Hope Shines On!
"Hindi ko alam kung maiiyak ako o matatawa eh."
Lumabas si Nena mula sa kanyang bahay, nakagayak na upang mag-roving sa maliit nilang barangay. Natuon naman ang pansin niya sa tres marias na maaga pang nagtsi-tsismisan sa labas ng kanyang bakuran.
Natutop niya ang bibig upang pigilan ang mapaklang tawa. Walang bubong ang lahat ng mga natatanaw na bahay, pinagtatangay marahil ng malakas na hanging dala ng dumaang bagyo kagabi. Nagkalat ang mga natumbang puno at mga poste ng kuryente sa paligid.
"Mada'm Tser! Good morning!" masiglang bati naman ng tatlo pagkakita sa kanya.
Sinuklian naman niya ng matipid na ngiti ang mga ito.
"Kamusta kayo?"
"Malungkot kasi magpapaskong walang bubong, pero siyempre, importante buhay pa rin tayo," walang-gatol na tugon ni Maria Uno.
"Paano na ang pasko natin sa Barangay Pag-asa, Kapitana?" nag-aalalang tanong naman ni Maria Dos.
"Tingnan ko muna 'yong sitwasyon ng mga totally-damaged at kung may casualty ba. Gagawan natin ng paraan ang pasko natin."
"Naku Mada'm, the best ka talaga!" puno ng kagalakang niyakap naman siya ni Maria Tres.
Pagdating sa barangay hall nakahanda na rin ang mga kagawad at mga tanod nila sa isasagawang paglilibot. Puno rin ng evacuees ang kanugnog na covered court nito.
"Celia, ikaw muna ang bahala sa mga evacuees natin, magsasagawa lang kami ng inspection. Pasko pa naman mamaya tapos ganito pa inabot natin." Naiiling na tinapik niya sa balikat ang babaeng kasalukuyang naghahalo ng miswa na may sardinas sa malaking kaldero.
"Kaya nga po, Kap. Ano na po 'yong sabi ni Mayor sa relief goods? Kawawa naman sila kung miswa at sardinas lang kakainin nila buong araw." Inginuso naman ni Celia ang mga residenteng nagtipon sa covered court ng barangay.
Napabuntung-hininga naman si Nena. "Ipagdasal na lang natin na maalala tayo ng syudad dito. Ito ang mahirap kapag laging nasa dulo ng hangganan. Sige, alis na muna kami."
Sumakay na siya sa canter truck kasama ang ilang kagawad at tanod. Sa kanilang pag-iikot, nakahinga siya ng maluwag sa kaalamang walang nawalang buhay sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo.
"Kap, hindi tayo makalabas papunta ng bayan. Tinabunan ng landslide 'yong kalsada." anang katabing driver. Didiretso na sana sila sa munisipyo upang humingi ng tulong.
"Julio, hindi ba kayang i-clearing 'yan bago matapos ang araw?"
"Naku, Kap, malabo po. Baka abutin tayo ng New Year diyan. Ang laki ng landslide, eh."
Naipilig ni Nena ang ulo at problemadong hinilot-hilot ang magkabilang sentido.
"Subukan na lang nating i-clearing 'to. Maraming pamilya ang umaasa sa maiuuwi nating relief goods."
Bumaba si Nena sa canter truck, nagsimulang maghatak ng mga nabaling sangang nakaharang sa kalsada. Nagsunuran naman sa kanya ang mga kasamang kagawad at tanod, nagtulong-tulong sila sa pagtanggal ng mga sagabal sa daan.
"Julio, pwede ba bumalik ka sa barangay, makisuyo ka sa kung sino pa ang pwedeng tumulong, makikihiram na rin ng equipment." pakiusap niya sa driver.
Maya-maya pa'y dumating rin ang karagdagang tulong, ngunit inabot na sila ng dilim at hindi pa rin naayos ang pinsalang dulot ng matinding landslide. Hindi pa rin madaanan ng sasakyan ang kalsada.
Nanlulumong napasalampak sa putikan si Nena. Nais lang niyang mabigyan ng kaunting saya ang mga taong naniniwala at umaasa sa kanya. Subalit binigo niya ang Barangay Pag-asa. Ito na marahil ang pinakamadilim na gabi sa tanang buhay niya. Halos wala na siyang maaninag sa buong paligid, kundi ang pusikit na liwanag mula sa iilang flashlights.
Isang tapik sa balikat ang nagpaangat ng tingin ni Nena.
"Kap, okay lang 'yan. Nag-effort naman tayo, kaso 'di talaga kaya. Uwi na lang muna tayo." Si Julio.
"Pero paano ang buong barangay natin?"
"Okay lang 'yan, Kap. Nung unang term mo nung 2008 wala pa namang kuryente dito sa Barangay Pag-asa. Noong 2009 ang unang pasko na nagpailaw tayo ng Christmas lights sa plaza dati. Nilaban mo pa nga kay Mayor na malagyan tayo ng poste ng kuryente dito."
Sa naalala ay nagpakawala ng malalim na hininga si Nena at tumayo na. Pumalakpak siya upang kunin ang atensyon ng lahat.
"Maraming salamat sa inyong lahat, bukas na lang natin ituloy ang clearing, umuwi na lang muna tayo sa mga pamilya natin." Isang mapait na ngiti ang namutawi sa kanyang mga labi.
Habang nasa daan pauwi, kapuna-puna ang katahimikan at kawalan ng ilaw sa mga nasalantang tahanan.
Hindi na rin yata sila nag-celebrate ng pasko. Sa loob-loob ni Nena. Ilang sandali pa'y iginupo na siya ng pagod at antok.
Naalimpungatan naman si Nena nang makarinig ng masasayang kantahan. Para bang may nangangaroling.
'Ang nagsindi nitong ilaw,
Walang iba, kundi ikaw
Salamat sa liwanag mo,
Muling magkakakulay ang Pasko.'
Pakiramdam ni Nena ay bumalik lang siya sa taong 2009. Hindi na niya mapigilan ang maluha habang pinagmamasdan ang mga nagkakasayahang tao sa loob ng nagliliwanag na plaza. Nanunuot sa ilong niya ang mabangong amoy ng nilulutong puto bumbong at bibingka.
Bumaba siya ng sasakyan at lumapit sa kasayahan.
"Kap, andyan ka pala." bati naman ni Julio.
"Paanong nagkailaw at nagkaroon ng handaan dito sa plaza?" nagtatakang tanong niya rito.
"Nilipad lang hangin 'yong mga bubungan ng bahay namin, pero siyempre may mga pang-noche buena naman kami kahit papaano. Dinala rin ng iba 'yong solar lights nila dito. Nagpasya na lang kaming lahat na dito na lang sa plaza mag-celebrate ng pasko, mas marami, edi mas merry ang Christmas natin. Siyanga pala Kap, nag-clearing din pala iyong mga taga-munisipyo, kararating lang nila kasama iyong mga kamag-anak natin sa malayo. Nasa barangay hall sila."
Nagliwanag ang mukha at napuno ng kagalakan ang puso ni Nena sa kanyang narinig. Sa kabila ng pagod, matulin niyang tinakbo ang distansya mula sa kinatatayuan at ng dalagang kanina pa nakamasid sa kanya. Inakala niyang isa lamang iyong aparisyon, dahil nanlalabo na rin ang paningin niya.
Sinalubong ni Nena ng isang mahigpit na yakap ang dalagang huli niyang nakasama labinlimang taon na ang nakararaan.
"Welcome home, anak."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro