Listen and Obey
Pangarap kong maging isang model balang araw, kaya naman palagi akong gumagamit ng mga pangpaputing sabon, pangpakinis, at kung ano-ano pang bagay na makatutulong upang mas mapaganda ang sarili ko.
Tuwing pag-uwi ko mula sa aming paaralan, pagkababa ko ng gamit, at pagkahubad ko pa lang ng sapatos ko ay tumutulong na ako kay Nanay na magluto, maghugas ng pinggan at kung ano-ano pang gawaing-bahay na maaari kong itulong sa kanya.
"Rina! hindi ba sinabi ko naman sa iyo na huwag na huwag kang magbabasa ng paa kapag kahuhubad mo pa lang ng sapatos mo! Hay nako! napakatigas talaga ng ulo mong bata ka!"
"'Nay naman, gusto ko lang naman na tulungan ka, mali po ba 'yon?"
"Kahit na anak! Dapat iniingatan mo ang katawan mo! maghapon kang nakasapatos tapos bigla kang magbabasa ng paa! Hindi mo ba naisip na baka mapasma ka at umurong 'yang ugat mo?"
"Sorry na 'nay!" Lumapit ako sa kanya at niyakap siya upang kumalma na at 'di na magdiwara pa "Nako ewan ko sa iyo! Ipagtimpla mo na nga lang ako ng kape ng ako'y matuwa manlang sa iyo!"
Laging gano'n ang pinagtatalunan namin ni nanay sa tuwing nababasa ang mga paa ko, hindi ko naman siya masisisi dahil kasalanan ko naman talaga, nakalilimutan ko kasi ang mga bilin niya, hanggang sa isang araw...
"Hoy Rina! Bakit hindi magsintaba ang mga binti mo? hindi naman dating ganyan 'yan 'di ba!" Bakas ang pag-aalalang puna ng t'yahin ko, kaya naman nagmadali akong pumunta sa harap ng salamin at tiningnan ang mga binti ko.
Awtomatikong tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko, kasabay ng paninikip ng dibdib ko ng mapagmasdang mabuti ang mga binti ko, hindi na nga ito magsintaba. Maraming salita ang pumasok sa isipan ko, takot na takot ako ng mga sandaling 'yon tila ba, nawala na ang lahat sa akin, pakiramdam ko'y gumuho ang mundo't mga pangarap ko ng mga sandaling iyon.
"Paano na ang pangarap ko? Ano na lang ang magiging tingin sa akin nang mga tao? Nakahihiya ang kalagayan ko! kaaawaan, pagtatawanan at pipintasan ako ng mga taong makasasalamuha ko, kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, Sana... nakinig na lang ako sa nanay ko! Sana... sinunod ko na lang ang mga payo niya!"
Patakbo Akong umuwi ng bahay at nagkulong sa kwarto ko, walang tigil sa pagluha ang mata ko ng mga sandaling iyon ang baba ng tingin ko sa sarili ko at para bang nawalan na ako ng gana sa lahat.
Kinabukasan, maaga akong ginising ng Nanay ko para pumasok sa paaralan.
"Ayokong pumasok 'nay!" nakapikit na sabi ko.
"Anak naman! hihinto na lang ba ang buhay mo dahil d'yan sa mga binti mo? Ang hirap kasi sa'yo hindi ka marunong makinig at sumunod! Bumangon ka nga d'yan! hindi naman tititigan ng mga tao 'yang binti mo!"
Kaya naman pinilit kong bumangon, at gumayak para pumasok. habang naglalakad ako papuntang silid aralan kumakabog ang dibdib ko, at natatakot na baka may makapansin sa binti ko... bukod kasi sa hirap na ako sa paglalakad ay bahagyang kumikirot ito, Gusto ko sanang mag t-shirt at pantalon na lang para itago ang mga binti ko, ngunit hindi naman ako papapasukin ng security guard kapag hindi ako nakasuot ng uniporme.
Lumipas ang mga araw at buwan, mas lalo akong nahihirapan sa aking paglalakad, nawalan na ako nang lakas ng loob, dahil pakiramdam ko, palagi akong pinagtitinginan at pinagtatawanan ng mga tao sa paligid ko, dahil sa mga binti kong hindi na magsintaba, kung kaya't labis kong pinagsisihan kung bakit hindi ako nakinig sa nanay ko.
Napahinto ako sa paglalakad at napatitig doon sa nakapaskil sa bulletin board, mayroon daw magaganap na pageant sa aming paaralan. Noon, madalas akong sumasali at nananalo sa ganitong klase ng patimpalak. Pero ngayon, hindi ko na kaya pang gawin 'yon. Natatakot ako na baka pagtawanan at kutyain lamang ako ng mga taong makapapansin sa mga binti ko, muling tumulo ang mga luha mula sa mga mata ko, Nang mga sandaling iyon awang-awa ako sa sarili ko, pakiramdam ko'y wala ng pag-asang matupad ang mga pangarap ko dahil sa nangyari sa akin.
"Rina ikaw ba ulit ang magrerepresent ng section ninyo para sa Miss Palaro?" nakangiting tanong ng aking guro.
"Maam, si Anna na lang po, nangako po kasi ako sa Nanay ko na magpopokus na ako sa akads."
"Akads ba talaga? O dahil diyan sa hindi mo magsintabang binti? Sabagay ako naman talaga ang dapat lumaban dahil bukod sa mas maganda ako sa iyo hindi ako iika-ikang tulad mo! " Nakangising sabi ni Anna dahilan kung bakit may ilan sa kaklase ko ang tumawa. Pero mas pinili ko na lang ang tumahimik. at ang pananahimik na iyon ang siyang pumapatay sa akin.
Pagkatapos ng aming klase, sinadya kong paunahin lumabas ang mga kaklase ko. Mag-isa kong binaybay ang daan patungo sa aming bahay ng nakayuko at hindi manlang makatingin sa mga tao sa paligid ko, ilang hakbang na lang at makauuwi na ako, ng mag-angat ako nang ulo, nakita ko sa harapan ko ang isang may edad na lalaki na naglalakad gamit ang saklay, putol ang isang paa niya, pero sapamamagitan ng saklay nakapagpapatuloy siya sa paglalakad.
Patakbo akong lumapit sa kanya at sumabay sa kanyang paglalakad. "Kumusta po kayo?" Tanong ko sa kanya "Mabuti naman ako, nakapagpapatuloy pa rin, sa kabila ng mga pinagdaanan sa buhay, uunahan na kita, hindi mo ako kailangang kaawaan ha, ayos lang ako" nakangiting sabi niya.
"Hindi naman po ako naaawa sa iyo, sa katunayan, humahanga nga po ako sa iyo! Alam mo po kuya, iyak ako ng iyak dahil hindi na magsintaba ang mga binti ko, awang-awa ako sa kalagayan ko pakiramdam ko'y gumuho na ang mundo ko, tapos nakita kitang naglalakad gamit ang saklay, habang tinitingnan kasi kita, parang binigyan mo ako ng lakas upang muling magpatuloy na parang walang-wala 'yong nararanasan ko kumpara sa pinagdaanan mo, na kung ikaw nga na kaya mo, tiyak na makakaya ko din! kakayanin ko."
"Alam mo hija, noong putulin ang paa ko dahil sa aksidente, walang araw, walang gabi akong hindi umiiyak, tapos sabi sa akin ng asawa ko...
"Hihinto na lang ba ang buhay mo dahil sa kapansanan mo? Paano ang pamilya natin kung palagi ka na lang magmumukmok? 'Di ba ang mahalaga naman buhay ka pa! At kasama ka pa namin ng mga anak mo, na kahit ganyan ka hindi ka namin ikinahihiya dahil mahal na mahal ka namin"
Pagkatapos no'n inabutan niya ako ng saklay at dahil dito, muli akong nakalabas ng bahay, nakapagtrabaho at nakapunta sa mga lugar na gusto kong puntahan.
Alam mo hija sa mundong ito, bihira lang iyong mga taong makatatanggap at maiintindihan ang kalagayan natin, Ikaw mismo ang unang tatanggap at mag mamahal sa sarili mo,para hindi kaman matanggapo mahalin ng iba alam mo sa sarili mo na may taong tumanggap sayo,yung sarili mo, pamilya at kaibigan. Dahil sa totoo lang mas maraming tao ang lalaitin ka at pagtatawanan ka dahil sa kalagayan mo,kaya dapat maging matatag ang loob mo, at kumapit lang sa Panginoon, ano ba ang silbi ng paa? 'Di ba para makatayo at makalakad lang naman? kahit hindi magsintaba ang mga binti mo, nakalalakad ka pa naman 'di ba? at iyon ang mahalaga!
"Salamat po!" Nag-uumapaw ang kaligayahan ko ng mga sandaling iyon pakiramdam ko'y nagkaroon akong muli ng pag-asa't rason upang muling magpatuloy sa buhay, nagbalik ng muli ang dati kong sigla, at ang masiyahin kong mukha. Hindi man ako makabalik sa nakasanayan kong gawin, hindi ako titigil tumuklas ng mga bagay na kaya ko pang gawin.
"Anak, ayos ka lang?" Nag-aalalang tanong ng aking ina ng sinalubong ko siya ng mahigpit na yakap nang makauwi ako ng aming bahay. "Opo 'Nay, ngayong araw kasi, ito ang pinaka masayang araw ko"
"Bakit? sinagot ka na ba ng crush mo?"
"Si nanay naman! 'Wag po kayong mag-alala dahil ako ang sasagot sa kanya!"
"Nako tumigil ka ngang bata ka! magtapos ka muna ng pag aaral ha!"
"Opo" nakangiting tugon ko saka muling yumakap sa kanya.
Minsan sa buhay, madalas pinagwawalang bahala lang natin, o hindi natin binibigyang pansin ang mga simpleng paalala, payo at bilin sa atin ng mga taong malalapit sa atin, Madalas hindi na rin natin napapansin ang mga mumunting pagbabago sa sarili natin at sa mga bagay o gawaing kinasanayan na nating gawin o dika'y paulit-ulit lang nating ginagawa, at naaalerto lang tayo kapag may malaki ng pagbabago sa atin o 'di kaya'y napahamak, o may masama ng nangyari sa atin, saka tayo magsisisi at manghihinayang sa mga panahong pinalampas lang natin... sa mga panahong sana sumunod na lang tayo, at ginawa kung anong mas makabubuti para sa atin.
Sa mga may ganitong kalagayan din, lakasan mo lang ang loob mo at palaging lumapit sa Diyos. At sana katulad ko, mapagtanto mo rin, kung ano nga ba ang mas mahalaga kapit lang ha! Hindi pa huli ang lahat!
WAKAS
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro