CHAPTER 3
Chapter Three
Simula Ulo
"Bukas may event sa club, go ka?" nakangiting anunsiyo sa akin ni Valerie habang kumakain kami ng umagahan.
Pakiramdam ko'y lumiwanag ang buong paligid ng kusina namin dahil doon.
"Oo naman! Bukas lang ba? Wala na ba sa susunod pang mga bukas?" nakangisi kong tanong.
Humalakhak si Valerie sa taas ng katuwaan ko.
"Let's see. Bukas pa lang 'yong nasilip kong event, e, but I'll tell you when there's more."
"Thanks, Val! Kahit araw-araw pwede naman ako, kaya huwag mo akong kalimutan."
Bumagal ang pagnguya niya at hinarap ako nang maayos bago ibaba ang hawak na pandesal. There she goes again! Parang gusto ko tuloy mag-facepalm dahil alam kong sa nagbabadyang pagbukas ng bibig niya ay pagalit na naman ang kasunod para sa akin.
"Sky, hindi pwedeng araw-araw. May klase ka at paminsan ay kailangan mo rin ng pahinga."
Rumolyo ang mga mata ko at umiling na lang.
"I have no time for rest, Val. Alam mo namang pagkatapos na pagkatapos pa lang ng trabaho ko ay kailangan ko na ulit ng kasunod. Nonstop, kung pupwede." Huminga ako nang malalim at umayos na rin ng upo.
Naiisip ko pa lang ang pambayad ng utility bills ay parang gusto nang maiyak ng kaluluwa ko. Ang hirap maging mahirap, letse!
"You need to rest!" giit niya. "Hayaan mong ang mundo ang mag-adjust para sa 'yo!" nakangisi niyang dagdag na naging dahilan ng pagkunot ng noo ko.
"At paano?"
Humagikhik siya at tinapos ang isinubong pagkain bago ako muling sagutin.
"Like find a man. A rich one! Madali na lang 'yon sa ngayon lalo na dahil napakaganda mo. Hindi ka na mahihirapan! Sa university n'yo..." Nahinto siya sandali sa pagsasalita dahil sa pagkatuliro ko. "Huwag mong sabihing affected ka pa rin kay Jaxel kaya hindi ka muna magbo-boyfriend?"
Napanguso ako dahil sa binanggit niyang pangalan.
Affected pa nga ba ako? He's happy now, at ang dapat ko lang maramdaman para sa kanya ngayon ay purong tuwa. At least nasa tahimik na siya kasama ang asawa at magiging pamilya niya.
"Hindi naman sa affected, kaya lang magulo pa ang utak ko."
"Then stop thinking so much! Alam mo, pangarap kong umangat sa buhay, pero mas pangarap kong makita na kasabay kita kapag naaabot ko na 'yon. I only want what's best for you and for the kids. Ikaw ang pag-asa nila, kaya kung ako sa 'yo, simulan mo na ulit ang maghanap ng lalaking kaya kayong buhayin. Huwag ka nang masyadong ma-pride dahil sa totoo lang, kailangan mo naman talaga ng tulong. Kwarta, Sky...kwarta," mahaba niyang litanya.
Huminga ako nang malalim at tumango-tango na lang.
"Darating din ako diyan, Val. Sa ngayon, gusto ko lang kumita ng pera sa sarili kong pagsusumikap—"
Napatalon ako nang biglaan niyang hampasin ang lamesa namin. "Oh, God! Kailan ba talaga babalik ang Skyrene na kilala ko? Gusto ko tuloy komprontahin iyang si Jaxel na baka naiuwi niya ang totoong Skyrene Del Rio!"
Natatawa akong umiling sa kanya at maingat na iginapang ang aking mga kamay para hulihin ang kamay niyang nakahawak sa tasa ng kape.
"Valerie, ako pa rin naman 'to. Lahat naman dapat munang mag-move on, 'di ba? Si Jax kasi...siya lang ang totoo sa lahat..." bumuntong-hininga ako bago magpatuloy. "But it will not take that long for me to get over him, I promise...kahit na magulo naman ang utak ko ay gagawin ko pa rin naman talaga ang dapat para lang maiangat ang pamilya ko sa hirap. Malay mo, 'pag na-in love ulit ako, hindi ko na pakawalan."
Pinagdiin niya ang labi niya at inihawak ang isa pang kamay sa magkadaop naming palad. "Basta sa mayaman. Just be smarter this time, okay? Matalino ka at sobrang ganda! Lahat-lahat na ng magandang katangian ay na sa 'yo. Ang kulang na lang ay yumaman ka para sa mga kapatid mo. Just think about their future, lalo na't malapit nang grumaduate si Ramiel."
Napalunok ako nang wala sa oras dahil sa narinig.
Dapat ay maging masaya ako para sa kapatid ko, pero parang hindi ko naman kayang gawin ng buong-puso. Sa pagtatapos kasi ni Ramiel ay ibig lang sabihi'y mas lalaki na ang kailangan kong trabahuin para suportahan ang kanyang pag-aaral.
I nod slowly at that.
Matapos naming mag-almusal ay dumiretso ako kay Nana Mauricia para naman magbantay sa computer shop. I decide to skip school again. Dahil dalawa lang naman ang subject ko ngayon at mataas naman ang nakukuha kong grado ay panatag ako. Babawi na lang ako sa mga susunod na araw at lalong-lalo na sa mga recitation at quizzes.
"Sky, bakit ka nandito? Hindi ba't may pasok ka?" bungad ng babaeng may kulay puting buhok at medyo kulubot na mukha na nasa likuran ng counter ng maliit niyang computer shop.
Ngumiti ako at mabilis na umibis doon para mabigyan siya ng mahigpit na yakap.
"Nay, okay lang po. Wala ang professor namin ngayon," pagsisinungaling ko.
Ito lang talaga ang ayaw ko sa lahat. Iyong nagagawa kong magsinungaling sa kanya para lang hindi niya ako mapagalitan. Sa pagtapos ng yakapan namin ay hindi ako tinantanan ng mga mata niyang mapanuri.
"Basa yata ang panty at hindi natuyo. Ayun, walang naisuot kaya hindi nakapasok, Nay!" Humagikhik ako sa nasabi.
Nang marinig ko ang pagtawa ni Nana ay roon lang napanatag ang loob ko. Kay Valerie lang talaga ako nahihirapang magsinungaling, dahil hindi ko pa man nasasabi ang mga balak kong alibi ay nauuna na niyang nahuhulaan ang katotohanan.
Umupo siya sa tabi ko at marahang hinawakan ang aking buhok.
"Sky, basa pa itong buhok mo. Ito ang basa at hindi 'yong panty ng professor mo." Nahinto ako sa paggalaw at hinayaan siyang ibuhaghag ang buhok kong basta ko na lang itinali kanina pag-alis.
"Sinabi ko naman sa 'yo, palagi mo itong papatuyuin at huwag magtatali kapag basa pa. Sasakit ang ulo mo at baka magkakuto ka pa!"
"Nay naman," malumanay kong sambit.
Kung wala lang akong narinig na sumingit sa usapan naming dalawa ay baka naiyak na naman ako.
"Yuck, Sky! May kuto ka?"
Awtomatikong umikot ang ulo ko para lang lingunin ang mapangahas na nagsalita.
Rumolyo kaagad ang mga mata ko nang makita si Charles. Isa siya sa mga tambay ng computer shop ni Nanay Mauricia na wala nang ginawa kung hindi ang maglaro sa buong buhay niya kahit na malibag na!
Humagikhik si Nana pero ako ay nanatiling matalim ang titig sa kanya.
"O, e ano naman ngayon kung magkakuto ako, Charles? Kung mayro'n man, sisiguraduhin kong mas malinis pa sila sa 'yo, kaya huwag mo akong ma-yuck yuck! Ikaw ang depinisyon n'on, mahiya ka!"
Napanguso siya sa sinabi ko pero umirap lang ulit ako. Ang kapal ng mukhang makisali e hindi naman alam ang salitang ligo!
"Sige na, sige na! One hour nga," tamad niyang sabi.
Tumayo muna ako para ayusin ang computer na gagamitin niya. Ibibigay ko na sana sa kanya ang papel para sa password ng domain pero muli kong binawi nang makita ang mga batang nasa tabi ng computer na gagamitin niya.
"Subukan mong manuod ng bold kung gusto mong putulin ko 'yang ulo mo!"
Nahihiya siyang nagkamot ng ulo at tinanggap ang papel.
Hindi ko na napigilan ang tawa ko nang makita ang masayang mukha ni Nanay Mauricia.
"Gustong-gusto ko talagang narito ka Skyrene...iyang mga 'yan ay hindi ko kailanman napagsasabihan. Noong isang araw ay nanonood iyong anak ni Taho diyan, naku!"
Bumalik ako sa tabi niya at hinayaan siyang galawing muli ang buhok ko.
"Nay naman kasi, masyado kayong mabait sa mga 'yan. Hayaan n'yo, kapag may time ako, gagawa ako ng banned list at sisiguraduhin kong hindi na makakagamit ng mga computer 'yang mga 'yan!"
Tumango-tango si Nanay. "Tumalikod ka nga at kunin mo iyang suklay diyan sa drawer. Skyrene, sayang itong buhok mo kung hindi mo naman aalagaan."
"Nay, wala naman po akong panahon. Basta may buhok ayos lang," natatawa kong sabi.
Kinuha ko ang itim na brush at ibinigay sa kanya.
Balo na si Nanay Mauricia at walang naging anak. Isang kanto lang rin ang pagitan namin sa tatlong palapag na building na pag-aari niya.
Narito sa unang palapag ang computer shop na may labing-apat na computer. Sa pangalawa naman ay apat na kwartong paupahan at sa huli ay ang kanyang tirahan.
Simula bata pa lang ay kami na ni Valerie ang itinuring nitong mga apo. Siguro ay dahil sabik siya na magkaroon ng anak at nakikita niya kung gaano kami kahirap at kamalas sa mga naging magulang namin.
Kung pupwede nga lang magpalit ng magulang ay sisiguraduhin ko talaga na siya ang pipiliin ko.
"Ay hindi, anak. Ayusin mo ito. Simula ngayon ay hindi ka na pwedeng pumasok dito nang hindi maayos itong buhok mo. Sayang at napakaganda nito. Maraming gusto ng ganito kagandang buhok na gumagastos pa ng ilang libo, tapos ikaw papabayaan mo lang? Hindi. Ayusin mo."
Huminga ako nang malalim at tumango na lang.
Kung sabagay, tama naman siya at aminado akong nakalimutan ko na nga ang sarili ko para sa mga kapatid ko. Hindi ko naman gusto iyon pero sadyang wala lang akong choice.
Walong oras akong nagbantay ng computer shop at pagkatapos naman ay si Ramiel ang humalili sa akin.
Bago ako tuluyang umuwi ay dinaanan ko muna si Nanay sa itaas para magpaalam.
"Naroon na si Ramiel?" tanong niya habang hinahainan ako ng pagkain.
Ilang beses ko mang tanggihan ang mga pag-anyaya niya sa akin ng pagkain pero ni minsan ay hindi ko talaga magawa dahil sa pagiging mapilit niya.
"Opo. Siya na po ang magsasara. Huwag na kayong bumaba mamaya."
Ngumiti siya at naupo sa harapan ko.
"O sige, kumain na muna tayo bago ka umuwi tapos dalhan mo na rin ang mga kapatid mo."
"Naku, hindi na po, Nay. May pagkain naman po sa bahay. Si Rigel ang nagluto."
"Sige na at masisira lang ito ngayon. Isa pa, paborito ito ni Cassy at Zuben, hindi ba? May cake pa sa ref. Dalhin mo nang lahat para hindi masayang."
Tumango ako bilang pagsuko.
Ganito naman talaga kabait sa akin at sa aking mga kapatid si Nana Mauricia, pero hanggang ngayon ay nahihiya pa rin ako. Pakiramdam ko kasi ay umaabuso ako sa kabutihang loob niya.
Kung tutuusin ay kabilang siya sa mga taong itinuturing na kapamilya ng mga kapatid ko maliban kay Val. Si Cassy ang madalas na bumibisita sa kanya kapag walang pasok.
"Thank you, Nay! Mauna na po ako. Pupunta na lang ulit ako bukas pagkatapos ng klase." Ngumiti ako at niyakap na siya.
Tumango-tango naman ang matanda at tinapik ako sa balikat.
"Mag-iingat Sky, ha? At kapag may kailangan kayo ngayon, huwag na huwag kang mahihiya na magsabi sa akin. Okay?"
Pinagdiin ko ang mga labi ko at marahang tumango sa kanyang sinabi. "Salamat po."
Habang pababa ako sa hagdan ay hindi ko maiwasang maging emosyonal. Oo nga at matapang naman ako sa lahat ng bagay, pero ang ganito, parang ito na yata ang kahinaan ko sa lahat—ang makitang may mga taong nagmamalasakit sa akin at sa mga kapatid ko. Iyong mga taong kahit na walang obligasyon sa amin ay gusto pa ring tumulong.
Hindi man ako naging mapalad na magkaroon ng matitinong magulang, maswerte naman akong nakatagpo ng mga kaibigan at pamilya kung ituring.
Huminga ako nang malalim at inayos ang panibagong suot na hapit sa katawan. Ngayong gabi ang event na sinabi ni Valerie at kahit na sigurado akong aabutin 'yon ng madaling araw ay pumayag pa rin ako.
Makakatulog pa naman ako ng ilang oras at kung makakatakas ay pati sa klase matutulog na lang ulit ako.
"Para sa bills at pagkain!" napapailing kong bulong sa sarili habang diretsong naglalakad papunta sa bar area.
Lumiwanag ang mukha ni Valerie habang nakatuon sa gawi ko at hawak ang isang tray na may nakapatong na champagne.
"Thank God you're here! Ikaw na rito, ako na sa mga lasinggero dito sa baba," nagkukumahog niyang sabi at pagkatapos ay inginuso ang daan papunta sa itaas ng bar.
Tumango ako at nginitian siya.
"Sige na! Relax lang, ako na." Humalakhak na ako dahil sa amba niyang paghalik sa akin na tila naging lifesaver sa isang magulong sitwasyon.
Maingat kong inangat ang tray habang binabati ang mga kasama kong waitress. Maging ang mga lalaking pangiti-ngiti ay hindi ko rin pinalagpas.
Kumurap-kurap ako nang marating ko ang hagdanang mukhang babasagin ang disenyo. Sa ilang minuto kong paglalakad ay nangalay yata ang bibig ko sa kakangisi sa mga taong narito!
Mas malakas na hiyawan ang bumulagta sa akin nang tuluyan na akong makaakyat sa second floor ng Las Deux. Binasa ko ang card na nasa tray at mabilis iyong hinanap. Sa pinakadulong private room ang destinasyon ko.
Isa pa lang ang nagagawa ko ngayong gabi pero parang napagod na kaagad ako. Hindi naman ako napagod sa school kanina. Nakapagpahinga naman ako ng ilang oras bago dumiretso rito, pero parang pagal pa rin ang katawan ko.
Humugot ako ng malalim na paghinga nang matapat sa kulay gintong pintuan. Hahawakan ko na sana ang seradura ng magarbong pinto, pero madali kong nabawi ang kamay ko nang bumukas iyon dahil sa paghila ng kung sino galing sa loob.
Ipinaskil ko kaagad ang malawak kong ngiti nang salubungin ako ng mga matang mapanuri.
"Good evening!" magiliw kong sambit na nagpangisi sa lalaki.
"You're right on time!" Niluwagan niya ang pinto para bigyan ako ng daan.
Ilang mga babae ang naroon na galing sa aming bar. Nakita ko pa ang isang pinakabago sa kanila na katabi ang isang mukhang pinakamatanda sa grupo ng mga kalalakihan. How old is she again? Nineteen?
Walang alinlangan kong diniretso ang lamesang nasa ginta ng kwartong 'yon at inilapag ang dala kong alak.
Pinabaunan ko rin ng ngiti ang walong lalaking naroon kahit na iyong may mga kanya-kanyang babae sa tabi.
Inayos ko ang suot kong hanggang balikat at itim na wig at nagmamadali nang umalis, pero bago pa man ako tuluyang makalabas ay hinarangan ako ng isang lalaking siguro'y nasa late twenties.
"Hello!" nakangisi niyang sabi.
Imbes na matakot ay ipinilig ko ang ulo ko para matitigan siya nang mabuti pagkatapos ay nginitian siya pabalik. "Hi!"
His smile widens. Parang isang salita ko na lang ay may sasabog ng kung ano sa kanya. See how alcohol works?
Nabawasan lang ang ngisi ko nang makitang ibinabalik niya ang pagkakasara ng pinto.
"How about you stay here with us? May tatlo pa kaming lalaking parating, baka naman pwede ka? Wala na akong mapili sa baba e."
Tumaas ang gilid ng labi ko. Kung siguro'y baguhan lang ako ay baka matakot na ako, pero dahil sanay na akong makihalubilo sa mga taong ganito ay wala na lang sa akin.
"I'm sorry but I'm not available right now," pormal kong sagot.
I'm not available even after this shift! Lalo na sa ganito. Hindi sa pag-iinarte pero hindi ko pa yata kayang manatili sa ganito kasama ang mga lalaking kayang bilhin ang pagkatao ko.
Lumapit ako sa gawi niya at mas lalong nilawakan ang ngisi. Ganito ang mga gusto nila, iyong kumakagat ka sa landian.
"But maybe later..." malamyos na pagsisinungaling kong bulong sa tainga niya na dahilan ng ambang paghapit niya sa akin, pero mabilis ring natigil dahil sa marahas na pagbukas ng pintuan.
Lumakas ang hiyawan ng mga taong nasa loob partikular ng mga lalaki dahil sa tatlong bultong dumating.
Kahit na madilim ay hindi ko naiwasan ang pagkalabog ng puso ko, lalo pa nang makita ang unang pamilyar na mukha na pumasok sa loob.
Sila...
Mabilis ang pag-gilid ko para bigyan sila ng daan.
"Fucking Colton!" hiyaw ng naunang lalaki at agad na binati ang lalaking kausap ko.
Pinanuod ko silang mag-Englisan habang ramdam ko ang mas lalong pagbilis ng pagwawala ng puso ko.
Ito ang isa sa mga lalaking nakita ko noong isang araw sa magazine na dala ni Cassy sa kwarto ko! I just don't remember kung ito iyong Jacob o Asher?
Pumasok na rin ang pangalawa pero nang maisara ng pangatlong tao ang pintuan ay mas lalo akong napasiksik sa gilid.
Parang gusto ko na lang tawagin ang lahat ng santo ngayon at sabihing ilayo ako ngayon sa mga naglalakihang personalidad na ito!
Napayuko ako nang makita ang pagbaling ng huling lalaki sa akin matapos batiin ng lalaking kalbo.
Damn it!
"Uy, may mga order pa raw, kunin mo na," natatawang sabi sa akin ni Louvre.
Tumango-tango ako at sinubukang huwag makagawa ng atensyon na magpapabaling sa mga bagong-dating, pero sadya yatang kaakibat ko na ang malas dahil bago ko pa man maabot ang hawakan ng pintuan ay humarang muli ang lalaking huling pumasok sa lahat.
Napaatras ako at bumalik sa tabi ni Louvre.
Sa lahat ng nabasa ko sa magazine ay siya lang pinakatumatak sa utak ko.
How could I forget him?! Pasimple kong nilingon ang gawi niya.
Hindi man siya nakasuot ng pormal gaya noong una ko siyang nakita sa simbahan. Hindi man mamahalin gaya ng suot niya sa magazine pero hindi pa rin naubos ang pagkamangha ko ngayong nasa harapan ko na naman siya.
Oo nga at wala namang pangit sa mga nasa loob ng silid na ito, pero itong mga bagong-dating? Kapag nakita mo ay hindi mo maipagkakailang magkakadugo. Iyong kapag nakita mo ay maiisip mo na lang na unfair ang buhay. Unfair ang nasa itaas dahil hindi yata sila dapat ikumpara sa ibang normal na tao.
Parang mga Adonis na galing sa isang paraiso na narito lang para mambaliw ng mga babae! Wala sa sariling nakagat ko ang labi ko nang bumaba ang tingin ko sa kanyang kabuuan.
Simula ulo...hanggang paa.
Nasaan ang kapintasan ng isang ito? Saan?! Kailangan ko pa bang tanggalin 'yang suot niyang damit para makita kung mayro'n nga?
"That's Eros!" humahalinghing na bulong sa akin ni Louvre dahilan para magising ako sa pagkahibang ko.
Tumango-tango lang ako at hindi nagawang magsalita.
Paano ko gagawin 'yon kung hindi na tumigil ang bibig niya sa pagkukwento kung gaano kayaman ang pamilya nito? Habang nagsasalita siya ay muli kong nilingon ang mga bagong-dating.
Kahit iyong nauna na mukhang masungit at minsan lang kung ngumiti ay parang gusto mo na lang sunggaban kaagad! Iyong pangalawa naman na mukhang 'pag nginitian ka lang ay mawawala ka na sa sarili. Pero itong pangatlo...hindi ko alam kung bakit, pero siya talaga ang pinakagustong suriin ng mga mata ko.
Ipinilig ko ang ulo ko nang makita ang pag-alis ni Eros sa gawi ng pinto kasama ang lalaking kausap.
"'Yang si Jacob Delaney nakausap ko na minsan, kaya lang masungit. Si Asher naman, mas madalas yan sa Solandres! Itong si Eros Delaney, mukhang masarap talaga! And oh my God! Iyan ang mga tipo ko, Sky! Iyang tatlong magpipinsan na yan!" bulgarang hiyaw ni Louvre sa tainga ko.
Napakurap-kurap ako bago siya harapin. Mariin kong kinagat ang pang-ibaba kong labi para lang hindi siya mabara. Kanina ko pa siya gustong sungalngalin dahil wala naman talaga akong pakialam sa mga sinasabi niya.
Paano ako magkakaroon ng pake kung lahat ng sinabi niya ay alam ko na? 'Yong ibang sinabi niya mali pa!
"Eros Ziege Abreantes Vergara."
Nalaglag ang panga ni Louvre sa sinabi ko.
"'Yan ang full name niya. Vergara ang last name at hindi Delaney."
"K-kilala mo siya?!" hindi makapaniwala niyang tanong.
Imbes na sagutin ay ngumisi lang ako at tinalikuran na siya.
Skyrene Del Rio Vergara...ilang ulit iyong pumasada sa utak ko habang palabas ako sa silid na 'yon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro