Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

HOLE (Full Version)

HOW OUR LOVE ENDED
written by Endee (loveisnotrude)


ISANG TAO ang dahilan kung bakit bigla na lang naging ganito ang takbo ng buhay ko. Mula nang makipag-break siya sa akin, nahirapan na akong magpatuloy. Para bang literal kasi na gumuho ang mundo ko. Hindi lang din gabi, kundi pati sa araw ay walang tigil ang aking pag-iyak.

Gusto ko nang mag-move on.

Pero hindi ko alam kung paano magsisimula dahil sa bawat pagpikit ng aking mga mata at paglingon sa paligid, siya at siya lang ang nakikita ko. Iyong mga alaala na magkasama kami, walang sawang rumirehistro nang paulit-ulit sa aking isipan.

"Miss na miss na kita," bulong ko habang tinititigan ang picture naming dalawa sa aking cell phone. "Balik ka na, please . . ."

Habang pinagmamasdan ang mga ngiti namin, hindi ko maiwasang isipin kung saan ba naging mali ang relasyon namin.

Eight years.

Tatlong taon niya akong niligawan at limang taon naman kaming magkarelasyon. At kung kailan ise-celebrate na namin ang aming sixth year anniversary, saka naman nagkaganito.

Aminado naman akong hindi kami perpekto dalawa---lalo na ang relasyon namin. Nag-aaway rin naman kami. Nagkakatampuhan, nagkakaselosan. Pero mabilis lang din naman namin naaayos ang mga iyon. Sinisiguro kasi naming hindi kami matutulog hangga't hindi kami ayos dalawa.

Kaya nakakapagtaka na sa isang iglap, bigla na lang niya akong binitiwan. At hindi na raw siya sigurado kung mahal niya pa ako.

Nasa kalagitnaan ako ng pagre-reminisce nang matagpuan ko na lang ang sarili na dina-dial ang numero niya. Isang buwan na rin kasi nung huli kong narinig ang boses niya---at miss na miss ko na ito. Lalo na siya.

Miss ko na iyong presensya niya. Iyong mga yakap at halik niya. Iyong ngiti at bawat pagtawa niya. Iyong pagsabi niya sa aking . . . mahal kita.

"H-Hello?"

Ramdam ko ang kabang dumaloy sa aking katawan pagkarinig ng boses niya sa kabilang linya. Hindi agad ako makapagsalita dahil bigla ko na lang nakalimutan ang gusto kong sabihin. Isa pa, parang gusto ko na lang pakinggan ang boses niya.

"B-Bakit ka napatawag? Ayos ka lang ba?"

Mas lalo akong napaiyak sa huling tanong niya at dahil hindi ko na iyon napigilan, narinig ko na lang ang pagkataranta niya.

Nag-aalala pa rin siya sa akin.

"Uy, magsalita ka naman, o. May nangyari ba? B-Bakit ka umiiyak?"

"I miss you . . ."

Halos pabulong na ang pagkakasabi ko pero mukhang narinig niya naman dahil sa pagbubuntonghininga niya. Nakakabinging katahimikan din ang bumalot sa amin pagkatapos dahil hindi na siya nagsalita uli. Pero hindi niya rin naman pinuputol ang tawag kaya mukhang hinihintay niya pa ang sunod kong sasabihin.

Kaya buong lakas ko nang tinanong na, "Bakit ang bilis mo naman akong sinukuan?"

At kung gaano niya kabilis tinapos ang relasyon namin, ganoon din kabilis ang pagpatay niya ng tawag nang hindi man lang sinasagot ang tanong ko.

***

DALAWANG BUWAN na ang lumipas pero wala pa rin akong usad. Araw-araw at gabi-gabi pa rin akong umiiyak habang umiisip ng paraan kung paano ko ba siya mapapabalik sa akin. Kung paano mababalik iyong dating kami.

Katulad ngayon.

Nasa harap na naman ako ng bahay nila. Umaasa na, this time, magpapakita na rin siya sa akin.

Hindi naman ako palaging nandito. Hindi pa naman ako umaabot sa puntong iyon. Mga tatlong beses pa lang siguro mula nang makipag-break siya sa akin. At sa tatlong beses na iyon, hindi niya talaga ako hinarap.

Huminga ako nang malalim bago nagdesisyong pindutin na ang doorbell. Pero bago ko pa iyon tuluyang magawa, napatigil na ako dahil sa dalawang taong bumaba ng sasakyan na biglang huminto sa tapat ko.

Isa siya sa taong bumaba. Kasama iyong . . .

"Siya?" hindi ko makapaniwalang tanong.

Kasama niya lang naman kasi iyong taong madalas kong pagselosan na pilit niyang sinasabing kaibigan niya lang.

"A-Anong ginagawa mo rito?"

Hindi maalis ang tingin ko sa taong kasama niya. At mukhang napansin niya iyon dahil mabilis niya itong pinaatras at bahagyang itinago sa kanyang likuran.

Dahil doon kaya hindi ko na napigilan ang umiyak. "Siya ba?" muli kong tanong. "Siya ba iyong dahilan kaya ka biglang hindi naging sigurado sa atin?"

"Magkaibigan lang ka---"

Bago ko pa marinig ang pamilyar na dahilan niyang iyon, mabilis na akong nagsalita. "G-Gusto sana kitang makausap."

Ilang segundo rin kaming nagkatitigan bago niya hinarap iyong kaibigan niya at mukhang pinapauna nang pumasok sa loob. Pagkapasok nito, saka niya naman ako muling binalingan.

"Ano ba iyong gusto mong pag-usapan natin?"

Sa sobrang lamig ng tono ng kanyang pananalita, nagsisisi akong manipis na t-shirt lang ang suot-suot ko.

"M-Miss na kita . . ."

"Tapos na tayo. Wala na tayo, 'di ba? Kaya bakit mo pa rin ito ginagawa?"

"Mahal pa rin kasi kita."

"Ako kasi . . . hindi na, e."

Kahit ilang beses niya nang sinabi sa aking hindi niya na ako mahal, ganoon pa rin talaga ang epekto nito---masakit pa rin. Sobrang sakit.

Nang magsimula siyang maglakad, akala ko, papasok na siya sa loob at iiwan niya na lang ako rito sa labas. Pero laking gulat ko nang yakapin niya na lang ako sabay bulong ng, "Gusto ko lang mag-sorry dahil hindi ko na natupad ang pangakong hindi kita paiiyakin kailanman."

Dahil sa sinabi niyang iyon, naalala ko na naman nung nililigawan niya pa lang ako. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na parang nasayang lang ang tatlong taong paghihirap niya para makuha ako kung pakakawalan niya lang din naman pala ako sa huli.

Pero imbes na magsalita, pinili ko na lang na tumahimik at nilasap na lang ang mga yakap niya. Naisip ko kasing baka ito na ang huli. Na pagkatapos nito, tuluyan na talaga siyang mawawala sa akin.

***

TATLONG SALITA lang ang gusto kong paulit-ulit sambitin sa kanya.

You ruined me.

Gustong-gusto kong sabihin sa kanya ang tatlong salita na iyon pero, for some reason, hindi ko magawa. Hindi ko alam kung dahil ba umaasa pa rin akong babalik siya sa akin o ayaw ko lang talagang isumbat sa kanya ang bagay na pakiramdam ko, kasalanan ko rin---dahil pakiramdam ko kasi ay may ambag din ako sa pagkawasak ng aking sarili.

"Bakit ko ba kasi siya hinayaang gawin ito sa akin?" tanong ko sa sarili. At wala pang isang minuto nang matawa na lang ako dahil sa naisip kong sagot sa sarili kong tanong.

Kasi mahal ko siya. Mahal ko pa rin siya. Na kahit winasak niya, hindi lang ang puso ko kundi ako mismo, mahal na mahal ko pa rin siya. At sa mga pinagsasabi kong ito, mukhang mapapabilang na ako sa listahan ng mga taong nagpapakatanga pagdating sa pag-ibig.

Nasa kalagitnaan ako nang pagkausap sa sarili nang may maaninag akong pamilyar na pigura 'di kalayuan sa aking puwesto.

Dahil kasi nararamdaman ko nang masisiraan ako ng bait sa loob ng aking apartment, naisipan ko munang magpahangin saglit dito sa park na katapat lang ng building kung nasaan ang tinutuluyan ko. Kaya hindi ko inaasahan na makikita ko na lang siya dito.

Anong ginagawa niya rito? Ako ba ang pinunta . . .

At bago ko pa matapos ang tanong na nabubuo sa aking isipan, natagpuan ko na lang ang sarili na naglalakad palapit sa kanya. Nang tuluyan na akong makalapit, mukhang nabigla siya sa pagsulpot ko.

Bakit ganito na lang siya magulat? Nakalimutan niya na bang dito lang ako sa malapit nakatira kaya malaki ang posibilidad na makikita niya ako?

"I-Ikaw pala." Halatang pilit lang ang pagngiti niya dahil 'kita kong hindi ito umabot sa kanyang mga mata. "A, s-sige mauuna na ako."

"Puwede ba tayong mag-u---"

Hindi ko na natapos ang gusto kong sabihin dahil sa pagsulpot ng kaibigan niya sa kanyang tabi. Akala ko may sasabihin pa siya pero bigla niya---nila---na lang akong tinalikuran. At bago pa siya tuluyang makalayo, kumapit na ako sa laylayan ng jacket na suot-suot niya.

"Please . . ."

Umaasa akong pagbibigyan niya ako pero imbes na magsalita, sapilitan niya lang tinanggal ang mga daliri kong nakakapit sa suot niya. Pagkatapos saka sila dire-diretsong naglakad palayo.

"Lumingon ka, please. Kahit isang beses lang," mahinang bulong ko sa hanging kasalukuyang yumayakap sa akin.

Nang unti-unti na siyang mawala sa paningin ko kasabay ng hindi niya paglingon, doon na ako tuluyang naiyak.

At kung susuwertihin ka nga naman, mukhang gusto pa akong damayan ng kalangitan sa pagdadalamhati ng puso kong muli na namang nasaktan sa hindi na mabilang na pagkakataon.

***

APAT NA KAHON ang kasalukuyan kong pinagmamasdan sa mga oras na ito. Maliliit na kahon kung saan nakalagay ang mga bagay na nagpapaalala sa limang taong pinagsamahan namin.

May nakapagsabi kasi sa akin na itong gagawin ko ang isa sa mga makakatulong upang makapag-move on na ako. Kaya, heto, susubukan ko.

Binuksan ko ang unang kahon at tumambad sa akin ang mga movie tickets, balat ng kung ano-anong pagkain tulad ng candies at chocolates, at iba't iba pang "basura o kalat" sa mata ng iba pero may halaga talaga para sa akin. Sa pangalawang kahon, doon ko naman nakita ang mga regalo niya sa akin tuwing monthsary namin. Habang anniversary gifts naman niya ang nasa pangatlong kahon. Pagbukas ko nung pang-apat, hindi ko na napigilan ang luha nang makita ang mga love letters na ibinigay niya sa akin mula noong unang araw na niligawan niya ako.

Nagbuntonghininga muna ako bago kumuha ng isang sulat at saka ito binasa.

𝓟𝓪𝓻𝓪 𝓼𝓪 𝓹𝓲𝓷𝓪𝓴𝓪𝓶𝓪𝓱𝓪𝓵𝓪𝓰𝓪𝓷𝓰 𝓽𝓪𝓸 𝓼𝓪 𝓫𝓾𝓱𝓪𝔂 𝓴𝓸,

𝓐𝓵𝓪𝓶 𝓴𝓸𝓷𝓰 𝓷𝓪𝓴𝓪𝓷𝓰𝓲𝓽𝓲 𝓴𝓪 𝓷𝓪 𝓪𝓰𝓪𝓭 𝓱𝓪𝓫𝓪𝓷𝓰 𝓫𝓲𝓷𝓪𝓫𝓪𝓼𝓪 𝓲𝓽𝓸. 𝓗𝓮𝓹! 𝓗𝓾𝔀𝓪𝓰 𝓶𝓸 𝓷𝓪𝓷𝓰 𝓫𝓪𝔀𝓲𝓲𝓷. 𝓜𝓪𝓼 𝓫𝓪𝓰𝓪𝔂 𝓼𝓪 𝓲𝔂𝓸 𝓪𝓷𝓰 𝓷𝓪𝓴𝓪𝓷𝓰𝓲𝓽𝓲.

𝓝𝓪𝓰𝓹𝓪𝓹𝓪𝓱𝓲𝓷𝓰𝓪 𝓪𝓴𝓸 𝓷𝓰𝓪𝔂𝓸𝓷 𝓪𝓽 𝓫𝓲𝓰𝓵𝓪 𝓴𝓪 𝓷𝓪 𝓵𝓪𝓷𝓰 𝓼𝓾𝓶𝓾𝓵𝓹𝓸𝓽 𝓼𝓪 𝓪𝓴𝓲𝓷𝓰 𝓲𝓼𝓲𝓹𝓪𝓷 𝓴𝓪𝔂𝓪 𝓷𝓪𝓲𝓼𝓲𝓹𝓪𝓷 𝓴𝓸𝓷𝓰 𝓼𝓾𝓵𝓪𝓽𝓪𝓷 𝓴𝓪 𝓷𝓪 𝓵𝓪𝓷𝓰 𝓹𝓪𝓻𝓪 𝓼𝓪𝓫𝓲𝓱𝓲𝓷𝓰 𝓹𝓪𝓵𝓪𝓰𝓲 𝓴𝓲𝓽𝓪𝓷𝓰 𝓷𝓪𝓲𝓲𝓼𝓲𝓹—𝓪𝓽 𝓱𝓲𝓷𝓭𝓲 𝓪𝓴𝓸 𝓶𝓪𝓰𝓼𝓪𝓼𝓪𝔀𝓪𝓷𝓰 𝓲𝓼𝓲𝓹𝓲𝓷 𝓴𝓪 𝓷𝓪𝓷𝓰 𝓲𝓼𝓲𝓹𝓲𝓷.

𝓜𝓪𝓱𝓪𝓵 𝓴𝓲𝓽𝓪.

At iyong isang sulat, nasundan pa ng isa. Isa pa ulit. At ng isa pa. Hanggang sa namalayan ko na lang na halos mabasá ko na ang sandamakmak na sulat niyang itinago ko talaga---na kung hindi pa manlalabo ang aking mga mata dahil sa mga luhang kumawala, baka hindi ko na maiisipan pang tumigil hangga't 'di ko nababasa lahat ng sulat na nasa kahon.

"Bakit ba kasi kailangan pa nating maghiwalay?" tanong ko sa pagitan ng aking bawat paghikbi. "Bakit ba kasi kailangan mo pa akong iwan? Bakit ba hindi na lang naging tayo hanggang dulo?"

Nagsisisi tuloy ako na binalikan ko pa ang mga alaalang mananatili na lang talagang alaala. Mga alaalang malamang sa malamang, ako na lang ang may hawak. Dahil paniguradong kasabay ng pagbitiw niya sa akin noon, ang pagtapon niya na rin ng alaala naming dalawa sa kawalan.

At dahil hindi ko pa kayang gawin iyong sinabi sa akin na para maka-move on, dapat ko na raw i-let go lahat ng bagay na magpapaalala sa kanya at sa mga pinagsamahan namin, muli kong itinabi ang mga kahon sa kung saan ito orihinal na nakalagay.

May isang bagay lang akong hindi ibinalik: singsing.

Agad ko siyang t-in-ext pagkatapos isuot iyong promise ring sa aking palasingsingan na ibinigay niya pa sa akin noong mismong araw na sinagot ko siya. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko at nag-text pa talaga ako sa kanya kahit alam ko namang hindi na siya magre-rep---

Okay. Saan?

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko sa dalawang salitang reply niya na iyon. Pero hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at agad ko na siyang pinapunta sa lugar kung saan nagsimula ang kuwento naming dalawa.

***

LIMANG HAKBANG na lang at mapapalapit na akong muli sa kanya. Pagkatapos ng ilang buwan, malalapitan ko na ulit siya kahit na hindi ko inaasahang tutuloy at pupunta talaga siya rito.

"You came," nakangiti kong sabi sa kanya. "Akala ko . . ."

"I didn't come for you," mabilis niyang pagputol sa sinasabi ko. "Nagpunta ako rito para sa ibibigay mo sa akin. Ano ba iyon?"

Natigilan ako dahil doon. Pero mabilis din akong nakabawi at agad na sinabing, "Puwede ba tayong mag-usap muna saglit?"

"Please naman . . . Huwag na nating pahirapan pa ang isa't isa. Wala na tayo. Tapos na. Matagal na, 'di ba? Again, I came here because you told me you have something to give it to me. Kaya puwede bang ibigay mo na lang sa akin para tapos na?"

Nanatili lang akong nakatayo at nakatitig sa kanya habang sinusubukang iproseso ang bawat salitang sinabi niya. Pero limang salita lang talaga ang tumatak sa akin.

Wala na tayo. Tapos na.

Huminga ako nang malalim at mabilis na inabot ang kanan niyang kamay. At bago pa siya makapagprotesta, mabilis ko nang tinanggal ang suot kong singsing at saka nagsalita.

"Itong singsing na ito ang magiging simbolo ng pagmamahal ko sa iyo. Hinihiling ko na tanggapin mo ito bilang pangako na ikaw at ikaw lang ang mamahalin ko habambuhay. Gusto kong sa tuwing suot o makikita mo ito, maaalala at mararamdaman mo kung gaano ka kahalaga sa akin, at kung gaano rin kita kamahal," marahang sabi ko sa kanya bago tuluyang inilagay sa kanyang palad ang singsing na hawak ko. "That was the exact words you told me more than five years ago when you gave me that promise ring . . . here."

Pagkatapos kong bitawan ang kamay niya, mabilis ko namang pinunasan ang luha sa aking magkabilang pisngi bago siya muling binalingan.

"Sa totoo lang, hindi pa rin ako handang pakawalan ka. Kaya nga pilit ko pa ring pinagpipilitan ang sarili sa iyo, e. Kasi mahal pa rin kita. At sa tingin ko, kahit tapos na tayo katulad nang paulit-ulit na sinasabi mo sa akin, patuloy pa rin kitang mamahalin. Siguro naman, kapag ganoon ang ginawa ko, mauubos din iyong pagmamahal ko sa iyo, 'di ba?

"Pero kung hindi man mangyari iyon, ayos lang. Hindi naman kasi nakapangsisisi na minahal kita---na minamahal kita. At huwag kang mag-alala dahil susubukan kong hindi ka sisihin kung bakit naging ganito ang kinahantungan ng kuwento nating dalawa. Kasi alam ko namang minahal mo ako. For eight years, alam kong totoo iyong pagmamahal mo sa akin. Kaya nga nakakagulat na bigla na lang . . . bigla na lang . . ."

Hindi ko na matapos ang huli kong gustong sabihin dahil masyado na itong masakit para sa aking puso. Masyadong masakit tanggapin na kung saan pa nagsimula ang lahat, doon din pala ito magwawakas.


THE END

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro