Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 7: Huling Yakap at Pagkakataon

KABANATA 7: HULING YAKAP AT PAGKAKATAON






"TEKA LANG, kami muna ni Katrina magse-selfie!"

Binangga ni Isabella ang mga kaibigan namin na nagpapa-picture kasama ako at walang pakundangan na kumuha ng litrato naming dalawa kahit hindi pa ako nakakapaghanda. Mabilis niyang pinindot ang screen ng cellphone niya kaya siguradong hindi maayos ang itsura ko ro'n.

Saglit akong sumimangot pero nginitian lamang niya ako bago ako hatakin ng iba naming mga kaklase. Nawala na sa paningin ko ang lalaking kanina lang ay nakatanaw sa akin mula mismo sa kinatatayuan ko ngayon sa baba ng stage.

"Isa pa," sabi ni Marga sa akin bago muling kumuha ng litrato naming dalawa gamit ang front camera ng cellphone niya. Nagbilang siya hanggang tatlo bilang paghahanda bago niya pinindot ang screen ng cellphone niya. "Congratulations ulit! Sayang dahil hindi na tayo magkasama sa college dahil magkaiba na tayo ng papasukang school," aniya.

Nakangiti ko namang tinanggap ang dalawang kamay niya.

"Magkikita pa rin naman tayo palagi dahil malapit lang ang bahay natin sa isa't isa. Tsaka for sure may iba pang gala na mase-set ang barkada natin kaya madalas pa rin tayong magsasama," tangi kong tugon bilang assurance. Ngumiti naman siya bago kami magbigayan ng mahigpit at mainit na yakap.

"Didiretso ka na ba kila Denice?" tanong ni Marga nang maghiwalay kami mula sa pagyayakap.

"Baka umuwi muna ako saglit sa amin para magbihis," saad ko. Tumango na lamang siya bago magpaalam na sasabay na kay Jhoanna at Artemis papunta sa bahay nila Denice.

May halos dalawang oras pa naman bago magsimula ang graduation party na iho-host ni Denice. Hindi na rin p'wede mag-back out ngayon dahil naka-oo na ako sa mga kaibigan at kaklase ko noon pa—wala rin naman akong dahilan para takasan ang huling party namin na magkakasama.

"Tara na?" Sinukbit ni mama ang kamay niya sa braso ko gaya ng nakasanayan.

Lumingon ako sa likuran ko at tanging mga non-teaching personnel na lang ng paaralan ang halos natira sa auditorium para linisin ang venue. Mangilan-ngilan na lang ang mga guro at estudyante na nasa auditorium para magpakuha ng litrato at saglit na mag-usap.

May ikinukwento si mama sa akin pero tila natulala ako sa pwesto kung saan ko huling nakita ang estrangherong tsuper ng jeep. Nang mapansin ni mama na hindi ako nakikinig sa kaniya, si papa naman ang kinulit niya hanggang sa makalayo na kami nang tuluyan mula sa auditorium ng paaralan.






KALAGITNAAN NA ng gabi pero maliwanag pa ang daan patungo sa bahay ni Denice kung saan gaganapin ang graduation party ng buong senior high school department.

Hinatid ako ni papa sa venue kasama si Isabella. Pareho naming tinapos ang pagme-makeup sa loob ng kotse habang bumabyahe.

Sakto namang paghinto namin sa tapat ng bahay nila Denice ay natapos na rin kami sa pagaayos.

"Thank you po sa ride!" ani Isabella kay papa nang makababa kami pareho. Ngumiti naman ako kay papa bago bumeso at binilinan na mag-ingat siya pauwi.

"Enjoy!" sabi pa ni papa bago niya paandarin palayo ang sasakyan.

Dinig na dinig ang malakas na tugtog na nagmumula sa loob ng bahay.

May ilan ding mga estudyante na nakatambay sa harapan at ang ilan ay namumukhaan ko. May ilan kaming binati habang naglalakad papasok, pero ang ilan ay hindi na namin na-entertain dahil hinahanap namin ang iba pa naming mga kaibigan.

May kalakihan ang bahay nila Denice kaya malakas ang loob niya na mag-imbita para sa party ngayong gabi. Sa pagkakaalam ko, ang pamilya ni Denice ang may pinakamalaking shares sa paaralan namin—doon din siya nakilala dahil isa siya sa pinakamayaman na estudyante sa school. Wala siyang hindi nakukuha.

Halata naman 'yon sa sobrang bongga at marangyang disenyo ng bahay nila.

Agaw atensyon ang malaking chandelier sa kisame, sa gitna ng salas kung nasaan halos ang lahat ng mga imbitado sa party na sumasayaw. Dim ang ilaw para ma-feel ang party pero at the same time para rin makita ng mga tao ang dinadaanan nila.

Tila nag-hire pa nga ng DJ si Denice para sa sounds.

Kung tutuusin, tingin ko ay mas maganda pa ang venue na ito kaysa sa nakaraang acquaintance party namin sa school.

Hawak-hawak ni Isabella ang pupulsuhan ko habang sinusuong ang karamihan ng mga tao. Iwas na iwas naman akong matamaan dahil natatakot akong madapa at mag-cause ng stampede gaya ng nangyari sa concert na dinaluhan ng tatlo naming mga kaibigan.

Maigi nang matuto sa nangyari.

"Isabella! Katrina!"

Napalingon kami sa matangkad na lalaking kumakaway sa amin mula sa 'di kalayuan kung nasaan kami. Nakita agad namin si Renald at ang iba pa na nakatayo paikot sa isang mataas na table. May mga nakalapag na drinks at ilang grapes do'n na nilalantakan nila Jhoanna at Marga. Walang upuan at pawang mga nakatayo sila palibot sa nakatayong lamesa.

"Kanina pa namin kayo hinihintay," sabi ni Artemis bago tumingin sa screen ng cellphone niya. "Ilang oras na lang magsisimula na ang main event, buti umabot pa kayo."

"Nasaan ang iba?" tanong ko habang hinahanap si Addy, Anthony, at Felipe.

"Kumuha pa ng mga maiinom," saad ni Renald. "Si Felipe susunod na lang daw. Ang alam ko nagpunta muna siya sa puntod ni Maureen."

Tumango naman ako.

Mabuti at hindi kami nadadanggi ng mga taong naglalakad maya't maya. Kung sakali man na matamaan nila kami, tiyak na baka mawalan kami ng balanse dahil sa pagkakatayo.

"Bakit naman kasi walang upuan? Nakakangalay," dinig kong mahinang reklamo ni Isabella habang marahang hinihilot ang sakong niya. Nang dumaan sa table namin si Denice ay mabilis siyang umayos ng tayo at ngumiti. "Ang laki-laki ng bahay tapos walang upuan."

Natawa ako sa huling hirit ni Isabella bago kuhain ni Denice ang atensyon naming lahat. Nawala rin ang malakas na tugtog at natahimik ang lahat ng tao bago tumingin sa harapan, sa isang mini stage kung saan nakatungtong si Denice ngayon habang may hawak na wine glass. Nakatutok din sa kaniya ang spotlight habang kapansin-pansing mas lalong dumilim ang buong lugar.

"Good evening, ladies and gentlemen. To my fellow graduates, classmates, friends, and to our beloved special guests who are with us tonight. Thank you for attending this little party to celebrate our final day in high school," pambungad na bati ni Denice bago maghiyawan ang lahat nang sabay-sabay. "Allow me to formally start this party by formally introducing you to my boyfriend, Silvester."

Naghiyawan muli ang lahat at ang pinakamaingay na grupo ay mula sa kabilang dako ng espasyo mula sa kinatatayuan namin. Mula ro'n ay may isang morenong lalaki na naglakad papunta sa stage kung nasaan si Denice. Marahil mga malalapit na kaibigan ni Denice at Silvester ang maiingay na tao mula sa table na 'yon.

Ngumiti si Denice at Silvester bago sila mabilis na humalik sa isa't isa sa harap ng madla.

"Kita mo nga naman. Gumawa pa talaga ng paraan para mag-iwan ng isyu bago tuluyang maghiwa-hiwalay," bulong ni Isabella kaya napalingon ako sa kaniya. "Parang kahapon lang nabalitaan ko na nakipaghiwalay si Silvester sa nobya niya na nasa kolehiyo, tapos ngayon may bago na. Mga lalaki nga naman." Umiling-iling si Isabella.

Napabalik ang tingin ko sa magkasintahan na agaw-atensyon dahil nakatutok sa kanilang dalawa ang maliwanag na ilaw. May ilan pang sinabi si Denice tungkol sa relasyon nila, pero dahil hindi ako interisado ay nanatili akong nakikinig sa chismis ni Isabella.

"The food will be served in a while. For the meantime, enjoy the music and the company of each other. I hope you'll have a night to remember!" huling sabi ni Denice bago niya itinaas ang wine glass na hawak niya.

Muling naghiyawan ang lahat at nagpatuloy ang malakas na tugtog. Saglit akong nagulat sa biglang pagbalik ng tugtog dahil sa matinding bass na nagmumula sa speakers na nasa bawat sulok ng venue. May lumabas din na usok kung saan na tila parte ng show kaya mas nakadagdag ito sa magandang production ng party, lalo pa nang magsimula nang umikot ang iba't ibang kulay ng ilaw sa lugar.

"Hi."

Napalingon ako sa nagsalita sa likuran ko.

"Hi," sabi ko bago ngumiti. "Kanina ka pa?"

"Since when they shared a toast," tugon niya, pertaining to Denice and Silvester na ngayon ay sumasayaw na at umiindak kasabay ng tugtog sa gitna ng mga kabigan at kakilala nila. "Drink?"

"Hindi ako umiinom ng alcohol," sagot ko bilang pagtanggi sa inaalok niyang babasaging baso sa akin na may lamang inumin.

"You mean hindi pa?" aniya bago mahinang tumawa. "'Wag ka magalala, soft drink lang 'yan."

Napangiti na lamang ako nang maabot ko na ang baso mula sa kaniya. Inamoy ko muna 'yon at nang masiguro na hindi nga alcohol ang laman no'n ay tsaka ko lang ininom.

"Congratulations nga pala sa successful admission for college," sabi ni Addy.

"Thank you," maikli kong tugon bago ngumiti.

Lumingon ako sa gawi ni Isabella pero ngayon ko lang napansin na wala na pala siya sa tabi ko. Maingat kong nilingon ang likuran ko at ang iba pang dako na nakikita ng mga mata ko para tingnan kung saan siya maaaring pumunta.

Nakita ko siya na naglalakad palayo kasama si Jhoanna. Pareho silang nakatalikod at may kalayuan na mula sa akin kaya hindi na nasundan ng mga mata ko kung saan sila nagpunta, lalo pa nang magkumpulan ang mga tao kay Denice at Silvester na patuloy pa rin sa pagsayaw at pagpapakitang gilas sa mga bisita.

"Aalis ka na agad bukas?" Nakuha ng malakas na boses ni Renald ang atensyon ko. Tila sinadya niyang lakasan ang boses niya para marinig siya ng kausap niya. Sa lakas kasi ng tugtog, imposibleng hindi magsigawan ang mga naguusap sa lugar.

"Oo. Kaya kailangan kong agahan ang uwi ko kasi lilipad na 'ko bukas," tugon ni Anthony.

"Grabe. Hindi mo man lang ba muna kami ililibre bago ka umalis? Padespedida ka naman diyan bago ka mangibang bansa!" ani Tyrese bago niya marahang hampasin si Anthony sa balikat nito. Pare-pareho naman kaming um-oo sa suhestyon ni Tyrese.

Natawa naman si Anthony bago siya akbayan ni Renald.

"Basta alam mo na kung anong size ng sapatos ko ah?" bilin ni Renald kay Anthony kaya mabilis na inalis ng huli ang kamay ni Renald sa mga balikat niya. "Oh kita mo 'to. Hindi pa nakakaalis ng bansa, para na agad others."

Natawa naman kaming lahat sa komento ni Renald.

"Kapag may nakilala kang Amerikano, ireto mo na agad sa akin. Basta boyfriend material at handa akong kunin mula sa bansang 'to, papatusin ko na," pahabol naman ni Marga kaya muli kaming nagtawanan. "Bakit kayo tumatawa? Seryoso ako! Gusto ko naman makaranas ng winter at makagawa ng snowballs."

Nagkwentuhan pa kami at nagtawanan bago dumating si Isabella at Jhoanna. Pasimuno ng asaran si Marga, Artemis, at Tyrese lalo pa't kuhang-kuha nila ang kiliti ni Renald at Anthony. Samantalang nanatili naman kami ni Addy na nakikitawa at hindi nakikisali sa asaran. Mahirap na't baka madamay pa sa pang-aasar ng tatlong babae.

"Saan kayo galing?" tanong ko kay Isabella nang tumabi ulit siya sa akin.

"Sa banyo. Bigla akong hinatak ni Jhoanna. Sabi ko nga dapat kay Marga o kay Artemis na lang siya nagpasama. Eh ang gaga, akala niya raw si Artemis ang sinukbitan niya ng braso," paliwanag ni Isabella kaya mahina akong natawa. "Late na niya na-realize no'ng nasa banyo na kami at maliwanag na, na ako ang nahatak niya."

Sa malayo, aakalain mo talagang si Artemis si Isabella dahil magkamukha ang likod nila. Siguro dahil halos parehas ang gupit at haba ng buhok nila kaya mapagkakamalaman mong sila ang isa't isa.

"Guys, selfie! One, two, three!"

Mabilis na kumuha ng pictures si Marga. Ilang beses din kumuha ng litrato si Isabella at dahil nasa magkabilang side si Marga at Isabella, palipat-lipat ang tingin naming lahat sa tuwing magbibilang silang dalawa para makasali kami sa mga kinukuha nilang picture. Sa huli ay hindi rin nakapagtimpi si Isabella at bigla na lang humatak ng dumadaang schoolmate namin para sa kaniya ipakuha ang larawan naming siyam.

"Send mo sa akin 'yang pictures!" sabi ni Marga kay Isabella.

"Send niyo rin sa akin!" ani Artemis.

"Ise-send ko na lang sa group chat natin para hindi na ako mahirapan," saad ni Isabella.

Lahat kami ngayon ay nakatingin na sa cellphone para abangan sa group chat namin ang mga pictures na kinuhaan ni Marga at Isabella.

"Kukuha lang ulit ako ng soft drinks," bulong ni Addy sa akin bago siya nagsimulang maglakad palayo kasama si Anthony. Dinala niya ang baso na pinag-inuman ko.

"Oh pak! Ang ganda ko rito!" sigaw ni Marga kaya may ilang mga estudyante na napatingin sa kaniya. Hindi niya alintana ang mga ito kaya natawa kami nila Tyrese sa reaksyon niya. "Paanong hanggang ngayon ay wala pa ring nabibihag sa gandang 'to?" dagdag pa niya kaya lalo kaming natawa ni Tyrese sa kaniya.

"Maganda ka nga pero takot ka naman sa commitments. Handa bang mag-commit 'yang mukha mo para sa isang relasyon?" hirit ni Artemis kaya marahan siyang sinabunutan ni Marga. Natawa naman si Artemis at niyakap si Marga. "Joke lang! Alam mo na, masiyadong mataas ang standards natin sa boys dahil hindi p'wedeng masayang ang ganiyang beauty."

"Heh!" suway ni Marga bago muling tumingin sa screen ng cellphone niya. Naningkit ang mga mata niya bago niya itapat sa mukha ni Artemis ang screen. "Bakit pala kandila profile mo? Sinong namatay?"

"Ha? Anong kandila?" tanong ni Artemis bago tingnan ang screen ni Marga. "Two months ago pa 'yang profile na 'yan. 'Di ba namatay 'yong tita ko? Nag-react ka pa nga diyan at nag-condolence."

"Ito ba 'yon? Bakit ito pa rin profile mo hanggang ngayon?" tanong ni Marga. "Tingnan niyo."

Ipinakita sa amin ni Marga ang screen ng cellphone niya kung saan nakikita ang profile ni Artemis. Black ang kabuuan ng profile at may kandilang nagaapoy sa gitna no'n.

"Baka naman hindi pa naglo-loading sa 'yo 'yong bago kong profile," sabi ni Artemis bago niya tunggain ang iniinom niya. "Parang naiihi ako," aniya bago ibaba ang wine glass na hawak.

Sakto namang nakabalik na si Addy at Anthony. Inabot ni Addy sa akin ang baso ko. Puno na ulit ito at may panibagong laman na soft drink.

"Meron daw fireworks display maya-maya sa labas. Pero better if lumabas na tayo ngayon para makapili tayo ng magandang spot," sabi ni Addy.

"Iihi lang muna ako, mauna na kayo," sambit ni Artemis pero nang maglalakad na siya, agad siyang pinigilan ni Marga.

"Mamaya ka na umihi. Baka hindi mo maabutan 'yong fireworks," sabi ni Marga kay Artemis.

"Samahan na lang kita mamaya 'pag tapos ng fireworks display," sabi naman ni Jhoanna.

"O siya tara, kaya ko pa naman pigilan," sagot ni Artemis bago siya nagpahatak kay Marga at Jhoanna.

Sabay-sabay na kaming naglalakad ngayon papunta sa labas, sa hardin ng bahay nila Denice. May mangilan-ngilang pamilyar na mukha akong nakita habang naglalakad kami. Ang ilan ay binati ako at ang ilan sa mga kasama ko, pero hindi na rin kami nakipagusap pa sa kanila dahil inuna naming makapunta sa garden.

Wala pa man ang fireworks display, may karamihan na ang tao na nandito. Kung sakaling hinintay pa namin na ianunsyo na may fireworks dito sa garden, malamang hindi na kami nakapasok dahil marami nang tao. Gayunpaman, hindi naman siksikan at may puwang pa rin kung sakali mang may lalabas ng hardin at babalik sa loob ng venue.

Tila sinadya ni Addy na tumabi sa akin para harangin ang mga naglalakad na bisita sakali mang madanggi ako ng mga ito. Lihim akong napangiti dahil sa ginawa niya.

"Eyes here, everyone!" Napatingin kaming lahat sa itaas, sa balkonahe ng ikalawang palapag ng bahay kung nasaan si Denice at Silvester kasama ang ilan sa mga kaibigan nila.

May mikropono na hawak si Denice kaya rinig na rinig namin ang boses niya. Nanatili pa rin ang malakas na tugtog mula sa loob.

"There will be a fireworks display in five minutes that will run for approximately ten minutes. Make sure to spend your time with your closest friends, besties, barkadas and tropas, and your boyfies and girlfriends as we approach this evening's highlight. Who knows when you'll meet one another again after tonight's party, right?" ani Denice mula sa itaas. Naghiyawan naman ang lahat ng kasama namin sa ibaba. "Para sa mga hindi pa rin umaamin diyan hanggang ngayon, this is your last chance! Malay niyo mag-work kayo sa college."

Lumakas lalo ang hiyawan at ang kabi-kabilang sigawan.

Sandali akong nawalan ng balanse sa mahinang pagdanggi ni Addy sa akin. Napatingin naman ako sa kaniya at sa katabi niya na si Anthony na mukhang may kagagawan sa pagtatama naming dalawa. Mukhang sinadya niyang itulak nang mahina si Addy sa akin.

Addy mouthed 'sorry' kaya ngumiti na lamang ako bago ibalik ang tingin sa itaas, kay Denice.

"Thirty seconds until the fireworks! Let's count down!" excited na sambit ni Denice.

Lahat kami ay napatingin na sa harapan. Maya-maya pa ay nagliwanag na ang buong kalangitan dahil sa iba't ibang itsura at makukulay na fireworks.

Kaniya-kaniya ang lahat sa pagkuha ng video at pictures. Hanggang sa magyakapan si Marga, Jhoanna at Artemis.

"Oy teka, pasali kami!" sabi ni Isabella bago ako hatakin. Wala tuloy akong nagawa kung hindi sumama sa yakapan nila, hanggang sa mamalayan ko na lang na magkakayakap na kaming lahat sa gitna ng karamihan ng tao. Dahil sa ginawa namin, ginaya na kami ng iba kaya habang nagliliwanag ang kalangitan, nagiiyakan naman ang mayorya sa amin.

"Walang makakalimot kapag college na tayo ha! Kukurutin ko talaga ng nailcutter ang hindi sasagot sa messages at invites ko!" umiiyak na sabi ni Marga.

Sa halos buong duration ng fireworks display, magkakayakap lang kami. Nang matapos ang fireworks, muling bumalik ang lahat sa loob at itinuloy ang party.

Nang bumalik kami sa loob, may kakaiba akong amoy na nalanghap sa hangin. Parang amoy gas pero hindi ko alam kung saan ito galing.

"Nasaan na sila Artemis?" tanong ni Marga sa amin nang makabalik kami sa table namin.

"Baka umihi na. Wala rin si Jhoanna e," sagot ni Tyrese.

"Eh si Renald at Tyrese?"

"Baka nagbanyo rin?" sagot naman ni Anthony.

Nanatili kaming nagkukwentuhan tungkol sa mga plano namin sa kolehiyo nang magpasama si Isabella sa akin sa labas. Tumatawag kasi ang mama niya at dahil maingay sa loob ng bahay, kinailangan namin lumabas at lumayo.

"Hello, Ma?" saad ni Isabella nang sagutin niya ang tawag. Nasa labas na kami ngayon at medyo malayo mula sa bahay nila Denice, pero tanaw pa rin naman mula sa kinatatayuan namin. May mangilan-ngilan ding nasa labas at ilan ay mukhang papauwi na.

Nanatili akong nakatingin sa bahay nila Denice. Doon ko lang mas na-appreciate ang itsura nito. Hindi ko man makita nang buo dahil may mga ilang parte nito na hindi natatamaan ng ilaw, sobrang ganda pa rin nito sa paningin ko.

Hindi rin nagtagal, binaba na ni Isabella ang tawag.

"Ano raw 'yon?" tanong ko sa kaniya.

"Tinatanong kung anong oras ako uuwi, as usual," aniya bago bumuga ng hangin.

Maglalakad na sana kami pabalik sa loob ng bahay pero pareho kaming napahinto at napatalon pabalik nang makarinig kami ng malakas na pagsabog.

Kasabay nito ang malakas na apoy at sobrang maitim at makapal na usok na nanggagaling sa loob ng bahay nila Denice.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro