngayon kesa sa tahol ng aso na ngayon ay labas na ang mga pangil nito habang tumutulo ang kan'yang laway.

"Mama. . . Papa!" pag-iyak ko.

Palakas nang palakas ang tahol nito at mas lumapit pa sa akin! Hindi ko na alam ang gagawin ko! Namalayan ko na lang na kumakaripas na ako sa pagtakbo. Halos hindi ko na nga maramdaman ang inaapakan kong samento sa bilis ng pagtakbo ko.

"Aray! Mama!" Tila nayanig ang buong pagkatao ko nang maramdaman ko ang isa-isang pagbaon ng mga matutulis na ngipin sa maliit kong binti. Halos malagot na ang ugat ko sa leeg sa pagsigaw sa tindi ng sakit na nararamdaman.

Hindi ko na alam kung ano'ng nangyayari. Masyadong mabilis. Namalayan ko na lang na nakasakay na ako sa loob ng tricycle katabi si Eulcrist. Hindi ko rin alam kung bakit ko siya katabi at bakit nakasakay ako rito.

"Tahan na, Ciela Serene. Papunta na tayo sa ospital. Magagamot ka na," pang-aalo niya sa akin.

"Masakit . . ." paos kong sabi sa pagitan ng pag-iyak ko.

Wala pa rin sila. Wala si Papa. Wala si Mama. Wala si Kuya. Wala si Ate.

"Mabuti na lang at nakita ka kaagad ni Eulcrist, hija. Kung hindi, baka mas malala pa ang nangyari sa 'yo. Kumusta? Ano'ng nararamdaman mo?" tanong ng tatay ni Eulcrist matapos akong gamutin ng doktor at bakunahan.

"Medyo okay na po. Maraming salamat po."

"Gusto mo bang kumain?" tanong ni Eulcrist habang nakatingin sa akin na nakahiga ngayon sa kama.

Umiling lang ako pero hindi na bumalik ang tingin ko sa kan'ya dahil napako iyon sa isang kuwarto. Nakabukas ang pinto kaya kita ko kung sino ang nasa loob.

Sina Papa, Ate Tali, Kuya Nehem, at si Mama, na ngayon ay karga-karga ang bagong silang na kapatid namin. Nakangiti silang lahat. Masayang-masaya sila.

Nanganak na pala si mama. Kaya pala nakalimutan na nila akong sunduin sa school. Hindi rin ata nila napansin na wala ako.

-vidacarryon-

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro